Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 6/8 p. 12-15
  • Mga Katedral—Mga Bantayog Para sa Diyos o Para sa mga Tao?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Katedral—Mga Bantayog Para sa Diyos o Para sa mga Tao?
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ba ang Isang Katedral?
  • “Panahon ng mga Katedral”
  • “Magtatayo Tayo ng Isang Katedral na Pagkalaki-laki . . .”
  • Magastos Noon, Magastos Ngayon
  • Kung Paano Itinayo ang mga Ito
  • “Maling Priyoridad”
  • Isang ‘Pangalang Hindi Dapat Bigkasin’?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Kinulayang Salamin—Mula Noong Edad Medya Hanggang sa Modernong Panahon
    Gumising!—1991
  • Ang Simbahan ng Inglatera—Isang Nababahaging Sambahayan
    Gumising!—2001
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 6/8 p. 12-15

Mga Katedral​—Mga Bantayog Para sa Diyos o Para sa mga Tao?

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA PRANSIYA

SA Moscow, mistulang isang uri ng pagkabuhay-muli ang nangyari. Ang Christ the Savior Cathedral, na winasak ni Stalin noong 1931, ay muling itinayo, anupat ang mga ginintuang simburyo nito ay nangingintab sa papawirin ng Russia. Sa lunsod ng Évry, malapit sa Paris, nagawa na ng mga trabahador ang mga panghuling detalye sa kaisa-isang katedral na itinayo sa Pransiya noong ika-20 siglo. Naganap ito ilang taon lamang matapos ialay ang katedral ng Almudena sa Madrid. Hindi naman padaraig, ang New York City ay may katedral na pinanganlang St. John the Divine. Palibhasa’y itinayo sa loob ng mahigit na 100 taon, madalas itong tawaging St. John the Unfinished. Magkagayunman, ito ang isa sa pinakamalalaking katedral sa daigdig, na sumasaklaw sa mahigit na 11,000 metro kuwadrado.

Sa buong Sangkakristiyanuhan, ang naglalakihang mga katedral ay nangingibabaw sa tanawin ng maraming lunsod. Sa mga nananampalataya, ang mga iyon ay isang bantayog ukol sa pananampalataya sa Diyos. Maging ang mga di-nananampalataya ay maaaring magpahalaga sa mga iyon bilang mga likhang-sining o mga halimbawa ng kahusayan sa arkitektura. Gayunman, ang pag-iral ng mararangya at kadalasa’y napakamamahaling mga bahay na ito ng pagsamba ay nagbabangon ng mahahalagang tanong: Bakit at paano nga ba itinayo ang mga ito? Ano ang silbi ng mga ito?

Ano ba ang Isang Katedral?

Pagkamatay ni Kristo, inorganisa ng kaniyang mga alagad ang kanilang sarili upang bumuo ng mga kongregasyon, na ang karamihan sa mga ito ay nagtitipon sa mga pribadong tahanan. (Filemon 2) Sa loob ng maraming dekada, pinangalagaan ang mga kongregasyong ito ng espirituwal na “matatandang lalaki.” (Gawa 20:17, 28; Hebreo 13:17) Ngunit pagkamatay ng mga apostol, nagkaroon ng paghiwalay mula sa tunay na Kristiyanismo. (Gawa 20:29, 30) Nang maglaon, iniangat ng marami sa matatanda ang kanilang sarili sa iba at sila’y minalas bilang mga obispo na nangangasiwa sa maraming kongregasyon​—isang bagay na laban doon ay nagbabala si Jesus. (Mateo 23:9-12) Ang salitang Griego na ek·kle·siʹa, na noong una ay kumakapit sa mga Kristiyano mismo, ay ikinapit na rin noon sa kanilang dako ng pagsamba​—sa mismong gusali​—isang simbahan. Di-nagtagal at hinangad ng ilang obispo na magkaroon ng mga simbahan na nababagay sa kanilang ranggo. Sa gayon ay nabuo ang isang bagong termino na maglalarawan sa simbahan ng obispo​—ang katedral.

Ang terminong ito ay nanggaling sa salitang Griego na kathedra, na nangangahulugang “luklukan.” Kaya ang katedral ang siyang trono ng obispo, ang simbolo ng kaniyang kapangyarihan sa lupa. Mula sa kaniyang katedral ay nangasiwa ang obispo sa isang nasasakupan, ang bishopric (diyosesis).

“Panahon ng mga Katedral”

Noong 325 C.E., pormal na kinilala ng Konseho ng Nicaea ang pagtatalaga ng mga obispo sa mga lunsod. Ngayong suportado na ng Estadong Romano, ang mga obispo ay malimit na nanguha ng malalawak na lupain bilang regalo mula sa mga awtoridad. Inangkin din nila ang maraming dako ng pagsambang pagano. Nang gumuho ang Imperyong Romano, ang mga kaayusan ng simbahan ay nakaligtas at nangibabaw noong Edad Medya. Di-nagtagal, ang yugtong iyon ay naging “Panahon ng mga Katedral” ayon sa itinawag dito ng Pranses na istoryador na si Georges Duby.

Mula noong ika-7 siglo hanggang ika-14 na siglo, ang populasyon ng Europa ay dumami nang tatlong ulit. Ang pangunahing nakinabang sa malaking pagbabagong ito sa demograpiya ay ang mga lunsod, na lalong naging maunlad. Dahil dito, ang pinakamayayamang lunsod na sakop ng mga obispo ang naging pinakamaiinam na lugar para sa pagdami ng pagkalalaking katedral. Bakit? Sapagkat ang mararangyang proyektong ito ay magtatagumpay lamang kung saan patuloy ang pagpasok ng salapi!

Ang isa pang salik na nagpasigla sa pagtatayo ng mga katedral ay ang popular na pagpipitagan sa Birheng Maria at sa mga relihiyosong relikya. Ito’y sumulong nang higit kailanman noong ika-11 at ika-12 siglo. Pinalaganap ng mga obispo ang pagsambang ito, sa gayon ay pinalalawak ang popularidad ng kanilang mga katedral. Ang titulong Notre-Dame (Ating Ginang) ay pinasimulang ilakip sa pangalan ng mga katedral sa Pransiya sa panahong ito. “Aling bayan ang hindi nag-alay ng isang simbahan at kadalasa’y ng katedral nito para sa kaniya?” ang tanong ng ensayklopidiyang Katoliko na Théo. Sa gayon, ang katedral ng Saint-Étienne sa Paris ay inialay sa Notre-Dame. Ang katedral ng Notre-Dame sa Chartres, Pransiya, ang naging pangunahing santuwaryo sa hilagang Europa. “Walang sinumang indibiduwal​—kahit si Kristo Mismo​—ang nangibabaw sa buhay at kaisipan ng mga tagapagtayo ng mga katedral na kasinglubusan ng Birheng Maria,” ang sabi ng The Horizon Book of Great Cathedrals.

“Magtatayo Tayo ng Isang Katedral na Pagkalaki-laki . . .”

Ngunit bakit marami sa mga gusaling ito ang napakalalakí? Sing-aga ng ikaapat na siglo, ang mga katedral ng Trier, Alemanya, at Geneva, Switzerland, ay nakasasakop sa napakalalawak na lugar, sa kabila ng waring maliliit na bilang ng mananamba. Noong ika-11 siglo, hindi napuno ng populasyon ng Speyer, Alemanya, ang napakalawak na katedral nito. Kaya naghinuha ang The Horizon Book of Great Cathedrals na ang “laki at karangyaan [ng mga katedral] ay nagsiwalat ng ilang motibong lubhang di-relihiyoso.” Kabilang sa mga ito ang “mapagmapuring pagmamataas ng obispo o abbot na siyang tumatangkilik sa pagtatayo ng gusali.”

Noong ika-12 at ika-13 siglo, ang katamtamang taas ng mga katedral ay 100 metro, anupat sinisikap na ang taas ay maging kasukat ng haba nito. Ang katedral ng Winchester, sa Inglatera, na may haba na 169 na metro, at ang Duomo ng Milan, sa Italya, na 145 metro naman, ay namumukod-tangi. “Magtatayo tayo ng isang katedral na pagkalaki-laki anupat iisipin ng mga makakakita nito kapag natapos na na tayo’y nababaliw,” ang pahayag ng isang Kastilang opisyal ng simbahan sa Seville noong 1402. Sa katunayan, ang katedral ng Seville ay sinasabing ang pangalawa sa pinakamalaki sa daigdig, anupat ang matayog na bobeda nito ay may taas na 53 metro. Ang tulis ng tore ng katedral ng Strasbourg sa Pransiya ay may taas na 142 metro, na kapantay ng isang 40-palapag na gusali. Noong ika-19 na siglo, ang tore ng istilong-Gotiko na katedral ng Münster sa Ulm, Alemanya, ay umabot sa 161 metro, anupat naging ang pinakamataas na toreng bato sa daigdig. “Hindi maipagmamatuwid ng anumang kahilingan sa pagsamba ang gayon katitinding pagpapakalabis,” ang giit ng istoryador na si Pierre du Colombier.

Noong ika-12 at ika-13 siglo, sinamantala ng mga tagapagtaguyod ng mga katedral ang isa pang ‘motibong di-relihiyoso’​—ang patriyotismong makalunsod. Sinasabi ng Encyclopædia Britannica: “Ang mga bayan ay nagpaligsahan sa pagtatayo ng pinakamatayog na katedral.” Ginamit ng mga konsehal ng bayan, mga mariwasang mamamayan, at mga samahan ng manggagawa ang mga katedral bilang mga simbolo ng kanilang lunsod.

Magastos Noon, Magastos Ngayon

Inilarawan ng isang manunulat ang mga proyektong pagtatayo ng katedral bilang “walang-katapusang paggasta ng katakut-takot na salapi.” Kung gayon, paano tinustusan noon ang mga gusaling ito​—na maging sa ngayon ay minamantini sa kabila ng tumataas na halaga ng mga gastusin? Sa ilang kaso, mga prelado, gaya ni Maurice de Sully sa Paris, ang tumustos sa mga ito mula sa sarili nilang bulsa. Kung minsan, mga pinuno ng gobyerno, gaya ni King James I ng Aragon, ang bumalikat sa gastusin. Ngunit sa pangkalahatan, ang kita ng diyosesis ang ipinantustos sa mga katedral. Kalakip sa salaping ito ang mga buwis ng mga mamamayan at ang kita mula sa ari-arian. Sa katunayan, ang Obispo ng Bologna sa Italya ay may 2,000 lupain! Idinagdag pa rito ang kita ng relihiyon sa mga abuloy, indulhensiya, at multa para sa mga kasalanan. Sa Rouen, Pransiya, yaong mga bumili ng karapatang kumain ng mga produktong galing sa gatas kapag panahon ng Kuwaresma ang siyang gumastos sa tinatawag na Butter Tower (Tore ng Mantikilya) ng katedral.

Ang ilang indibiduwal na nag-abuloy ay lubhang bukas-palad, at pinarangalan sila sa pamamagitan ng paglalagay ng kanilang mga larawan sa mga bintanang stained-glass at mga eskultura ng simbahan. Maliwanag na ang simulain ng lihim na pagbibigay ng Kristiyano ay nalimutan. (Mateo 6:2) Kailangan ang patuloy na pagpasok ng salapi, yamang madalas na ang gastusin ay higit sa tinayang gugugulin. Hindi nga kataka-taka na ang sigasig sa paglikom ng salapi ay madalas na humahantong sa pang-aagaw ng ari-arian at pangingikil. Halimbawa, madalas na kalakip sa akusasyong erehiya ang pagkumpiska sa mga ari-arian ng isa. Pinaging posible nito ang pananamsam mula sa tinatawag na mga erehe, gaya ng mga Cathar, at ito ang ipinantustos sa ilang proyektong pagtatayo ng simbahan.a

Sabihin pa, kinailangan ang patuloy na panggigipit mula sa simbahan upang patuloy na pumasok ang salapi. Hindi kusang-loob na naudyukan ang taong-bayan​—gaya ng pag-aangkin ng ilang istoryador​—upang magtayo ng gayong mga gusali. Sinabi ng istoryador na si Henry Kraus: “Bagaman ang Edad Medya ay isang napakarelihiyosong panahon, hindi pagtatayo ng mga simbahan ang pangunahin sa mga tao.” Dahil dito, tinutuligsa ng maraming istoryador ang simbahan dahil sa pagkamaluho nito. Inamin ng The Horizon Book of Great Cathedrals: “Ang salaping ginugol ng simbahan para sa pagtatayo ay maaari sanang ginamit sa pagpapakain sa mga nagugutom . . . o sa pagmamantini ng mga ospital at paaralan. Kaya masasabi na ang mga katedral ay binuwisan ng daan-daang libong buhay ng tao.”

Kung Paano Itinayo ang mga Ito

Ang mga katedral ay patotoo ng pagkamalikhain ng tao. Talagang nakamamangha na ang gayon kalalaking gusali ay itinayo sa pamamagitan ng sinaunang teknolohiya. Una, ang detalyadong mga plano ng gusali ay iginuhit. Sa tibagan ng bato, ginamit ang mga padron upang tiyakin ang pagkakapare-pareho ng mga pampalamuti at ang tamang sukat ng mga bloke ng bato. Ang mga bloke ay maingat na minarkahan upang ipakita ang eksaktong paglalagyan ng mga ito sa gusali. Ang paghahakot ay lubhang mabagal at magastos, ngunit sa kabila nito, ayon sa Pranses na istoryador na si Jean Gimpel, ‘sa pagitan ng 1050 at 1350, ang Pransiya ay tumibag ng mas maraming bato kaysa sa sinaunang Ehipto.’

Sa mismong lugar na pinagtatayuan, ang mga nagtatrabaho ay nakagawa ng kahanga-hangang mga bagay sa pamamagitan ng paggamit ng sinaunang kasangkapang pambuhat noong panahong iyon​—mga pulley at hoist, na madalas ay pinatatakbo ng mga lalaking naglalakad sa mga treadmill na kahoy. Ang mga pormula sa matematika na ginagamit ng mga inhinyero sa ngayon ay hindi pa kilala noon. Ang mga tagapagtayo ay kinailangang bumatay sa likas na talino at karanasan. Hindi kataka-taka na maraming malulubhang sakuna ang nangyari. Halimbawa, noong 1284, napasobra ang laki ng mga bobeda ng katedral ng Beauvais, sa Pransiya, at gumuho ang mga ito. Gayunman, ang mga naimbentong kayarian gaya ng mga tukod (buttress), mga tukod na de-arko (flying buttress), liston sa bobeda (rib vaulting), at mga taluktok (pinnacle) ay nagpasulong nang malaki sa gawain ng mga tagapagtayo.

Ang pagtatayo ay tumagal nang mula 40 taon para sa pinakamabilis (Salisbury, Inglatera) hanggang sa ilang siglo. Ang ilan, gaya ng mga katedral sa Beauvais at Strasbourg, Pransiya, ay hindi kailanman natapos.

“Maling Priyoridad”

Ang ‘magaganda at sa gayo’y magagastos na gusali’ na ito, gaya ng paglalarawan ni Pope Honorius III, ay naging sanhi ng kontrobersiya mula sa pasimula. Ang ilang kaanib sa simbahan ay nagbangon ng pagtutol sa pagtatayo at sa napakaraming salaping ginugugol. Si Pierre le Chantre, isang prelado ng Notre-Dame de Paris noong ika-13 siglo, ay nagpahayag: “Kasalanan ang pagtatayo ng mga simbahan gaya ng ginagawa sa kasalukuyan.”

Maging sa ngayon, ang katedral sa Évry, bilang halimbawa, ay pumupukaw ng mainit na pagbatikos. Gaya ng iniulat ng pahayagang Pranses na Le Monde, nadarama ng maraming tao na ang mga katedral ay nagpapabanaag ng “maling priyoridad” at na ang mga simbahan ay “dapat mamuhunan sa mga tao at sa pag-eebanghelyo sa halip na sa mga bato at palamuti.”

Walang alinlangan na marami sa mga nakibahagi sa pagtatayo ng napakalalaking gusaling ito ang may taimtim na pag-ibig sa Diyos. Malinaw na sila’y may ‘sigasig sa Diyos,’ ngunit “hindi ayon sa tumpak na kaalaman.” (Roma 10:2) Hindi kailanman ipinahiwatig ni Jesu-Kristo na ang kaniyang mga tagasunod ay magtayo ng magagarbong bahay ng pagsamba. Pinasigla niya ang mga tunay na mananamba na “sumamba sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:21-24) Sa kabila ng kagandahan ng mga ito, ang napakalalaking katedral ng Sangkakristiyanuhan ay salungat sa simulaing iyon. Maaaring ang mga ito’y mga bantayog nga para sa mga tao na nagtayo ng mga ito, ngunit nabigo ang mga ito na luwalhatiin ang Diyos.

[Talababa]

a Tingnan ang artikulong “Ang Mga Cathar​—Sila ba’y mga Kristiyanong Martir?” sa Setyembre 1, 1995, isyu ng Ang Bantayan, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova, pahina 27-30.

[Larawan sa pahina 13]

Katedral ng Santiago de Compostela, Espanya

[Mga larawan sa pahina 15]

Pinakaitaas: Ang mistulang-rosas na bintanang stained-glass ng Notre-Dame, Chartres, Pransiya

Itaas: Detalye ng isang tagatabas ng bato, Notre-Dame, Paris

[Larawan sa pahina 15]

Ang katedral ng Notre-Dame na itinayo noong ika-12 siglo, sa Paris

[Larawan sa pahina 15]

Loob ng katedral ng Notre-Dame, sa Amiens. Ito ang pinakamalaking gusali ng relihiyon sa Pransiya, na may mga bobeda na 43 metro ang taas

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share