Mula sa Aming mga Mambabasa
Kaaliwan Para sa Maysakit Ako’y 22 taóng gulang, at halos buong buhay ko ay dumanas ako ng isang kanser na palala nang palala. Nasiyahan ako sa seryeng itinampok sa pabalat na “Kaaliwan Para sa Maysakit.” (Enero 22, 2001) Tunay ngang nakaaaliw na malaman na nauunawaan ni Jehova ang pagkasiphayo at galit na dumaraig sa akin! Naiintindihan ko sina William at Rose Meiners at kung paano nila hinarap ang kanilang situwasyon. Batid ni Jehova kung paano aalalayan yaong mga umiibig sa kaniya!
A.C.C., Chile
Mga Pamatay-Apoy Salamat sa artikulong “Sunog! Aling Pamatay-Apoy ang Dapat Mong Gamitin?” (Enero 22, 2001) Pakisuyong magpadala ng 130 kopya ng isyung ito upang maipamahagi namin sa bawat isa sa aming mga empleado at nang maiuwi nila ito sa kanilang pamilya.
D. F., Estados Unidos
Salamat sa inyong puspusang pagsisikap sa artikulong ito. Wala nang iba pang 32-pahinang magasin na sumasaklaw sa gayon karaming nakatutulong na impormasyon. Gayunman, ibig kong banggitin ang tinukoy ninyong pamatay-apoy na “dry powder,” na sa palagay ko ang ibig ninyong sabihin ay isang pamatay-apoy na “dry chemical.” Ang mga pamatay-apoy na dry powder, na may dilaw na estrelyang nagtataglay ng letrang D, ay magagamit lamang sa mga nasusunog na metal, samantalang ang mga pamatay-apoy na dry chemical ay magagamit sa mga sunog na ABC o BC.
J. H., Estados Unidos
Salamat sa paglilinaw. Sa ilang lupain, kalakip sa terminong “mga pamatay-apoy na dry powder” ang kilala sa Estados Unidos na mga pamatay-apoy na dry chemical. Yamang ang “Gumising!” ay isang internasyonal na magasin, di-maiiwasan na babangon paminsan-minsan ang pagkakaiba sa mga termino.—ED.
Napakabata Pa Para Makipag-date? Talagang nasiyahan ako sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Kung Inaakala ng Aking mga Magulang na Napakabata Ko Pa Para Makipag-date?” (Enero 22, 2001) Ako’y 17 taóng gulang, at naipasiya ko na hindi pa ako handang mag-asawa o bumuhay ng isang pamilya. Natulungan ako ng artikulong ito na mag-isip-isip muna bago makipag-date at gumamit din ng unawa kapag balang araw ay magpasiya na akong makipag-date at mag-asawa.
A.M.H., Estados Unidos
Palibhasa’y 15 taóng gulang pa lamang, totoong nakapanghihina ang nararanasan ko sa haiskul na panggigipit na makipag-date. Nakapagpapatibay na malamang taglay ko ang suporta ng Bibliya at ng mga kapuwa Kristiyano. Tinutulungan ako nito na manatiling matatag sa aking paninindigan!
L. M., Canada
Naiintindihan ko ang situwasyon ng dalawang kabataan na nag-uusap sa telepono dahil nakikini-kinita kong ganiyan din ang maaaring mangyari sa akin. Kinailangan kong putulin ang pakikipag-ugnayan sa isang tao dahil alam kong hindi pa ako handang makipag-date. Pinasisigla ako ng mga artikulong tulad nito na manindigan sa aking desisyong maghintay.
M.R.C., Estados Unidos
Ako’y 14 na taóng gulang. Talagang natulungan ako ng artikulong ito na maunawaan kung gaano kapanganib para sa edad ko ang makipag-date, yamang talagang hindi pa ako handang mag-asawa. Natulungan ako ng artikulo na matalos ang pangangailangang pasulungin ang aking kaugnayan kay Jehova ngayon sa halip na makipagligawan.
A. P., Canada
Waring isinulat ang artikulong ito na tamang-tama para sa akin. Akala ko’y napakahigpit ng mga magulang ko sa akin at hindi nila naiintindihan ang aking damdamin. Nauunawaan ko na ngayon na ginagawa nila ang lahat ng maaaring gawin upang matulungan at maingatan ako. Sabik na sabik na akong basahin ang mga susunod na artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong”!
H. E., Romania