Ang Minamahal na Higanteng Tsubibo ng Vienna
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRIA
ANG kaakit-akit na lunsod ng Vienna ay nasa harapan, at ang mga burol ng mga kakahuyan ng Vienna ay matatanaw sa malayo. Napakaganda ng tanawin anupat halos maririnig mo ang masasayang tono ng mga balse ni Strauss. Talagang pinili ng isang kabataang lalaki ang tagpong ito, subalit ngayon ay sinisikap niyang pakalmahin ang pagkabog ng kaniyang dibdib habang inaalok ng kasal ang kaniyang irog. Animnapung metro ang taas nila mula sa lupa. Paano nangyari iyan? Hindi siya ang una at tiyak na hindi ang huling dadalaw sa minamahal na Riesenrad, o higanteng tsubibo (Ferris wheel), ng Vienna sa gayong pantanging okasyon.
Ang higanteng tsubibo, na nasa isang malawak na parke sa Vienna na tinatawag na Prater, ay isang natatanging palatandaan ng lunsod sa loob ng mahigit sa 100 taon. ‘Makikilala mo lamang ang Vienna kapag nakita mo ito mula sa higanteng tsubibo,’ ang pahayag ng paanyayang nakapaskil sa pasukan ng atraksiyong ito. Ngunit ang pag-iral nito—na mas matagal pa kaysa sa alinmang iba pang higanteng Ferris wheel sa daigdig—ay nagkaroon ng mga suliranin. Paano nga ba nabuo ang gahiganteng kayariang bakal na ito? Paano nito nalampasan ang mga unos ng panahon?
Ang Unang Ferris Wheel
Upang matalunton ang kasaysayan ng higanteng tsubibo, kailangan tayong bumalik sa ika-19 na siglo at sa malaking Pagbabago sa Industriya. Noong panahong iyon, bakal ang naging paboritong materyales sa pagtatayo ng mga industriya. Nagsilitaw ang mga agresibong disenyo ng mga kayariang bakal sa iba’t ibang kabisera sa daigdig—ang yari sa bakal at salamin na Crystal Palace sa London, ang Palm House sa Vienna, at ang Eiffel Tower sa Paris. Gayunman, ang lunsod na pinakakilala sa ganitong uri ng arkitektura ay ang Chicago, at doon, sa okasyon ng 1893 World’s Fair, itinayo ng Amerikanong inhinyero na si Geogre Ferris ang unang higanteng tsubibo.
Ang napabantog na tsubibo ni Ferris ay may diyametro na 76 na metro at may 36 na bagon, bawat isa ay nakapaglululan ng 40 pasahero sa himpapawid para sa isang 20-minutong pagmamasid sa kagila-gilalas na tanawin ng Chicago at ng mga karatig-pook nito. Para sa maraming panauhin sa fair, iyon na ang pinakadi-malilimutang atraksiyon. Subalit nang maglaon ay naluma na rin ang Ferris wheel ng Chicago, at matapos na ilipat nang dalawang ulit, iyon ay giniba na noong 1906 para sa patapong maliliit na piraso nito. Magkagayunman, ang ideya ng isang higanteng tsubibo ay nagsimula nang pumukaw ng mga imahinasyon sa ibang dako.
Itinayo ang Higanteng Tsubibo sa Vienna
Ang pananabik para sa higanteng tsubibo ng Chicago ay maliwanag na labis na inisip ng inhinyero at retiradong opisyal sa hukbong-dagat ng Britanya na si Walter Basset. Noong 1894, sinimulan niyang idisenyo ang isang napakalaking tsubibo na itatayo sa Earl’s Court sa London, at pagkaraan ay nagtayo siya ng iba pang mga tsubibo sa Blackpool, Inglatera, at sa Paris. Samantala, ang taga-Vienna na negosyante sa libangan na si Gabor Steiner ay humahanap noon ng mga bagong atraksiyon para sa Vienna. Isang araw, iminungkahi ng kinatawan ni Walter Basset kay Steiner na magsosyo sila sa pagtatayo ng isang higanteng tsubibo sa Vienna. Agad na nagkasundo ang mga lalaking ito, at nakakita ng isang angkop na dako para sa bagong imbensiyong ito mula sa Inglatera. Kumusta naman ang pagkuha ng permiso para sa pagtatayo?
Nang isumite ni Steiner sa lunsod ang kaniyang mga plano sa pagtatayo, isang opisyal ang tumingin sa mga plano, saka tumingin kay Steiner, at muling tumingin sa mga plano. Pagkatapos ay umiling-iling ito at nagtanong: “Talaga bang inaakala mo, G. Direktor, na makakakita ka ng isang tao na magbibigay sa iyo ng permisong itayo ang halimaw na ito at saka akuin ang pananagutan para rito?” Nakiusap si Steiner: “Pero ang mga tsubibong tulad nito ay umiiral na sa London at sa Blackpool, at umaandar ang mga ito nang walang anumang mga problema!” Tumangging makumbinsi ang opisyal. “Magagawa ng mga Ingles ang anumang ibig nila,” ang sagot niya, “pero hindi ko isasapanganib ang buhay ko.” Palibhasa’y hindi nasiraan ng loob, nagtiyaga si Steiner at sa wakas ay nakakuha ng permiso upang magtayo.
Ang pagtatayo mismo ng gahiganteng bakal na kayariang ito ay naging usap-usapan. Araw-araw ay nagtitipon ang mga mausisang nagmamasid sa lugar ng pagtatayo upang magpalitan ng mga opinyon tungkol sa progreso nito. Natapos iyon sa loob lamang ng walong buwan. Noong Hunyo 21, 1897, ang mga huling pagpukpok ng martilyo ay ginawa ni Ginang Horace Rumbold, kabiyak ng embahador na Ingles sa Palasyo ng Vienna. Pagkaraan ng ilang araw, nagsimula nang umandar ang higanteng tsubibo. Gaya ng nagunita pagkaraan ni Steiner: “Lahat ay tuwang-tuwa, at dumagsa ang mga tao sa mga bilihan ng tiket.”
Ang mga Tagumpay at Suliranin ng Higanteng Tsubibo
Si Arkeduke Francis Ferdinand, ang maliwanag na tagapagmana sa korona ng Austria at Hungary, ay nasiyahan sa pagsusurbey sa kabisera ng imperyo mula sa itaas ng higanteng tsubibo. Ang pataksil na pagpatay sa kaniya noong Hunyo 1914—ang pasimula ng Digmaang Pandaigdig I—ay nakaapekto rin sa higanteng tsubibo. Hindi lamang ito nawalan ng bantog na panauhin kundi isinara rin ito mula sa publiko nang ito’y maging isang bantayan ng militar. Muling umandar ang higanteng tsubibo noong Mayo 1915. Subalit noon ay dumaranas ang bansa ng kakulangan sa asero, at naroon lamang at kitang-kita ng lahat ang higanteng tsubibo na naghihintay upang baklasin! Ang tsubibo ay ipinagbili noong 1919 sa isang mangangalakal na taga-Prague, na siya sanang magpapabaklas nito sa loob ng tatlong buwan. Subalit ang pagbabaklas sa masalimuot na kayariang ito ay magiging mas magastos kaysa sa halaga mismo ng asero. Kaya kahit paano’y natakasan ng tanyag na palatandaang ito ang ‘sentensiyang kamatayan’ at patuloy nitong inaliw ang humahangang publiko.
Nagbunga ng malalaking pagbabago sa Vienna ang digmaan at ang pagbagsak ng monarkiya ng Austria at Hungary. Noong mga taon ng 1930, lumala ang ekonomiya, at naging di-matatag ang situwasyon sa pulitika. Si Steiner, na dating isang kilalang tao, ay kinailangang tumakas upang iligtas ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang pagiging Judio. Gayunman, noong 1939 at 1940, inaliw ng higanteng tsubibo ang maraming sakay nito. Ang Digmaang Pandaigdig II, na noo’y sumiklab na, ay waring nagtulak sa mga tao na mahumaling sa paghahanap ng mapaglilibangan. Ngunit noong Setyembre 1944, isang nakababahalang balita ang kumalat sa lunsod—nasusunog ang higanteng tsubibo! Isang short circuit sa katabing roller coaster ang nagsimula ng sunog na umabot hanggang sa higanteng tsubibo, anupat tinupok ang anim sa mga bagon nito. Pero hindi pa iyan ang pinakamasahol.
Noong Abril 1945, nang humuhupa na ang Digmaang Pandaigdig II, muli na namang nasunog ang tsubibo. Sa pagkakataong ito ay natupok ang lahat ng 30 bagon pati na ang mga pasilidad sa pagkontrol nito. Ang natira na lamang ay ang sunóg na aserong balangkas ng tsubibo. Ngunit kahit na ito ay hindi pa naging hudyat ng wakas ng tsubibo. Kahit na bloke-bloke ng mga kabahayan ang naiwang guhô pagkatapos ng digmaan, matatag na nakatayo pa rin ang higanteng tsubibo, bagaman isa na lamang itong balangkas na bakal. Minsan pa ay natuklasan na totoong magastos kung ito’y babaklasin. Mayroon bang mapagpipilian?
Oo! Muli itong kinumpuni, bagaman sa kadahilanang pangkaligtasan ay salitan na lamang sa mga bagon ang pinalitan. Mula noong Mayo 1947 hanggang sa ngayon, ito’y patuloy na umiikot, anupat dahan-dahang itinataas at ibinababa ang tuwang-tuwang mga pasahero nito. Sa pamamagitan ng mga pelikulang gaya ng The Third Man, na ang di-malilimutang temang musika nito ay tinugtog sa sitara, ang higanteng tsubibo ay napatanyag hindi lamang sa Vienna.
Nakaligtas ang higanteng tsubibo ng Vienna, samantalang yaong mga naunang itinayo sa Chicago, London, Blackpool, at Paris ay pawang patapong maliliit na piraso ng bakal. Ito’y nananatiling isang saksi sa matibay na pananalig ng salinlahi pagkatapos ng digmaan na muling magtayo at iyon ay naging isang sagisag ng Vienna. Kung sakaling dadalaw ka sa Vienna, tiyak na nanaisin mong sumakay sa higanteng tsubibo. Samantalang naroroon, marahil ay masusulyapan mo rin ang isang matandang lalaki na nagkukuwento sa kaniyang mga apo kung paano niya sinikap, sa ibabaw ng higanteng tsubibo, na pakalmahin ang kaniyang kumakabog na dibdib nang pumayag si Lola na pakasal sa kaniya.
[Kahon/Larawan sa pahina 19]
ANG RIESENRAD (HIGANTENG TSUBIBO)
Itinayo: 1897
Taas: 64.75 metro
Diyametro ng tsubibo: 60.96 metro
Bigat ng tsubibo: 245 tonelada
Bigat ng kabuuang kayariang asero: 430 tonelada
Bilis: 2.7 kilometro bawat oras
[Credit Line]
Pinagkunan: The Vienna Giant Ferris Wheel, nina Helmut Jahn at Peter Petritsch, 1989, pahina 39
[Larawan sa pahina 21]
Tanawin ng hilagang-kanlurang himpapawid ng Vienna mula sa higanteng tsubibo