Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 6/22 p. 15-17
  • Paano Ko Kaya Makakasundo ang Aking Kasama sa Kuwarto?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ko Kaya Makakasundo ang Aking Kasama sa Kuwarto?
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kilalanin ang Isa’t Isa
  • Pamumuhay Ayon sa Ginintuang Alituntunin
  • Paglutas sa Pagtatalo
  • Mga Pakinabang
  • Bakit Napakahirap Pakibagayan ang Aking Kasama sa Kuwarto?
    Gumising!—2002
  • Paano Kaya Ako Makakakita ng Makakasundong Kasama sa Kuwarto?
    Gumising!—2002
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—2003
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 6/22 p. 15-17

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Kaya Makakasundo ang Aking Kasama sa Kuwarto?

“Gusto ko sana ng isang malinis na kusina. Pero bale-wala sa aking mga kakuwarto kung hindi pa naililigpit ang mga pinagkainan o kung nasa kalan pa ang mga pinaglutuan. Wala lang sa kanila ito.”​—Lynn.a

MAGKAKUWARTO. “Maaari silang maging pinakamatalik na magkaibigan o pinakamortal na magkaaway,” ang sabi ng manunulat na si Kevin Scoleri. Hindi naman siguro ganiyan katindi ito para sa iyo, pero hindi maikakaila na ang paninirahang kasama ng iba ay maaaring maging isang malaking hamon.b Ang di-pagkakaunawaan ng magkakuwarto ay karaniwan na sa mga estudyante sa unibersidad anupat ayon sa U.S. News & World Report, maraming paaralan ang gumagawa ng “malaking pagsisikap” na matulungan ang magkakuwarto na magkasundo, kasama na ang “mga programa para ayusin ang di-pagkakaunawaan” at mga seminar.

Ang pagsasama sa isang apartment ay maaaring maging mahirap kahit sa mga kabataang Kristiyano na umalis sa kanilang tahanan upang itaguyod ang buong-panahong pag-eebanghelyo. Mabuti na lamang at sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya at pagpapakita ng “praktikal na karunungan,” madalas na nalulutas ang mga di-pagkakaunawaan.​—Kawikaan 2:7.

Kilalanin ang Isa’t Isa

Kapag lumipas na ang pananabik sa paglipat, baka hanap-hanapin mo ang buhay mo noon sa inyong tahanan. (Bilang 11:4, 5) Gayunman, kung patuloy mong gugunitain ang nakaraan, lalo kang mahihirapang makibagay. Ang Eclesiastes 7:10 ay nagpapayo: “Huwag mong sabihin: ‘Bakit nga ba ang mga araw noong una ay mas mabuti kaysa sa mga ito?’ sapagkat hindi dahil sa karunungan kung kaya ka nagtanong tungkol dito.” Oo, sikapin mong maging kaayaaya ang iyong situwasyon hangga’t maaari.

Sikapin mo munang kilalanin ang iyong kakuwarto. Totoo, hindi naman kailangang maging matalik na magkaibigan ang magkakuwarto. Sa katunayan, baka hindi nga siya ang klase na magugustuhan mo. Subalit kung talagang kailangang makasama mo ang taong iyon, hindi ba’t makatuwiran lamang na sikaping maging maayos ang inyong pagsasamahan hangga’t maaari?

Ang Filipos 2:4 ay nagsasabi sa atin na ituon ang mata, “hindi lamang sa personal na kapakanan ng inyong sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.” Sa paraang hindi naman parang nag-iimbestiga ka, maitatanong mo kaya sa iyong kakuwarto ang tungkol sa kaniyang pamilya, sa kaniyang mga hilig, tunguhin, at mga bagay na mas nagugustuhan? Sabihin din sa kaniya ang tungkol sa iyong sarili. Habang nakikilala ninyo ang isa’t isa, lalo ninyong mauunawaan ang isa’t isa.

Paminsan-minsan, magplano kayo na magkasamang gawin ang ilang bagay. Sabi ni Lee: “Kung minsan ay magkakasama kami ng aking mga kakuwarto na kumakain sa labas, o namamasyal kami sa ilang galerya ukol sa sining.” Para sa parehong Kristiyano na magkakuwarto, ang pagtutulungan sa espirituwal na mga gawain, gaya ng paghahanda para sa mga pulong sa kongregasyon o pag-eebanghelyo, ay mas epektibo pa ngang paraan upang mabuo ang bigkis ng pagkakaibigan.

Sabi ni David: “Kapag nagbibigay ng pangmadlang pahayag sa Bibliya ang aking kakuwarto, dumadalo ako sa kanilang kongregasyon para suportahan siya.” Bagaman magkaiba ang hilig niya at ng kaniyang kakuwarto sa mga laro at musika, sila ay pinaglapít naman ng kanilang pag-ibig sa espirituwal na mga bagay. “Marami kaming pinag-uusapan hinggil sa espirituwal,” ang sabi ni David. “Sa katunayan, inaabot kami ng kung ilang oras sa pag-uusap tungkol sa espirituwal na mga bagay.”

Babala: Huwag naman masyadong maging malapít sa isang kakuwarto anupat hindi ka na tuloy magkaroon ng iba pang kapaki-pakinabang na pakikipagsamahan. Kapag nadama ng iyong kakuwarto na kailangang palagi kang kasama saanman siya pumunta, baka isipin niyang kinokontrol mo na siya. Ang payo ng Bibliya ay “magpalawak” sa iyong pakikipagkaibigan.​—2 Corinto 6:13.

Pamumuhay Ayon sa Ginintuang Alituntunin

Mangyari pa, habang nagkakakilala kayo, namamalayan din ninyong magkaiba pala kayo ng pag-uugali, hilig, at mga pananaw. Gaya ng babala ng kabataang si Mark, “dapat mong asahan ang di-kasakdalan.” Ang pagiging di-marunong makibagay o makasarili ay nagbubunga ng igting at tensiyon. Gayundin ang epekto kung inaasahan mong ang iyong kakuwarto ay dapat gumawa ng malalaking pagbabago alang-alang sa iyo.

Ito ang natutuhan ni Fernando tungkol sa pagiging isang kakuwarto: “Dapat kang maging mapagbigay at hindi makasarili.” Ang sinabi niya ay kasuwato ng popular na Ginintuang Alituntunin, na nagsasaad: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Halimbawa, maagang natuklasan ni Fernando na silang magkakuwarto ay hindi pala magkasundo sa temperatura ng kuwarto; ang gusto niya ay mainit, pero ang gusto naman ng kaniyang kakuwarto ay malamig sa pagtulog. Ang solusyon? Ang sabi ni Fernando: “Nagkumot na lang ako.” Oo, gaya ng sabi ni Mark, “makibagay ka. Hindi naman kailangang kalimutan mo nang lahat ang iyong kinagawian, pero baka puwedeng isakripisyo mo ang isa o dalawa nito.”

Narito pa ang isang pitak na doo’y maikakapit mo ang Ginintuang Alituntunin: Matutong pagbigyan ang hilig ng iyong kakuwarto. Sinasabi mo bang ayaw mo ng kaniyang musika? Aba, malamang na ayaw din niya ng musika mo. Kaya kung hindi naman nakasisira sa moral ang kinahihiligang musika ng iyong kakuwarto, baka naman puwedeng pagbigyan mo na lamang siya. Ang sabi ni Fernando: “Mas maganda sana kung iba ang kinahihiligang musika ng aking kakuwarto. Pero nakakasanayan ko na rin ito.” Sa kabilang dako, maaari rin namang mapakinggan ng isang tao ang gusto niyang musika sa pamamagitan ng mga headphone upang hindi niya maabala ang kaniyang kakuwarto, na baka nag-aaral.

Maiiwasan din ang di-kinakailangang pagtatalo tungkol sa materyal na mga pag-aari kung ikakapit ang Ginintuang Alituntunin. Halimbawa, kung nakaugalian mo nang basta na lamang kukuha ng anumang bagay sa repridyeretor​—pero hindi mo naman iyon pinapalitan​—​maaaring bumangon ang samaan ng loob. Gayundin naman, ang pagkagalit at pag-irap sa iyong kakuwarto tuwing kukuha siya ng mga bagay na binili mo ay hindi rin nga makapagtataguyod ng mabuting pagsasamahan. Hinihimok tayo ng Bibliya na “maging mapagbigay, handang mamahagi.” (1 Timoteo 6:18) Kung nadarama mong sinasamantala ka na, huwag ka namang magsawalang-kibo na lamang. Sabihin mo ang iyong hinanakit nang mahinahon at may kabaitan.

Igalang ang personal na pag-aari ng isa’t isa. Isang kapangahasan ang manghiram ng isang bagay nang hindi muna nagpapaalam. (Kawikaan 11:2) Maging alisto ka rin sa pangangailangan ng iyong kakuwarto na magkaroon ng panahong mapag-isa. Magpakita ng simpleng paggalang gaya ng pagkatok muna bago pumasok sa kaniyang kuwarto. Kapag nagpakita ka ng paggalang, malamang na gayundin ang gawin ng iyong kakuwarto. “Hindi problema para sa sinuman sa amin ang mag-aral sa bahay,” sabi ni David. “Pareho kaming may lubusang paggalang diyan at tumatahimik kami alang-alang sa isa’t isa. Pero kung minsan ay pumupunta ako sa aklatan para mag-aral sakaling may ibang gagawin ang aking kakuwarto.”

Lakip din sa pagkakapit sa Ginintuang Alituntunin ang pagiging responsable may kinalaman sa mga bagay gaya ng pagbabayad ng bahagi mo sa upa sa takdang panahon o paggawa ng bahagi mo sa gawaing bahay.

Paglutas sa Pagtatalo

Noong panahon ng Bibliya, dalawang pinagpipitagang Kristiyanong lalaki na ang pangalan ay Pablo at Bernabe ang nagkaroon ng “isang matinding pagsiklab ng galit.” (Gawa 15:39) Ano kaya kung mangyari rin ito sa inyong dalawa? Maaaring may pagkakasalungatan sa inyong personalidad o ilang nakaiinis na ugaling umuubos ng iyong pasensiya. Ang isa bang di-pagkakaunawaan o mainit na pagtatalo ay nangangahulugang hindi na kayo dapat magsama pa? Hindi naman. Maliwanag na nalutas nina Pablo at Bernabe ang kanilang di-pagkakasundo. Baka naman magagawa mo rin ito bago ka gumawa ng isang padalus-dalos na hakbang gaya ng pag-alis. Narito ang ilang simulain sa Bibliya na makatutulong.

● ‘Huwag gumawa ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi may kababaan ng pag-iisip na ituring na ang iba ay nakatataas sa inyo.’​—Filipos 2:3.

● “Ang lahat ng mapait na saloobin at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo pati na ang lahat ng kasamaan. Kundi maging mabait kayo sa isa’t isa, mahabagin na may paggiliw, lubusang nagpapatawaran sa isa’t isa kung paanong ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay lubusang nagpatawad din sa inyo.”​—Efeso 4:31, 32.

● “Kung gayon, kapag dinadala mo sa altar ang iyong kaloob at doon ay naalaala mo na ang iyong kapatid ay may isang bagay na laban sa iyo, iwan mo roon sa harap ng altar ang iyong kaloob, at umalis ka; makipagpayapaan ka muna sa iyong kapatid, at kung magkagayon, sa pagbalik mo, ihandog mo ang iyong kaloob.”​—Mateo 5:23, 24; Efeso 4:26.

Mga Pakinabang

Maraming kabataan (at di-gaanong kabataang) Kristiyano na may kakuwarto ang mismong nakaranas ng katotohanan ng mga salita ng marunong na si Haring Solomon: “Ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa.” (Eclesiastes 4:9) Ang totoo, nakita ng marami ang pakinabang ng pagkakaroon ng karanasang makikuwarto sa iba. “Mas natuto akong makisama sa mga tao at makibagay,” sabi ni Mark. Dagdag pa ni Renee: “Marami kang matututuhan tungkol sa iyong sarili. At kasabay nito, ang mga kakuwarto ay maaaring makagipit sa iyo sa positibong paraan.” Inamin ni Lynn: “Sunod na sunod ako sa layaw nang lumipat kaming magkakakuwarto. Pero natuto akong huwag maging masyadong istrikta. Naunawaan ko ngayon na hindi pala dahil sa iba ang paraan ng paggawa ng isa sa mga bagay-bagay ay mali na siya.”

Totoo, ang pakikibagay sa isang kakuwarto ay nangangailangan ng sikap at sakripisyo. Pero kung magsisikap kang ikapit ang mga simulain sa Bibliya, hindi mo lamang siya makakasundo; baka kawilihan mo pa nga ang pagkakaroon ng isang kakuwarto.

[Mga talababa]

a Binago ang ilang pangalan.

b Tingnan ang artikulong “Bakit Napakahirap Pakibagayan ang Aking Kasama sa Kuwarto?” na nasa ating isyu ng Abril 22, 2002.

[Larawan sa pahina 16]

Ang pagkuha ng mga bagay-bagay na hindi sa iyo ay maaaring magdulot ng tensiyon

[Larawan sa pahina 17]

Magpakita ng konsiderasyon sa isa’t isa

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share