Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Kaya Ako Makakakita ng Makakasundong Kasama sa Kuwarto?
“Kung hindi dahil sa mga kasama sa kuwarto, tiyak na hindi ako nakapaglingkod bilang isang buong-panahong ebanghelisador at nakabayad ng upa at mga serbisyong gaya ng tubig at ilaw.”—Lynn.a
KAPAG nilisan na ng mga kabataan ang kanilang tahanan, madalas silang nabibigla na matuklasan kung gaano kamahal ang mamuhay sa ‘totoong daigdig.’ Para sa marami, ang isang paraan upang maharap ang mataas na halaga ng pamumuhay ay ang makihati sa gastusin sa isa o higit pang mga kasama sa kuwarto.
Subalit gaya ng itinawag-pansin sa naunang artikulo ng seryeng ito, ang paninirahang kasama ng iba—lalo na ng isang ganap na estranghero—ay maaaring maging isang malaking hamon.b Totoo ito maging sa mga kabataang Kristiyano na naninirahang magkakasama upang makapaglingkod bilang mga buong-panahong ebanghelisador. Anuman ang iyong partikular na situwasyon, kung iniisip mo ang paninirahang kasama ng iba, makatuwiran lamang na gumamit ka ng “praktikal na karunungan” sa pagpili ng isang iyon.c—Kawikaan 3:21.
Ang Panganib ng Masamang Kasama
Maraming kabataang adulto ang bumabaling sa mga bulletin board, mga classified ad sa mga pahayagan, at sa Internet upang humanap ng makakasama sa kuwarto. Ngunit para sa mga kabataang Kristiyano, may malulubhang panganib ang paraang ito. Malamang na umakay ito upang makakilala ka ng mga indibiduwal na may ibang pananampalataya, moralidad, o mga pamantayan. Kakitiran ba ng isip at kawalan ng pakikipagkapwa-tao ang magnais na makikuwarto lamang sa isang kapananampalataya? Hindi, isa itong katalinuhan. Ang Bibliya mismo ay nagbababala: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.”—1 Corinto 15:33.
Isaalang-alang ang kabataang babae na nagngangalang Lee. Hindi pa siya isang bautisadong Kristiyano nang siya’y magsimulang tumira sa isang dormitoryo sa unibersidad. “Mapanganib ang kapaligirang iyon,” naalaala niya. “Ang ilan sa mga babae ay umuuwi ng bahay at nasusumpungang nakikipagtalik ang kanilang kakuwarto.” Di-nagtagal at ang pagtira ni Lee roon ay nagkaroon ng masamang epekto sa kaniyang espirituwalidad. “Hindi ko nadadaluhan noon ang karamihan sa mga Kristiyanong pagpupulong,” ang pag-amin niya. Hindi nga nakapagtataka na unti-unting sumamâ ang kaniyang paggawi. “Isang araw, nakapagmura pa nga ako, at isa sa mga batang babae ang nagsabi: ‘Puwede ba iyan kay Jehova?’ ” Nakahihiya! Mabuti na lamang, umalis si Lee sa di-kaayaayang kapaligirang iyon at nagsimulang gumawa ng espirituwal na pagsulong. Subalit inilalarawan ng kaniyang karanasan ang panganib ng paninirahang kasama ng mga taong hindi gumagalang sa iyong mga pamantayan.
Paghahanap ng Makakasundong Kasama sa Kuwarto
Kung gayon, saan ka maaaring maghanap? Magpasimula sa inyong sariling lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Kapansin-pansin, ang buong-panahong mga ebanghelisador ay malimit na nakakakilala ng ibang mga kabataang palaisip sa espirituwal sa iba’t ibang paaralan at mga pulong na pantanging isinaayos para sa buong-panahong mga mángangarál.d Ang mga magulang, lokal na matatanda sa kongregasyon, naglalakbay na mga tagapangasiwa, at iba pa ay makatutulong rin; maaaring may kakilala silang ilang kabataan na makakasundo mo bilang kasama sa kuwarto.
Malaking tulong din ang pagsasabi sa iba. Habang dumarami ang mga taong pinagsasabihan mo ng iyong pangangailangan, lalong lumalaki ang tsansa na makakita ka. (Eclesiastes 11:6) Higit sa lahat, humingi ng tulong kay Jehova na makakita ka ng makakasama sa kuwarto, at umasang pagpapalain niya ang iyong mga pagsisikap.—1 Juan 5:14, 15.
Alamin ang mga Bagay-bagay
Pagkatapos makakita ng isang makakasama sa kuwarto, maaaring manabik ka nang makasama siya agad. Subalit isang katalinuhan na gumawa muna ng ilang pagsisiyasat. Ang tao bang iyon ay “may mabuting ulat mula sa mga kapatid” sa kaniyang kongregasyon? (Gawa 16:1, 2) Ikaw at ang iyong mga magulang ay maaaring makipag-usap mismo sa mga indibiduwal na kuwalipikado sa espirituwal na nakakakilala sa kaniya. Maaari kang magtanong: ‘Ano ba ang reputasyon ng isang ito? Matatag ba ang taong ito sa emosyonal at espirituwal na paraan? Nakikibahagi ba siya sa pangangaral sa iba at sa pagkokomento sa mga pulong? Kilala ba ang taong ito sa pagkakaroon ng matuwid na paggawi?’
Tandaan, “siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong.” (Kawikaan 13:20) “Ang aking kasama sa kuwarto ay lubhang palaisip sa espirituwal,” sabi ni David. “Iyon ang tumutulong sa akin upang mapanatili ko ang aking espirituwalidad.” Si Renee, na nagkaroon na ng ilang kasama sa kuwarto, ay ganiyan din ang sinabi: “Iminumungkahi ng ilan sa aking kasama sa kuwarto na basahin naming magkakasama ang isang kabanata ng Bibliya gabi-gabi. Yamang hindi mga Saksi ang aking mga magulang, hindi kami kailanman nagkaroon ng pampamilyang pag-aaral ng Bibliya. Kaya ang pagkakaroon ng isang ‘pampamilyang pag-aaral’ kasama ng aking mga kakuwarto ay talagang pambihira para sa akin!” Oo, ang pagkakaroon ng isang kasama sa kuwarto na katulad mong may pag-ibig sa espirituwal na mga bagay ay maaaring maging isang malaking pagpapala.
Pag-usapan ang mga Bagay-bagay
Pagkatapos, magtagpo at pag-usapan ang mga bagay-bagay. Tutulong sa iyo ang gayong pag-uusap upang malaman kung magkabagay ang inyong personalidad. Kapansin-pansin, isang pag-aaral na inireport sa babasahing Communication Research Reports ang nagsiwalat na ang magkasama sa kuwarto na may magkatulad na paraan ng pakikipag-usap ay “nag-ulat na talagang siyáng-siyá sila at gustung-gusto nila ang isa’t isa.” Kaya kung ikaw ay prangka, palakaibigan, at makuwento, maaari kang magkaproblema sa paninirahang kasama ng isa na walang kibo, tahimik, o mahilig na mapag-isa.
Samantalang hindi mo ginagawang tulad ng pagtatanong ng isang pulis ang iyong pakikipag-usap, makatutulong kung ipakikipag-usap mo ang hinggil sa kasalukuyang mga tunguhin at plano ng iyong makakasama sa kuwarto. Itinataguyod ba niyang talaga ang espirituwal na pagsulong o baka nais lamang niyang iwasan ang maiigting na kalagayan sa tahanan? Tinukoy ni Lynn ang isa pang problema na maaaring bumangon: “Nagkaroon ako ng kasama sa kuwarto na nakikipag-date, at ang kaniyang nobyo ay laging nasa kuwarto, anupat nananatili roon hanggang hatinggabi.” Nasumpungan ni Lynn na hindi angkop at nakaiilang ang kanilang ipinakikitang pagmamahalan. Gayunman, maaaring maiwasan kung minsan ang gayong mga problema, kung patiunang magtatakda ng pangunahing mga patakaran. Halimbawa, ganito ang sabi ni Renee: “May patakaran kami na ang mga lalaki ay hindi puwedeng manatili sa kuwarto nang lampas sa itinakdang oras.” Makabubuti rin kung ang magkasama sa kuwarto ay kapuwa sasang-ayon na sinuman sa kanila ay hindi mag-iisa sa kuwarto o apartment kasama ng isa na hindi kasekso.
Mabuti ring pag-usapan ang mga bagay na gaya ng mga libangan, kinagugustuhan, at mga kinahihiligang musika. “Gusto kong makasama sa kuwarto ang isa na may hilig din sa mga bagay na ginagawa ko, na katulad ng aking personalidad, na gusto ring gawin ang mga bagay na gusto ko,” sabi ni Mark. Sabihin pa, ang pagkakaroon ng magkakaibang hilig ay hindi naman nangangahulugang hindi na sila puwedeng magsama. Ang mahalaga ay, Gaano kadaling makibagay ang bawat isa sa inyo? Handa ba kayong magparaya sa mga di-pagkakasundo at gumawa ng mga pagbabago upang pagbigyan ang isa’t isa?
Ganito ang mungkahi ni Lee: “Dapat mo ring alamin kung ano ang inaasahan niya sa inyong paninirahang magkasama. Inaasahan ng ilang tao na ikaw ang kanilang magiging pinakamatalik na kaibigan at kasama. Subalit hindi ako interesado sa bagay na iyon.” Gayon din ang sinabi ni David: “Gusto ko ang isang kakuwarto na makakasama sa paggawa ng mga bagay-bagay subalit hindi naman ibig sabihin na kailangang palagi ko siyang kasama kapag mayroon akong gustong gawin kasama ng ibang tao.” Gayundin naman, alamin mo kung interesado ang iyong makakasama sa kuwarto na makapareha ka sa gawaing pag-eebanghelyo o kung may iba siyang nasasaisip, gaya ng paglilingkod sa isang kongregasyon na iba ang wika.
Sa katapus-tapusan, tiyakin na hindi maipagwalang-bahala ang mga bagay na gaya ng pagluluto (may isa ba sa inyo na marunong?), pagtutulungan sa mga gawaing-bahay, paggamit ng personal na mga kasangkapan, espasyo sa kabinet, muwebles, bodega, at mga alagang hayop. Maiiwasan ang mga di-pagkakaunawaan at samaan ng loob kung pag-uusapan ang tungkol sa gayong mga bagay. Sabi nga ng Kawikaan 20:18: “Sa pamamagitan ng payo ay matibay na natatatag ang mga plano.”
“Disente at Ayon sa Kaayusan”
Ang isa pang simulain na makatutulong ay masusumpungan sa Lucas 14:28, na ganito ang sinasabi: “Tuusin ang gastusin.” Oo, subuking kalkulahin ang inyong magiging gastusin sa araw-araw. Magkano ang ibabayad sa upa? Sa pagkain? Sa tubig at ilaw? Pareho ba kayong gagamit ng telepono? Kung oo, paano ninyo paghahatian ang bayarin? “Tinitiyak ko munang makababayad ng kaniyang bahagi sa gastusin ang isang babae bago ko siya kunin bilang kasama sa kuwarto,” ang sabi ni Lynn. Ang on-line na magasing The Next Step ay may katumpakang nagsabi: “Ang mga kasama sa kuwarto na hindi tumutulong sa pagbabayad ng upa o pagkain . . . o nagpapataas ng bayarin sa ilaw at tubig ay magbibigay sa iyo ng di-kinakailangang kaigtingan.”
“Ang isyu kung minsan ay hindi kung magkano,” sabi ni Renee, “kundi kung kailan!” Nagpaliwanag siya: “Ang aming upa ay nakatakdang bayaran sa ikatlong araw ng buwan. Ngunit kung minsan ang isang kasama sa kuwarto ay aalis sa dulo ng sanlinggo bago magbayad ng kaniyang bahagi, at kailangan kong humingi ng paumanhin sa may-ari.” Maliwanag, isang katalinuhan na gawin ang lahat ng bagay “nang disente at ayon sa kaayusan” at huwag ipagbaka-sakali ang mahahalagang bagay. (1 Corinto 14:40) Kalimitan, isang katalinuhan na isulat ang mga kasunduan.
Ang pagiging maingat at matalino ay magpapalaki ng posibilidad na makakita ka ng isang kakuwarto na magiging pagpapala sa iyo at hindi isang pagmumulan ng iyong kahapisan. Gayunman, paano kung lumitaw ang mga suliranin at di-pagkakasundo sa personalidad? Tatalakayin sa darating na artikulo ang mga kalagayang ito.
[Mga talababa]
a Binago ang ilang pangalan.
b Tingnan ang artikulong “Bakit Napakahirap Pakibagayan ang Aking Kasama sa Kuwarto?” na lumitaw sa labas ng Abril 22, 2002.
c Dahil sa katotohanang marami ngayon ang nagsasama dahil sa imoral na mga layunin, dapat naming idiin na ang artikulong ito ay tumatalakay sa mga magkakuwarto na pareho ang kasarian na naninirahang magkasama upang makatipid at makaluwag.
d Ang buong-panahong mga ebanghelisador ay may pribilehiyo na dumalo sa Pioneer Service School. Ginaganap din ang mga pulong para sa buong-panahong mga ebanghelisador kaugnay ng taunang mga pansirkitong asamblea.
[Larawan sa pahina 26]
May mga panganib sa paninirahang kasama ng mga indibiduwal na hindi nanghahawakan sa moralidad ng Bibliya
[Larawan sa pahina 26]
Bago sumang-ayong makipanirahan sa sinuman, magtagpo muna at pag-usapan ang mahahalagang bagay