Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 12/22 p. 4-7
  • Ano ba ang Ginagawa Natin sa Ating Pagkain?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ba ang Ginagawa Natin sa Ating Pagkain?
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Hormone at Antibiotic
  • Mga Pagkaing Ginamitan ng Radyasyon
  • Mga Pagkaing Genetically Modified
  • Paggawa ng Timbang na mga Personal na Pasiya
  • Mga Pagkaing Binago ang Henetikong Kayarian—Ligtas ba Ito Para sa Iyo?
    Gumising!—2000
  • Kung Paano Gagawing Mas Ligtas ang Pagkain
    Gumising!—2001
  • Pitong Tip Para Matiyak na Ligtas ang Pagkain Mo at Hindi Ka Magkasakit
    Iba Pang Paksa
  • Nutrisyon Para sa Mabuting Kalusugan
    Gumising!—1986
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 12/22 p. 4-7

Ano ba ang Ginagawa Natin sa Ating Pagkain?

ANG paggawa ng mga pagbabago sa ating pagkain ay hindi isang bagong ideya. Sa katunayan, sa loob ng maraming salinlahi, naging sanáy ang tao sa pagbabagu-bago ng pagkain. Ang maingat na mga pamamaraan ng pagpaparami ay nagbunga ng maraming pagkasari-sari ng tanim, baka, at tupa. Tunay, isang kinatawan ng U.S. Food and Drug Administration ang nagsabi na “halos bawat pagkain na iyong binibili ay binago ng tradisyonal na pagpaparami.”

Ang pagpaparami ay hindi lamang isang paraan upang baguhin ang pagkain. Maraming pamamaraan ang nabuo ng industriya ng pagkain sa paggamit ng kemikal at sa pagpoproseso nito, ito man ay para madagdagan ang lasa o kulay o upang gawin itong pare-pareho at panatilihin itong sariwa. Nasanay na ang mga tao sa pagkain na binago sa paanuman.

Ngunit dumarami ang mga mamimiling nangangamba sa ginagawa ngayon sa ating pagkain. Bakit? Natatakot ang ilan na ang makabagong mga pamamaraang ginagamit sa kasalukuyan ay nagsasapanganib sa pagiging ligtas ng ating pagkain. Makatuwiran ba ang pangambang ito? Ating isaalang-alang ang tatlong bagay na ikinababahala.a

Mga Hormone at Antibiotic

Sapol noong dekada ng 1950, maliliit na dosis ng antibiotic ang idinagdag sa mga ipinakakain sa mga manok, baboy, at baka sa ilang lugar. Ang layunin ay upang pababain ang panganib ng sakit, lalo na kung saan ang mga hayop ay ikinukulong nang halos magkakasama. Sa ilang lupain, ang mga hormone ay idinaragdag din sa mga ipinakakain sa hayop upang pabilisin ang paglaki ng hayop. Sinasabi na ang mga hormone at antibiotic ay nagsasanggalang sa mga hayop laban sa impeksiyon at pinalalaki nito ang kita sa masinsinang agrikultura (intensive farming), na kapaki-pakinabang sa mamimili yamang mas bababa ang mga presyo.

Waring makatuwiran naman ito. Ngunit ang karne ba na galing sa mga hayop na pinakain ng mga idinagdag na mga kemikal na ito ay may anumang panganib sa mamimili? Isang ulat ng Economic and Social Committee of the European Communities ang nagbigay ng konklusyon na may posibilidad na ang baktirya ay makaliligtas sa mga antibiotic at maipapasa sa mamimili. “Ang ilan sa mga baktiryang ito, tulad ng Salmonella at Campylobacter, ay maaaring maging isang tuwirang sanhi ng malulubhang sakit ng tao sa pamamagitan ng kawing ng pagkain,” ang natuklasan ng ulat. Karagdagan pa, paano kung ang kawing ng pagkain ay naglalaman hindi lamang ng baktirya kundi pati ng mga labí ng mga antibiotic? Bumangon ang mga pangamba na bilang resulta nito, ang mga mikrobyong nagbibigay ng sakit sa mga tao ay maaaring unti-unting magkaroon ng resistensiya sa mga antibiotic.

Kumusta naman ang mga karneng ginamitan ng hormone? Isang propesor sa Munich, Alemanya, na si Dr. Heinrich Karg, ang nagkomento: “Lahat ng mga eksperto ay sumasang-ayon na hindi nakapipinsala sa kalusugan ang karneng nagmula sa mga hayop na ginamitan ng hormone, basta’t ang pagkakagamit sa mga sangkap ay kasuwato ng mga tagubilin.” Gayunman, ang pahayagang Die Woche ay nag-ulat na “sa loob ng nakalipas na 15 taon, hindi magkasundo ang mga mananaliksik sa iisang pananaw” hinggil sa isyu ng pagiging ligtas ng karneng nagmula sa mga hayop na pinakain ng hormone. At sa Pransiya, ang tanong hinggil sa mga hormone sa karne ay sinasagot ng umaalingawngaw na ‘Hindi! Hindi dapat gamitin ang mga hormone!’ Maliwanag, hindi pa talaga nalulutas ang kontrobersiya.

Mga Pagkaing Ginamitan ng Radyasyon

Mula noong magpasimula ang mga eksperimento sa Sweden noong 1916, di-kukulangin sa 39 na lupain ang pumayag sa paglalantad sa mga pagkaing kagaya ng patatas, mais, prutas, at karne sa mabababang antas ng radyasyon. Bakit? Ipinapalagay na pinapatay ng radyasyon ang karamihan sa mga baktirya, insekto, at parasito, anupat pinabababa nito ang panganib sa mamimili na magkaroon ng sakit na mula sa pagkain. Pinahahaba rin nito ang panahon na maaaring imbakin ang produkto.

Siyempre pa, sinasabi ng mga eksperto na ang pinakakaayaaya ay na ang kinakain natin ay dapat na malinis at sariwa. Ngunit sino ang may panahon na regular na maghanda ng sariwang pagkain? “Sampung minuto para sa almusal at labinlimang minuto para sa tanghalian at hapunan” ang panahong ginugugol ng karaniwang tao para sa pagkain, ayon sa magasing Test. Kung gayon, hindi kataka-taka na mas pinipili ng maraming mamimili ang pagkaing handa nang kainin at matagal na maiiimbak. Ngunit ligtas ba ang mga pagkaing ginamitan ng radyasyon?

Noong 1999, naglathala ang World Health Organization ng isang pag-aaral na isinagawa ng isang grupo ng internasyonal na mga eksperto. Sila’y nagkaroon ng konklusyon na ang pagkaing ginamitan ng radyasyon “ay kapuwa ligtas na kainin at may sapat na sustansiya.” Inihahambing ng mga tagapagtaguyod nito ang paggamit ng radyasyon sa pagkain sa pag-iisterilisa sa mga benda sa paggamot​—na ginagawa rin sa pamamagitan ng paggamit ng radyasyon​—o sa pagpaparaan ng bagahe sa loob ng isang electronic scanner sa paliparan. Gayunman, iginigiit ng mga kritiko na binabawasan ng radyasyon ang likas na sustansiya ng pagkain at maaaring maglakip ng mga panganib na hindi pa nalalaman.

Mga Pagkaing Genetically Modified

May ilang panahon na ring naililipat ng mga dalubhasa sa henetiko ang isang gene mula sa DNA ng isang organismo tungo sa DNA ng isa pang organismong kapareho ang uri. Gayunman, sa ngayon, ang mga dalubhasa sa henetiko ay makagagawa ng higit pa. Halimbawa, may mga strawberry at mga kamatis na binago sa pamamagitan ng isang gene na kinuha sa isda, na ginagawa itong di-gaanong sensitibo sa mabababang temperatura.

Marami ang sinasabi, kapuwa positibo at negatibo, hinggil sa mga pagkaing genetically modified (GM).b Sinasabi ng mga tagapagtaguyod nito na ang uring ito ng biotechnology ay mas madaling mahinuha at makontrol kaysa sa nakaugaliang mga pamamaraan ng pagpaparami ng halaman, at na ito’y makapagpaparami ng ani at makababawas sa pagkagutom ng tao. Ngunit ligtas bang kainin ang mga pagkaing GM?

Isang ulat hinggil sa paksang ito ang inihanda ng isang pangkat ng mga siyentipiko na kumakatawan sa mga akademya sa Inglatera at Estados Unidos gayundin sa Brazil, Tsina, India, Mexico, at iba pang mga bansa ng papaunlad na daigdig. Sinabi ng ulat na inilathala noong Hulyo 2000: “Hanggang sa kasalukuyan, mahigit na 30 milyong ektarya [70 milyong akre] ng mga tanim na transgenic [GM] ang pinatubo at walang suliranin sa kalusugan ng tao na espesipikong nauugnay sa pagkain ng tanim na transgenic o sa mga produkto nito ang napatunayan.” Sa ilang rehiyon, itinuturing na ligtas ang mga produktong GM katulad ng kombensiyonal na mga pagkain.

Gayunman, sa ibang lugar, laganap ang pag-aalinlangan. Sa Austria, Britanya, at Pransiya, ang mga pagkaing GM ay hindi pinagkakatiwalaan ng ilan. Isang pulitikong Olandes ang nagsabi hinggil sa mga pagkaing GM: “May ilang uri ng pagkain na talagang hindi natin gusto.” Binabanggit din ng mga kritiko ng gayong mga pagkain ang mga katanungan sa etika at posibleng mga panganib sa kapaligiran.

Nadarama ng ilang siyentipiko na ang mga ito ay mga unang yugto pa lamang ng pagkaing GM at na kailangang isagawa ang higit pang mga eksperimento hinggil sa posibleng mga panganib nito sa mga mamimili. Halimbawa, nadarama ng British Medical Association na ang henetikong inhinyeriya ay nangangako ng malalaking pakinabang sa populasyon. Gayunman, binabanggit nito na yamang may ilang bagay na nakababahala​—tulad ng hinggil sa kung ang mga pagkaing GM ay magdudulot ng mga alerdyi​—nangangahulugan ito na “kinakailangan ang higit pang pagsasaliksik.”

Paggawa ng Timbang na mga Personal na Pasiya

Sa ilang lupain, mga 80 porsiyento ng pagkain ay pinoproseso. Kadalasan nang ginagamit ang karagdagang mga kemikal upang dagdagan o gawing pare-pareho ang lasa at kulay, at gayundin upang pahabain ang panahon na maaari itong imbakin. Sa katunayan, isang akdang reperensiya ang nagsabi na “maraming makabagong produkto, tulad ng mga pagkaing mababa ang kalori, pang-meryenda, at ready-to-eat na madaling ihanda ay hindi magiging posible kung walang karagdagang mga kemikal sa pagkain.” Ang gayong mga pagkain ay malamang na mayroon ding mga sangkap na genetically modified.

Sa loob ng maraming taon, umaasa ang agrikultura sa buong daigdig sa mga gawaing itinuturing ng maraming tao na nakapipinsala. Ang paggamit ng nakalalasong mga pestisidyo ay isa lamang halimbawa. Karagdagan pa, ang industriya ng pagkain ay may ilang panahon na ring gumagamit ng karagdagang mga kemikal na maaaring sanhi ng mga alerdyi sa ilang mamimili. Talaga bang mas mapanganib ang bagong mga teknolohiya sa pagkain kaysa sa mga gawaing ito? Kahit ang mga eksperto ay hindi sang-ayon hinggil dito. Sa katunayan, sinusuportahan ng nakakukumbinsing makasiyensiyang mga ulat ang magkabilang panig at tila nagdudulot ito ng magkaibang opinyon.

Dahil minamalas nila na mahirap maiwasan ang mga pagkaing ginamitan ng makabagong teknolohiya o dahil iniisip nila na mas mahalaga ang iba pang mga pagkabahala, maraming tao sa ngayon ang nagpasiyang hindi mag-alala sa bagay na ito. Gayunman, ang iba ay lubhang nababahala. Ano ang magagawa mo kung ikaw at ang iyong pamilya ay nagdududa sa pagkaing naproseso na tila lubhang komplikado dahil sa makabagong teknolohiya? May mga praktikal na hakbang na maaari mong gawin, na ang ilan ay tinatalakay sa sumusunod na artikulo. Gayunman, makabubuting tiyakin muna na mayroon tayong isang timbang na pananaw sa isyu.

Ang pagiging ligtas ng pagkain ay kagaya ng kalusugan. Walang anumang kasalukuyang paraan upang matamo ang kasakdalan. Ayon sa magasin sa Alemanya na natur & kosmos, maging sa mga taong kilalá sa pagiging lubhang maingat sa pagpili at paghahanda ng pagkain, ang sustansiya ay laging naikokompromiso. Ang kapaki-pakinabang sa isa ay maaaring makapinsala naman sa iba. Kung gayon, hindi ba matalino na linangin ang isang timbang na pangmalas at iwasan ang mga kalabisan?

Siyempre pa, hindi sinasabi sa atin ng Bibliya kung anong desisyon ang dapat gawin hinggil sa mga pagkaing ginamitan ng makabagong teknolohiya sa ngayon. Ngunit itinuturo nito sa atin ang paglinang ng isang katangian na tutulong sa atin sa bagay na ito. Sinasabi ng Filipos 4:5: “Makilala nawa ng lahat ng tao ang inyong pagkamakatuwiran.” Ang pagkamakatuwiran ay makatutulong sa atin na gumawa ng timbang na mga desisyon at iwasan ang mga kalabisan. Mapipigilan tayo nito na diktahan ang iba hinggil sa kung ano ang dapat o hindi dapat gawin sa bagay na ito. At mailalayo tayo nito sa walang-saysay at bumabahaging mga pakikipagtalo sa mga taong naiiba ang pangmalas sa atin hinggil sa paksang ito.

Gayunman, dapat aminin na ang karamihan sa mga panganib hinggil sa pagkain ay hindi lubhang pinagtatalunan. Ano ang ilan sa mga ito, at anong mga pag-iingat ang maaari mong gawin?

[Mga talababa]

a Ang ating kinakain ay pangunahin nang isang personal na bagay. Hindi gumagawa ang Gumising! ng mga mungkahi hinggil sa pagkain o sa pag-iwas sa iba’t ibang pagkain na tinatalakay sa artikulong ito, anumang teknolohiya ang ginamit sa paghahanda sa mga ito. Ang layunin ng mga artikulong ito ay upang ipaalam sa mga mambabasa ang mga katotohanan na nalalaman sa ngayon.

b Pakisuyong tingnan ang Abril 22, 2000, isyu ng Gumising!

[Larawan sa pahina 4]

Naaapektuhan ba ng mga hormone at antibiotic na ipinakain sa baka ang mamimili?

[Larawan sa pahina 6]

Matalino na basahing maingat ang mga etiketa sa pagkain

[Larawan sa pahina 7]

May mga kapakinabangan sa regular na pagbili ng sariwang pagkain

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share