Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 4/22 p. 16-18
  • Bakit Napakahirap Pakibagayan ang Aking Kasama sa Kuwarto?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Napakahirap Pakibagayan ang Aking Kasama sa Kuwarto?
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paninirahan Kasama ng Isang Estranghero
  • Magkaiba ang Pinagmulan, Magkaiba ang Pamamaraan
  • Ang Telepono​—Isang Problema
  • Walang Pagkakataong Mapag-isa
  • Paano Ko Kaya Makakasundo ang Aking Kasama sa Kuwarto?
    Gumising!—2002
  • Paano Kaya Ako Makakakita ng Makakasundong Kasama sa Kuwarto?
    Gumising!—2002
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—2003
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 4/22 p. 16-18

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit Napakahirap Pakibagayan ang Aking Kasama sa Kuwarto?

“Ako ay masinop, talagang masinop. Pero pag-uwi ko sa bahay, ang aking kasama sa kuwarto ay nakahilata sa sahig habang nanonood ng TV​—ang mga babasahin at popcorn ay nakakalat. Sa tuwing uuwi ako sa bahay, nakikini-kinita ko na ang aking daratnan, at sinasabi ko sa aking sarili, ‘Ayokong pumasok doon.’ ”​—David.

“Ang aking kasama sa kuwarto ay laki sa layaw. Baka akala niya ay may katulong at mayordomo siyang kasama namin sa bahay. At gusto niya na laging siya ang nasusunod.”​—Renee.a

“ANG matutong magparaya sa kakatwang mga ugali ng isang estranghero ay maaaring magturo . . . ng kakayahan sa pakikibagay at sining ng pagbibigay,” ang sabi ng isang artikulo sa U.S.News & World Report. “Subalit ang proseso ng pagkatuto ay madalas na nakasisiphayo.” Maaaring sumang-ayon yaong nakaranas na magkaroon ng kasama sa kuwarto.

Maraming estudyante sa unibersidad ang naninirahan na may kasama sa kuwarto upang mabawasan ang mataas na gastos sa pag-aaral. Nais naman ng ibang kabataan na maging malaya sa kanilang mga magulang kung kaya lumilipat sila na may kakuwarto. Sa mga kabataang Kristiyano, marami ang kumukuha ng kakuwarto upang maitaguyod ang espirituwal na kapakanan. (Mateo 6:33) Nasusumpungan nila na ang pagkakaroon ng isa na makakahati sa mga gastusin ay tutulong sa kanila na maglingkod bilang buong-panahong mga ebanghelisador. Ang pagkakaroon ng kasama sa kuwarto ay bahagi rin kung minsan ng buhay-misyonero at ng paglilingkod sa iba’t ibang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova.b

Nakipag-usap ang Gumising! sa maraming kabataang lalaki at babae na naninirahan na may mga kakuwarto. Lahat ay sumang-ayon na ang isang kasama sa kuwarto ay hindi lamang basta isa na tumutulong sa pagbabayad ng upa​—ang isang kakuwarto ay maaaring pagmulan ng pakikipagsamahan, isa na makakausap at makakasamang gumawa. “Ginagabi kami sa pagtulog at nag-uusap ng mga usapang pambabae o basta nanonood lamang ng pelikula,” ang gunita ni Lynn. “Maaari ring palakasin ng iyong kakuwarto ang loob mo,” ang sabi ni Renee. “Kung minsan kapag nagtatrabaho ka, nagsisikap na bayaran ang lahat ng iyong mga gastusin, nagsisikap na mangaral, kasiya-siyang magkaroon ng kasama sa kuwarto na magpapalakas ng loob mo.”

Gayunpaman, ang paninirahan na may kasama sa kuwarto​—lalo na ng isa na sa simula ay hindi mo halos kilálá​—ay maaaring maging malaking hamon. Ganito ang sabi ng U.S.News & World Report hinggil sa tagpo sa kolehiyo: “Sa kabila ng ibayong pagsisikap ng maraming paaralan na pagsamahin ang magkabagay na mga magkakuwarto, karaniwan nang di-kasiya-siya ang kinalalabasan.” Totoo naman, ang mga alitan sa pagitan ng mga magkakuwarto sa kolehiyo ay alam na alam na umaabot hanggang sa punto ng karahasan! Kaya naglitawan ang mga Web site sa Internet na nagpapahintulot sa mga estudyante na ibulalas ang kanilang waring walang-katapusang pagkainis sa kanilang mga kasama sa kuwarto. Bakit kaya kadalasan ay napakahirap ang manirahan na may kakuwarto?

Paninirahan Kasama ng Isang Estranghero

“Ang pagtira kasama ng isang estranghero ay tila isang kawili-wiling karanasan,” sabi ni Mark. “Hindi mo talaga alam kung ano kaya siya sa totoo.” Sa katunayan, ang kaisipan hinggil sa paninirahang kasama ng isa na maaaring bahagya o wala pa ngang pagkakatulad sa iyo ay talagang nakalilito. Totoo, dapat na maraming pagkakatulad at maraming bagay na puwedeng pag-usapan ang mga Kristiyano. Magkagayunman, inamin ni David: “Marami akong pangamba hinggil sa pagkakaroon ng kasama sa kuwarto.”

Gayunman, nagkataong si David at ang kaniyang kakuwarto ay may parehong pinagmulan. Subalit hindi lahat ay lubusang magkabagay. Sinabi ni Mark: “Ang una kong kakuwarto ay halos walang-imik. Kapag may kasama ka sa kuwarto, kailangan talagang mag-usap kayo. Pero ayaw niyang magsalita. Totoong nakainis iyon sa akin.”

Ang pagkakaiba ng pinagmulan ay maaaring maging sanhi ng iba pang kaigtingan at tensiyon. Sinabi ni Lynn: “Nang una kang bumukod, gusto mong gawin ang mga bagay-bagay sa iyong paraan. Subalit di-magtatagal ay masusumpungan mong may ibang tao na isasaalang-alang.” Sa katunayan, mula sa tiwasay na kalagayan sa tahanan ng iyong pamilya, talagang nakagigitlang matuklasan kung paanong naiiba ang maaaring pangmalas ng ibang tao sa mga bagay-bagay.

Magkaiba ang Pinagmulan, Magkaiba ang Pamamaraan

Malaki ang nakasalalay sa pagsasanay​—o kawalan ng pagsasanay​—na natanggap ng isa mula sa kaniyang mga magulang. (Kawikaan 22:6) Ang kabataang si Fernando ay nagsabi: “Ako ay masinop na tao, at ang aking kakuwarto ay burarâ. Kuning halimbawa na lamang ang aparador: Basta na lang niya itinatambak ang mga bagay sa loob nito. Mas gusto ko namang isabit ang mga bagay-bagay.” Kung minsan, napakalaki ng pagkakaiba sa mga pamantayan.

Naalaala ni Renee: “Nagkaroon ako ng kasama sa kuwarto na ang silid-tulugan ay parang basurahan! Nagkaroon din ako ng mga kasama sa kuwarto na hindi nagliligpit ng lamesa pagkatapos kumain o isa na basta na lang iniiwan ang mga pinagkainan sa lababo sa loob ng dalawa o tatlong araw.” Oo, pagdating sa gawaing-bahay, ang ilang kakuwarto ay waring larawan ng mga salita sa Kawikaan 26:14: “Ang pinto ay pumipihit sa paikutan nito, at ang tamad sa kaniyang higaan.”

Sa kabilang panig, hindi rin kasiya-siya ang manirahan na kasama ng isa na sobrang sinop. Ganito ang sabi ng isang kabataang babae na nagngangalang Lee hinggil sa isang kakuwarto: “Kung para sa kaniya, ang paglilinis ay kailangang gawin oras-oras. Hindi naman ako burarâ, ngunit paminsan-minsan ay naiiwan ko ang gamit, gaya ng mga libro, sa ibabaw ng aking kama. At nadarama niyang kailangan niyang bantayan ang kalagayan.”

Maaaring may kani-kaniyang ideya rin hinggil sa personal na kalinisan ang mga magkasama sa kuwarto. Ganito ang paliwanag ni Mark: “Bumabangon ang aking kasama sa kuwarto sa huling sandali. Dali-dali siyang tatakbo sa lababo, wiwisikan ng tubig ang kaniyang buhok, at aalis.”

Ang pagkakaiba ng pinagmulan at personalidad ay maaaring makaapekto sa pagpili ng libangan at dibersiyon. “Magkaiba ang gusto naming uri ng musika,” sabi ni Mark hinggil sa kaniyang kakuwarto. Gayunman, kung mayroong paggalang sa isa’t isa, ang gayong pagkakaiba ay magiging kapaki-pakinabang, marahil tutulong kapuwa sa mga magkakuwarto na palawakin ang kanilang naisin. Subalit mas madalas, ang mga pagkakaibang ito ay pinagmumulan ng alitan. “Musikang Espanyol ang gusto ko,” ang sabi ni Fernando, “ngunit lagi itong pinipintasan ng aking kakuwarto.”

Ang Telepono​—Isang Problema

Ang paggamit ng telepono ang maaaring isa sa pinakamalaking pinagmumulan ng alitan. Ganito ang sabi ni Mark: “Gusto ko nang matulog. Ngunit ginagabi sa pakikipag-usap sa telepono ang aking kakuwarto. Nakaiinis iyon sa katagalan.” Nagunita rin ni Lynn: “Kung minsan ay tatawag nang alas-tres o alas-kuwatro ng madaling-araw ang mga kaibigan ng aking kakuwarto. Kung wala siya, kailangan kong bumangon at sagutin ang telepono.” Ang kanilang solusyon? “Tiniyak namin na ang bawat isa ay may sariling telepono.”

Gayunman, hindi lahat ng kabataan ay kayang magkaroon ng sariling telepono, at marami ang napipilitang makihati. Nagdudulot ito ng ilang maiigting na pagkakataon. Nagunita ni Renee: “Isa sa aking mga kakuwarto ay nakikipagligawan, at madalas siyang nasa telepono nang maraming oras. Isang buwan ay umabot ang kaniyang bayarin nang mahigit 90 dolyar. Inaasahan niyang bawat isa sa amin ay magbabayad ng bahagi niyaon, yamang napagkasunduan naming hatiin nang pantay-pantay ang bayarin.”

Ang pagkakataong makagamit lamang ng telepono ay maaaring maging isa pang isyu. “Naninirahan akong kasama ng isang nakatatanda sa akin,” ang gunita ni Lee. “At iisa lamang ang aming telepono. Parati akong nasa telepono dahil marami akong kaibigan. Wala siyang sinasabing anuman. Inakala ko na kung gusto niyang gamitin ang telepono, sasabihin niya sa akin. Natanto ko ngayon na hindi ako naging makonsiderasyon.”

Walang Pagkakataong Mapag-isa

“Bawat isa ay nangangailangan ng pagkakataong mapag-isa,” ang sabi ni David. “Kung minsan, kailangan ko lamang magpahinga at walang anumang gagawin.” Gayunman, maaaring maging hamon na makasumpong ng pagkakataong mapag-isa kapag naninirahan kang kasama ng iba. “Gusto kong magkaroon ng panahong mapag-isa,” ang pagsang-ayon ni Mark. “Kaya ang pinakamahirap na bagay para sa akin ay ang kawalan ng pagkakataong mapag-isa. Kami ng aking kakuwarto ay may parehong iskedyul. Kaya mahirap masumpungan ang pagkakataong mapag-isa.”

Maging si Jesu-Kristo sa pana-panahon ay nangailangan ng pagkakataong mapag-isa. (Mateo 14:13) Kaya nakasisiphayo nga ito kapag ang pagkanaroroon ng iyong kakuwarto ay nagpapangyaring maging mahirap, kung hindi man imposible, na magbasa, mag-aral, o magbulay-bulay. Sinabi ni Mark: “Mahirap mag-aral dahil parating may nangyayari. Inaanyayahan niya ang mga kaibigan sa kuwarto, nasa telepono siya, o nanonood siya ng TV o nakikinig ng radyo.”

Gayunpaman, isang hamon man na pagtiisan ang isang kakuwarto, libu-libong kabataan ang nakapananagumpay rito. Ang mga karagdagang artikulo sa seryeng ito ay tatalakay pa ng ilang praktikal na paraan upang ang paninirahan na kasama ng iba ay maging kasiya-siya.

[Mga talababa]

a Binago ang ilan sa mga pangalan.

b Bagaman ang payong ito ay ipinatutungkol sa mga kabataan, maaaring makatulong din ito sa mga nakatatanda na kailangang kumuha ng makakasama sa kuwarto matapos mabago ang kanilang mga kalagayan, gaya ng pagiging balo.

[Larawan sa pahina 16, 17]

Ang magkaibang hilig sa musika ay maaaring magharap ng hamon

[Larawan sa pahina 18]

Ang kawalan ng konsiderasyon ay maaaring lumikha ng mga kaigtingan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share