Ang Talaarawan—Isang Mapagkakatiwalaang Kaibigan
ANG talaarawan ay isang mapagkakatiwalaang kasama, isang madamaying kaibigan sa isang daigdig na walang habag. Ang talaarawan ay “nagpapahintulot sa atin na ingatan ang isang koleksiyon ng mga larawan na nagtatala ng ating personal na paglalakbay sa buhay,” ang sabi ng manunulat na si Christina Baldwin. Tulad ng isang album ng litrato na nagpapakita ng nakalarawang kasaysayan ng ating kahapon, ang talaarawan ay naglalaan sa atin ng nakasulat na “mga kuha” na nagsisiwalat at nag-iingat ng kasaysayan ng ating buhay.
Noong panahon ng Bibliya, kadalasang sinusubaybayan ng mga pamahalaan ang mahahalagang pangyayari. Binabanggit mismo ng Bibliya ang marami sa gayong opisyal na mga ulat. (Bilang 21:14, 15; Josue 10:12, 13) Ginawa ng mga Griego ang isang uri ng almanake na tinatawag na ephemerides,a kung saan itinala nila ang araw-araw na paggalaw ng mga bituin at mga planeta. Sinunod ng mga Romano, na siyang sumakop sa Gresya, ang paggamit ng mga talaang ito subalit, taglay ang praktikal na gamit, pinaghusay nila ang kahalagahan nito sa pamamagitan ng pagdaragdag ng pang-araw-araw na pangyayari sa komunidad at kapakanang pampubliko. Tinawag nila itong diarium, na nagmula sa salitang Latin na dies, na nangangahulugang “araw.”
Gayunman, noon lamang ika-17 siglo naimbento ang talaarawan bilang isang taguan ng pribado at pang-araw-araw na mga pangyayari, dahil sa pagkakasulat ng journal (pang-araw-araw na talaan) ng Ingles na si Samuel Pepys. Taglay ang di-pangkaraniwang pagsasama ng pagiging relihiyoso at makasanlibutan, ang talaarawan ni Pepys ay nakapagbigay sa mga istoryador ng isa sa pinakamaliwanag na kaunawaan sa mga pangyayari sa buhay noong namamahala ang Ingles na monarkang si Charles II.
Mula noon, ang pagsusulat ng talaarawan ay patuloy na naging popular. Marami sa mga talaarawan ay naging mahalaga pa ngang mga dokumento sa kasaysayan. Naging pantangi sa mga ito ang talaarawan ng kabataang babaing Judio na nagtago mula sa mga Nazi. Ang Diary of a Young Girl ni Anne Frank ay isang nakapipighating patotoo ng kalupitan ng tao sa kaniyang kapuwa.
Ano ang Pang-akit ng Talaarawan?
Ang pagsusulat sa talaarawan ay waring nakatutugon sa pangunahing pagnanais ng tao—pagpapahayag ng sarili. Iyon man ay pagtatala ng ating kagalakan sa pagkarinig ng unang mga salita ng isang sanggol o pagsibol ng isang pag-iibigan, pinahihintulutan tayo ng talaarawan na bulay-bulayin ang mga pangyayaring humubog sa ating mga buhay. Ang pagbabasa ng mga isinulat sa paglipas ng panahon ay nagpapangyari sa atin na bigyang-buhay muli ang pinakatatanging mga sandaling iyon at ang mga damdaming idinulot niyaon.
Ang isa sa pinakamalaking kapakinabangan ng talaarawan ay ang kakayahan nitong tumulong sa atin na makilala ang ating sarili. Tinawag ito ng manunulat na si Tristine Rainer na “isang praktikal na sikolohikal na kasangkapan na nagpapangyari sa iyo na ipahayag ang iyong damdamin nang hindi napipigilan.”
Sinasabi ng Bibliya sa Kawikaan 12:25: “Ang pagkabalisa sa puso ng tao ang siyang magpapayukod nito.” Kung bantulot ang isang tao na ipakipag-usap sa iba ang kaniyang “pagkabalisa sa puso,” maaaring ihalili ang pagsusulat upang ipahayag ang kaniyang sarili. Sa gayon ang pagsusulat ng talaarawan ay kadalasang iminumungkahi bilang isang kapaki-pakinabang na paraan upang mabata ang kirot ng damdamin. Maaaring gamitin ang talaarawan upang nilay-nilayin ng isang tao ang kaniyang buhay, magtakda ng bagong mga tunguhin, at marahil ay upang lutasin ang mga problema. Makatutulong ang pagsusulat ng mga problema at ng mga damdamin ng isa upang maituon ang pansin sa tunay na mga suliranin at malasin ito sa makatuwirang paraan.
Maaari ring maging isang nakapagtuturong kasangkapan ang pagsusulat ng talaarawan. Ganito ang payo ng The American Federation of Teachers sa mga magulang: “Himukin ang inyong mga anak na sumulat ng talaarawan. Pinasusulong ng pagsusulat ng talaarawan ang kasanayan sa pagsulat at pagiging malikhain.”
Paano Ako Magsisimula?
Una, maghanap ng isang tahimik na lugar at isang sulatan o notebook na gusto mo. Totoo naman na ang pagsusulat sa isang pahinang walang laman ay baka nakatatakot. Subalit ang susi ay maging tapat, natural, at simple. Maaari mong itanong sa iyong sarili ang gaya ng: ‘Ano ba ang ginawa ko sa araw na ito? Paano ako naapektuhan nito? Ano ang kinain ko? Sino ang nakita ko? Ano ba ang nangyayari sa buhay ng mga taong minamahal ko?’ O maaari kang magsimula sa kasalukuyang nangyayari, anupat nagtatanong: ‘Ano ba ang nangyayari sa buhay ko sa ngayon? Ano ang mga tunguhin ko? Ang aking mga pangarap?’ Pagkatapos, basta isulat mo ang nais mong isulat, nang hindi pinupuna ito.
Sumulat ka kung gaano kahaba o kaikli ang gusto mo. Sumulat ka gaano man kadalas o kadalang ang gusto mo. Maging tapat. Huwag kang mag-alala tungkol sa balarila o pagbaybay. Wala namang iba pang makakakita sa iyong isinulat. Baka gusto mo ring magdikit ng mga larawan, mga kliping sa pahayagan, o anumang bagay na mahalaga para sa iyo. Sa iyo naman ang aklat na iyon. Maaari itong maging maayos o magulo, maliit o malaki. At kailangan mo lamang sumulat kung kailan mo gusto. Kung ang pagsusulat ng talaarawan ay nagiging sapilitang gawain, mabibigo ka lamang at masisiraan ng loob.—Tingnan ang kahon.
Kung paanong ginagamit ng isang siyentipiko ang isang talaarawan upang mag-obserba at magtala ng mga pagbabago sa ilang organismo na kaniyang pinag-aaralan, makatutulong ang talaarawan sa iyo upang maobserbahan at mapag-aralan mo ang iyo mismong mga pag-uugali at mga hilig sa iyong buhay. Isisiwalat ng iyong talaarawan ang iyong mga kagalakan, mga pagdadalamhati, mga kahinaan at ang iyong mabubuting katangian. Mapasusulong nito ang iyong kakayahang ipahayag ang iyong sarili. Totoo, nangangailangan ng determinasyon ang pagsusulat ng talaarawan, subalit ang gayong determinasyon ay makapagdudulot ng saganang gantimpala.—Ipinadala.
[Talababa]
a Mula sa salitang Griego na ephemeros, na nangangahulugang “nagtatagal sa isang araw.”
[Kahon sa pahina 27]
Mga Mungkahi Ukol sa Pagpapasimula
◆ Pumili ng sulatan na matibay, marahil ay madaling dalhin.
◆ Humanap ng tahimik na oras at isang lugar na maaari kang mapag-isa. Lagyan ng petsa ang bawat isinusulat.
◆ Kung nakaligtaan mo ang ilang araw, huwag kang mataranta; basta ipagpatuloy mo ang pagsusulat kung saan ka huminto.
◆ Huwag mong punahin ang iyong gawa. Maging natural, at malaya mong ipahayag ang iyong sarili. Isulat ang mga detalye—huwag basta ang pangkalahatang mga bagay lamang.