Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 3/8 p. 18-21
  • Nakapagpapalusog na Kasiyahan Sakay ng Bisikleta

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nakapagpapalusog na Kasiyahan Sakay ng Bisikleta
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mula sa Pagiging Laruan Tungo sa Pagiging Sasakyan
  • Nakapagpapalusog na Kasiyahan
  • Ligtas na Kasiyahan
  • Pagbibisikleta Bilang Isang Isport
  • Karera ng Bisikleta—Ang Mabubuti at Masasamang Panahon Nito
    Gumising!—1993
  • Bisikletang Naghahasa ng Kutsilyo
    Gumising!—2009
  • Gulong
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Ang Minamahal na Higanteng Tsubibo ng Vienna
    Gumising!—2001
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 3/8 p. 18-21

Nakapagpapalusog na Kasiyahan Sakay ng Bisikleta

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA

ANONG sasakyan ang mas mura kaysa sa iba pang karamihan, mas mabilis kaysa sa kotse sa maraming lunsod, mas nakabubuti sa iyong kalusugan, at nakasisiya? Bisikleta. Ang pagbibisikleta ay mabuting ehersisyo na kapaki-pakinabang at kalugud-lugod. Sa panahon na maraming tao ang nababahala sa kanilang kalusugan, ang paglalakbay sakay ng bisikleta ay karapat-dapat mong isaalang-alang.

Mula sa Pagiging Laruan Tungo sa Pagiging Sasakyan

Si Baron Karl von Drais, isang imbentor na Aleman, ang itinuring na nag-imbento sa bisikleta. Ang kaniyang tulad-iskuter na sasakyan, na lumitaw noong mga 1817, ay may pinakasimpleng disenyo. Ang draisine, na siyang tawag dito, ay binubuo ng dalawang gulong, isang upuan, at isang manibela para panggiya​—ngunit walang mga pedal. Lumitaw ang mga uring de-pedal noong 1839 nang ang isang panday na taga-Scotland, si Kirkpatrick Macmillan, ay nagkabit ng mga pedal na nakahugpong sa mga baras sa mga maniketa sa gulong sa likuran. Pagkatapos ay dumating ang mahalagang pagbabago sa popularidad ng sasakyang may dalawang gulong. Nagkabit ng mga pedal ang mag-amang Pranses na sina Pierre at Ernest Michaux sa mga maniketa sa gulong sa harapan at nagawa ang velocipede (mula sa Latin na velox, “mabilis,” at pedis, “paa”), isang mas mabilis at mas madaling gamitin na makina.

Nadaragdagan ang bilis kapag pinalalaki ang sukat ng gulong sa harapan. Ang ordinary bicycle, na kilala rin bilang penny-farthing, ay ginawa sa Inglatera at may napakalaking gulong sa harapan na 1.5 metro ang diyametro, anupat talagang naiiba sa maliit na gulong sa likuran. Tinawag itong bisikletang penny-farthing, salig sa pagkakaiba ng isang malaking baryang penny at ng lubhang mas maliit na baryang farthing.

Sumunod ay ang safety bicycle, isang bisikletang magagamit ng mga sumasakay na kasinghusay ng ordinary ngunit mas mababa ang pinakasentro ng bigat nito at may mga gulong na magkapareho o halos magkapareho ang sukat. Noong 1879, ipinakita ng lalaking Ingles na si Henry Lawson sa Paris ang isang makina na ang gulong sa hulihan ay pinatatakbo ng isang kadena. Nang dakong huli ay nakilala ang modelong ito bilang bicyclette.

Karamihan sa modernong mga bisikleta ay may magkaparehong sukat ng mga gulong sa harapan at likuran. Samakatuwid, ang saligang disenyo ay hindi gaanong nagbago. Ang iba’t ibang uri ngayon ng bisikleta gaya ng uring pangkaraniwan, panlakbay (touring bike), pangkarera, at pambundok (mountain bike) ay nagpapangyari sa mga gumagamit nito na madaling makapaglakbay sakay ng sasakyang may dalawang magagaan na gulong na de-goma.

Nakapagpapalusog na Kasiyahan

Palibhasa’y di-maingay, walang dulot na polusyon at kadalasa’y mas mabilis kaysa sa de-motor na sasakyan sa maiikling distansiya, ang mga bisikleta ay kapaki-pakinabang na mga sasakyan sa maraming lupain. Sa Aprika, Asia, at sa iba pang lugar, ang mga bisikleta ay naging mga sasakyan na naglululan ng napakaraming kargada, yamang ang mga ito ay ginagamit ng mga nakasakay​—o ng mga nagtutulak​—​upang dalhin ang kanilang mga kalakal sa pamilihan. Napakadalas na higit pa sa isa ang nakasakay sa bisikleta, yamang ang mga kamag-anak at mga kaibigan ay sumasaklang sa batalya o nauupo sa isang di-maalwang lalagyan ng bag sa likod.

Sa Kanluraning mga lupain, kung saan mas pinipili ang kotse bilang personal na sasakyan, muling naging popular ang pagbibisikleta dahil sa tumitinding pagkabahala sa kalusugan lakip na ang hangaring makaalpas sa nakapapagod na rutin sa lunsod. Naglitawan ang mga daan o landas na pantanging inilaan sa mga bisikleta sa napakaraming lansangan. Halimbawa, sa Britanya, ipinagmamalaki ng maraming awtoridad ng lokal na pamahalaan ang kilu-kilometrong mga landas na inilaan para sa mga siklista.

Maliban sa posibleng polusyon mula sa mga usok ng sasakyan, maaaring maging nakapagpapalusog ang pagbibisikleta. Ito “ay isang proteksiyon laban sa sakit sa puso at ugat, ang pangunahing sanhi ng kamatayan at maagang kamatayan sa UK,” ang sabi ng kasangguni sa transportasyon na si Adrian Davis. Humihiling ng mas matinding pagpapagal ang pagbibisikleta, mga 60 hanggang 85 porsiyento ng buong lakas ng isang tao, kung ihahambing sa 45 hanggang 50 porsiyento na ginagamit kapag naglalakad. Dahil sa kaunting bigat na dinadala ng mga biyas ng siklista, mas kakaunti rin ang panganib na mapinsala ang mga buto kaysa kapag naglalakad o tumatakbo.

Isa pang pakinabang sa kalusugan na dulot ng pagbibisikleta ay ang nakapagpapasiglang pakiramdam na ibinibigay nito sa nakasakay. Isinisiwalat ng pananaliksik na pinupukaw ng ehersisyong ito ang utak na maglabas ng mga kemikal na tinatawag na mga endorphin, na nakapagpapasigla sa pakiramdam. Bukod sa dulot nitong mabuting pakiramdam, tiyak na nakabubuti sa personal na hitsura ang pagbibisikleta. Paano? “Sa katamtamang bilis, masusunog ng nagpepedal [ng isang bisikleta] ang humigit-kumulang pitong kalori bawat minuto, o 200 kalori sa loob ng kalahating oras,” ang ulat ng pahayagang The Guardian. Ang mga resulta? Malamang na mas maliit na baywang at mas balingkinitang mga hita.

Ligtas na Kasiyahan

Tumitindi ang pagkabahala sa kaligtasan ng mga siklista sa mga lupain na may napakaraming kotse. Halimbawa, dapat bang magsuot ng pangkaligtasang helmet? Tiyak na isang katalinuhan ang pag-iingat. Sa kabilang panig, ang basta pagsusuot ng helmet ay hindi tumitiyak na ligtas na sa pinsala ang siklista. Itinawag-pansin ng kolumnistang si Celia Hall ang isang pagsusuri sa 1,700 siklista na may iba’t ibang edad na pawang nagsuot ng mga helmet. Isa sa mga nakapagtatakang natuklasan sa pagsusuring iyon ay na nagkaroon ng maling pagkadama ng seguridad ang mga siklista dahil sa pagsusuot ng helmet. Ang lalo pang masama, 6 na porsiyento sa kanila ang nagsuot ng mga helmet na hindi wasto ang sukat sa kanila. Sa isang aksidente, ang isang helmet na may di-tamang sukat ay nagpapalaki ng 50 porsiyento sa panganib na mapinsala. Kung magsusuot ka ng pangkaligtasang helmet, tiyakin mo na ito ay sukát sa iyo. Regular na siyasatin ang helmet ng iyong anak. Maaaring makamatay ang masyadong malaking helmet.

Madalas na naiirita ang mga drayber ng mga sasakyan sa mga siklista at nahihilig sila na ipagwalang-bahala ang presensiya ng mga ito. Dahil dito, tiyakin na nakikita ka. Magsuot ng pangkaligtasang pananamit​—matitingkad na kulay sa araw at nagpapabalik ng liwanag (reflective) sa gabi. Dapat na nakikita rin ang iyong bisikleta, maging sa dilim. Ang mga replektor sa mga pedal lakip na ang malilinis na ilaw sa harapan at likuran ay kadalasang legal na mga kahilingan at tiyak na matalinong mga paraan ng pag-iingat. Tiyakin na ang pinili mong pangkaligtasang kagamitan ay nakatutugon sa legal na mga pamantayan sa inyong bansa.

Mahalaga rin sa kaligtasan ang isang bisikletang inaalagaang mabuti. Siyasatin ito, at regular na linisin at mantinihin. Pagkatapos gawin ang lahat ng pag-iingat na ito, masusumpungan mo na isang katalinuhan na magbisikleta nang malayo sa mga lansangang-bayan sa inyong lugar. Subalit upang magawa mo ito nang ligtas, kakailanganin mo ang tamang uri ng bisikleta.​—Tingnan ang kahong “Ang Tamang Bisikleta Para sa Iyo.”

Pagbibisikleta Bilang Isang Isport

Para sa ilan, ang pagbibisikleta ay isang isport. Iniugnay ng kamakailang iskandalo na may kinalaman sa bantog na Tour de France ang karera ng bisikleta sa paggamit ng droga at pandaraya. Sinabi ng magasing Time, sa isang artikulong pinamagatang “Matira ang Pinakamabisang Droga!,” na “nagulo” ang paligsahan. Dahil sa mga debate hinggil sa paggamit ng droga at mga kemikal na nagpapahusay ng kakayahan, nadungisan ang reputasyon ng isport na ito.

Maingat na isinasaalang-alang ng matatalinong siklista kung gaano karaming panahon at pagsisikap ang kanilang ginugugol sa kanilang isport. Kahit na nakaaakit ang pagbibisikleta dahil sa mga pakinabang na dulot nito sa kalusugan, kinikilala ng mga taong may timbang na pangmalas na ang pag-eehersisyo ay isa lamang salik sa pagtatamo ng isang mahaba at malusog na buhay. Gayunman, sa susunod na sakyan mo ang iyong bisikleta, masiyahan sa nakapagpapalusog na kasiyahang dulot ng pagsakay sa bisikleta!

[Kahon/Mga larawan sa pahina 21]

Ang Tamang Bisikleta Para sa Iyo

Ang pambundok na mga bisikleta (mountain bike) ay talagang mga modelong magagamit sa kahit na anong daan yamang ang mga ito ay may maliliit at matitibay na batalya, deretsong manibela, mga pedal na mas mataas kaysa sa karaniwang mga modelo, at malalapad na gulong na kumakapit sa mga baku-bakong daan. Pinadadali ng iba’t ibang kambiyo ang pagpedal ng nakasakay kapag nasa paakyat na daan.

Kung ikaw ay kapuwa dumaraan sa patag na daan at sa baku-bakong lupa, kung gayon ay kailangan mo ang isang hybrid na modelo, isang modelo na kombinasyon ng pambundok at ng pangkaraniwang bisikleta. Ang gayong bisikleta ay may mas makikitid na gulong at mas mababa nang kaunti ang mga pedal. Sa pangkaraniwang mga bisikleta ay mas tuwid ang posisyon ng nakasakay at mas kakaunti ang kambiyo.

Alinmang modelo ang piliin mo, tiyakin na iyon ang tamang sukat para sa iyo. Subukin muna ito. Ayusin ang manibela, upuan, at mga pedal ayon sa gusto mo. Kapag nakasaklang ka sa batalya, dapat ay mailalapat mo ang iyong mga paa sa lupa (tingnan ang itaas).

Matatamasa mo ang pinakaligtas at pinakamaalwang posisyon ng pagsakay kung aayusin mo ang taas ng upuan hanggang sa maituwid mo ang iyong mga paa habang ang iyong sakong ay nakalapat sa pedal na nakapuwesto nang pinakamalapit sa lupa (tingnan ang kaliwa). Karaniwan na, ang manibela ay dapat na kapantay ng taas ng upuan.​—Pinagmulan: Magasing Which?

[Larawan sa pahina 18, 19]

Isang penny-farthing

[Credit Line]

Police Gazette, 1889

[Larawan sa pahina 19]

Isang velocipede

[Credit Line]

Men: A Pictorial Archive from Nineteenth-Century Sources/Dover Publications, Inc.

[Larawan sa pahina 20]

Ang mga bisikleta ay kapaki-pakinabang na mga sasakyan sa maraming lupain

[Mga larawan sa pahina 20]

Sa ilang lugar ay hinihiling ng batas ang pagsusuot ng helmet

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share