Ang Pangmalas ng Bibliya
Sino ang Antikristo?
“INYONG NARINIG NA ANG ANTIKRISTO AY DARATING.”—1 JUAN 2:18.
KUNG binabalaan ka na isang mapanganib na kriminal ang namataang papunta sa inyong lugar, ano ang gagawin mo? Malamang na aalamin mo ang tumpak na mga detalye tungkol sa kaniyang hitsura at mga pamamaraan. Magbabantay ka.
Isang katulad na situwasyon ang umiiral sa ngayon. Binabalaan tayo ng mga salita ni apostol Juan: “Bawat kinasihang kapahayagan na hindi nagpapahayag tungkol kay Jesus ay hindi nagmumula sa Diyos. Karagdagan pa, ito ang kinasihang kapahayagan ng antikristo na inyong narinig na darating, at ito ngayon ay nasa sanlibutan na.” (1 Juan 4:3) Mayroon nga bang gayong antikristo, isang kaaway ng Diyos at manlilinlang ng mga tao, na nagbabanta ngayon sa kapakanan ng buong sangkatauhan?
Limang ulit na ginamit ni Juan ang terminong “antikristo” sa dalawa sa kaniyang mga liham. Ito’y tumutukoy sa isang kalipunan na sumasalungat sa itinuturo ng Bibliya tungkol kay Jesu-Kristo at kasama rito ang mga impostor na nagpapakilalang sila’y si Kristo o isinugo niya. Ang Bibliya ay nagbibigay ng mapananaligang impormasyon tungkol sa antikristo. Ngunit gaya ng nangyayari kung minsan may kaugnayan sa mga kriminal, ang walang-batayang mga ulat tungkol sa mahiwagang kalipunang ito ay higit na pinagtutuunan ng pansin kaysa sa katotohanan.
Isang Kaso ng Maling Pagkakilala
Mula pa noong kapanahunan ni apostol Juan, iginiit na ng mga tao na ang mga salita ni Juan tungkol sa isang antikristo ay tumutukoy sa iisang espesipikong indibiduwal. Ang mga tao ay nagmungkahi ng iba’t ibang tao para sa posisyong iyan. Maraming siglo na ang nakalilipas, inakala ng marami na ang Romanong si Emperador Nero ang antikristo. Nang maglaon, ang daluyong ng poot at takot na inihasik ni Adolf Hitler ay kumumbinsi sa marami na siya ang antikristo. Ang termino ay ikinapit pa nga sa pilosopong Aleman na si Friedrich Nietzsche. Ngunit naniniwala ang iba na ang antikristo ay paparating pa lamang at na lilitaw siya bilang isang tuso at walang-awang pulitiko na may layuning mamahala sa daigdig. Naniniwala sila na ang mabangis na hayop ng Apocalipsis kabanata 13 ay isang espesipikong pagtukoy sa antikristo na binanggit ni Juan. Sinasabi nila na ipinakikilala ng marka nitong 666 sa paano man ang tagapagtaguyod ng kabalakyutang ito sa hinaharap.
Ipinalalagay ng mga nagtataguyod sa mga ideyang ito na ang tinutukoy ni Juan ay iisang antikristo lamang. Ngunit ano ang ipinakikita ng kaniyang mga pananalita? Isaalang-alang ang 1 Juan 2:18: “Gaya ng inyong narinig na ang antikristo ay darating, maging sa ngayon ay lumitaw na ang maraming antikristo.” Oo, “maraming antikristo,” hindi iisa, ang may pananagutan sa maligalig na kalagayan sa espirituwal noong unang siglo. Sa ngayon ay mayroong, hindi isa, kundi maraming antikristo na bumubuo ng uring antikristo. Sama-sama, sila’y nagbubunton ng espirituwal na kapahamakan sa sangkatauhan. (2 Timoteo 3:1-5, 13) Sino ang bumubuo sa antikristo?
Tingnan natin ang mabangis na hayop ng Apocalipsis kabanata 13 bilang isang posibilidad. Si apostol Juan ay sumulat: “Ang mabangis na hayop na nakita ko ay tulad ng leopardo, ngunit ang mga paa nito ay gaya ng sa oso, at ang bibig nito ay gaya ng bibig ng leon.” (Apocalipsis 13:2) Ano ang ipinahihiwatig ng mga elementong ito?
Napansin ng mga iskolar ng Bibliya ang isang kaugnayan sa pagitan ng Apocalipsis kabanata 13 at Daniel kabanata 7. Binigyan ng Diyos si Daniel ng isang pangitain hinggil sa makasagisag na mga hayop, kalakip ang isang leopardo, isang oso, at isang leon. (Daniel 7:2-6) Anong pakahulugan ang ibinigay ng propeta ng Diyos sa mga iyon? Isinulat niya na ang mababangis na hayop na iyon ay sumasagisag sa makalupang mga hari, o mga pamahalaan. (Daniel 7:17) Kaya makatuwiran nating mahihinuha na ang mabangis na hayop ng Apocalipsis ay kumakatawan sa mga pamahalaan ng tao. Yamang sumasalansang sa Kaharian ng Diyos ang mga pamahalaang ito, sila rin ang bumubuo ng isang bahagi ng antikristo.
Sino Pa ang Bumubuo sa Antikristo?
Noong ang Kristo, ang Anak ng Diyos ay narito pa sa lupa, marami siyang kaaway. Bagaman hindi na nila siya maaabot sa pisikal na paraan, mayroon siyang makabagong-panahong mga kalaban. Pansinin kung sino ang kabilang sa mga ito.
Sinabi ni apostol Juan: “Sino ang sinungaling kung hindi yaong nagkakaila na si Jesus ang Kristo? Ito ang antikristo, yaong nagkakaila sa Ama at sa Anak.” (1 Juan 2:22) Pinipilipit ng mga apostata at ng mga lider ng huwad na relihiyon ang malilinaw na turo ni Jesus upang maging masalimuot na relihiyosong panlilinlang. Itinatakwil ng mga ito ang katotohanan ng Bibliya at ipinalalaganap ang mga kasinungalingan sa ngalan ng Diyos at ni Kristo. Ikinakaila nila ang tunay na kaugnayan ng Ama at ng Anak sa pamamagitan ng kanilang doktrina ng Trinidad. Samakatuwid, sila rin ay bahagi ng antikristo.
Binabalaan ni Jesus ang kaniyang mga alagad sa Lucas 21:12: “Isusunggab sa inyo ng mga tao ang kanilang mga kamay at pag-uusigin kayo, anupat ibibigay kayo sa mga sinagoga at mga bilangguan . . . dahil sa aking pangalan.” Mula pa noong unang siglo, ang mga tunay na Kristiyano ay dumaranas na ng malupit na pag-uusig. (2 Timoteo 3:12) Ang mga pasimuno ng gayong pagtrato ay gumagawa laban kay Kristo. Sila rin ay isang bahagi ng antikristo.
“Siya na wala sa panig ko ay laban sa akin, at siya na hindi natitipong kasama ko ay nangangalat.” (Lucas 11:23) Dito ay ipinahahayag ni Jesus na ang lahat ng sumasalansang sa kaniya at sa mga layunin ng Diyos na itinataguyod niya ay kabilang sa kategorya ng antikristo. Anong kahihinatnan ang naghihintay sa mga ito?
Ano ang Naghihintay sa mga Antikristo?
“Pupuksain [ng Diyos] yaong mga nagsasalita ng kasinungalingan. Ang taong nagbububo ng dugo at nanlilinlang ay kinasusuklaman ni Jehova,” ang sabi ng Awit 5:6. Kumakapit ba ito sa mga antikristo? Oo. Sumulat si apostol Juan: “Maraming manlilinlang ang humayo na sa sanlibutan, mga taong hindi naghahayag na si Jesu-Kristo ay dumating sa laman. Ito ang manlilinlang at ang antikristo.” (2 Juan 7) Dahil sa kanilang mga kasinungalingan at panlilinlang, lilipulin ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat ang mga antikristo.
Habang papalapit ang panahon ng paglalapat ng hatol na iyan, hindi dapat pahintulutan ng mga tunay na Kristiyano na ang kanilang pananampalataya ay mapahina ng laban-sa-Kristiyanong panlilinlang at panggigipit, lalo na mula sa mga apostata. Apurahan ang babala ni Juan: “Ingatan ninyo ang inyong sarili, upang huwag ninyong maiwala ang mga bagay na aming pinagpagalan, kundi upang matamo ninyo ang buong gantimpala.”—2 Juan 8.
[Picture Credit Line sa pahina 20]
Si Nero sa pahina 2 at 20: Sa kagandahang-loob ng Visitors of the Ashmolean Museum, Oxford