Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 5/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Panganib sa Nalalanghap na Usok ng Sigarilyo
  • Isang Bagong Atlas ng Polusyon sa Liwanag
  • Pagsasamapa sa Sahig ng Karagatan
  • Pag-unawa sa Sakit sa Isip
  • “Makasasamâ sa Iyong Kalusugan ang Insenso”
  • Makabagong Pagsasauli sa Marmol
  • Pagnanakaw sa Ngalan ng Diyos
  • Pinarami ng Pag-init ng Globo ang mga Kasakunaan
  • Likas na mga Kapahamakan—Isang Tanda ng Panahon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Ang Pinsala ng Tabako sa mga Maninigarilyo at Hindi Maninigarilyo
    Gumising!—1987
  • Likas na mga Sakuna—Bakit Napakarami?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Likas na mga Sakuna?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 5/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Mga Panganib sa Nalalanghap na Usok ng Sigarilyo

“Ang 30 minuto lamang na pagkahantad sa usok ng sigarilyo na ibinuga ay makapipinsala sa puso ng isang malusog na taong hindi naninigarilyo,” ang sabi ng Globe and Mail ng Canada sa isang report hinggil sa isang pag-aaral kamakailan sa Hapón. Sa paggamit ng bagong teknolohiya ng ultrasound, tuwirang nasukat ng mga mananaliksik sa Osaka City University ang masasamang epekto ng nalanghap na usok ng sigarilyo sa mga selulang endothelium na siyang pinakasapin sa mga cavity ng puso at sa mga ugat na daluyan ng dugo. Kapag malusog, ang mga selulang ito ay nagpapasigla sa magandang sirkulasyon ng dugo sa pamamagitan ng paghadlang sa pagkakaroon ng mga bara sa mga daluyan ng dugo at ng mga pamumuo ng dugo. Natuklasan ng mga mananaliksik na ang daloy ng dugo sa mga puso ng mga hindi naninigarilyo “ay mas maganda nang 20 porsiyento kaysa sa mga naninigarilyo. Subalit pagkatapos mahantad sa usok ng sigarilyo na ibinuga sa loob lamang ng 30 minuto,” ang daloy ng kanilang dugo ay nagiging kasimbaba ng antas ng mga naninigarilyo. Ayon sa mananaliksik na si Dr. Ryo Otsuka, “ipinakikita nito ang tuwirang ebidensiya ng nakapipinsalang epekto ng nalanghap na usok ng sigarilyo sa sirkulasyon ng dugo sa puso ng mga hindi naninigarilyo.”

Isang Bagong Atlas ng Polusyon sa Liwanag

“Naglaho na ang Milky Way,” ang sabi ng isang ulat sa babasahing Science, “hindi dahil sa ilang kosmikong pagsabog, kundi dahil sa ikinukubli ng maliliwanag na ilaw ng ating lumalawak na mga lunsod ang mga bituin sa ating galaksi sa paningin ng karamihan sa Europa at sa Amerika. Binibigo ng napakaraming artipisyal na ilaw ang mga astronomo sapagkat ito ay humahadlang sa kanilang mga obserbasyon.” Upang matulungan ang bigong mga tagapagmasid sa bituin, nagtipon ng isang bagong atlas ang mga siyentipiko sa Italya at sa Estados Unidos na gumuguhit sa pangglobong polusyon sa liwanag. Di-gaya ng dating mga mapa na basta nagpapakita ng kinaroroonan ng “maniningning na liwanag na nakakalat sa lahat ng mga kontinente sa gabi,” kalakip sa bagong atlas, na makikita lamang sa Internet, “halimbawa, ang mga mapa ng kontinente at ilan pang detalyadong mga mapa na nagpapakita kung saan makakakita ng bituin sa iba’t ibang bahagi ng Europa,” ang sabi ng Science.

Pagsasamapa sa Sahig ng Karagatan

Ang mga siyentipiko sa Bedford Institute of Oceanography sa Nova Scotia ay nangunguna sa paggamit ng umiiral na teknolohiya upang isamapa ang sahig ng karagatan, ulat ng Financial Post ng Canada. Sa paggamit ng mga multibeam sound wave, ang teknolohiya ay nakatulong sa mga siyentipiko na lumikha ng tatlong-dimensiyon na larawan ng sahig ng dagat. Sa huling yugto, “ipinadala ang mga remote video camera sa sahig ng karagatan at kumuha ng materyal na mga sampol.” Ayon sa report, “napakalaki ng mga kapakinabangan ng pagsasamapa sa sahig ng dagat.” Ang dami ng likas na yaman na mga uring naninirahan sa ilalim ng dagat ay maaaring “makuha at mapangasiwaan nang hindi napipinsala at nabubulabog ang iba pang dako sa sahig ng karagatan. Maaari ring matiyak ng mga kompanya ng telekomunikasyon ang pinakaligtas at pinakamahusay na daan para sa paglalatag ng kable sa ilalim ng tubig. Maipupuwesto ng mga kompanya ng langis ang mga istraktura para sa paghahanap ng langis sa sahig ng dagat sa lugar na ligtas at maraming langis.” Magagawa ring posible ng gayong pagsasamapa ang pagkuha ng buhangin at graba na sagana sa sahig ng dagat. Ito ay “maaaring maging mas mura at mas ligtas sa ilang kalagayan” kaysa sa pagtitibag ng bato sa mga gilid ng bundok, ang sabi ng Post.

Pag-unawa sa Sakit sa Isip

“Isa sa apat katao sa daigdig ay maaapektuhan ng mga sakit sa isip o sa sistemang nerbiyos sa kanilang buhay,” ang ulat ng World Health Organization (WHO). Bagaman maraming sakit sa isip ang magagamot, halos dalawang-katlo ng mga pinahihirapan nito ay hindi kailanman humingi ng tulong sa mga propesyonal. “Ang sakit sa isip ay hindi pagkukulang ng isang tao,” ang sabi ni Dr. Gro Harlem Brundtland, panlahat na patnugot ng WHO. “Sa katunayan, kung may pagkukulang man, masusumpungan ito sa paraan ng pakikitungo natin sa mga taong may sakit sa isip at sa utak.” Sabi pa niya: “Inaasahan kong papawiin ng ulat na ito ang malaon nang pinanghahawakang mga pag-aalinlangan at turo at magiging pasimula ng isang bagong panahon ng kalusugang bayan sa larangan ng kalusugang pangkaisipan.” Ayon sa kasalukuyang kausuhan sa kalusugan, “ang panlulumo . . . ay inaasahang papangalawa sa taóng 2020, kasunod ng sakit sa puso subalit mangunguna sa lahat ng iba pang mga sakit,” ang sabi ng WHO. Subalit, sa pamamagitan ng wastong paggamot, ang mga pinahihirapan nito ay “maaaring magkaroon ng kapaki-pakinabang na buhay at maging isang mahalagang bahagi sa kanilang mga pamayanan.”

“Makasasamâ sa Iyong Kalusugan ang Insenso”

“Makasasamâ sa iyong kalusugan ang mabangong amoy ng insenso,” ang ulat ng magasing New Scientist. “Ang pagsusunog ng insenso, isang popular na pantulong sa pagninilay-nilay at paggamot na kadalasang ginagamit ng mga Budista, Hindu at mga Kristiyano sa kani-kanilang tahanan at mga dako ng pagsamba, ay naghahantad sa mga tao sa mapanganib na mga antas ng usok na may mga kemikal na nagdudulot ng kanser.” Isang pangkat ng mga imbestigador na pinangunahan ni Ta Chang Lin ng National Cheng Kung University sa Tainan, Taiwan, ang “kumuha ng mga sampol ng hangin mula sa loob at labas ng isang templo sa Lunsod ng Tainan at inihambing ang mga sampol na ito sa mga nakuha sa isang sangandaan,” sabi ng ulat. “Ang kabuuang antas ng mga PAH [polycyclic aromatic hydrocarbon] sa loob ng templo ay 19 na ulit na mas mataas kaysa sa labas at bahagyang mas mataas kaysa sa sangandaan.” Ayon sa New Scientist, ang isa sa mga sangkap nito, ang “benzopyrene, na inaakalang nagiging sanhi ng kanser sa baga sa mga naninigarilyo,” ay nakita sa mga antas na “umaabot nang 45 ulit na mas mataas kaysa sa mga tahanan kung saan ang mga residente ay nananabako.”

Makabagong Pagsasauli sa Marmol

“Natuklasan ng mga siyentipiko ang isang makabagong paraan na nagpapangyari sa kanila na makagawa ng marmol mula sa baktirya sa loob lamang ng ilang araw,” ang sabi ng The Times ng London. Ang pagkaliit-liit na calcinogenic na baktirya, na likas na masusumpungan sa lupa, ay pinarami sa laboratoryo at pinalaki sa isang likidong sangkap na may pectin. Kapag nauubos ang kanilang suplay ng pagkaing mineral, ang baktirya ay namamatay at gumagawa ng purong calcium carbonate​—marmol​—sa lusaw na solusyon. Ang solusyon na ito, kapag inisprey sa mga eskultura at iba pang mga bagay na marmol ang ibabaw na nasira na dahil sa tagal ng panahon o pagkahantad sa mga elemento, ay nagbibigay ng napakanipis na suson na tumatagos sa ibabaw at nagdirikit sa bato. Si John Larson, ang nangangasiwa sa pangangalaga ng mga eskultura sa Pambansang mga Museo at Galerya sa Merseyside, Inglatera, ay nagsasabi na sa pamamagitan ng bagong pamamaraan, ang kakaunting suplay ngayon ng marmol na mataas ang uri ay may bentaha dahil sa mabilis na paggawa ng maramihang solusyon ng marmol nang napakamura at walang kaakibat na nakapipinsalang epekto.

Pagnanakaw sa Ngalan ng Diyos

“Ako’y naging securities regulator sa loob ng 20 taon, at nakita kong mas maraming pera ang ninanakaw sa ngalan ng Diyos kaysa sa anumang ibang paraan,” ang sabi ni Deborah Bortner, presidente ng North American Securities Administrators Association. “Kapag namuhunan ka, hindi mo dapat kaligtaan na maging alisto dahil lamang sa may humikayat sa iyong mamuhunan sa pamamagitan ng pagpapaalaala sa iyo ng iyong relihiyon o ng iyong paniniwala.” Ayon sa magasing Christian Century, “sa nakalipas na tatlong taon, ang mga securities regulator sa 27 estado ay kumilos laban sa daan-daang indibiduwal at mga kompanya na gumagamit sa espirituwal o relihiyosong paniniwala upang makuha ang pagtitiwala ng mga mamumuhunan. . . . Sa isang kilalang kaso na tumagal nang [mahigit limang taon],” isang institusyon ng Protestante ang “nakapangilak ng mahigit na $590 milyon mula sa mahigit na 13,000 mamumuhunan sa buong bansa. Ipinasara ng mga state regulator ang institusyon noong 1999 at tatlo sa mga opisyal nito ay umamin ng pagkakasala sa mga paratang na panlilinlang.” Ang tatlong iba pang kaso “ay may pananagutan sa kabuuang $1.5 bilyong pagkalugi,” ang ulat ng Christian Century.

Pinarami ng Pag-init ng Globo ang mga Kasakunaan

“Pagkatapos iulat ang biglang pagdami ng mga kasakunaan na dulot ng panahon noong huling mga taon ng dekada ng 1990,” inaakala ng Red Cross na “hindi na malulunasan ng internasyonal na tulong ang epekto ng pag-init ng globo,” ang sabi ng Guardian Weekly ng Britanya. “Sa taunang World Disasters Report nito, sinasabi ng International Federation of Red Cross and Red Crescent Societies na ang mga baha, bagyo, pagguho ng lupa at mga tagtuyot, na may bilang na mga 200 sa isang taon bago 1996, ay patuloy na dumami tungo sa 392 noong 2000.” Sa takot na lalo pang dumami ang likas na mga kasakunaan, si Roger Bracke, ang pinuno ng pederasyon sa mga operasyon ukol sa pagtulong sa kasakunaan, ay nagsabi: “May hangganan sa kung ano ang magagawa ng makataong pagtulong; nangangamba kami na darating sa punto na hindi na kami makapagbibigay ng tulong.” Ayon sa Guardian, “sa katamtaman, ang mga baha ang sanhi ng pagkasalanta ng mahigit na dalawang-katlo ng [211 milyon] mga tao sa isang taon dahil sa likas na mga kasakunaan sa nakalipas na dekada. Ang taggutom na dala ng tagtuyot ay nakaapekto sa halos sangkalima nito, at siyang dahilan ng karamihan ng kamatayan: mga 42% ng lahat ng namatay ay dahil sa likas na mga kasakunaan.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share