Subukan Nating Sumulat sa Hankul!
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA KOREA
MAY KANI-KANIYANG KASAYSAYAN ANG BAWAT SISTEMA NG PAGSULAT SA DAIGDIG, KARANIWAN NANG LUBHANG SINAUNA. GAYUNMAN, MAY ISANG ALPABETO NA KINATHA LIMANG SIGLO PA LAMANG ANG NAKALILIPAS, AT DINISENYO ITO PARA MATUTUHAN SA ISANG UMAGA LAMANG! ITO ANG ALPABETO NG KOREA NA TINATAWAG NA HANKUL, O HANGUL. ANG KASAYSAYAN NG PAGBUO AT PAGGAMIT DITO AY KAWILI-WILI.
BAGO nilikha ang Hankul, walang sariling nasusulat na titik ang wikang Koreano. Sa loob ng mahigit na isang libong taon, sumulat ang mga edukadong Koreano sa kanilang wika sa pamamagitan ng mga titik-Tsino. Gayunman, sa loob ng maraming taon, iba’t ibang pagsisikap ang ginawa upang makabuo ng isang mas mahusay na sistema ng pagsulat. Ngunit yamang lahat ng ito ay salig sa mga titik-Tsino, ang mga lubhang edukado lamang ang makagagamit ng mga ito.
Isang Alpabetong Iniutos ng Hari
Noong ika-15 siglo C.E., si Haring Sejong ng dinastiyang Chosŏn ng Korea ay nagsimulang mag-isip hinggil sa pagkasiphayo ng kaniyang mga sakop na hindi makabasa ni makasulat. Ang karamihan ay walang ibang paraan ng paglapit sa mga awtoridad upang makapagreklamo maliban sa paraang bibigan. Nabagabag si Haring Sejong sa suliraning ito, na may reputasyon na palaging handang makinig sa karaniwang mga tao.
Kaya pinangunahan ni Haring Sejong ang paglikha ng isang alpabeto na kapuwa angkop sa sinasalitang wikang Koreano at madaling matutuhan at gamitin. Inianunsiyo na natapos ang proyektong ito noong 1446. Ganito ang sinabi ni Haring Sejong sa pambungad ng kaniyang proklamasyon: “Yamang may banyagang pinagmulan, walang kakayahan ang mga titik-Tsino na makuha ang tumpak na mga kahulugan ng natatanging wikang Koreano. Kaya maraming karaniwang tao ang walang anumang paraan upang maipahayag ang kanilang mga kaisipan at damdamin. Dahil sa aking simpatiya sa kanilang suliranin, lumikha ako ng isang set ng 28 titik. Ang mga titik na ito ay napakadaling matutuhan, at marubdob akong umaasa na mapabubuti ng mga ito ang kalidad ng buhay ng lahat ng tao.”
Nakalulungkot, maraming iskolar ang sumalansang sa Hankul, dahilan lamang sa napakadali itong matutuhan! May panlilibak nila itong tinawag na Amkul, na nangangahulugang “mga titik ng mga babae.” Hinamak nila ang isang sistema na maaaring matutuhan kahit ng mga babae, na noon ay hindi tinuturuang magbasa sa mga paaralan. Ang pagtatanging ito laban sa Hankul ay nagpatuloy sa mga nakaririwasang Koreano sa loob ng ilang panahon. Sa katunayan, lumipas ang mahigit na 400 taon bago ipinahayag ng pamahalaan ng Korea na ang Hankul ay maaari nang gamitin sa opisyal na mga dokumento.
Ang Hankul at ang Bibliya
May mahalagang papel na ginampanan ang Bibliya sa kasaysayan ng Hankul. Bagaman maraming relihiyosong publikasyon sa wikang Koreano na isinulat sa titik-Tsino ang dinala sa Korea, hindi nagdala ang mga misyonero ng mga Bibliyang Tsino, bagaman makukuha ang mga ito. Gayunman, noong 1887, isinalin ang Kristiyanong Griegong Kasulatan (Bagong Tipan) sa wikang Koreano at inilathala ito sa Hankul sa Mukden, Tsina.a
Sa wakas, may isang Bibliya sa wikang Koreano na mababasa nang halos lahat ng tao—maging ng mga babae at mga bata na hindi kailanman nagkaroon ng pagkakataong matutuhan ang mga titik-Tsino. Sa ngayon ay may di-kukulangin sa walong bersiyon ng Bibliya sa makabagong Hankul, kasama na rito ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan.
Madaling Matutuhan
Ang isa sa mga iskolar na tumulong sa paglikha ng alpabetong Koreano ay nagsabi ng ganito hinggil sa Hankul: “Maaari itong matutuhan ng marunong sa isang umaga, at maging ang di-matalino ay maaaring matuto nito sa loob ng sampung araw.” Sa katunayan, may-pang-aalipustang tinawag ng ilan sa sinaunang mga sumasalansang sa Hankul ang alpabeto na Achimgul—“mga titik ng umaga.” Itinuring nilang napakasimple ng Hankul para sa kanila dahil maaari itong matutuhan sa isang umaga lamang!
Anuman ang nangyari, nakatulong ang pagiging madaling matutuhan ng Hankul upang ang halos lahat ng mamamayan sa Korea ay matutong bumasa at sumulat. Sa katunayan, kapag pumasok na sila sa paaralan, kabisado na ito ng karamihan sa mga bata. Bukod dito, walang mga paligsahan sa pagbabaybay sa mga paaralan sa Korea! Bakit wala? Dahil eksaktung-eksaktong kinakatawan ng Hankul ang mga tunog ng salitang Koreano anupat walang kahirap-hirap ang tamang pagsulat sa mga ito kagaya nang kung paano mo ito naririnig.
Maaari pa ngang gamitin ang Hankul sa pagsusulat ng mga salitang hindi Koreano. Gusto mo bang subukan ito? Bagaman hindi ipinakikita ng kalakip na mga tsart ang lahat ng detalye, makatutulong ito sa iyo sa paanuman na maisulat ang iyong sariling pangalan sa Hankul. Sa ganiyang paraan ay mararanasan mo mismo ang maraming gamit ng alpabetong matututuhan sa isang umaga lamang!
[Talababa]
a Inilathala ang unang kumpletong Bibliyang Koreano noong 1911.
[Kahon sa pahina 13]
Mga Katinig At Mga Patinig Ng Hankul
MGA KATINIG:
ㄱ (g,k)
ㄴ (n)
ㄷ (d,t)
ㄹ (r,l)
ㅁ (m)
ㅂ (b,p)
ㅅ (s)
ㅇ *
ㅈ (ch,j)
ㅊ (ch’)
ㅋ (k’)
ㅌ (t’)
ㅍ (p’)
ㅎ (h)
MGA PATINIG:
ㅏ (ah)
ㅑ (yah)
ㅓ (ǒ)
ㅕ (yǒ)
ㅗ (o)
ㅛ (yo)
ㅜ (u)
ㅠ (yu)
ㅡ (ǔ)
ㅣ (i, kagaya sa “Shilo”)
ISANG HALIMBAWA NG MARAMIHANG PATINIG (MULTIPLE VOWELS)
ㅓ (ǒ) + ㅣ (i) = ㅔ (e)
*Ang katinig ㅇ ay hindi binibigkas maliban kung ito’y isang katinig sa hulihan ng salita, kapag binibigkas ito na “ng.”
Ang mga patinig na ǒ, yǒ, at ǔ ay binibigkas sa paraang pabilog ang mga labi; ang o, yo, at u ay binibigkas nang nakangiti ngunit hindi gaanong nakabuka ang bibig. Ang mga katinig na ch,’ k,’ t,’ at p’ ay sinasamahan ng isang h na tunog.
[Kahon sa pahina 13]
PAGSULAT NG MGA SALITANG KOREANO
Lahat ng pantig ng wikang Koreano ay binubuo ng dalawa o tatlong bahagi: isang tunog sa unahan, isang tunog sa gitna (isang patinig o mga patinig) at, karaniwan na, isang tunog sa hulihan. Binubuo ang mga salita ng isa o higit pang mga pantig. Isinusulat ang bawat pantig sa loob ng isang guniguning kahon, gaya ng ipinakikita sa ibaba. Ang tunog sa unahan (isang katinig o ang di-binibigkas na ㅇ) ay isinusulat sa itaas o sa bandang itaas sa kaliwa. Kung ang patinig sa gitna ay patayo ang hugis, isinusulat ito sa kanan ng tunog sa unahan, samantalang ang mga patinig na pahiga ang hugis ay isinusulat sa ilalim ng unang pantig. Maaari ring doblehin ang mga titik, anupat dinaragdagan ito ng diin, at maaaring pagdikitin ang maramihang patinig at isulat ang mga ito nang magkakatabi. Kung ang pantig ay may katinig sa hulihan, palagi itong lumilitaw sa ilalim. Sa ganitong paraan, libu-libong iba’t ibang pantig ang maaaring katawanin ng Hankul.
MGA HALIMBAWA:
ㅅ (s) + ㅗ (o) = 소 (so) cow
ㅅ (s) + ㅏ (a) + ㅇ (ng) = 상 (sang) prize
ㄱ (k) + ㅗ (o) + ㅁ (m) = 곰 (kom) bear
ㅁ (m) + ㅗ (o) + ㄱ (k) = 목 (mok) neck
ㅅ (s) + ㅏ (a),
ㄹ (r) + ㅏ (a) + ㅇ (ng) = 사랑 (sa-rang) love
[Kahon/Dayagram sa pahina 14]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang Alpabetong Koreano
Noong kapanahunan ni Haring Sejong, ang alpabetong Hankul ay binubuo ng 28 titik, kung saan 24 sa mga ito ay ginagamit pa rin. Sa mga ito, 14 ang katinig at 10 ang patinig. Ang limang pangunahing katinig ay kahawig ng mga bahagi ng bibig at lalamunan na ginagamit sa pagbigkas ng mga ito: ㄱ (g, k), ang nakakurbang dila na dumaraiti sa likod ng ngalangala; ㄴ (n), ang dulo ng dila na nakabaluktot paitaas upang dumaiti sa harap ng ngalangala; ㅁ (m), ang bibig, kung paano ito makikita sa harapan; ㅅ (s) ang mga ngipin; ㅇ (ng), ang nakabukas na lalamunan. Ang mga pangunahing katinig na ito ay dinaragdagan ng mga gatla upang kumatawan sa iba pang nauugnay na mga katinig—yaong binibigkas sa bibig sa halos gayunding posisyon.
Sumasagisag ang mga patinig sa bilog na kalangitan sa pamamagitan ng isang tuldok (•),* ang patag na lupain sa pamamagitan ng isang pahigang gatla (ㅡ), at ang isang nakatayong lalaki sa pamamagitan ng isang patayong gatla (ㅣ). Ang mga ito ay kumakatawan sa mga patinig na binibigkas sa pamamagitan ng dila na nakaposisyon sa harap, gitna, at likod.
*Sa makabagong Hankul, ang titik na ito ay hindi ginagamit.
[Dayagram]
ㄱ
ㄴ
ㅁ
ㅅ
ㅇ
[Larawan sa pahina 13]
Si Haring Sejong