Cartago—Ang Lunsod na Muntik Nang Magpabagsak sa Roma
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA PRANSIYA
SA HILAGANG baybayin ng Aprika, sa mga dakong labas ng Tunis, ang kabisera ng Tunisia, matatagpuan ang kaguhuan ng sinaunang lunsod ng Cartago. Mapagpapaumanhinan ang isang turista kung hindi niya ito mapansin nang lubusan, dahil talagang wala naman gaanong makikita. Gayunman, nasa lugar na ito ang mga labí ng isa sa pinakadakilang mga lunsod ng sinaunang panahon—ang isa na muntik nang dumaig sa kapangyarihan ng Roma. Ayon sa Romanong istoryador na si Livy, “ang labanang ito sa pagitan ng dalawang pinakamayayamang lunsod sa daigdig ay ikinabalisa ng mga hari at mga bayan,” sapagkat ang isyung nasasangkot ay walang iba kundi ang pananakop sa daigdig.
Ang Pundasyon ng Lunsod
Noong ikalawang milenyo B.C.E., ang mga taga-Fenicia ay naroroon lamang sa isang makitid na lupain sa kahabaan ng Baybayin ng Mediteraneo, na umaabot sa hilaga at timog ng kasalukuyang Lebanon. Palibhasa’y mahuhusay na magdaragat, ibinaling nila ang kanilang pansin sa kanluran sa paghahanap ng ginto, pilak, asero, lata, at tingga. Para sa mga ito, nakipagkalakalan sila ng kahoy (gaya ng tanyag na sedro ng Lebanon), telang tinina ng mapulang-purpura, pabango, alak, espesya, at iba pang ginawang bagay.a
Sa paglalakbay nila sa kanluran, ang mga taga-Fenicia ay nagtatag ng mga pamayanan sa kahabaan ng mga baybayin ng Aprika, Sicilia, Sardinia, at timugang Espanya—marahil ang Tarsis sa Bibliya. (1 Hari 10:22; Ezekiel 27:2, 12) Ayon sa sabi-sabi, ang Cartago ay itinatag noong 814 B.C.E., mga 60 taon bago ang karibal nito na Roma. Sinabi ng dalubhasa sa mga sinaunang bagay sa Hilagang Aprika na si Serge Lancel: “Ang pagkakatatag ng Cartago, noong mga katapusan ng ikasiyam na siglo BC, ay isang kumukontrol na salik sa kapalaran ng pulitika at kultura ng karatig na mga bansa sa kanluran ng Mediteraneo sa loob ng maraming siglo.”
Ang Simula ng Isang Imperyo
Sa isang peninsula na ang hugis ay parang “isang napakalaking angkla na inihagis sa dagat,” gaya ng paglalarawan dito ng istoryador na si François Decret, sinimulan ng Cartago na magtayo ng isang imperyo. Sa paggamit sa pundasyon na inilatag ng mga ninunong taga-Fenicia, pinaunlad ng Cartago ang sistema nito sa komersiyo—pangunahin na yaong may kinalaman sa pag-aangkat ng mga metal—tungo sa isang malaking kartel, anupat ipinatutupad nito ang monopolyo sa pamamagitan ng makapangyarihang plota at mga tropang mersenaryo nito.
Yamang di-kontento sa kanilang mga tagumpay, ang mga taga-Cartago ay palagi nang naghahanap ng mga bagong pamilihan. Noong mga 480 B.C.E., inaakalang dumaong sa mayaman-sa-lata na Cornwall, sa Britanya, ang máglalayag na si Himilco. Pagkaraan ng mga 30 taon, si Hanno, na kabilang sa mga prominenteng pamilya sa Cartago, ay sinasabing nanguna sa isang ekspedisyon ng 60 barko, na may lulang 30,000 lalaki at babae, upang bumuo ng mga bagong kolonya. Sa pagdaraan sa Lagusan ng Gibraltar, at sa paglalayag sa baybayin ng Aprika, maaaring narating ni Hanno ang Golpo ng Guinea at maging ang mga dalampasigan ng Cameroon.
Bunga ng gayong espiritu ng katapangan at kahusayan sa pangangalakal, ang Cartago ay nakilala bilang pinakamayamang lunsod sa sinaunang daigdig. “Sa pasimula ng ikatlong siglo [B.C.E.], ang kaalamang teknikal nito, ang plota nito, at ang sistemang pangkomersiyo nito . . . ay naglagay sa lunsod sa pangunahing dako,” sabi ng aklat na Carthage. Kung tungkol sa mga taga-Cartago, ganito ang sabi ng istoryador na Griego na si Appian: “Sa kapangyarihan, kapantay nila ang mga Griego; sa kayamanan, ang mga Persiano.”
Sa Anino ni Baal
Bagaman nakakalat sa buong kanlurang Mediteraneo, ang mga taga-Fenicia ay binubuklod ng kanilang mga relihiyosong paniniwala. Minana ng mga taga-Cartago ang relihiyon ng mga Canaanita mula sa kanilang mga ninunong taga-Fenicia. Sa loob ng mga siglo, nagpapadala ang Cartago ng isang delegasyon sa Tiro taun-taon upang maghain sa templo ni Melqart. Sa Cartago, ang mga pangunahing bathala ay ang dibinong mag-asawa na sina Baal-Hammon, nangangahulugang “Panginoon ng Brazier,” at Tanit, na iniuugnay kay Astarte.
Ang pinakakilalang katangian ng relihiyon ng mga taga-Cartago ay ang paghahain ng mga bata. Iniulat ni Diodorus Siculus na noong 310 B.C.E., nang salakayin ang lunsod, ang mga taga-Cartago ay naghain ng mahigit sa 200 bata mula sa maharlikang angkan upang payapain si Baal-Hammon. Ganito ang sabi ng The Encyclopedia of Religion: “Ang paghahain ng isang inosenteng bata bilang isang panghaliling biktima ay isang sukdulang akto ng pagtubos, malamang na nilayong tumiyak sa kapakanan kapuwa ng pamilya at ng pamayanan.”
Noong 1921, natuklasan ng mga arkeologo ang tinawag sa kalaunan na Topet, na binabanggit sa Bibliya sa 2 Hari 23:10 at Jeremias 7:31. Isiniwalat ng mga paghuhukay ang maraming patong ng mga urna na naglalaman ng mga sunóg na labí ng mga hayop (ginamit bilang mga panghaliling hain) at ng maliliit na bata, na nakabaon sa ilalim ng mga lapidang may mga nakasulat na panata. Tinataya na ang Topet ay kinaroroonan ng mga labí ng mahigit sa 20,000 bata na inihain sa loob lamang ng 200 taon. Sinasabi ng ilang tagapagtaguyod ng pagbabago sa ngayon na ang Topet ay libingan lamang ng mga batang patay na nang isilang o namatay na napakabata pa upang ilibing sa sementeryo sa lunsod. Subalit gaya ng sinabi ni Lancel, na binanggit kanina, “hindi ganap na maikakaila ang katunayan na ang mga taga-Cartago ay naghahain ng mga tao.”
Pagtatalo Kung Sino ang Nakahihigit
Sa paghina ng Tiro noong ikaanim na siglo B.C.E., hinawakan ng Cartago ang posisyon ng pagiging lider ng mga kanluraning taga-Fenicia. Ngunit mayroon ding sumalansang sa pagbangon ng Cartago tungo sa pangingibabaw nito. Nauna rito, pinaglabanan ng mga mangangalakal na Punic at Griego ang kontrol sa mga dagat, at noong mga 550 B.C.E., sumiklab ang digmaan. Noong 535 B.C.E., sa tulong ng kanilang mga kaalyadong Etruskano, itinaboy ng mga taga-Cartago ang mga Griego mula sa isla ng Corsica at sinakop nila ang Sardinia.b Bunga nito, lalong tumindi ang alitan sa pagitan ng Cartago at Gresya para sa paghawak sa Sicilia—isang isla na napakahalaga ang kinaroroonan.
Kasabay nito, nagsisimula nang igiit ng Roma ang kapangyarihan nito. Ginarantiyahan ng mga tratado sa pagitan ng Cartago at Roma ang mga pribilehiyo ng Cartago sa pangangalakal at ipinagbawal sa mga Romano ang pagpunta sa Sicilia. Subalit habang nasasakop ng Roma ang peninsula ng Italya, nakita na isang banta ang lumalaking impluwensiya ng Cartago sa Italya. Nagkomento ang Griegong istoryador na si Polybius noong ikalawang siglo B.C.E.: “Nakita ng mga Romano . . . na hindi lamang Aprikac ang nalupig ng mga taga-Cartago kundi pati na rin ang malalaking bahagi ng Espanya, at na sila ang namamanginoon sa lahat ng isla sa mga Dagat ng Sardinia at Tyrrhenian. Kung masasakop ng mga taga-Cartago ang Sicilia, sila ang magiging pinakanakababahala at pinakamapanganib na mga kalapit-bayan, yamang mapapalibutan nila ang kabuuan ng Italya at pinagbabantaan ang bawat bahagi ng bansa.” Palibhasa’y isinasaalang-alang ang komersiyo, nag-udyok ang ilang partido sa Romanong Senado na pakialaman na ang Sicilia.
Mga Digmaang Punic
Noong 264 B.C.E., isang krisis sa Sicilia ang nagbigay sa mga Romano ng motibo para makialam. Bilang paglabag sa isang kasunduan, ang Roma ay nagpadala ng isang kalipunan ng mga tropa, anupat nagpasiklab ng tinatawag na Unang Digmaang Punic. Ang alitang ito, na kinasangkutan ng ilan sa pinakamalalaking labanan sa dagat noong unang panahon, ay nagpatuloy sa loob ng mahigit sa 20 taon. Sa wakas, noong 241 B.C.E., natalo ang mga taga-Cartago at napilitang umalis sa Sicilia. Inagaw rin sa kanila ng Roma ang Corsica at Sardinia.
Upang mapagtakpan ang mga pagkatalong ito, sinimulang ibalik ni Hamilcar Barca, isang heneral na taga-Cartago, ang kapangyarihan ng Cartago sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang imperyo sa Espanya. Isang “Bagong Cartago”—ang Cartagena—ang itinatag sa timog-silangang baybayin ng Espanya, at sa loob lamang ng ilang taon, muling pinunô ng mga yaman mula sa mga minahan ng Espanya ang kabang-yaman ng Cartago. Di-maiiwasan na ang paglawak na ito ay humantong sa pakikipag-alitan sa Roma, at noong 218 B.C.E., muli na namang sumiklab ang digmaan.
Nanguna sa hukbo ng Cartago ang isa sa mga anak na lalaki ni Hamilcar, si Hannibal, na ang ibig sabihin ay “Nilingap ni Baal.” Nang lisanin ang Cartagena noong Mayo 218 B.C.E., sinimulan niya ang makasaysayang pagmamartsa sa Espanya at Gaul, na tumatawid sa Alpino kasama ang kaniyang hukbo na binubuo ng mga Aprikano at mga Kastila at halos 40 elepante. Palibhasa’y nabigla, ang mga Romano ay dumanas ng mga nakapanlulumong pagkatalo. Noong Agosto 2, 216 B.C.E., sa labanan sa Cannae—“isa sa pinakamatitinding kapahamakan na naranasan kailanman ng hukbong Romano”—nilipol ng hukbo ni Hannibal ang isang puwersang Romano na doble sa laki nito, anupat pinatay ang halos 70,000 sa mga kaaway samantalang nawalan lamang ng 6,000 tauhan.
Abot-kamay na lamang ang Roma! Ngunit palibhasa’y ayaw sumuko, niligalig ng mga Romano ang mga tropa ni Hannibal sa isang digmaan ng tugisan sa loob ng sumunod na 13 taon. Nang magpadala ang Roma ng isang hukbo sa Aprika, ang Cartago ay pinabayaan na ng mga kaalyado nito at natalo sa Espanya at Sicilia. Kaya, napilitan ang Cartago na tawagin muli si Hannibal. Nang sumunod na taon, noong 202 B.C.E., tinalo ng Romanong si Heneral Scipio Africanus ang hukbo ni Hannibal sa Zama, sa timog-kanluran ng Cartago. Ang lunsod ng Punic, na napilitang isuko ang plota nito, ay pinagkaitan ng militar na kasarinlan at pinatawan ng malaking halaga bilang bayad-pinsala na ibibigay nito sa loob ng 50 taon. Kung tungkol kay Hannibal, tumakas siya nang dakong huli bilang isang tapon, at noong mga 183 B.C.E., siya ay nagpatiwakal.
“Delenda est Carthago!”
Ang kapayapaan ay nagdulot ng panibagong kaunlaran sa Cartago, hanggang sa mag-alok ito na ibibigay ang bayad-pinsala sa loob lamang ng sampung taon. Ang gayong kasiglahan, pati na ang mga reporma sa pulitika, ay itinuring na lubhang mapanganib niyaong mga di-mapagparayang kaaway ng Cartago. Sa loob ng halos dalawang taon, hanggang sa kaniyang kamatayan, tinatapos ng nakatatandang Romanong estadista na si Cato ang bawat isa sa kaniyang mga talumpati sa harap ng Senado sa pamamagitan ng islogan: “Delenda est Carthago!,” na nangangahulugang “Dapat na wasakin ang Cartago!”
Sa wakas, noong 150 B.C.E., isang di-umano’y paglabag sa tratado ang nagbigay sa mga Romano ng dahilan na kanilang hinahanap. Idineklara ang isang digmaan, na inilarawan bilang “isang digmaan ng paglipol.” Sa loob ng tatlong taon, kinubkob ng mga Romano ang 30 kilometro ng mga kuta ng lunsod, isang lugar na mahigit sa 12 metro ang taas. Sa wakas, noong 146 B.C.E., nakagawa ng isang butas. Ang mga hukbong Romano, na umaabante sa pamamagitan ng makikitid na lansangan habang inuulan ng mga sibat, ay nakipagbuno nang mano-mano sa isang malupit na labanan. Bilang isang kakila-kilabot na katunayan ng sinaunang ulat na ito, ang mga arkeologo ay nakasumpong ng mga buto ng tao sa ilalim ng nakakalat na mga bloke ng bato.
Pagkaraan ng anim na kakila-kilabot na araw, sumuko ang mga 50,000 gutom na gutom na mga mamamayan na nanganlong sa Byrsa—isang nakukutaang moog sa ibabaw ng burol. Ang iba naman, palibhasa’y ayaw na mabitay o magpaalipin, ay nagkulong sa templo ni Eshmun at sinilaban ito. Sinunog ng mga Romano ang anumang natira sa lunsod, anupat ang Cartago ay tinupok at isinumpa sa seremonyal na paraan, at ipinagbawal ang paninirahan doon ng sinumang tao.
Kaya sa loob ng 120 taon, iginuho ng Roma ang mga hangarin ng Cartago bilang isang imperyo. Sinabi ng istoryador na si Arnold Toynbee: “Ang talagang isyu sa Digmaan ni Hannibal ay kung ang darating na pandaigdig na Griegong estado ay magiging isang Imperyong Cartago o isang Imperyong Romano.” “Kung nanalo sana si Hannibal,” komento ng Encyclopædia Universalis, “tiyak na naitatag niya ang isang pandaigdig na imperyo na kahawig niyaong kay Alejandro.” Ang nangyari, ang mga Digmaang Punic ang siyang nagsilbing tanda ng pasimula ng Romanong imperyalismo, na sa dakong huli ay humantong sa pangingibabaw nito sa daigdig.
Ang “Roma ng Aprika”
Tila nagkaroon ang Cartago ng isang di-mababagong wakas. Gayunman, pagkaraan lamang ng isang siglo ay ipinasiya ni Julio Cesar na magtatag ng isang kolonya roon. Bilang parangal sa kaniya, tinawag iyon na Colonia Julia Cartago. Pinatag ng mga inhinyerong Romano ang ibabaw ng Byrsa sa pamamagitan ng paglilipat ng marahil 100,000 metro kubiko ng lupa upang gumawa ng isang malaking plataporma—at upang burahin ang lahat ng bakas ng nakalipas. Doon itinayo ang mga templo at magagarbong gusaling pampubliko. Sa paglipas ng panahon, ang Cartago ay naging ‘isa sa pinakamaririwasang lunsod sa daigdig ng mga Romano,’ ang pangalawa sa Roma bilang pinakamalaking lunsod sa Kanluran. Isang teatro, isang ampiteatro, malalaking paliguan na may mainit na tubig, isang daluyan ng tubig na may habang 132 kilometro, at isang sirkus na maaaring pasukin ng 60,000 mánonood ang itinayo upang matugunan ang mga pangangailangan ng 300,000 naninirahan doon.
Nakarating ang Kristiyanismo sa Cartago noong mga kalagitnaan ng ikalawang siglo C.E. at mabilis itong lumago roon. Si Tertullian, ang bantog na teologo ng simbahan at tagapagtanggol ng pananampalataya, ay isinilang sa Cartago noong mga 155 C.E. Bunga ng kaniyang mga isinulat, Latin ang naging opisyal na wika ng Simbahan ng Kanluran. Si Cyprian, ang obispo ng Cartago noong ikatlong siglo, na bumuo ng isang pitong-gradong sistema ng pamamahala ng mga klero sa simbahan, ay naging martir sa lunsod, noong 258 C.E. Isa pang taga-Hilagang Aprika, si Augustine (354-430 C.E.), na tinatawag na pinakadakilang palaisip sa sinaunang Kristiyanismo, ay naging instrumento sa paghahalo ng doktrina ng simbahan at ng pilosopiyang Griego. Gayon na lamang katindi ang impluwensiya ng simbahan ng Hilagang Aprika anupat isang klerigo ang nagpahayag: “Ikaw, O Aprika, ang buong-alab na nagsulong ng simulain ng aming pananampalataya. Ang ipinasiya mo ay sinasang-ayunan ng Roma at sinusunod ng mga panginoon sa lupa.”
Gayunman, biláng na ang mga araw ng Cartago. Minsan pa, ang kapalaran nito ay di-maaaring ihiwalay sa Roma. Habang naglalaho ang Imperyong Romano, gayundin ang Cartago. Noong 439 C.E., ang lunsod ay binihag at dinambong ng mga Vandal. Ang pananakop ng mga Byzantine sa lunsod pagkaraan ng isang siglo ay naging isang maikling pagkaantala sa pagkawasak nito. Ngunit hindi nito naitaboy ang mga Arabe na mabilis na dumaluhong sa Hilagang Aprika. Noong 698 C.E., ang lunsod ay nasakop, at pagkaraan nito, ang mga bato nito ang siyang ginamit sa pagtatayo ng lunsod ng Tunis. Nang sumunod na mga siglo, dinambong at iniluwas ang marmol at granito na minsang gumayak sa Romanong lunsod, anupat ginamit ang mga ito upang itayo ang mga katedral ng Genoa at Pisa, sa Italya, at malamang, maging ng Canterbury sa Inglatera. Mula sa pagiging isa sa pinakamayayaman at pinakamakapangyarihang mga lunsod noong sinaunang panahon, mula sa pagiging isang imperyo na muntik nang mamahala sa daigdig, ang Cartago sa wakas ay nauwi sa isang di-nakikilalang bunton ng kaguhuan.
[Mga talababa]
a Ang pangalang taga-Fenicia ay galing sa salitang Griego na Phoinix, na ang kahulugan ay “mapulang-purpura” at gayundin ang “punong palma.” Mula rito galing ang salitang Latin na Poenus, na nagbigay sa atin ng pang-uri sa wikang Ingles na “Punic,” na nangangahulugang “Carthaginian.”
b Ang matalik na ugnayan sa pagitan ng mga taga-Cartago at mga Etruskano, na tumagal nang maraming siglo, ay umakay kay Aristotle na magkomento na ang dalawang bansang ito ay waring isang estado lamang. Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga Etruskano, tingnan ang Nobyembre 8, 1997, labas ng Gumising!, pahina 24-7.
c “Ang pangalang Aprika ay ibinigay ng mga taga-Cartago sa teritoryo na nakapalibot sa Cartago. Nang maglaon ay tumukoy ito sa lahat ng kilalang rehiyon sa kontinente. Pinanatili ng mga Romano ang pangalang ito nang gawin nilang isang lalawigang Romano ang teritoryong ito.”—Dictionnaire de l’Antiquité—Mythologie littérature, civilisation.
[Mapa sa pahina 14]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ROMA
DAGAT MEDITERANEO
CARTAGO (mga guho)
[Larawan sa pahina 14]
Mga labí ng Romanong mga paliguan na may mainit na tubig
[Larawan sa pahina 15]
Ang paghahatid ng mga sedro ng Lebanon sa pamamagitan ng mga barko ng Fenicia
[Credit Line]
Musée du Louvre, Paris
[Larawan sa pahina 15]
Isinusuot ang mga salaming palawit bilang anting-anting ng suwerte
[Credit Line]
Musée du Louvre, Paris
[Larawan sa pahina 16]
Naglalagay ang mga taga-Cartago ng mga maskarang panlibing sa mga puntod upang itaboy ang masasamang espiritu
[Credit Line]
Musée du Louvre, Paris
[Larawan sa pahina 16]
Ang pagpaslang sa mga bata ay bahagi ng pagsamba ng mga Canaanita na minana ng mga taga-Cartago. Ito ay isang lapida para sa isang bata na inihain
[Larawan sa pahina 17]
Kaguhuan ng lunsod na Punic, na idinulot ng mga Romano noong 146 B.C.E.
[Larawan sa pahina 17]
Itinuturing si Hannibal bilang isa sa pinakadakilang mga tagaplano ng militar na nabuhay kailanman
[Credit Line]
Alinari/Art Resource, NY