Pagmamasid sa Daigdig
Medikal na mga Rekord—Kasama ang mga Kinaugalian sa Telebisyon?
Dapat na ilakip sa medikal na mga rekord ng isang bata ang kaniyang mga kinaugalian sa telebisyon, mungkahi ng isang grupo ng mga pediatrician sa Espanya. Ayon sa pahayagang Diario Médico ng Espanya, ipinapalagay ng mga doktor na dapat nilang malaman kung gaano karaming oras sa isang araw matiyagang nanonood ng TV ang isang bata at gayundin ang uri ng mga programa na kaniyang pinanonood at kung sino ang kaniyang kasama. Bakit? Sapagkat isiniwalat ng isang surbey na isinagawa ng mga pediatrician na ang panonood ng TV ay umaakay sa isang palaupong istilo ng buhay, higit na kapusukan, hangarin na bumili ng mga bagay, pagbaba ng mga marka sa paaralan, at ang posibilidad na maging sugapa sa TV. “Inirerekomenda ng mga pediatrician na ang mga magulang ay huwag maglagay ng telebisyon sa kuwarto ng mga bata o sa isang lugar kung saan makokontrol [ng mga bata] ang mga programa,” sabi ng ulat. “Karagdagan pa, ang panonood ng telebisyon sa panahon ng pagkain ay dapat na iwasan, at dapat na limitahan ng mga magulang ang panonood ng mga bata ng telebisyon nang hindi hihigit sa dalawang oras sa isang araw, bagaman mas kanais-nais ang hindi hihigit sa isang oras bawat araw.”
Paglaki ng Populasyon ng Tsina
“Lumaki na ang populasyon ng Tsina tungo sa 1.26 bilyong katao at mas tumatagal ang buhay nito, mas edukado, at mas urbanisado,” sabi ng abcNEWS.com. Ayon kay Zhu Zhixin, direktor ng National Bureau of Statistics, lumaki ang populasyon nang 132.2 milyon sapol noong 1990. Ang mas mababang paglaki na 1.07 porsiyento sa isang taon ay ipinapalagay na bunga ng mga patakaran ng Tsina na magkaroon ng isang anak lamang bawat pamilya sa pamamagitan ng pagkontrol sa pag-aanak na ipinatupad mula noong huling bahagi ng dekada ng 1970. Gayunman, nababahala ang mga opisyal dahil isiniwalat ng surbey noong 1999 na may 117 lalaki ang isinisilang sa bawat 100 babae, na malamang na resulta ng pinipiling pag-aaborsiyon sa mga babae. “Natatakot ang mga sosyologo na ang di-timbang na bilang ng pagsilang ay aakay sa kakulangan ng mapapangasawang babae, paglalâ ng prostitusyon at ang pagkidnap at pagbebenta ng mga babae para sa pag-aasawa,” sabi ng ulat.
“Kayamanan sa Ilalim ng Lupa”
Nakumpleto na ng mga mananaliksik na pinangungunahan ng hydrogeologist na taga-Brazil na si Heraldo Campos ang pitong-taon na proyekto na gawan ng mapa ang pinakamalalaking imbakan ng tubig sa ilalim ng lupa ng Timog Amerika. Ang Guarani Aquifer, na nasa ilalim ng mga bahagi ng Brazil, Uruguay, Paraguay, at Argentina, ay may kabuuang sukat sa ibabaw na humigit-kumulang 1.2 milyong kilometro kuwadrado at nakaiimbak ng tinatayang 40,000 kilometro kubiko ng tubig. Ayon sa isang ulat ng Global Environmental Facility, “ang nakaimbak na tubig sa ngayon ay sapat na upang matustusan ang buong populasyon ng Brazil sa loob ng 3,500 taon.” Sa hinaharap, ang “kayamanan[g ito] sa ilalim ng lupa” ay maaari ring makuha upang labanan ang paglaki ng disyerto, at dahil sa temperatura ng tubig, maaari itong gamitin bilang alternatibong mapagkukunan ng enerhiya. Sa pamamagitan ng paggawa ng mapa ng imbakan ng tubig, hinahangad ng mga mananaliksik na ipagsanggalang mula sa dumi ng mga pestisidyo at pataba ang mga lugar kung saan pumapasok ang tubig.
Pagdami ng Kanser sa Balat
Nagkaroon ng kapansin-pansing pagdami sa bilang ng may melanoma, ang pinakamalubhang tumor sa balat, ayon sa serbisyo sa pagbabalita ng Espanya na El Pais Digital. Sa kalagitnaan ng ika-20 siglo, lumitaw ang melanoma sa 1 sa bawat 1,500 katao. Ngunit sa taóng 2000, ang bilang na ito ay tumaas tungo sa 1 sa bawat 75 indibiduwal, pangunahin na dahil sa kausuhan na magpaitim. Sa isang kombensiyon ng European Society for Medical Oncology, sinabi ni Propesor J. Kirkwood na 40 porsiyento ng mga tumor ng melanoma ay dahil sa mga henetikong salik, samantalang ang natitirang 60 porsiyento ay dahil sa labis na pagbibilad sa araw. Pinakaapektado ang mga babaing ang edad ay sa pagitan ng 23 at 50. Ipinaliwanag ni Kirkwood na sa panahon ng pagkabata at pagtitin-edyer, maaaring magkaroon ng mga pagbabago sa mga selulang nagbibigay-kulay sa balat dahil sa radyasyon ng araw, bagaman maaaring lumitaw lamang ang kanser paglipas ng maraming taon. “Naaalaala ng balat ang natanggap nitong radyasyon ng araw,” sabi ni Kirkwood.
Asukal Tungo sa Plastik
Natuklasan ng mga siyentipiko sa Institute of Technological Research sa Brazil ang isang bagong uri ng baktirya na may kakayahang gawing plastik ang asukal. Ang dating mga natuklasang uri ay tumutunaw at bumabago sa asukal pagkatapos lamang na mahati-hati ito sa mas maliliit na molekula, ngunit “ang malaking potensiyal nito[ng bagong tuklas na baktirya] ay nakasalalay sa kakayahan nitong tunawin ang asukal nang tuwiran,” sabi ng inhinyerong si Carlos Rossell. Kapag napasobra ng kain, ginagamit ng baktirya ang ekstrang asukal upang gumawa ng maliliit na butil ng plastik na biodegradable, na inaalis ng mga siyentipiko sa pamamagitan ng paggamit ng isang solvent. Ayon sa mga mananaliksik, “isang kilo ng plastik ang makukuha mula sa tatlong kilo ng asukal,” sabi ng pahayagang O Estado de S. Paulo.
Nakapupurol ng Isip ang Taba sa Pagkain
“Ang pagkain na maraming taba ay maaaring bumara sa iyong utak at gayundin sa mga ugat ng iyong puso,” sabi ng magasing New Scientist. Upang maunawaan ang mga epekto sa utak ng pagkaing maraming taba, ang mga mananaliksik sa Canada ay “nagbigay ng pagkaing mayaman sa taba ng hayop o ng gulay sa mga dagang isang buwan ang tanda hanggang sa ang mga ito’y maging apat na buwan.” Isang kontroladong grupo ang binigyan ng pagkaing kaunti ang taba. Pagkatapos ay tinuruan ng mga gawain ang dalawang grupo. Ang mga resulta? Ang mga daga na binigyan ng dalawang uri ng pagkaing maraming taba ay “kumilos nang malayung-malayo sa kahusayan ng mga payat na daga.” Sinabi ng mananaliksik na si Gordon Winocur: “Pinahihina ng mga pagkaing maraming taba ang kakayahan ng pagkilos sa halos lahat ng aspekto. Kapansin-pansin kung gaano kahina ang mga hayop na ito.” Ayon sa ulat, nadarama ng mga mananaliksik na “pinipigilan ng taba ang utak sa pagkuha ng glucose, sa pamamagitan malamang ng pagpapabagal sa pagkilos ng insulin, na tumutulong sa pagkontrol sa mga antas ng asukal sa dugo.”
Ipinagbibili ang Pagpapahirap
“Dumarami ang mga kompanyang nagbebenta ng mga kagamitan sa pagpapahirap,” sabi ng isang artikulo sa pahayagang Südwest Presse ng Alemanya. Ayon sa organisasyon sa karapatang pantao na Amnesty International, 150 kompanya sa buong daigdig ang pinaniniwalaang naging kabilang na rin sa nakapanghihilakbot na negosyong ito, kalakip ang 30 sa Alemanya at 97 sa Estados Unidos. Kasama sa mga ibinibenta nila ang hindi lamang mga pampataw sa binti at mga posas sa hinlalaki na may mga ngipin, kundi mga kagamitang pangkoryente rin na may matataas na boltahe. Isang kompanya sa Estados Unidos ang sinabing nag-aalok ng mga sinturong may remote control na naglalabas ng 50,000 boltahe ng kuryente sa katawan ng biktima. Ang gayong mga kagamitang gumagamit ng makabagong teknolohiya ay mas pinipili ng mga nagpapahirap, yamang bihira itong mag-iwan ng anumang bakas sa mga biktima nila.
Mga Gagamba sa Niyebe
Sa kaniyang pag-aaral sa mga crab spider, ang Alemang mananaliksik na si Peter Jaeger ng Mainz University “ay nakatuklas ng 50 bagong uri na nabubuhay sa niyebe at yelo ng Himalayas, sa taas na hanggang 3,800 metro,” sabi ng pahayagang The Asian Age. “Bagaman ang sukat nila ay maaaring umabot sa apat na sentimetro, ang malalaking crab spider ay tiyak na hindi naman mapanganib sa mga tao.” Nagtatago ang mga ito sa mga puwang sa mga bato o sa ilalim ng mga balat ng punungkahoy at kumakain ng mga insekto, na madali nilang matagpuan dahil sa kanilang sensitibong pandinig. Ngunit bakit hindi naninigas ang mga gagambang ito sa taglamig? Di-tulad ng mga kamag-anak nito sa mas maiinit na klima, ang uri sa Himalayas ay may “biyolohikal na panlaban sa paninigas,” sabi ni Jaeger. “Nag-iimbak sila ng matapang na mga alkohol sa kanilang mga likido sa katawan at ito ang nagpapangyari na mabuhay sila sa mga temperaturang mas mababa pa sa pagyeyelo.”
Pag-amoy sa mga Sakit
Ang isang pagsusuri sa pang-amoy ay maaaring makatulong sa maagang diyagnosis ng mga sakit tulad ng Parkinson o Alzheimer, ulat ng magasin sa siyensiya na natur & kosmos ng Alemanya. Ang humihinang pang-amoy ay maagang lumilitaw sa paglalâ ng sakit na Parkinson at ito ay kabilang sa pinakakaraniwang mga sintomas. Dahil sa ginawa ni Propesor Gerd Kobal, nabuo na ngayon ang isang praktikal na pamamaraan ng pagsusuri sa antas ng panghihina ng pang-amoy ng isang pasyente. Bagaman ang mas nahahalatang mga sintomas ng Parkinson, tulad ng mga panginginig at paninigas ng kalamnan, ay mas huling lumilitaw, ang di-normal na pang-amoy ay maaaring masuri mga buwan o mga taon pa nga ang kaagahan, dahil sa bagong binuong pagsubok sa pang-amoy. Pinangyayari nito na makapagbigay ng gamot na maaaring magpabagal sa paglalâ ng sakit na ito na wala pang lunas sa kasalukuyan.
Pagkaing Natatapon
“Napakaraming pagkain ang natatapon sa mga handaan ng kasal at iba pang maluluhong parti,” sabi ng Mainichi Daily News ng Hapon. Isiniwalat ng isang surbey ng pamahalaan hinggil sa pagkaing natatapon na ang mga sambahayan ay nagtapon, sa katamtaman, ng 7.7 porsiyento ng kanilang pagkain, ang mga nagbebenta ng pagkain ay nagtapon ng 1.1 porsiyento, at ang mga restawran ay nagtapon ng 5.1 porsiyento ng pagkaing hindi pa naihahanda. Gayunman, “ang magagarbong parti na may mga buffet ay nagtapon ng 15.7 porsiyento ng kanilang pagkain,” at halos 24 na porsiyento ng mga inihandang pagkain para sa mga piging ng kasal “ang natitira o natatapon,” komento ng pahayagan. Tanging ang mga kompanya ng pagkain ang nag-ulat ng “halos walang pagkaing natatapon.”