Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 6/22 p. 24-25
  • Paggalugad sa mga Kayamanan ng Oaxaca

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paggalugad sa mga Kayamanan ng Oaxaca
  • Gumising!—2002
  • Kaparehong Materyal
  • “Pinahahalagahan Namin ang Aming Isinusuot na mga Damit”
    Gumising!—2004
  • Mga Libingan—Bakas ng Sinaunang mga Paniniwala
    Gumising!—2005
  • Ang mga Piramide sa Mexico
    Gumising!—2000
  • Dalawang Mukha ng Isang Sakuna
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 6/22 p. 24-25

Paggalugad sa mga Kayamanan ng Oaxaca

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MEXICO

AYON sa National Institute of Anthropology and History ng Mexico, may mga 4,000 iba’t ibang arkeolohikal na lugar ang nakilala na sa buong timog-silangan ng estado ng Mexico na Oaxaca. Mula sa mga lugar na ito, nahukay ng mga arkeologo ang napakahalagang mga relikya, kung saan marami sa mga ito ay nakadispley sa Museum of Oaxacan Cultures. Samahan mo kami sa aming pamamasyal sa kawili-wiling museo na ito.

Ang Museum of Oaxacan Culturesa ay masusumpungan sa dating kumbento ng Santo Domingo de Guzmán, sa lunsod ng Oaxaca, mga 430 kilometro sa timog-silangan ng Mexico City. Naroon ang 14 na bulwagang pang-eksibit na nagtatanghal ng mga alahas, eskultura, seramik, at iba pang mahahalagang gawang-sining.

Nakadispley sa unang bulwagang pang-eksibit ang mga ulo ng palaso. Ang mga ito marahil ay ang tanging natitirang ebidensiya ng pag-iral ng mga pangkat ng mangangaso na pagala-gala sa Oaxaca libu-libong taon na ang nakalipas. Sa ikalawang silid, matututuhan natin ang hinggil sa Monte Albán, isang lunsod sa taluktok ng burol sa gitna ng libis ng Oaxaca. Tinawag itong “ang unang pangunahing lunsod sa mga lupain ng Amerika.” Maliwanag na ang Monte Albán ay umunlad noon sa pagitan ng 300 at 900 C.E. Gayunman, ang unang pagtatayo nito ay maaaring noong ikawalong siglo B.C.E.

Isinisiwalat ng naingatang-mabuting mga guho ng Monte Albán na ang mga mamamayan nito ay nakapagtamo ng malawak na kaalaman hinggil sa astronomiya, paggawa ng mga bagay mula sa ginto, at pagsulat ng hieroglyphic. Makikita pa rin ang mga arkeolohikal na kayamanan nito. Halimbawa, may ilang piramide na kitang-kita mula sa nakapalibot na libis. Bukod dito, nakilala na rin ang malalaking plasa, mga daanan sa ilalim ng lupa, isang palaruan para sa isang seremonyang laro na tinatawag na ollama, at mga 170 nakatagong libingan.

Noong Enero 9, 1932, natuklasan ng arkeologong si Dr. Alfonso Caso ang Libingan 7, isang libingang Zapotec na naglalaman ng labí ng isang maharlika, kasama ang isang malaking taguan ng kayamanan. Kabilang sa mga bagay na natuklasan sa libingang ito ay mga alahas na may-kahusayang ginawa sa ginto, pilak, at tanso gayundin sa jade, turkesa, batong kristal, mga perlas, at korales. Marami sa mga bagay na ito, kalakip na ang mga bagay na gawa sa ginto na may pinagsamang timbang na halos apat na kilo, ang nakadispley.

Bukod pa sa kumikinang na mga alahas at hiyas, ang Libingan 7 ay mayroon ding magagandang gawang-luwad at nililok na buto. Ang isang kapansin-pansing bagay ay isang magandang banga na may iba’t ibang kulay at napalalamutian ng mga drowing. Nang bumagsak ang Monte Albán, ang panahon ng pagsulat sa relyebe sa mga monumento ay nagwakas, na nagbigay-daan sa pagsulat ng Mixtec, lalo na sa mga codex, o mga aklat na may mga pahina.

Pagsapit ng 900 C.E., lahat ng lunsod sa katimugang bahagi ng Hilagang Amerika, pati ang Monte Albán, ay pinabayaan. Sa sumunod na 600 taon, namahala ang mga mandirigma at mga pangkat ng militar. Sa lahat ng grupo na nanirahan sa Oaxaca sa yugtong iyon, ang Mixtec marahil ang nakapag-iwan ng pinakadakilang pamana. Ganito ang sabi ng The Encyclopedia Americana: “Ang mga Mixtec ay bihasang mga manggagawa at alagad ng sining, na dalubhasa sa paggawa ng alahas at maiinam na aklat na puro larawan.”

Nang bandang huli, balak naming bumalik doon at repasuhin ang impormasyon hinggil sa pakikipagpunyagi ng Mexico para sa kasarinlan nito mula sa Espanya. Samantala, halika at galugarin mo mismo ang mga kayamanan ng sinaunang Mexico. Malulugod ka na ginawa mo iyan!

[Talababa]

a Dating kilala bilang Regional Museum.

[Mga larawan sa pahina 24, 25]

Ang Monte Albán ay umunlad noon sa pagitan ng 300 at 900 C.E.

Sa ibaba: Pektoral at iba pang mga bagay mula sa Libingan 7 at mga banga ng kaparehong yugto ng panahon

[Credit Line]

Lahat ng larawan: Reproducción Autorizada por el Instituto Nacional de Antropología e Historia CONACULTA-INAH-MEX

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share