Wika sa Iláng—Ang mga Lihim ng Pakikipagtalastasan ng mga Hayop
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA KENYA
WALANG alinlangan, ang isa sa pinakamahahalagang kaloob na ibinigay sa sangkatauhan ay ang kakayahang makipagtalastasan. Sa pamamagitan nito, naitatawid natin ang mahahalagang impormasyon sa isa’t isa sa bibigan man o sa di-pasalitang mga pamamaraan, gaya ng mga kumpas. Sa katunayan, ang kalayaang magsalita ay isang usapin na malawakang pinagtatalunan sa buong lupa. Kaya naman, inakala ng ilan na ang pakikipagtalastasan ay natatangi lamang sa mga tao.
Gayunman, ipinakikita ng pananaliksik na ang mga hayop ay nagpapalitan ng impormasyon sa masalimuot na mga paraan na karaniwang nakalilito sa mga tao. Oo, “nagsasalita” sila, hindi sa pamamagitan ng mga salita, kundi sa pamamagitan ng nakikitang mga hudyat gaya ng pagkawag ng mga buntot, pagkislot ng mga tainga, o pagpagaspas ng mga pakpak. Maaaring kasangkot sa iba pang anyo ng pakikipagtalastasan ang paggamit ng tinig, gaya ng tahol, ungal, angil, o awit ng isang ibon. Ang ilan sa “mga wika” ay halata ng mga tao, samantalang ang iba naman ay nangangailangan pa ng maraming makasiyensiyang pag-aaral upang matuklasan.
Mga Maninila!
Kalagitnaan na ng Hulyo. Sa napakalawak na Serengeti National Park sa Tanzania, libu-libong wildebeest ang naglalakbay nang pahilaga patungo sa Masai Mara Game Reserve sa Kenya upang maghanap ng mas luntiang mga pastulan. Umaalingawngaw mula sa kapatagan ang mga yabag sa panahong ito ng taunang pandarayuhan. Gayunman, nakakubli sa daan ang mga panganib. Ang ruta ay punô ng mga maninilang hayop, tulad ng mga leon, cheetah, hyena, at mga leopardo. Makikipagsapalaran din ang mga wildebeest sa pagtawid sa Ilog Mara na pinamumugaran ng mga buwaya. Paano itinataboy ng mga wildebeest ang mga maninila?
Upang lituhin ang kaaway, ang wildebeest, o gnu, ay tatakbo nang mabilis sa maikling distansiya at pagkatapos ay haharap sa kaaway, habang walang-tigil na nanunuwag sa magkabi-kabila. Hindi rin siya titigil sa kasisipa kung saan-saan, anupat lumilikha ng waring kakatwang pagtatanghal. Maging ang desididong maninila ay matutulala sa pagkakita sa kakaibang sayaw na ito. Sakali mang magpumilit pa ring lumapit ang maninila, uulit-ulitin ng wildebeest ang ginagawa nito. Lilituhin nito nang husto ang maninila anupat maaaring hihinto na ito sa pagsila pagkatapos ng pagtatanghal. Ang padaskul-daskol na pagsayaw ang dahilan kung bakit tinaglay ng wildebeest ang kaduda-duda nitong pagkakakilanlan bilang ang payaso ng kapatagan.
Ang mas maliliit na kamag-anak ng wildebeest, ang mga impala, ay kilala sa kanilang matataas at malalayong lukso. Para sa marami, ang matataas na luksong ito ay maaaring mangahulugan ng kariktan at tulin. Gayunman, sa mga panahon ng panganib, ginagamit ng antilopeng ito ang kaniyang mga pamamaraan sa paglukso upang mahirapan ang isang maninila na hulihin ang mga paa nito. Ang mga lukso nito, na umaabot sa layong siyam na metro, ay nagbibigay ng malinaw na mensahe sa sumasalakay, “Habulin mo ako kung kaya mo.” Iilang maninilang hayop lamang ang handang gumawa ng gayon para lamang mahuli ang tumatangging impala!
Panahon ng Pagkain
Sa iláng, kailangang pasulungin ng maraming maninilang hayop ang kanilang mga kakayahan sa pagsila upang maging mahuhusay na maninila. Ang mga nakababata ay kailangang magbigay ng matamang pansin habang unti-unti silang tinuturuan ng kanilang mga magulang. Sa isang santuwaryo ng mga hayop sa Aprika, isang cheetah na nagngangalang Saba ang napagmasdang nagbibigay ng mahahalagang aral sa kaniyang mga anak kung paano mabubuhay. Matapos subaybayan ang isang nanginginaing Thomson’s gazelle sa loob ng mahigit na isang oras, pasunggab siyang lumukso nang napakataas at napakalayo at pagkatapos ay hinuli at sinakal ang kaawaawang antilope—ngunit hindi ito pinatay. Pagkalipas ng ilang sandali, inilagay ni Saba ang tulirong hayop sa harap ng kaniyang mga anak, na nakapagtataka namang atubili na sunggaban ang biktima. Naunawaan ng mga batang cheetah na ito kung bakit dinala ng kanilang ina ang buháy na hayop sa harap nila. Gusto nito na matutuhan nila kung paano pumatay ng gasela. Sa tuwing sisikapin ng biktima na tumayo at tumakbo, itinutumba ito ng tuwang-tuwa na mga batang cheetah. Palibhasa’y napagod na, sumuko na ang gasela sa pagsisikap na makaligtas. Habang nanonood sa malayo, nagustuhan naman ni Saba ang iginawi ng kaniyang mga anak.
Ang ilang hayop ay bihasa sa paglikha ng pinakamatinding ingay hangga’t maaari habang naghahanap ng pagkain. Ang isang kawan ng batik-batik na hyena ay aangil, hihingasing, at hahalikhik habang hinahabol ang sisilain. Kapag napatay na ang biktima, aanyayahan sa piging ang ibang hyena sa pamamagitan ng kilalang napakasamang “tawa” ng mga hyena. Gayunman, ang mga hyena ay hindi laging naninila para may makain. Sa iláng, kabilang sila sa pinakapusakal na mga pirata ng pagkain—na ginagamit ang lahat ng paraan upang ligaligin ang ibang mga maninila para makuha ang nasila ng mga ito. Aba, kilala sila sa pagtataboy ng mga leon upang iwan ng mga ito ang kanilang pagkain! Paano nila ito nagagawa? Palibhasa’y maiingay na hayop, gagawa sila ng gulo sa pagtatangkang gambalain ang kumakain na mga leon. Kung ipagwawalang-bahala ng mga leon ang ingay, lalo pang mag-iingay at mangangahas ang mga hyena. Yamang nagambala ang kanilang katahimikan, kadalasan ay iniiwan ng mga leon ang bangkay at umaalis sa dakong iyon.
Sa mga pukyutan naman, ang paghahanap ng pagkain ay isang masalimuot na ritwal. Isinisiwalat ng masalimuot na mga makasiyensiyang pag-aaral na sa pamamagitan ng pagsasayaw, ipinababatid ng pukyutan sa ibang mga nasa bahay-pukyutan ang tungkol sa kinaroroonan, uri, at maging ang kalidad ng nasumpungang pagkain. Ang pukyutan ay may dalang mga sampol ng pagkain sa kaniyang katawan, gaya ng nektar o polen, para sa ibang mga pukyutan na nasa bahay-pukyutan. Sa pamamagitan ng paotsong pagsayaw, hindi lamang nito naituturo sa iba ang pinagmumulan ng pagkain kundi naipababatid pa niya kung gaano kalayo ang lalakbayin. Mag-ingat ka! Baka ang pukyutang aali-aligid sa iyo ay kumukuha ng ilang mahahalagang impormasyong iuuwi. Ang iyong pabango ay maaaring mapagkamalan nito na susunod na pagkain!
Pananatiling Nakikipagtalastasan
Iilang tunog lamang ang kagila-gilalas na gaya ng pag-ungal ng isang leon sa katahimikan ng gabi. May ilang iminungkahing dahilan ng pakikipagtalastasang ito. Ang malakas na pag-ungal ng isang lalaking leon ay isang babala sa lahat na ito ay nasa teritoryo; manghimasok ka kung gusto mo. Gayunman, palibhasa’y isang uri ng pusa na mahilig makisalamuha, umuungal din ang leon upang makipagtalastasan sa ibang mga miyembro ng kawan. Ang ungal na ito ay karaniwan nang mas banayad at di-gaanong malakas. Isang gabi ay narinig na paulit-ulit na umuungal ang isang leon tuwing lilipas ang 15 minuto hanggang sa sumagot ang isang kamag-anak na leon na nasa malayo. Patuloy silang “nag-usap” sa loob ng 15 minuto pa hanggang sa wakas ay magkatagpo sila. Pagkatapos noon ay huminto na ang mga pag-ungal.
Ang gayong mga pakikipagtalastasan ay hindi lamang nagpapabuti sa mahuhusay na ugnayan kundi nagbibigay rin ng proteksiyon laban sa masamang lagay ng panahon. Ang isang inahing manok ay magpapalabas ng iba’t ibang tinig na naghahatid ng iba’t ibang mensahe sa kaniyang mga sisiw. Gayunman, ang pinakanamumukod-tangi ay ang mahaba, mababa at pagaralgal na tunog na ginagawa tuwing gabi, na nagpapahiwatig na ang inahin ay humapon na. Bilang pagsunod sa panawagan ng inahin, ang nangalat na mga inakay ay magtitipon sa ilalim ng kaniyang mga pakpak at mamamahinga na sa gabi.—Mateo 23:37.
Paghanap ng Kapareha
Napahinto ka na ba sa iyong ginagawa dahil sa awit ng mga ibon? Hindi ka ba humahanga sa kanilang kakayahang umawit ng mga nota? Gayunman, alam mo ba na hindi naman talaga nila layunin na aliwin ka? Ang kanilang mga awit ay mga pamamaraan ng pagtatawid ng mahahalagang mensahe. Bagaman ang pag-awit kung minsan ay isang pamamaraan ng pagtatatag ng teritoryo, sa kalakhang bahagi ay ginagamit din ito upang umakit ng potensiyal na kapareha. Ayon sa The New Book of Knowledge, “dumadalang nang 90 porsiyento ang pag-awit” kapag nagkatagpo ang lalaki at babaing ibon.
Gayunman, kung minsan ay hindi lamang isang magandang awit ang kailangan upang mawagi ang isang kapareha. Humihiling ang ilang babaing ibon na bayaran muna ang “dote” bago sila mawagi ng isang lalaking ibon. Kaya naman, ang isang lalaking weaverbird ay kailangan munang magpakitang-gilas sa paggawa ng pugad bago ito makapagpatuloy sa panunuyo. Patutunayan ng ibang uri ng mga lalaking ibon ang kanilang kakayahang maglaan sa pamilya sa pamamagitan ng literal na pagpapakain sa babaing ibon.
Ang masalimuot na pamamaraan ng pakikipagtalastasan ng mga hayop ay hindi lamang para masapatan ang kanilang pisikal na mga pangangailangan kundi nakababawas din ito sa mga awayan at nagtataguyod ng kapayapaan sa iláng. Yamang marami pang pananaliksik ang isinasagawa tungkol sa pakikipagtalastasan ng mga hayop, hindi pa kumpleto ang ating narinig tungkol sa “usapan sa iláng” na ito. Bagaman maaaring hindi natin ito lubusang mauunawaan, tunay na nagdudulot ito ng kapurihan sa isa na gumawa nito, ang Diyos na Jehova.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 18, 19]
Ang “Tunog ng Katahimikan” ng mga Elepante
Sa isang mainit na hapon sa napakalawak na Amboseli National Park sa Kenya, ang malaking kawan ng mga elepante ay waring di-nagagambala ng anumang panghihimasok sa kanilang tirahan. Gayunman, ang hangin ay punô ng “usapang elepante,” mula sa mabababang hugong hanggang sa matitinis na tunog na parang trumpeta, mga ungal, atungal, tahol, at mga hingasing. Ang ilan sa mga panawagan ay may mga tunog na napakababa upang marinig ng tao subalit napakalakas ng mga ito anupat maaari itong marinig ng isang elepante kahit na maraming kilometro ang layo nito.
Ang mga dalubhasa sa ugali ng mga hayop ay patuloy na naguguluhan sa masalimuot na mga pamamaraan kung paano naitatawid ng mga elepante ang mahahalagang mensahe. Si Joyce Poole ay gumugol ng mahigit na 20 taon sa pag-aaral sa mga konsepto ng pakikipagtalastasan ng mga African elephant. Ang konklusyon niya ay na ang mga higanteng nilalang na ito, na bantog dahil sa kanilang kanais-nais na mga pangil, ay nagpapamalas ng mga damdamin na masusumpungan sa mangilan-ngilang hayop lamang. “Mahirap isipin kapag minamasdan ang kamangha-manghang paggawi ng mga elepante sa panahon ng pagbabatian ng isang pamilya o ng isang kawan [o] kapag may isang bagong silang sa pamilya . . . na wala silang nadaramang napakatinding damdamin na pinakamainam na mailalarawan ng mga salitang gaya ng kagalakan, kaligayahan, pag-ibig, damdamin ng pakikipagkaibigan, kasiglahan, kasiyahan, kaluguran, habag, kaginhawahan, at paggalang,” ang sabi ni Poole.
Kapag nagtitipun-tipon pagkaraang magkahiwalay sa loob ng mahabang panahon, ang kanilang pagbabatian ay nauuwi sa isang malaking kaguluhan, yamang ang mga miyembro ay kumakaripas sa pagsalubong sa isa’t isa samantalang nakatingala ang mga ulo at ang mga tainga ay nakatupi at namamayagpag. Kung minsan, ilalagay pa nga ng isang elepante ang kaniyang nguso sa bibig ng kaniyang kapuwa elepante. Ang pagbabatiang ito ay waring nagbibigay sa mga elepante ng isang matinding pagkadama ng kagalakan, na para bang sinasabi nila, “Wow! Tuwang-tuwa talaga ako na makapiling kang muli!” Pinag-iibayo ng gayong mga buklod ang sistema ng pagtutulungan na mahalaga sa kanilang kaligtasan.
Ang mga elepante ay waring marunong ding magpatawa. Inilalarawan ni Poole na napagmasdan niyang itinataas ng mga elepante ang magkabilang dulo ng kanilang mga bibig na ayon sa kaniya ay waring ngumingiti, at iwinawasiwas ang kanilang mga ulo na nagpapahiwatig na natatawa sila. Minsan ay pinasimulan niya ang isang laro na doo’y nakibahagi ang mga hayop, at sa loob ng 15 minuto ay gumawi ang mga ito sa isang talagang kakatwang paraan. Pagkaraan ng dalawang taon, ang ilang sumali ay waring muling “ngumingiti” sa kaniya, marahil ay naaalaala ang kaniyang pagsali sa laro. Hindi lamang pinatatawa ng mga elepante ang isa’t isa kundi tinutularan din nila ang ibang mga tunog. Sa isang proyekto ng pananaliksik, narinig ni Poole ang isang tunog na kakaiba sa normal na panawagan ng elepante. Sa pagsusuri, ipinalalagay na tinutularan ng mga elepante ang ingay na likha ng mga nagdaraang trak. At lumilitaw na ginagawa nila ito para magkatuwaan! Wari bang humahanap ng pagkakataon ang mga elepante upang magkatuwaan.
Marami na ang nasabi tungkol sa paraan na doo’y tila nagdadalamhati ang mga elepante kapag napahamak ang isang miyembro ng pamilya. Minsan ay napansin ni Poole ang isang babaing elepante na tatlong araw na nakatayong parang tanod sa tabi ng kaniyang anak na isinilang na patay at inilarawan niya ito sa ganitong paraan: Ang “hitsura ng mukha” ng ina ay waring “nahahawig sa isang napipighati at nanlulumong tao: nakalaylay ang kaniyang ulo at mga tainga, ang magkabilang dulo ng kaniyang bibig ay nakasibi.”
Yaong mga pumapatay ng mga elepante dahil sa garing ay hindi nagsasaalang-alang sa ‘mental na paghihirap’ ng mga naulila na maaaring nakasaksi kung paano pinatay ang kani-kanilang mga ina. Ginugugol ng mga batang elepanteng ito ang unang mga araw sa isang ampunan ng hayop anupat sinisikap na mapagtagumpayan ang kanilang “pamimighati.” Isang tagapag-ingat ang nagsabi na narinig niya ang mga naulila na “sumisigaw” tuwing umaga. Ang mga epekto ay mapapansin pagkaraan ng ilang taon pagkatapos ng pagpatay. Sinasabi ni Poole na napapansin ng mga elepante na ang tao ang sanhi ng kanilang paghihirap. Inaasam-asam natin ang panahon na ang tao at hayop ay payapang maninirahang magkasama.—Isaias 11:6-9.
[Larawan sa pahina 16, 17]
Mga Cape gannet sa kanilang kinaugaliang pagbabatian
[Larawan sa pahina 17]
Isinasagawa ng isang wildebeest ang isang kakaibang sayaw upang lituhin ang kaaway
[Larawan sa pahina 17]
Ang kilalang napakasamang “tawa” ng hyena
[Credit Line]
© Joe McDonald
[Larawan sa pahina 18]
Ang sayaw ng pukyutan