Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 9/22 p. 18-20
  • Ang “Great Wall”—Monumento sa Pangarap ng Isang Emperador

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang “Great Wall”—Monumento sa Pangarap ng Isang Emperador
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Pangarap ng Emperador, Isang Masamang Panaginip ng Imperyo
  • Gumuho ang Isang Dinastiya
  • Mga Libingan—Bakas ng Sinaunang mga Paniniwala
    Gumising!—2005
  • Ket
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Taoismo at Confucianismo—Ang Paghahanap ng Daan ng Langit
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
  • “Ang Pader”
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 9/22 p. 18-20

Ang “Great Wall”​—Monumento sa Pangarap ng Isang Emperador

TIYAK na mangyayari ito isang araw. Ipinag-utos ng isang lalaki na isang pader ay itayo sa paligid ng kaniyang tahanan. Ang lalaki ay ang emperador. At ang kaniyang tahanan? Ang buong Tsina! Subalit sino ang monarkang ito? At bakit niya pinakilos ang buong kaharian upang itayo ang gayong kuta?

Upang sagutin ang mga katanungang ito, dapat nating balikan ang yugto sa kasaysayan ng mga Intsik na tinatawag na “Warring States” o Naglalabang mga Estado (403-222 B.C.E.). Subalit tandaan, kung minsan mahirap makilala ang makasaysayang katotohanan mula sa alamat. Ang Tsina ay nahahati sa maliliit na mga kaharian o mga estado, at madalas magkaroon ng digmaan sa gitna ng mga ito. Nakadaragdag pa sa kaguluhan, ang nakatatakot na lagalag na “mga barbaro” sa hilaga ay laging dinarambong ang ani ng masaganang lupain sa gawing timog. Upang pangalagaan ang kanilang mga sarili, marami sa mga estado ang naging abala sa pagtatayo ng pader.

Ang alikabok na likha ng pulitikal na mga pagbabakang ito sa simula ay nagkubli sa pagbangon ng isang maliit na estadong Intsik na pinanganlang Ch’in. Subalit unti-unti nagapi ng mapusok na estadong ito, na hinahamak ng may pinag-aralang mga Intsik, ang anim na nag-aaway-away na mga kaharian.

Pagkatapos noong taóng 246 B.C.E., ang 13-taóng-gulang na si Prinsipe Cheng ay nagpuno sa Ch’in. Nakinikinita niya ang isang imperyo na nagkakaisa sa ilalim ng pamumuno ng kaniyang bakal na kamay, at wala siyang inaksayang panahon sa pakikipagbaka sa ibang mga kaharian. Noong 221 B.C.E., ang kahuli-hulihang estadong Intsik ay nahulog sa hukbo ng Ch’in. Sa wakas, natamo ng hari ng Ch’in kung ano ang hindi man lamang napangarap ng dating mga haring Intsik. Siya ang panginoon ng Tsina​—lahat nito! Binansagan ng tuwang-tuwang si Cheng ang kaniyang sarili ng isang bagong titulo: Ch’in Shih Huang Ti, o ang Unang Soberanong Emperador ng dinastiya ng Ch’in.

Si Ch’in Shih Huang Ti ay isang taong inudyukan ng kaniyang ambisyon at ng kaniyang malasariling ideya ng imortalidad o pagkawalang-kamatayan na pagkaisahin ang kaniyang imperyo. Sa kabilang dako, siya ay pinapurihan bilang isang pulitikal na henyo. Ginawa niyang sentralisado ang kaniyang gobyerno, gumawa siya ng pamantayang nasusulat na wikang Intsik, binago ang sistema ng pananalapi, at nagtayo ng malawak na mga haywey mula sa kaniyang kapitolyong lunsod ng Hsien Yang.

Sa kabilang dako, inilalarawan din ng kasaysayan ang pangit na panig ng taong ito. Si Ch’in Shih Huang Ti ay takot na takot sa kamatayan. Pinatindi pa ng ilang mga pagtangkang pagpatay ang kaniyang takot hanggang sa punto ng histerya. Kaya ipinag-utos niya na magtayo ng maraming mga tirahan ng emperador, sa wakas umabot ng 270 sa paligid lamang ng kapitolyo, at pinag-uugnay-ugnay ng natatakpang mga tunél upang ang madalas na pinaghahanap na emperador ay lihim na makapagpaparo’t parito at makatutulog sa iba’t ibang lugar gabi-gabi.

Isang Pangarap ng Emperador, Isang Masamang Panaginip ng Imperyo

Binabanggit ng opisyal na kasaysayang Intsik na, noong 214 B.C.E., naisip ni Ch’in Shih Huang Ti ang paggawa ng isang pader sa ibayo ng buong hangganan ng kaniyang imperyo sa gawing hilaga. Isip-isipin ang emperador na ito na tuwang-tuwang ipinipinta sa harap ng kaniyang mga inhinyero sa korte ang isang maluwalhating larawan ng kaniyang pinakahuling pantasiya. ‘Magtatayo tayo ng isang pader!’ ang sabi niya. Ang pader na ito ay 24 piye ang taas sa maraming dako, at sa tuktok ang lapad nito ay sapat upang makapagmartsa nang magkakasabay ang walong mga sundalo.a Ang mabigat at hindi kapani-paniwalang atas ay napaatang sa walang-kapagurang si Meng T’ien, isa sa pinakamabunying heneral ng Ch’in. Pinakikilos ang kaniyang hukbo, itinaboy niya ang mga manggagawa na tupdin ang pangarap ng kaniyang panginoon.

Yamang ang Pader ay para bang itinayo bilang isang depensa laban sa kinatatakutang mga mananalakay sa hilaga, mga toreng bantayan ay kinailangan upang bantayan ang kilos ng kaaway sa kahabaan nito. Kaya itinayo ni Meng T’ien ang dambuhalang mga himpilang ito ng bantay na sumusukat ng 40 piye kuwadrado sa ibaba at patulis hanggang 30 piye kuwadrado sa tuktok. Ang mga ito ay inilagay dalawang hilagpos ng pana ang layo upang maipagtanggol ng mga tagapana ang bawat pulgada ng Pader mula sa mga tore. Isang kabuuan ng 25,000 mga tore ang tumayo sa mga tuktok ng burol at sa mga pasukan libis sa ibayo ng lupain.

Kailanma’t maaari, ginamit ni Meng T’ien ang mga pader at mga tore na iniwan ng dating mga estado, pinag-uugnay ang mga ito sa kung ano ang nang malauna’y tinawag ng mga Intsik na Wan Li Ch’ang Ch’eng, o Sampung Libong Li ang Haba na Pader. (Ang isang Intsik na li ay halos sangkatlo ng isang milya o kalahating kilometro.)b Gayunman, sa katunayan ang Pader ay umaabot ng humigit-kumulang 1,850 milya. Dinagdagan ng sumunod na mga salinlahi ang kuta, nilalagusan at pinalalawak ito sa maraming direksiyon. Ang pinakahuling mga surbey ng pamahalaang Intsik na “tinutunton ang mga labí ng pader sa liblib o mabundok na mga dako ay nagpapakita na ang aktuwal na haba ay halos 10,000 kilometro,” ulat ng China Reconstructs.

Inaakalang ang ilang bahagi ng Pader ay may mga pundasyon na yari sa pagkalaki-laking mga bloke ng granito na 14 piye ang haba at 4 piye ang lapad at batong 2 hanggang 5 piye ang kapal, kahawig ng mga pamamaraan sa konstruksiyon na ginamit ng mga inhinyero ng dinastiyang Ming noong ika-16 na siglo. Ang puwang sa loob ay tinabunan ng lupang pinitpit at nilagyan sa ibabaw ng mga ladrilyo. Habang ang Pader ay sumulong pakanluran, binagtas nito ang isang malawak na kapatagan ng matabang lupa kung saan iilang bato ang masusumpungan. Kaya ang mga tagapagtayo ay napilitang gamitin kung ano ang makukuha​—ang pinong kulay dilaw na lupa na tinatawag na loess. Ang ilang mga bahagi ay itinayo sa pamamagitan ng pagtatambak ng mamasá-masáng loess sa mga balangkas na kahoy. Ang ibang mga bahagi ay itinayo sa pamamagitan ng pagtapyas sa mga bloke ng loess sa magkabilang tabi, iniiwan ang nakataas na bahagi ng lupa bilang ang Pader. Sa mga bahaging ito, wala kundi mga bunton ng bato ang nananatili ngayon.

Inakyat ng Great Wall ang pagkatataas na mga bundok ng Tsina, nilukso ang pinakamababang mga lambak, at tinawid ang nagbabagang mga kapatagan ng disyerto. Sa silangan, pinahirapan ng nakapangingilig-butong hangin at nakabubulag na bagyo ng niyebe ang mga manggagawa. Sa kanluran, labis silang pinahirapan ng walang-awang araw ng disyerto at nandudurong bagyo ng buhangin. Ang pagtatayo nito ay nagsasaysay sa katakut-takot na hirap ng daan-daang libong mga manggagawang nagpagal ng halos higit sa makakaya ng tao. Yaong mga hindi mabilis kumilos ay inihagis nang buháy sa mga trintsera ng pundasyon kasama ng iba pa na namatay dahil sa gutom at pagkabilad. Ang Pader ay nagtamo ng nakatatakot na pangalan na “Ang Pinakamahabang Libingan sa Lupa,” yamang mga 400,000 ang namatay sa pagpupuyat dito.

Kabilang sa mga namatay ang maraming mga intelektuwal ng Tsina na binansagang isang banta sa pulitikal na katatagan ng imperyo. Ang kanilang peudal na mga ideya at ang kanilang pagpuna sa malawak na mga pagbabago ng emperador ay humantong sa buktot na ‘pagsusunog ng mga aklat at paglilibing sa mga iskolar’ noong 213 B.C.E., na sumira sa pangalan ng Ch’in Shih Huang Ti hanggang sa kaapu-apuhan. Hanggang sa araw na ito, ipinagdadalamhati sa mga awitin ang mga kamatayan na bunga ng pagtatayo ng Pader. Isa ngang masamang panaginip!

Gumuho ang Isang Dinastiya

Subalit isang katanungan ang nananatili. Bakit nga ba kusang sasairin ng isang emperador ang kaniyang imperyo sa gayong napakalaking gawain? Sa labas, maaaring magtingin na proteksiyon ang dahilan. At totoo na ang mga lagalag ay mabisang naitaboy, nang sumandali. Subalit gunitain sandali ang kaharian ng Ch’in sa tugatog nito​—isang makapangyarihang makinarya ng digmaan na matagumpay sa paglupig sa lahat ng maabot nito. Saan nito susunod na itutuon ang mga lakas nito? Marahil ang emperador ay mas takot sa napakalaki, balisang hukbong ito kaysa takot niya sa mga lagalag.

Gayumpaman, ang pagtatayo ng Pader ay napatunayang isang mapangwasak na dagok sa imperyo. Sa gawing timog ng Pader, ang mga hukbong rebelde ay dumami. Sumiklab ang mga paghihimagsik ng mga magsasaka dahilan sa napakabigat na mga buwis na bunga ng maluhong mga proyekto ng emperador. Ang taong puspusang nakipagpunyagi para sa imortalidad ay namatay noong 210 B.C.E. Ang sumunod na labanan para sa kapangyarihan ay nag-iwan sa imperyo na gumuho. Ang makapangyarihang dinastiya ng Ch’in ay tumagal lamang ng 14 na mga taon, mula 221-207 B.C.E. Gayunman, nasaksihan ng maikling pamamahalang iyon ang ilan sa pinakamalawak na mga pangyayari sa Tsina.

Yamang hindi naiwasan ni Ch’in ang pinakadakilang kaaway ng tao, ang kamatayan, gayundin, walang gaanong nagawa ang munting mga labí ng kaniyang orihinal na Pader, upang parangalan ang angaw-angaw na nagpaalipin upang matupad ang pangarap ng isang emperador. Ang kahanga-hangang mga bahagi ng Pader na nanatili at minamasdan ng mga turista sa ngayon ay itinayo noong ika-16 na siglo ni Emperador Wan Li ng dinastiya ng Ming.

[Mga talababa]

a 1 piye = 0.3 metro.

b 1 milya = 1.6 kilometro.

[Kahon sa pahina 20]

Gaano Kalaki ang Great Wall?

◻ Ang orihinal na Pader kung ilaladlad ay aabot mula sa Pasipiko sa itaas ng Rockies hanggang sa Mississippi o mula sa dulo ng Brittany sa Pransiya hanggang sa gawing hilaga ng Europa sa Moscow.

◻ Ang Great Wall ay naglalaman ng sapat na materyales upang magtayo ng isang pader na walong piye ang taas at tatlong piye ang kapal at ganap na iikot nang minsan sa daigdig sa ekuwador​—isang distansiya na 25,000 milya.

[Mapa sa pahina 19]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

MONGOLIA

CHINA

Daang Jiayugan

Lintao

Yanmenguan

Daang Shanhaiguan

KOREA

■​—Ang Great Wall noong panahon ng pamamahala ng Quinshihuang

●​—Ang Great Wall ng Dinastiya ng Ming

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share