Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 4/22 p. 26-27
  • Ang Nakatatawag-Pansing mga Lilok sa Bato ng Val Camonica

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Nakatatawag-Pansing mga Lilok sa Bato ng Val Camonica
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Camunian
  • Naantig ng mga Bundok
  • Ang mga Lilok Bilang Anyo ng Panalangin
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2002
  • Ang Aming Kasiya-siyang Buhay Bilang mga Misyonero sa Aprika
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Arko ni Tito sa Roma
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
  • Isang Músikó ay Pumipili ng Tunay na Pagkakaisa
    Gumising!—1988
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 4/22 p. 26-27

Ang Nakatatawag-Pansing mga Lilok sa Bato ng Val Camonica

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ITALYA

SA LOOB ng maraming milenyo, ang mga ito ay naglaan ng di-nasambit na impormasyon tungkol sa isang sinaunang paraan ng pamumuhay. Ang mga ito ay mga pigurang may sarili at kakaibang disenyo na nakalilok sa bato na naglalarawan ng pangangaso, agrikultura, pakikidigma, at pagsamba. Sa kaakit-akit na Val Camonica sa Alps sa hilagang bahagi ng Italya, daan-daang libong gayong pigura ang nagpapalamuti sa mabatong tanawin.

Sa ngayon, sa pahilis na silahis ng araw sa umagang-umaga, maliwanag pa ring makikita ng mga panauhin ang mga lilok na iyon. Ngunit sino ang gumawa ng mga iyon, at bakit?

Ang mga Camunian

Ang pangalan ng magandang libis na ito ay kinuha mula sa mga sinaunang naninirahan dito​—ang mga Camunian. Sila ay unang lumitaw sa kasaysayan noong taóng 16 B.C.E., nang masupil sila ng mga Romano at maiwala ang kanilang kasarinlan. Gayunman, ang mga lilok sa Val Camonica ay pinasimulang gawin maraming siglo bago pa dumating ang mga hukbong Romano.

Karagdagan pa, isang pagsusuri sa inilalarawan ng mga lilok na ito​—mga armas, kagamitan, domestikong hayop, mapa ng mga nayon​—ang umakay sa mga eksperto na maghinuha na ang mga eskultor na ito ay kabilang sa grupo ng mga tao na may iba’t ibang kabuhayan. Lumilitaw na sila’y abala sa maraming gawain, gaya ng metalurhiya, paggawa ng tela, pagsasaka, pag-aalaga ng mga hayop, at pangangalakal.

Ang karamihan sa mga lilok ay ginawa noong unang milenyo B.C.E., bagaman marami ring mas nauna pa rito. Waring naabot ng kulturang Camunian ang kasagsagan nito sa pagitan ng 1000 at 800 B.C.E. Sa panahong iyon, libu-libong lilok ang naglarawan sa mga detalye ng kanilang paraan ng pamumuhay. Ipinakikita nito ang mga tao na sama-samang nakagapos at ang mga lalaking sakay ng kabayo na may hawak na mga sibat, na marahil ay paglalarawan sa nabihag na mga bilanggo. Mayroon ding mga paglalarawan ng mga panday, mga kabayong humihila ng kargada, at mga bagon gayundin ng mga gusaling sinusuportahan ng mga haligi.

Naantig ng mga Bundok

Tinawag ng mga iskolar ang mga may-akda ng ganitong mga paglalarawan na mga ‘paring eskultor,’ mga lalaking napakilos ng relihiyoso o mistikong mga impluwensiya. Maaaring ibinukod nila ang kanilang sarili sa tahimik na mga dako na malayo sa mga tao upang magmuni-muni at magbulay-bulay. May kinalaman sa bagay na ito, ang mga Camunian ay lalo nang naimpluwensiyahan ng di-kukulangin sa dalawang pambihirang likas na kababalaghan na nagaganap dito mga ilang araw bawat taon.

Sa panahon ng tagsibol at taglagas, ang araw ay sumisikat sa likod ng Bundok Pizzo Badile, isang maringal na bundok kung saan mula rito ay kitang-kita ang libis. Bago sumikat ang araw sa ilang partikular na panahon, ang liwanag ng araw ay nababaluktot sa palibot ng bundok, na lumilikha ng pagkalaki-laking anino, na napalilibutan ng maliwanag na mga silahis, na sumisinag sa malagatas na kulay ng kalangitan. Ang nakapupukaw-damdaming pagtatanghal na iyon ay kilala pa rin bilang ang “espiritu ng bundok.” At kapag lumulubog ang araw sa likod ng isang makitid na uka sa Bundok Concarena, sa kabilang panig ng libis, isang kagila-gilalas na silahis ng liwanag na sa wari’y humahati sa bundok, ang paitaas na sumisinag sa nagdidilim na kalangitan sa loob ng ilang minuto bago ito unti-unting maglaho. Maliwanag na, sa isipan ng mga sinaunang naninirahan sa libis, ang lugar na iyon ay nagtataglay ng kahima-himalang mga katangian dahil sa gayong dating di-maipaliwanag na mga kaganapan.

Matatagpuan sa Bundok Pizzo Badile at sa kalapit na mga lugar ang maraming lilok. Ang mga lilok ay ginamitan ng mga kasangkapang gaya ng bato, sungay, buto, at garing. Iginuguhit kung minsan ng eskultor ang isang balangkas sa pamamagitan ng isang matulis na kasangkapan. Iba-iba ang lalim ng lilok mula sa mga gatlang nasa ibabaw lamang ng bato hanggang sa mga ukit na mahigit tatlong sentimetro ang lalim. May katibayan na ang mga eskultor ay gumamit din ng mga pintura na may sari-saring kulay, bagaman imposible nang makita ang mga kulay na ito nang walang pantanging kasangkapan.

Ang mga Lilok Bilang Anyo ng Panalangin

Maaaring mga mananamba ng araw ang mga Camunian. Ito marahil ang dahilan sa isa sa paulit-ulit na mga tema ng gayong mga lilok​—isang pigura ng taong nagdarasal na nakataas ang mga bisig sa harap ng isang tulad-platong bagay, na malamang ay isang sagisag ng araw. Bagaman tinutukoy ng arkeologong si Ausilio Priuli “ang kulto ng diyos-araw” bilang ang pangunahing kulto, binabanggit din niya ang “maliliit na kulto.” Ganito ang kaniyang komento: “Ang mga prusisyon, pampalubag-loob na sayaw, hain, ritwal na paghahamok, at sama-samang pananalangin ang pinaka-karaniwan at madalas ilarawan, na mga relihiyosong gawain. Ang mismong paglililok ay isang anyo ng panalangin.” Ngunit mga panalangin para sa ano?

Ayon kay Emmanuel Anati, isang eksperto sa sining ng pag-ukit sa bato ng sinaunang kasaysayan, ang paggawa ng mga lilok “ay itinuring na kasali sa mga gawaing kailangang-kailangan upang tiyakin ang pangkabuhayan at panlipunang kapakinabangan ng grupo at ang mapayapang pamumuhay kasama ng mga mahiwagang puwersa.” Lumilitaw na umasa ang mga Camunian na magiging mas mabunga ang kanilang mga bukid sa pamamagitan ng pagsasalarawan sa pag-aararo, na magiging mas masagana ang kanilang pastulan sa pamamagitan ng pagsasalarawan sa pag-aalaga ng hayop, na madaraig nila ang mga kaaway sa pamamagitan ng pagsasalarawan sa digmaan, at iba pa.

Ang Val Camonica ay isang dakong World Heritage, na pinangangalagaan ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization. Kapansin-pansin, mayroon ding mga nililok at pinintahang mga bato sa di-kukulangin sa 120 bansa​—sa Aprika, Asia, Australia, Europa, Hilaga at Timog Amerika, at sa marami pang mga isla. Kapansin-pansin din na sa palibot ng daigdig ay nagkakatulad ang mga tema na makikita sa masining na mga disenyo sa bato. Ang mga ito’y nagpapatotoo sa likas na pagnanais ng tao na ipahayag ang kaniyang sarili at umasa sa mga puwersa ng mga espiritu.

[Mga larawan sa pahina 26]

Lumalagos ang mga silahis ng araw sa isang uka sa Bundok Concarena

Ang Val Camonica ay isang dakong World Heritage

Mga ukit sa bato na ginawa upang tiyakin ang tagumpay sa pangangaso

Pigura ng taong nagdarasal na nakataas ang mga bisig

[Credit Lines]

Bundok Concarena: Ausilio Priuli, “IL Mondo dei Camuni”; mga ukit sa bato at pigura ng isang tao: Parco nazionale delle incisioni rupestri: su concessione del Ministero per i Beni e le Attività Culturali. Ogni riproduzione è vietata

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share