Paghahain ng Anak—Bakit Totoong Kasuklam-suklam?
“At kanilang itinayo ang mga matataas na dako ng Topheth, na nasa libis ng anak ni Hinnom, upang sunugin ang kanilang mga anak na lalaki at babae sa apoy na hindi ko iniutos at ni hindi man lamang pumasok sa aking puso.”—Jeremias 7:31.
NOONG mga kaarawan nina haring Achaz at Manases ng Juda, ang bansang Israel ay nahulog sa silo ng nakaririmarim na pagsamba ng karatig na mga bansa. Kasali na rito ang paghahain ng kanilang mga anak kay Molech. (2 Cronica 28:3; 33:6, 9) Bagaman noong bandang huli ay inalis ni Haring Josias ang marami sa “kasuklam-suklam” na mga gawain, “gayunma’y hindi tinalikdan ni Jehova ang bagsik ng kaniyang malaking pagkagalit, at sumiklab ang kaniyang galit laban sa Juda sa lahat ng karima-rimarin na mga bagay na si Manases ang pasimuno.” (2 Hari 23:10, 26) Bakit? Ano’t ang pagkakasalang iyon ay totoong “karima-rimarim” na anupa’t hindi maaaring patawarin?
“Ang paghahain sa mga bata ay isang litaw na bahagi ng pagsamba ng Phenician Malik-Baal-Kronos,” ang sabi ng Funk and Wagnalls Jewish Encyclopedia. Ang mga Phoenician ang unang-unang tumahan sa hilagang baybayin ng Canaan. Palibhasa’y mahilig sila na maglayag sa karagatan, sila ay nagtatag ng mga kolonya sa buong Mediteraneo at saanman sila magpunta ay dala-dala nila ang kanilang kasuklam-suklam na ritwal ng paghahain sa mga bata. Natuklasan kamakailan ng mga arkeologo sa sinaunang Phoenicia sa lunsod ng Cartago (ngayo’y isang arabal ng Tunis sa Tunisia, Hilagang Aprika) ang mga ilang bagay na magbibigay-liwanag sa kasuklam-suklam na gawaing ito.
Ang lugar na iyon ay unang natuklasan noong 1921. Subalit pasimula sa 1970’s, nagsagawa na roon ng masinsinang paghuhukay dahilan sa paglawak ng modernong lunsod sa may lugar na iyon. Ang nahukay nila’y isang malaking libingan na pinagbaunan ng bangkay ng inihain na mga bata. Nag-ulat ang lathalaing Biblical Archaeology Review:
“Dito, mula noong ikawalong siglo B.C. hanggang sa ikalawang siglo B.C., ang mga ina at mga ama ng Cartago ay nagbabaón ng mga buto ng kanilang mga anak na inihain sa diyos na si Baʹal Hammon at sa diyosang si Tanit. Noong ikaapat na siglo B.C. ang Tophet [ito ang Tophet sa Bibliya] ay maaaring ang laki’y 64,800 piye kuwadrado (6,000 metro kuwadrado), at may siyam na andana na pinaglilibingan.”
Nakadiskubre rin ng nahahawig na mga lugar sa Sicily, sa Sardinia, at sa mga lugar sa Tunisia. Ang mga ito’y pawang mga kolonya ng Phoenicia noong nakaraan. Sa libingan sa Cartago, ang mga mananaliksik ay nakatuklas ng maraming mga lapida na may nakaguhit na figura ng diyosang si Tanit, na ipinagpapalagay na siyang diyosang si Ashtoreth, o Astarte, ang asawa ni Baal. Sa ilalim ng mga lapida ay nakatuklas ng mga urna na luwad, ang iba’y may matitingkad na dekorasyon, at taglay niyaon ang sinunog na mga buto ng mga inihaing biktima.
Upang ipakita ang lawak ng gawaing iyon, ang ulat ay nagsasabi: “Kung ibabatay sa densidad ng mga urna sa mga lugar na pinaghukayan, tinataya namin na mayroong 20,000 urna ang naroon sa pagitan ng 400 at 200 B.C.” Lalong nakagigitla ang napakalaking bilang na ito pagka isinaisip natin na noong kasikatan nito ang populasyon ng Cartago, ayon sa artikulo, ay mayroon lamang 250,000.
Ipinakikita ng mga nakasulat sa lapida na ang mga bata ay inihain upang tuparin ang ipinanata ng kanilang mga magulang kay Baal o Tanit bilang kapalit ng biyayang tinanggap nila. Ayon sa mga ranggo at mga titulo na mababasa sa mga lapida ang kaugaliang iyon ay lalo nang popular sa mga nasa alta sosyodad, marahil upang hilingin na pagpalain ng mga diyos ang kanilang mga pagsisikap na magkamal ng kayamanan at mapanatili ang kanilang impluwensiya. Ang iba sa mga urna ay may mga buto ng dalawa o tatlong mga bata, marahil sila’y nasa iisang pamilya batay sa mga pagkakaiba ng edad.
Kung ang kaugaliang iyan ng mga taga-Phoenicia ay nakagigitla, alalahanin na “iniligaw ni Manases ang Juda at ang mga taga-Jerusalem, na anupa’t sila’y nagsigawa ng higit na masama kaysa ginawa ng mga bansang nilipol ni Jehova sa harap ng mga anak ni Israel.” (2 Cronica 33:9) Hindi isang kalabisan nang sabihin ni Jehova: “Kanilang pinunô ang dakong ito ng dugo ng mga walang sala.” (Jeremias 19:4) Angkop ang pagkasabi ng artikulo sa Review: “Ang dumaraming arkeolohikal at epigrapikong ebidensiya, na galing sa mismong mga taga-Cartago, ay matinding nagpapahiwatig na ang klasikal at Biblikal na mga manunulat ay may kaalaman sa kanilang sinasabi.”
Sa gayon, kung paano “nilipol” ni Jehova ang idolatrosong Cananeong “mga bansa,” hindi rin niya inilibre ang suwail na mga Israelita. Tinanggap nila ang talagang nararapat sa kanila buhat sa kamay ng mga taga-Babilonya noong 607 B.C.E. Gayundin naman, kaniyang hihingang-sulit yaong mga sa ngayon, tuwiran man o di-tuwiran, ay may bahagi sa pagbububo ng dugo ng angaw-angaw sa pamamagitan ng kasuklam-suklam na gawain na gaya baga ng mga digmaan, krimen, patayan, at aborsiyon.—Apocalipsis 19:11-15.