Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 8/22 p. 26-27
  • Ang Makukulay na Kermode

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Makukulay na Kermode
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagdalaw sa Lugar ng Kermode
  • Kung Ano ang Hitsura Nila
  • Pakikitungo sa mga Tao
  • Oso
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2001
  • Ang Mahabang Pagtulog ng Inang Oso
    Gumising!—2002
  • Masiyahan Dito Nang Walang Panganib
    Gumising!—1989
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 8/22 p. 26-27

Ang Makukulay na Kermode

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA CANADA

“Tumatayo sila sa kanilang mga hulihang paa, nauupo sila sa kanilang puwitan . . . , humihilik pa nga sila kapag natutulog. . . . Matatalino sila, mauusisa, madaling matuto at mahusay silang makibagay, at tila nararanasan nila ang mga pag-uugali na katulad ng sa atin.”

SINABI ng biyologo sa buhay-iláng na si Wayne McCrory ang nasa itaas tungkol sa isa sa mga pinakabihirang oso sa daigdig​—ang puting black bear ng hilagang-kanlurang baybayin ng Canada. Unang ipinakilala sa daigdig ng siyensiya ang osong ito noong 1900 ni William Hornaday, isang miyembro ng New York Zoological Society. Kaniyang inuuri ang mga balat ng oso mula sa Victoria, British Columbia, at nakita niya ang isang kakaibang balat. Ito’y kulay-gatas na may bahid ng mapusyaw na ginto at ang hugis nito’y katulad niyaong sa balat ng black bear.

Palibhasa’y nabighani sa natuklasan, inanyayahan ni Hornaday si Francis Kermode, ang direktor ng Provincial Museum ng British Columbia, na tumulong sa pag-iipon ng karagdagang impormasyon hinggil sa inaakala ni Hornaday na bagong uri ng oso. Noong 1905, bilang pagkilala sa mga pagsisikap ni Kermode sa pagkuha ng mga ispesimen at impormasyon, pinanganlan ni Hornaday ang oso na Ursus kermodei​—ang oso ni Kermode.

Mga miyembro ng pamilyang black bear ang mga kermode, ngunit ang kulay nila’y hindi laging kagaya ng ipinahihiwatig ng kanilang pangalan. Ang tawag sa oso ng mga katutubong Indian na nagsasalita ng wikang Tsimshian, na naninirahan sa lugar ng mga osong Kermode, ay Moksgm’ol, o puting oso. Mayroon ding nakitang kulay kahel, pulang gaya ng kastanyas, ginto, matingkad na dilaw, abuhing asul, at batik-batik na pinaghalong itim, kulay kape, at puti pa nga na mga oso.

Hindi pa rin sigurado ang mga biyologo kung bakit may mga puting Kermode. Ang isang ideya ay na ang pasumalang henetikong pagbabagong-anyo (mutation) ang maaaring dahilan ng kakaibang kulay nito. Sa katunayan, 1 lamang sa bawat 10 Kermode ang nakitang kulay puti. Talagang kakaiba ang mga Kermode ng hilagang-kanlurang baybayin sa Pasipiko ng Canada at karapat-dapat pagtuunan ng higit sa pangkaraniwang pansin.

Pagdalaw sa Lugar ng Kermode

Makikita ang mga Kermode sa lugar na humigit-kumulang na 75,000 kilometro kuwadrado sa kahabaan ng hilagang baybayin ng British Columbia. Kung maglalakbay ka pahilagang-kanluran mula sa Vancouver na mga 600 kilometro, darating ka sa Princess Royal Island at sa lugar ng Douglas Channel na malapit sa Kitimat. Mga 150 kilometro papasok sa lupain, sa hilagang-silangan, ay ang komunidad ng pagtotroso ng Terrace, na nasa kahabaan ng Ilog Skeena. Ang rehiyon na ito ang sentrong lugar ng Kermode. Inilarawan ito bilang ang pinakailáng at pinakamaraming likas-yaman na iláng sa Kanluran ng Canada.

Kailangan ang isang makaranasang guide sa iláng na nakaaalam ng mga kilos ng Kermode kung nais mong makita ang puting pagala-galang ito. Ang pinakamagandang panahon upang makakita ng isang Kermode ay kung Oktubre, kapag ang mga sapa ng British Columbia ay nananagana sa libu-libong nangingitlog na salmon. Sa taunang kaganapang ito, bumababa ang mga Kermode mula sa matataas na dako upang magpakabusog sa isang piging ng salmon. Sa paglalarawan ng kaugalian ng mga oso sa pagpapakabusog sa pagkain, isang nakakita ang nagsabi: “Habang pinipili ang uri na gusto nila, tinatapakan nila ang ulo [ng isda], at pagkatapos ay binabalatan ito mula sa hasang palikod, na inilalantad ang laman na kanilang kinakain.”

Kung Ano ang Hitsura Nila

Maaaring magmukhang palakaibigan, masarap yakapin, at mapaglaro ang mga Kermode, ngunit ang totoo, kagaya ng lahat ng oso, maaaring mahirap matantiya ang kanilang kilos at mapanganib. Iniulat na malabo ang kanilang paningin. Ang kanilang maliit at matangos na ilong at pahabang mga butas ng ilong ay dinisenyo upang lubos nilang mapakinabangan ang kanilang pang-amoy. Bagaman parang lampa silang kumilos, napakabilis nila. Ang ilan ay naorasan na may bilis na mahigit sa 50 kilometro bawat oras sa maiikling distansiya!

Ang lubos-ang-laki na mga babae ay may habang 130 hanggang 190 sentimetro at may timbang na 50 hanggang 180 kilo. Mas malaki ang mga lalaki at paminsan-minsan ay lumalampas ang mga ito sa 200 kilo. Kapag tumayo ang mga Kermode sa kanilang hulihang paa, umaabot nang 250 hanggang 275 sentimetro ang taas nito. Mahusay rin silang lumangoy. Sa katunayan, isang nagpapatrolya ng mga palaisdaan ang nakapansin sa isang oso na lumalangoy mula sa isang kalapit na isla tungo sa kalakhang bahagi ng lupain. Habang minamaniobra niya ang kaniyang bangka na papalapit sa oso, ginulat siya nito sa pamamagitan ng pagsisid at paglangoy sa ilalim ng tubig, na umaahon lamang upang huminga.

Pakikitungo sa mga Tao

Kapag sinimulang isipin ng mga oso na ang mga tao ay pinagmumulan ng pagkain, kadalasang nawawala ang kanilang pag-iingat sa tao at maaari itong maging lubos na mabalasik at mapanganib. Kadalasang pinapatay ang gayong mga oso. Kaya sa susunod na makakita ka ng osong nasa iláng at humihingi ito ng pagkain, tandaan na kapag pinakain mo ito, hindi mo lamang isinasapanganib ang iyong sarili kundi tumutulong ka pa nga sa maagang kamatayan nito.

Habang binubulay-bulay ang nakabibighaning osong ito, hindi natin maiwasang mamangha sa umiiral na pagkakaiba-iba sa pamilya ng mga oso. Anong kamangha-mangha at kaayaaya nga ang mga gawang paglalang ng Diyos! At anong pananagutan mayroon ang tao upang mapangalagaan nga ang gayong mga nakabibighaning nilalang!

[Picture Credit Line sa pahina 27]

Howie Garber/www.wanderlustimages.com

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share