Pagmamasid sa Daigdig
Pitumpu’t Siyam na Milyong Babae ang “Nawawala”
Isang surbey na tinustusan ng UN sa “India, Pakistan, Bangladesh, Nepal, Sri Lanka, Bhutan at sa Maldives ang nagsabi na mga 79 na milyong babae ang ‘nawawala sa Timog Asia’ dahil sa pagtatangi laban sa mga babae, kapuwa bago at pagkatapos isilang,” sabi ng ulat ng Reuters. Ang mga babae ay “nawawala” dahil sa mga aborsiyon at gayundin sa “pagpaslang sa mga sanggol at pag-una sa mga lalaking sanggol sa pamamahagi ng pagkain sa rehiyon.” Ang huling nabanggit ay sinasabing nagpapatuloy hanggang sa pagiging adulto, anupat nagbubunga ito ng malulubhang suliranin sa nutrisyon para sa kababaihan. May “matataas na bilang ng kamatayan sa mga kabataan at nakatatandang mga babae sa mga taon na maaari na silang magdalang-tao,” sabi ng ulat. Ang bilang na 79 na milyon ay salig sa katotohanan na mayroon lamang 94 na babae sa bawat 100 lalaki sa rehiyon, samantalang sa buong daigdig ang katumbasan ay 106 na babae sa bawat 100 lalaki.
Binuksan Na ang Pinakamahabang Tunel na Daan
Ang pinakamahabang tunel na daan sa daigdig ay binuksan na sa Norway, ulat ng pahayagang Frankfurter Allgemeine Zeitung. Ang Laerdal Tunnel ay 24.5 kilometro ang haba at nag-uugnay sa dalawang pinakamalaking lunsod ng Norway, ang Oslo at Bergen. Bago nito, kailangang pumili ang mga drayber ng kotse alinman sa paliku-likong daan sa gilid ng bundok at sa isang paglalakbay na nakasakay sa isang ferry patawid sa isang fjord. Lubhang binigyang-halaga ang seguridad sa loob ng bagong tunel. Ito ay may lugar na mapaglilikuan ng sasakyan sa bawat 500 metro, may malalaking bentilador na hindi tinatablan ng apoy at nakapagtataboy ng usok at nakalalasong mga gas palabas sa isang daanan ng hangin, at napakamodernong mga sistemang pangkagipitan. Dahil maraming tao ang takot sa mahahabang tunel, hinahati ng malalaking plasa ang Laerdal Tunnel sa apat na bahagi. Ang mga pader ng mga plasang ito ay tinatanglawan ng mga ilaw na kulay-asul upang magmistulang may liwanag ng araw at may sariwang hangin. Gayunman, ipinakita ng isang surbey na 25 porsiyento ng mga taga-Norway—na matatakutin sa mga aksidente o sa sunog—ang hindi daraan sa tunel.
Nagbalik sa Israel ang mga Hayop na Nanganganib Malipol
Muling naglilitawan ang maraming hayop na nawala sa Israel, ang sabi ng isang artikulo sa pahayagan ng Israel na Haaretz. Makikitang muli ang mga chakal at pangkat ng mga lobo sa Negeb at sa Golan Heights. Ayon sa huling pagbilang, ang bilang ng mga agila sa hilagang Israel ay tumaas tungo sa 450. Nakakita pa nga ng isang leopardo sa Galilea. Pinaniniwalaan na ang mga leopardo ay nalipol na sa rehiyong ito, at ang mga lobo ay nanganganib na ring malipol. Ngunit ngayon, nagbalik na ang mga maninilang ito, at gayundin ang kanilang mga sinisila—mga antilope, maiilap na kambing, at mga usa. Bagaman ang ilang hayop ay kusang nagbalik, ang iba naman ay ibinalik sa kanilang dating tirahan. Kalakip dito ang maiilap na asno; mahigit sa 100 ang gumagala-gala na naman sa Negeb.
Higit na mga Kapakinabangan ng Pagpapasuso
“Nais mo bang pataasin ang IQ ng iyong sanggol?” tanong ng magasing Psychology Today. “Maaaring ito’y kasindali lamang ng pagpili sa gatas ng ina sa halip na gatas na nabibili sa tindahan.” Dalawang fatty acid na likas na nasa gatas ng ina—ang docosahexaenoic acid (DHA) at ang arachidonic acid (AA)—ang tila may epekto sa pagsulong ng sistema ng nerbiyo. Ipinakita ng mga pagsubok na “ang mga batang natustusan ng kapuwa DHA at AA ay mas mahusay kaysa sa iba pang mga grupo pagdating sa memorya, pagkukuwenta at kakayahang magsalita,” sabi ng magasin, anupat ipinakikita na ang likas na gatas ng ina ang pinakamagaling.
“Isinisiwalat din ng pagsasaliksik kung bakit lubhang nakahihiligan ng mga tao ang mga pagkain ng kanilang kultura,” sabi ng magasing Science. “Naipamamana ng mga babaing uminom ng katas ng karot sa panahon ng pagdadalang-tao o pagpapasuso ang pagkahilig sa mga karot sa kanilang supling. . . . Ipinahihiwatig ng pagsasaliksik na ang pagpapasuso ay mas maigi kaysa sa gatas na nabibili sa tindahan, dahil inihahanda nito ang mga bata na maging palakain ng bagong mga pagkain” at itinuturo sa kanila nito kung “anong mga pagkain ang ligtas—anupat itinatampok ang kahalagahan ng nakapagpapalusog na pagkain para sa mga inang nagdadalang-tao at nagpapasuso.”
Hangad Pa Rin ang Disenteng Trabaho
“Disenteng Trabaho Para sa Lahat—Nananatiling Pangarap,” sabi ng isang ulo ng balita ng pahayagang Aleman na Hannoversche Allgemeine Zeitung na nag-uulat hinggil sa simposyum na “Global Dialogue,” na idinaos sa pandaigdig na eksibisyon ng EXPO 2000 sa Hannover. Bagaman ang simulaing katumbas na sahod para sa katumbas na trabaho para sa mga lalaki at mga babae ay napagtibay na noong 1951 at ang pagbabawal naman sa pagpapatrabaho sa mga bata noong 1973, 150 milyong tao sa buong globo ang walang hanapbuhay, 850 milyon ang walang sapat na trabaho, at 250 milyong bata ang kailangang magtrabaho. Kalahati ng populasyon sa daigdig ay nabubuhay sa wala pang dalawang dolyar bawat araw. At sa kabila ng lahat ng pagsisikap, ang agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap ay lumaki sa halip na lumiit. Ang mga ikinababahala ng mayayaman at mahihirap na bansa ay magkaibang-magkaiba rin. Habang pinag-uusapan ng mga pulitiko sa Europa ang mga plano hinggil sa share option at ang impluwensiya ng mga unyon ng mga manggagawa, ang kanilang mga kasamahan naman mula sa papaunlad na mga bansa ay kailangang magbigay-pansin sa higit na mas mahahalagang isyu, tulad ng saligang edukasyon sa paaralan para sa lahat at paglikha ng mga trabaho para sa dumarating na salinlahi.
Nanganganib ang Masada?
“Hindi na muling babagsak ang Masada!” ang nakahihikayat na sigaw na nagpasigla sa mga Judio habang itinatayo nila ang makabagong bansang Israel. “Ngunit ang Masada ay maaaring aktuwal na bumagsak muli,” sabi ng isang balita ng NBC, “sa literal na paraan, dahil sa mga puwersa ng kalikasan.” Ang tanyag na pasyalan ng mga turista “ay nasa isa sa mga pinakadelikadong faultline sa planeta: ang Dead Sea Rift Valley.” Ang mga dalisdis ng bundok ay nabitak sa daan-daang bahagi, anupat ang ilan ay maaaring gumuho kapag lumindol. Sa katunayan, ipinahiwatig ng isang pagsusuri sa pamamagitan ng computer na gayon na nga ang nangyayari sa ilang bahagi ng silangang tagiliran ng Snake Path, at ang mga ito ay pinatitibay na lamang ng mga tukod na bakal na 18 metro ang haba. Gayunman, ang mga labí ng isang palasyo na itinayo ni Haring Herodes sa hilagang panig ng Masada “ay nasa mabuway na lupa rin” at kailangan nang tukuran. Hanggang ngayon, hindi pa rin sinisimulang gawin ang bahaging ito dahil sa kakulangan ng pondo. Sa Masada, 100 kilometro mula sa Jerusalem, natagalan ng isang grupo ng 967 rebeldeng Judio ang dalawang-taóng pagkubkob ng hukbong Romano halos 2,000 taon na ang nakalipas. Nang gabing iyon bago napasok ng mga Romano ang kanilang mga kuta, sinasabing minabuti pa ng mga Judio na magpakamatay kaysa sumuko.
Mag-ingat sa Araw
Ang matagal na pagkabilad sa araw nang walang sapat na proteksiyon ay maaaring magdulot ng kanser sa balat, sabi ng isang artikulo sa pahayagan ng Mexico na El Universal. Ayon sa dermatologong si Adriana Anides Fonseca, ang radyasyon mula sa araw ay may epektong naiipon nang naiipon at karaniwan nang nagiging malubha paglampas ng edad 50. Inirerekomenda niya ang paglalagay ng sun screen 30 minuto bago ang isa ay magbilad sa araw at paglalagay muli nito tuwing tatlo o apat na oras, pagkatapos magbabad sa tubig, o kapag pinapawisan nang husto. Ang mga taong mapuputi ang balat ay nangangailangan ng isang sun screen na may sun protection factor na mahigit sa 30 o 40; at 15 hanggang 30 naman para sa mga taong maiitim ang balat. Gayunman, dapat tandaan na hindi lubusang nahahadlangan ng sunscreen ang pinsalang dulot ng radyasyon, at ang mga tanning lotion ay maaaring maging sanhi pa nga ng higit na pinsala sa pamamagitan ng pagdudulot ng mas malalalim na pasò. Dapat bigyan ng pantanging pangangalaga ang mga sanggol upang maprotektahan ang mga ito mula sa tuwirang pagkabilad sa araw, yamang ang kanilang mga pandepensa sa balat ay hindi pa lubos na nabubuo.
Nawalan Na ng Interes sa Pagpapari
Ang mga magulang na Katoliko ay “hindi na sabik na magsabing ‘ang aking anak na pari,’” sabi ng The New York Times. “Ang mga lider ng Katoliko . . . ay lubos na nakababatid na ang isang pangunahing dahilan kung bakit kulang ang mga pari ay ang kakulangan ng mga magulang na Katoliko na handang magpasigla sa kanilang mga anak na isaalang-alang ang bokasyon ng pagpapari.” Ang ilan sa mga dahilang ibinigay ay ang mga pamilyang Katoliko na may kakaunting anak, kung saan “mas mahirap tanggapin na ang kaisa-isang anak na lalaki ay mapapabilang sa mga pari na hindi nag-aasawa,” sabi ng artikulo. “Karagdagan pa, bumaba ang karangalan ng pagpapari nitong nakaraang dekada sa bawat napaulat na balita ng pang-aabuso ng mga pari sa mga bata, sabi ng mga magulang sa mga panayam.” Isiniwalat ng isang surbey sa pinakaaktibong mga Katoliko sa simbahan, na iniatas ng National Conference of Catholic Bishops, na hindi pasisiglahin ng dalawang-katlo ng mga magulang ang kanilang mga anak na gawing karera ang pagpapari o pagmamadre. Ayon kay Edward J. Burns, isang pari at kinatawan ng grupo, ang dalawang kabataang di-kasal ay hindi makaririnig ng negatibong mga komento sa isang reunyon ng pamilya kung ihahayag nila na sila’y nagsasama nang di-kasal. Gayunman, ang isang kabataang lalaki na nagbabalak magpari ay malamang na paaalalahanan ng mga miyembro ng pamilya na magsasabing, “Sigurado ka bang nalalaman mo ang ginagawa mo?”