Mga Libingan—Bakas ng Sinaunang mga Paniniwala
GUNIGUNIHING bumalik ka nang libu-libong taon sa agos ng panahon. Nasa Ur ka, isang maunlad at maharlikang lunsod sa Sumer, Babilonia. Lumabas ng lunsod ang isang mahabang prusisyon ng mga Sumeriano, pumasok sa sementeryo, at naglalakad na ngayon sa rampa patungo sa libingan ng kamamatay lamang na tagapamahala. May mga alpombra ang mga pader at mga sahig ng libingan, at ang silid ay napapalamutian ng magandang gawang-sining ng mga Sumeriano. May kasamang mga musikero ang nagpuprusisyong mga sundalo, mga babae, at mga lingkod na lalaki papasok sa libingan. Maringal ang lahat sa kanilang kagayakan. Buong-pagmamalaking suot ng mga opisyal ang sagisag ng kanilang ranggo. Kabilang sa makulay na grupong ito ang mga karong may sakay na tao at hinihila ng mga barakong baka o asno, at nasa unahan ng mga hayop ang mga tagapag-alaga nito. Ang lahat ay pumuwesto at nagdaos ng relihiyosong seremonya na sinasaliwan ng musika.
Nang papatapos na ang relihiyosong seremonya, ang bawat isa—mula musikero hanggang lingkod—ay kumuha ng maliit na tasang gawa sa luwad, bato, o metal na dala niya para sa okasyon, sumalok sa tansong palayok, at uminom ng inihandang espesyal na inumin. Saka nahiga ang lahat nang maayos at nakahilera, humanap ng komportableng posisyon, natulog, at namatay. May mabilis na nagkatay ng mga hayop. Tinabunan ng mga manggagawa ang pasukan at isinara ang libingan. Ang kanilang diyos-hari, ayon sa paniniwala ng mga Sumeriano, ay maluwalhati nang humahayo ngayon sa kabilang daigdig sa kaniyang inilibing na karo, habang kasama ang kaniyang mariringal at matatapat na lingkod at bantay na sundalo.
Habang naghuhukay siya sa timugang Iraq, natuklasan ng arkeologong si Sir Leonard Woolley ang 16 na maharlikang libingan sa sementeryo ng sinaunang Ur, katulad ng inilalarawan sa itaas. Nakapangingilabot subalit nakamamanghang tuklas ito. “Kabilang sa karangyaan ng mga libingang ito, na hindi pa natutumbasan sa arkeolohiya ng Mesopotamia, ang ilan sa pinakatanyag na mga gawang-sining sa Sumeria na nakapalamuti ngayon sa mga bulwagan ng British Museum at sa University of Pennsylvania Museum,” ang sabi ni Paul Bahn sa kaniyang aklat na Tombs, Graves and Mummies.
Gayunman, hindi naman talaga bukod-tangi ang mga libingan sa sinaunang Ur maging sa nakapanghihilakbot na aspekto ng paghahandog ng mga tao at hayop. Sa maraming sinaunang sibilisasyon, ang mga taong mahal at maharlika ay gumugugol ng malaking halaga—at kung minsan, kakikitaan ng kalupitan—sa paghahanda sa kanilang kamatayan at sa kabilang-buhay. Yamang ang kanilang mga libingan ay masining, marilag at tambak ng mga kayamanan, madalas na nakahihigit pa ang mga ito kaysa sa mga palasyo ng mga taong nabubuhay. Gayunman, sa ngayon, ang mga libingang iyon, at ang marami pang ibang pangkaraniwang libingan, ay nagsisilbing bakas ng kahapon, anupat nakatutulong upang masaliksik natin ang mga paniniwala, kultura, at kasanayan sa sining at teknolohiya ng sinaunang mga bayan at naglahong mga sibilisasyon.
Nabubulok sa Karilagan—Nang May Kasama
Noong 1974, naghuhukay ng balon ang mga magbubukid malapit sa lunsod ng Xi’an, sa Tsina. Pero sa halip na makahanap ng tubig, pira-pirasong mga tau-tauhang gawa sa luwad, mga bahagi ng busog na gawa sa bronse, at mga ulo ng palaso ang nasumpungan nila. Hindi nila alam na natuklasan nila ang hukbong Ch’in na gawa sa terakota, na 2,100 taon na at binubuo ng 7,000 sundalo at kabayo na gawa sa luwad at mas malaki pa kaysa sa tunay na mga sundalo at kabayo—pawang nasa posisyong pangmilitar nang ilibing! Ang hukbong Ch’in na gawa sa terakota ay bahagi ng pinakamalaking libingan ng emperador sa Tsina at isinunod sa pangalan ni Ch’in Shih Huang Ti, ang emperador na nanguna upang pagkaisahin ang nagdidigmaang mga estado sa Tsina noong 221 B.C.E.
Mistulang palasyo sa ilalim ng lupa ang mausoleo ni Ch’in. Pero bakit ginawa ang hukbong terakota? Sa kaniyang aklat na The Qin Terracotta Army, ipinaliwanag ni Zhang Wenli na ang “mausoleo [ni Ch’in] ay lumalarawan sa imperyo ni Qin [at] nilayon upang maipagpatuloy ni Qin Shi Huangdi [Ch’in Shih Huang Ti] ang kaniyang karilagan at lakas pagkamatay niya gaya noong nabubuhay pa siya.” Ang libingan ay bahagi na ngayon ng napakalaking museo na binubuo ng 400 kalapit na mga libingan at hukay.
Upang magawa ang libingan, “mahigit sa 700,000 lalaki ang kinalap mula sa lahat ng dako ng imperyo,” ang sabi ni Zhang. Ipinagpatuloy ang gawain pagkamatay ni Ch’in noong 210 B.C.E. at tumagal ito nang 38 taon sa kabuuan. Subalit hindi terakota ang lahat ng inilibing na kasama ni Ch’in. Ang emperador na humalili sa kaniya ay nag-utos na ilibing kasama ni Ch’in ang kaniyang mga babae na hindi nagkaanak, anupat “pagkarami-raming” tao ang namatay, ang sabi ng mga istoryador. Hindi kakaiba ang gayong mga kaugalian.
Nasa hilagang-silangan ng Mexico City ang mga labí ng sinaunang lunsod ng Teotihuacán. May kalye sa lunsod na ito na tinatawag na Lansangan ng mga Patay. “Nasa kahabaan ng kalyeng ito,” ang isinulat ni Bahn, na sinipi sa itaas, “ang ilan sa pinakamagagandang monumento sa arkitektura sa buong daigdig.” Kabilang sa mga ito ang Piramide ng Araw at Piramide ng Buwan, na parehong itinayo noong unang siglo C.E., at ang mga labí ng Templo ng Quetzalcoatl.
Waring may silid-libingan sa loob ng Piramide ng Araw para sa mga indibiduwal na mataas ang ranggo, marahil kabilang na ang mga pari. Ipinahihiwatig ng mga labí ng tao na natagpuan sa pangmaramihang mga libingan na maaaring inihandog ang mga mandirigma upang ipagsanggalang ang mga nasa loob ng piramide. Dahil sa kapansin-pansing pagkakahawig ng mga paraan ng paglilibing, naniniwala ang mga arkeologo na may labí ng mga 200 katao sa lugar na iyon, kabilang na ang mga bata na maaaring inihandog bilang bahagi ng programa sa pagtatalaga ng mga monumento.
Naglalayag o Nangangabayo Patungo sa Kabilang-Buhay
Umasa rin ang mga Viking, mga mandirigma ng Scandinavia na naglalayag sa dagat at sumindak sa Europa mga 1,000 taon na ang nakalilipas, na magagamit pa nila ang mga luho sa lupa pagkamatay nila. Naniniwala sila na ang mga namatay ay nangangabayo o naglalayag patungo sa kabilang daigdig. Kaya ang mga libingan ng mga Viking ay maaaring may mga kalansay ng kinatay na mga kabayo at nabubulok na kahoy ng mga barko. Sa A History of the Vikings, isinulat ni Gwyn Jones: “Isinasama sa namatay na lalaki at babae ang lahat ng magpapaalwan at magpaparangal sa kanila sa kabilang-buhay gaya ng natikman nila noong nabubuhay pa sila sa lupa . . . Nasa loob ng barko [na inilibing] sa Ladby sa Denmark . . . ang angkla nito, nakahandang ihulog sa dulo ng paglalayag ng panginoon nito.”
Yamang isang lahing mahilig makipagdigma, naniniwala ang mga Viking na kapag namatay sila sa labanan, mapupunta sila sa tahanan ng mga diyos—isang dakong tinatawag na Asgard. “Maaari silang makipaglaban doon nang buong araw at kumain nang buong magdamag,” ang sabi ng World Book Encyclopedia. Naghahandog din ng mga tao sa libing ng mga Viking. “Kapag may namatay na pinuno, tinatanong ang mga alipin at lingkod kung sino sa kanila ang nais mamatay kasama niya,” ang sabi ng aklat na The Vikings.
Naniniwala pa nga ang sinaunang mga Celt sa hilagang Europa na maaari pa ring singilin sa kabilang-buhay ang pagkakautang—marahil tusong dahilan para ipagpaliban ang pagbabayad! Inililibing ang mga bata sa Mesopotamia na may kasamang mga laruan. Sa mga bahagi ng sinaunang Britanya, inililibing ang mga sundalo na may kasamang pagkain tulad ng mga hita ng tupa upang hindi sila humayo nang gutom sa kabilang-buhay. Sa Sentral Amerika, ang mga maharlikang Maya ay inililibing kasama ng mga bagay na may jade—berdeng batong hiyas na sumasagisag sa hamog at hininga. Ang layunin marahil ay tiyaking patuloy pa rin silang umiral pagkamatay.
Ilang panahon pagkalipas ng 1,000 B.C.E., tumira ang mga taga-Tracia—kinatatakutang lahi, ngunit kilala rin dahil sa napakagagandang bagay na ginawa nila mula sa ginto—sa rehiyon ngayon na nasa Bulgaria, hilagang Gresya, at Turkey. Natuklasan sa libingan ng mga taga-Tracia na binibigyan ng marangal na libing ang kanilang mga pinuno na may kasamang mga karo, kabayo, de-kalidad na sandata, at, oo, kasama pati ang kanila-kanilang asawa. Sa katunayan, itinuring ng isang asawang babaing taga-Tracia na karangalang maihandog at mailibing katabi ng kaniyang kabiyak!
Di-nagtagal at sa di-kalayuan—sa hilaga lamang ng Dagat na Itim—nakatira ang mga Scita. Umiinom ang mga taong ito na mahilig makipagdigma mula sa bungo ng kanilang mga biktima at nagsusuot ng mga balabal na gawa sa anit ng mga ito. Natagpuan sa isang libingan ng Scita ang kalansay ng isang babaing may cannabis sa kaniyang tabi. Tatlong beses binutasan ang kaniyang bungo, marahil upang ibsan ang pamamaga at ang kirot na dulot nito. Baka itinabi sa kaniya ang cannabis na magagamit niya sa kabilang-buhay upang ibsan ang sakit ng kaniyang ulo.
Ang Kabilang-Buhay ng mga Ehipsiyo
Ang mga piramide sa Ehipto na malapit sa Cairo at ang mga silid-libingan sa Libis ng mga Hari malapit sa Luxor ay kabilang sa pinakatanyag sa lahat ng sinaunang libingan. Para sa sinaunang mga Ehipsiyo, iisa ang salita para sa “libingan” at “bahay”—per. “Kaya naman, may bahay habang nabubuhay at bahay pagkamatay,” ang sabi ni Christine El Mahdy sa kaniyang aklat na Mummies, Myth and Magic in Ancient Egypt. Sinabi rin niya na “ayon sa mga paniniwala [ng mga Ehipsiyo], ang pananatiling buháy ng katawan ay kailangan sa pananatiling buháy ng iba pang aspekto ng kanilang katauhan: ang ka, ang ba, at ang akh.”
Ang ka ay espirituwal na kopya ng pisikal na katawan at kasama rito ang mga paghahangad, pagnanasa, at pangangailangan nito. Pagkamatay, umaalis ang ka sa katawan at tumitira sa libingan. Yamang kailangan ng ka ang lahat ng bagay na kinailangan ng isang tao noong buháy pa siya, “ang mga bagay na inilalagay sa loob ng libingan ay pangunahin nang panustos sa mga pangangailangan nito,” ang isinulat ni El Mahdy. Ang ba ay maihahalintulad sa pagkatao o personalidad ng isang tao at inilalarawan bilang isang ibon na may ulo ng tao. Pumasok ang ba sa katawan nang ipanganak ang isang tao at humihiwalay sa katawan pagkamatay niya. Ang ikatlong bahagi, ang Akh, ay “nabuo” mula sa momya habang binibigkas dito ang mga salitang pangmadyik.a Sa daigdig ng mga diyos nakatira ang Akh.
Sa paghati sa tao sa tatlong bahagi, naiba ang mga Ehipsiyo sa sinaunang mga pilosopong Griego na humati sa tao sa dalawang bahagi lamang—ang katawan at “kaluluwa” na may kabatiran. Bagaman popular na turo pa rin, ang konseptong ito ay hindi sinusuportahan ng Bibliya, na nagsasabing: “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran.”—Eclesiastes 9:5.
Bakit May Obsesyon Sila sa Kamatayan?
Sa kaniyang aklat na Prehistoric Religion, isinulat ni E. O. James: “Sa lahat ng . . . kalagayang napapaharap sa tao, ang kamatayan ang pinakanakababagabag at nakapanlulumo . . . Kung gayon, hindi nakapagtataka na ang pagsamba sa patay ay may pangunahing dako, at gumanap ng mahalagang papel sa lipunan ng tao mula pa nang unang umiral ito.”
Sa Bibliya na siyang pinakamatandang aklat ng tunay na karunungan, ang kamatayan ay tinatawag na kaaway ng tao. (1 Corinto 15:26) Angkop na angkop ito! Matatag na tinanggihan ng bawat tribo at sibilisasyon ang ideya na kahuli-hulihang hantungan na ang kamatayan. Sa kabilang dako, sa Genesis 3:19, isinasaad ng Bibliya kung ano talaga ang nangyayari sa libingan: “Ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.” Gayunman, ginagamit din ng Bibliya ang ekspresyong “alaalang libingan” may kinalaman sa maraming namatay na tao. Bakit? Sapagkat nasa alaala ng Diyos ang marami sa mga taong nasa libingan, maging ang mga tuluyan nang naagnas, anupat naghihintay sa maligayang panahon na bubuhayin silang muli ng Diyos at bibigyan ng pagkakataong tumanggap ng buhay na walang hanggan sa paraisong lupa.—Lucas 23:43; Juan 5:28, 29.
Samantala, wala nang kabatiran ang mga patay. Inihalintulad ni Jesus ang kanilang kalagayan sa pagtulog. (Juan 11:11-14) Sa gayong kalagayan, hindi na kailangan ng isang tao ang mga inilibing na gamit o mga lingkod. Sa katunayan, ang madalas na nakikinabang sa inilibing na mga kayamanan ay hindi ang mga patay, kundi ang mga buháy—mga nagnanakaw sa libingan! Kaayon ng turo nito tungkol sa kalagayan ng mga patay, sinasabi ng Bibliya: “Wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong anumang mailalabas.” (1 Timoteo 6:7) Malaki ang pasasalamat ng mga Kristiyano sa katotohanang ito na ‘nagpapalaya sa kanila’ mula sa malulupit na kaugalian ng sinauna—at moderno kung minsan—na mga kultong kumikitil ng buhay!—Juan 8:32.
Sa kabila ng lahat ng ito, hindi naman lubusang walang kabuluhan ang magagarbong libingan ng sinaunang mga tao. Kung hindi dahil sa mga gamit ng sinaunang mga tao at maging sa mga labí ng mga namatay sa loob ng mga libingan, magiging malabo ang ating kaalaman hinggil sa nakaraan at sa ilan sa naglaho nitong sibilisasyon.
[Talababa]
a Ang terminong “momya” ay mula sa salitang Arabe na mummiya, na nangangahulugang “bitumen” o “alkitran.” Unang ikinapit ang termino sa mga bangkay na inilubog sa resina dahil sa maitim na hitsura nito. Tumutukoy na ito ngayon sa anumang ipinreserbang katawan—tao o hayop—sinasadya man o aksidente lamang.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 24]
Gaano Kalusog ang Sinaunang mga Tao?
Sa pagsusuri sa mga labí ng bangkay—lalo na niyaong sa mga momya, sa mga libingan at naging mga momya sa likas na paraan sa mga dakong malumot, sa maiinit na disyertong buhangin, at sa yelo at niyebe—maraming natutuhan ang mga siyentipiko hinggil sa kalusugan ng ating mga ninuno. Dahil sa pagsulong sa henetika, may napakahuhusay at bagong kagamitan ang mga siyentipiko upang malaman ang anumang impormasyon mula sa kapamilya ng mga Paraon at ng kani-kanilang reyna hanggang sa blood type ng mga dalagang Inca. Ipinakikita ng mga pag-aaral na ito na ang sinaunang mga tao ay nagkaroon din ng mga sakit na nararanasan natin sa ngayon, kabilang na ang artritis at mga kulugo.
Waring mas maraming sakit ang sinaunang mga Ehipsiyo, malamang dahil sa dami ng mga parasito—mula sa mga blood fluke hanggang sa mga guinea worm at tapeworm—na nakuha nila mula sa Ilog Nilo at sa mga kanal ng patubig. Ipinaaalaala nito ang mga salita ng Diyos sa Israel noong katatapos lamang iligtas ang bansa mula sa Ehipto noong 1513 B.C.E.: “Kung tungkol sa lahat ng masasamang karamdaman ng Ehipto na nalaman mo, hindi niya [Jehova] ilalagay sa iyo ang mga iyon.”—Deuteronomio 7:15.
[Credit Line]
© R Sheridan/ANCIENT ART & ARCHITECTURE COLLECTION LTD
[Larawan sa pahina 20]
Putong ng Sumeriano at alahas ng babaing lingkod na inilibing sa maharlikang libingan sa Ur
[Credit Line]
© The British Museum
[Mga larawan sa pahina 21]
Hukbong Ch’in na gawa sa terakota—iba-iba ang mukha ng bawat nililok na sundalo
[Credit Line]
Nakasingit na larawan: Erich Lessing/Art Resource, NY; © Joe Carini/Index Stock Imagery
[Larawan sa pahina 23]
Ang Piramide ng Araw at Lansangan ng mga Patay sa Teotihuacán, Mexico
[Credit Line]
Itaas: © Philip Baird www.anthroarcheart.org; ipinintang larawan: Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Mga larawan sa pahina 23]
Kaliwa: Maskarang panlibing ni Haring Tutankhamen ng Ehipto na gawa sa purong ginto; ibaba: Ipininta sa loob ng libingan ang ibon na may ulo ng tao na lumalarawan sa “ba”