Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • sh kab. 7 p. 161-186
  • Taoismo at Confucianismo—Ang Paghahanap ng Daan ng Langit

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Taoismo at Confucianismo—Ang Paghahanap ng Daan ng Langit
  • Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Tao​—Ano Ba Ito?
  • Taoismo​—Isang Maka-pilosopong Pasimula
  • Pagsilip sa “Tao Te Ching”
  • Ang Pangalawang Paham ng Taoismo
  • Mula sa Pilosopiya tungo sa Relihiyon
  • Pagharap sa Hamon ng Budhismo
  • Isa Pang Tanyag na Paham ng Tsina
  • Ang Gurong si Confucio
  • “Langit ang Nakakaunawa sa Akin!”
  • Ang Buod ng mga Kaisipang Confuciano
  • Ang Confucianismo’y Naging Kulto ng Estado
  • Ang Pamana ng Karunungan ng Silangan
  • Bahagi 9—551 B.C.E. patuloy—Ang Paghahanap ng Tamang Daan sa Silangan
    Gumising!—1989
  • Ang Ideya ay Pumasok sa mga Relihiyon sa Silangan
    Ano ang Nangyayari sa Atin Kapag Tayo ay Namatay?
  • Ang “Great Wall”—Monumento sa Pangarap ng Isang Emperador
    Gumising!—1986
  • Ang Ginintuang Alituntunin—Isang Pandaigdig na Turo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
Iba Pa
Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
sh kab. 7 p. 161-186

Kabanata 7

Taoismo at Confucianismo​—Ang Paghahanap ng Daan ng Langit

Ang Taoismo,Confucianismo, at Budhismo ay bumubuo sa tatlong pangunahing relihiyon ng Tsina at ng Dulong Silangan. Subalit di gaya ng Budhismo, ang Taoismo at Confucianismo ay hindi naging pandaigdig na relihiyon kundi nanatili lamang sa Tsina at sa mga dakong naimpluwensiyahan ng kulturang Intsik. Bagaman walang opisyal na ulat ngayon sa bilang ng mga tagasunod nito, kung pagsasamahin, ang Taoismo at Confucianismo ay namayani sa relihiyosong buhay ng halos isang kapat na bahagi ng populasyon ng daigdig sa nakalipas na 2,000 taon.

1. (Ilakip ang pambungad.) (a) Saan isinasagawa ang Taoismo at Confucianismo, at gaano kalawak ang mga ito? (b) Sa anong yugto ng panahon tayo babaling upang suriin ang mga turong ito?

‘HAYAANG mamukadkad ang isandaang bulaklak; hayaang magtalo ang isandaang kaisipan.’ Ang kasabihang ito, na pinatanyag ni Mao Tse-tung ng People’s Republic of China sa isang pahayag noong 1956, ay pagpapakahulugan sa isang kapahayagan na ginamit ng mga iskolar na Intsik upang ilarawan ang yugto ng Pagdidigma ng mga Estado sa Tsina noong ikalima hanggang ikatlong siglo B.C.E. Nang panahong yaon ang makapangyarihang dinastiyang Chou (c. 1122-256 B.C.E.) ay humina at naging isang kalipunan na lamang ng mga indipendiyenteng estadong piyudal na walang tigil nang pakikihamok sa isa’t-isa, kaya lubhang nahirapan ang karaniwang mamamayan.

2. (a) Ano ang umakay sa “isandaang kaisipan”? (b) Ano ang nalalabi sa paglaganap ng “isandaang kaisipan”?

2 Ang kaguluhan at paghihirap na dulot ng pagdidigma ay lubhang nagpahina sa autoridad ng umiiral na pamunuan. Nagsawà ang mamamayan sa pagsunod sa mga kapritso at panlilinlang ng mga aristokrata at sa pagsasawalang-kibo sa ibinunga nito. Kaya, ang mga ideya at mithiin na matagal nang napipigilan ay namukadkad na gaya ng “isandaang bulaklak.” Upang maging normal uli ang buhay iniharap ng iba’t-ibang kaisipan ang kanikanilang ideya hinggil sa gobyerno, batas, lipunan, paggawi, at etika, at maging sa agrikultura, musika, at panitikan. Nakilala ang mga ito bilang ang “isandaang kaisipan.” Karamihan ay hindi nakapagdulot ng matagalang pakinabang. Subalit dalawa ang napatanyag at nakaimpluwensiya sa buhay sa Tsina sa mahigit na 2,000 taon. Nang maglaon ito ay nakilala bilang Taoismo at Confucianismo.

Tao​—Ano Ba Ito?

3. (a) Ano ang paniwala ng mga Intsik tungkol sa Tao? (b) Sa halip na isang Maylikha, ano sa paniwala ng mga Intsik ang sanhi ng lahat ng bagay? (Ihambing ang Hebreo 3:4.)

3 Upang maunawaan kung papaano nagkaroon ng malalim at namamalaging impluwensiya ang Taoismo (binibigkas na daw-ismo) at Confucianismo sa Tsina, pati na rin sa Hapon, Korea, at katabing mga bansa, dapat unawain ang saligang paniwalang Intsik hinggil sa Tao. Ang salita mismo ay nangangahulugan ng “daan, lansangan, o landas.” Kung palalawakin, nangangahulugan din ito ng “paraan, simulain, o doktrina.” Sa mga Intsik, ang pagkakasuwato at kaayusan ng sansinukob ay mga kapahayagan ng Tao, isang uri ng banal na kalooban o batas na umiiral at nagpapalakad sa sansinukob. Sa ibang salita, imbes na maniwala sa isang Diyos na Maylikha na sumusupil sa sansinukob, naniwala sila sa tadhana, kalooban ng langit, o basta sa langit lamang bilang sanhi ng lahat ng bagay.

4. Papaano ikinapit ng mga Intsik sa buhay-buhay ng tao ang kanilang paniwala sa Tao? (Ihambing ang Kawikaan 3:5, 6.)

4 Sa pagkakapit ng ideya ng Tao (daan) sa buhay-buhay ng tao, naniwala ang mga Intsik na may likas at tumpak na paraan sa paggawa ng lahat ng bagay at na lahat ng bagay at tao ay may kanikaniyang wastong dako at tungkulin. Halimbawa, naniwala sila na kung tutupad sa tungkulin ang isang pinuno at magiging makatarungan at maasikaso sa mga rituwal ng paghahain ukol sa langit, ang bansa ay magiging mapayapa at masagana. Kaayon nito, kung sisikapin ng tao na masumpungan ang daan, o Tao, at sundin yaon, lahat ay magiging magkasundo, mapayapa, at mabisa. Subalit kung sasalungat o lalaban dito, ang bunga ay kaguluhan at kapahamakan.

5. (a) Ano ang pagkilala ng Taoismo sa Tao? (b) Ano ang pagkilala ng Confucianismo sa Tao? (c) Anong mga tanong ang dapat sagutin?

5 Ang pakikiayon at hindi pagsalungat sa Tao ay pangunahing elemento ng pilosopiya at relihiyong Intsik. Masasabi na ang Taoismo at Confucianismo ay dalawang magkaibang kapahayagan ng iisang paniwala. Ang Taoismo ay kumukuha ng landasing espirituwal at, sa orihinal na anyo nito, ay nagtataguyod ng pagsasawalang-kibo, pananahimik, at di-pagsalungat, ng pagtalikod sa lipunan at panunumbalik sa kalikasan. Ang saligang paniwala nito ay na lahat ay magiging maayos kung ang tao ay basta uupo, walang gagawin, at pababayaan ang kalikasan sa paraan nito. Sa kabilang dako, ang Confucianismo ay kumukuha ng praktikal na landas. Itinuturo nito na ang ayos ng lipunan ay mapananatili kung bawat isa ay gaganap ng kaniyang takdang atas at tungkulin. Kaya, may tuntunin ito sa bawat ugnayan ng tao at lipunan​—pinuno-at-sakop, ama-at-anak, asawang-lalake at -babae, at iba pa–​at may giya para sa lahat ng ito. Likas na bumangon ang mga tanong na: Papaano nagsimula ang dalawang sistemang ito? Sino ang nagtatag nito? Papaano ito sinusunod ngayon? At ano ang naitulong nito sa paghahanap ng tao sa Diyos?

Taoismo​—Isang Maka-pilosopong Pasimula

6. (a) Ano ang nalalaman hinggil sa tagapagtatag ng Taoismo? (b) Papaano nakilala bilang si Lao-tzu ang maytatag ng Taoismo?

6 Sa pasimula nito, ang Taoismo ay isa lamang pilosopiya at hindi relihiyon. Ang maytatag nito, si Lao-tzu, ay nagsawà sa kalituhan at kaguluhan noong kaniyang panahon kaya humanap siya ng ginhawa sa pamamagitan ng pagtalikod sa lipunan at panunumbalik sa kalikasan. Kakaunti ang nababatid tungkol sa kaniya, na di-umano ay nabuhay noong ikaanim na siglo B.C.E., bagaman ito ay hindi rin tiyak. Ang karaniwang tawag sa kaniya ay Lao-tzu, nangangahulugang “Matandang Maestro” o “Ang Matanda,” sapagkat, ayon sa alamat, napakatagal na niya sa bahay-bata ng kaniyang ina anupat nang isilang, ay maputi na ang kaniyang buhok.

7. Ano ang natututuhan tungkol kay Lao-tzu mula sa “Makasaysayang mga Ulat”?

7 Ang tanging opisyal na ulat tungkol kay Lao-tzu ay nasa Shih Chi (Makasaysayang mga Ulat), ni Ssu-ma Ch’ien, marangal na mananalaysay ng korte noong ikalawa at unang siglo B.C.E. Ayon dito, Li Erh ang tunay na pangalan ni Lao-tzu. Naglingkod siya sa Loyang, gitnang Tsina, bilang eskribyente ng imperyo. Subalit mas mahalaga ay ang sinasabi nito hinggil kay Lao-tzu:

“Halos buong buhay na nanirahan si Lao-tzu sa Chou. Nang makinikinita niya ang pagbagsak ng Chou, lumisan siya at napasa hangganan. Sinabi sa kaniya ni Yin Hsi na opisyal ng adwana: ‘Ginoo, yamang gusto na ninyong mamahinga, pakisuyong sumulat kayo ng isang aklat para sa akin.’ Noon din ay sumulat si Lao Tzu ng isang aklat na may dalawang bahagi na binubuo ng mahigit na limang libong salita, at doo’y tinalakay niya ang mga ideya ng Daan [Tao] at ng Kapangyarihan [Te]. Pagkatapos ay umalis siya. Walang nakababatid kung saan siya namatay.”

8. (a) Anong aklat ang di-umano’y inilathala ni Lao-tzu? (b) Bakit binibigyan ang aklat ng maraming iba’t-ibang kahulugan?

8 Maraming iskolar ang nag-aalinlangan sa pagiging-tunay ng ulat. Sa kabila nito, ang napalathalang aklat ay nakilala bilang Tao Te Ching (karaniwang isinasalin na “Klasika ng Daan at Kapangyarihan”) at itinuturing na pangunahing kasulatan ng Taoismo. Nasusulat ito sa maikli ngunit matalinghagang mga talata, na ang ilan ay tatatlo o aapat na salita. Dahil dito at sapagkat lubhang nabago ang kahulugan ng ilang karakter mula noong panahon ni Lao-tzu, ang aklat ay napasailalim ng maraming iba’t-ibang pagpapakahulugan.

Pagsilip sa “Tao Te Ching”

9. Papaano inilarawan ni Lao-tzu ang Tao sa Tao Te Ching?

9 Sa Tao Te Ching, nagpaliwanag si Lao-tzu hinggil sa Tao, ang ultimong landas ng kalikasan, at ikinapit ito sa bawat antas ng gawain ng tao. Sumipi tayo sa makabagong salin ni Gia-fu Feng at ni Jane English upang makasilip sa Tao Te Ching. Tungkol sa Tao, ay ganito ang sinasabi:

“[May] nabuong bagay na mahiwaga,

Isinilang bago ang langit at lupa. . . .

Marahil ina ito ng sanlibong bagay.

Hindi ko alam ang pangalan.

Tawagin nating Tao.”​—Kabanata 25.

“Lahat ay galing sa Tao.

Binubuhay ito ng Kagalingan [Te].

Binubuo ito mula sa materya.

Hinuhubog ito ng kapaligiran.

Kaya ang sanlibong bagay ay gumagalang sa Tao

at nagpaparangal sa Kagalingan [Te].”​—Kabanata 51.

10. (a) Ano ang tunguhin ng Taoismo? (b) Papaano ikinakapit ang pangmalas na ito sa paggawi ng tao?

10 Ano ang mahihinuha natin sa matalinghagang mga talatang ito? Na para sa mga Taoista, ang Tao ay isang mahiwaga at kosmikong puwersa na siyang pinagmulan ng materyal na sansinukob. Tunguhin ng Taoismo na hanapin ang Tao, talikdan ang daigdig, at makiisa sa kalikasan. Ang paniwalang ito ay maaaninaw din sa pangmalas ng Taoismo sa paggawi ng tao. Mula sa Tao Te Ching ay narito ang isang kapahayagan ng ulirang ito:

“Mabuting huminto kaysa mapunô hanggang sa labi.

Patalasing mabuti ang talim, at ang gilid ay madaling mapupulpol.

Mag-imbak ng ginto at ng jaspe, at walang magsasanggalang nito.

Mag-angkin ng yaman at karangalan, at susunod ang kapahamakan.

Magpahinga pagkatapos ng trabaho.

Ito ang daan ng langit.”​—Kabanata 9.

11. Papaano ilalarawan ang ulirang Tao?

11 Ipinakikita ng ilang halimbawang ito na sa pasimula, ang Taoismo ay talagang isang pilosopiya. Ang kawalang-​katarungan, pagdurusa, pagkawasak, at kabiguan na bunga ng malupit na pamamahala ng mga hasendero ay umakay sa mga Taoista upang maniwala na ang landas sa kapayapaan at kaayusan ay ang panunumbalik sa tradisyon ng mga sinauna noong wala pang mga hari at ministro na nangingibabaw sa karaniwang mga tao. Ang uliran ay ang tahimik, buhay-magsasaka, na kaisa ng kalikasan.​—Kawikaan 28:15; 29:2.

Ang Pangalawang Paham ng Taoismo

12. (a) Sino si Chuang Chou? (b) Ano ang idinagdag niya sa orihinal na mga turo ni Lao-tzu?

12 Ang pilosopiya ni Lao-tzu ay sumulong ng isang hakbang dahil kay Chuang Chou, o Chuang-tzu, nangangahulugang “Maestrong Chuang” (369-286 B.C.E.), pinakadakilang kahalili raw ni Lao-tzu. Sa kaniyang aklat, ang Chuang Tzu, hindi lamang niya pinalawak ang Tao kundi ipinaliwanag din niya ang simulain ng yin at yang, na unang nabuo sa I Ching. (Tingnan ang pahina 83.) Sa paniwala niya, wala isa man ang permanente o may katiyakan, kundi lahat ay pabalikbalik lamang sa pagitan ng dalawang magkasalungat na bagay. Sa kabanatang “Baha ng Taglagas,” ay sumulat siya:

“Sa sansinukob ay wala isa man ang permanente, yamang lahat ay nabubuhay lamang hanggang mamatay. Tanging ang Tao, na walang pasimula o wakas, ang namamalagi magpakailanman. . . . Ang buhay ay gaya ng mabilis na kabayong humahagibis​—patuloy at laging nagbabago, sa bawat bahagi ng sandali. Ano ang dapat gawin? Ano ang hindi dapat gawin? Hindi mahalaga ano man yaon.”

13. (a) Kalakip ang mga dagdag ni Chuang-tzu, ano ang pangmalas ng Taoismo sa buhay? (b) Aling panaginip ni Chuang-tzu ang higit na natatandaan?

13 Dahil sa pilosopiyang ito ng inersiya, itinuturing ng Taoismo na walang kabuluhan ang gumawa ng anomang gagambala sa pagkilos ng kalikasan. Sa malao’t-madali, lahat ay manunumbalik din sa dati. Gaano man kahirap ang isang situwasyon, sa katagala’y bubuti rin ito. Gaano man kaganda ang isang situwasyon, sa katagala’y maglalaho rin ito. (Bilang kabaligtaran, tingnan ang Eclesiastes 5:18, 19.) Ang maka-pilosopong pangmalas na ito ay inilalarawan ng isang panaginip ni Chuang-tzu na nagpatanyag sa kaniya:

“Minsa’y nanaginip si Chuang Chou na siya’y paruparo, lilipad-lipad, nasisiyahan sa sarili at ginagawa ang balang maibigan. Hindi niya alam na siya’y si Chuang Chou. Bigla siyang nagising at naroon siya, buong-buo at hindi mapagkakamalang si Chuang Chou. Subalit hindi niya alam kung siya si Chuang Chou na nanaginip na siya’y paruparo, o paruparo na nanaginip na siya’y si Chuang Chou.”

14. Sa anong mga larangan maaaninaw ang impluwensiyang Taoista?

14 Ang impluwensiya ng pilosopiyang ito ay makikita sa estilo ng tula at pagguhit na pinaunlad ng sumunod na mga henerasyon ng mga pintor na Intsik. (Tingnan ang pahina 171.) Gayumpaman, ang Taoismo ay hindi nanatiling pilosopiya lamang ng kawalang-pakialam.

Mula sa Pilosopiya tungo sa Relihiyon

15. (a) Ang pagkahumaling sa kalikasan ay umakay sa mga Taoista sa anong paniwala? (b) Anong mga pangungusap sa Tao Te Ching ang umakay sa paniwalang ito?

15 Sa pagsisikap na makiisa sa kalikasan, Ang mga Taoista ay nahumaling sa patuluyang pag-iral at pagka-di-natitinag nito. Nanghinuha sila na kung mamumuhay ang isa ayon sa Tao, o daan ng kalikasan, marahil ay matutuklasan niya ang mga lihim ng kalikasan na magsasanggalang sa kaniya laban sa pinsala sa katawan, sa sakit, at maging sa kamatayan. Bagaman ito ay hindi gaanong iginigiit ni Lao-tzu, waring ito ang ibinabadya ng mga talata sa Tao Te Ching. Halimbawa, sinasabi ng kabanata 16: “Ang pakikipag-isa sa Tao ay walang-hanggan. Bagaman namamatay ang katawan, ang Tao ay hindi kailanman pumapanaw.”a

16. Papaano nakaragdag ang mga sulat ni Chuang-tzu sa mahiwagang mga paniwala ng Taoismo?

16 Dinagdagan din ni Chuang-tzu ang mga panghihinuhang ito. Halimbawa, sa isang dayalogo sa Chuang Tzu, tinanong ng isang maalamat na tauhan ang kasama nito, “May-edad ka na, pero kutis-bata ka pa rin. Bakit?” Sumagot ang kausap: “Natutuhan ko ang Tao.” Ganito ang isinulat ni Chuang-tzu hinggil sa isa pang pilosopong Taoista: “Ngayo’y nagagawa na ni Liehtse na sumakay sa hangin. Masayang sumasalimbay sa malamig na simoy, nagbabalik lamang siya pagkaraan ng labinlimang araw. Sa mga taga-lupang nakalasap ng gayong kaligayahan, pambihira ang taong ito.”

17. Anong mga kaugaliang Taoista ang ibinunga ng naunang mga panghihinuha, at ano ang resulta? (Ihambing ang Roma 6:23; 8:6, 13.)

17 Ang isipan ng mga Taoista ay pinasigla ng ganitong mga kuwento, at sila ay nagsimulang mag-eksperimento sa pagbubulay, pagdidiyeta, at pag-eehersisyo sa paghinga na di-umano ay aantala sa pagkabulok ng katawan at ng kamatayan. Di nagtagal, lumaganap ang mga alamat tungkol sa mga taong imortal na nakalilipad sa mga ulap at na kusang nawawala at lumilitaw at naninirahan sa banal na mga bundok o malalayong kapuluan sa loob ng maraming taon, na tinutustusan lamang ng hamog o mahiwagang mga prutas. Ayon sa kasaysayang Intsik, si Shih Huang-Ti, emperador ng mga Ch’in, ay nagsugo ng isang plota ng mga barko na may lulang 3,000 batang lalaki at babae noong 219 B.C.E. upang hanapin ang maalamat na pulo ng P’eng-lai, tahanan ng mga imortal, upang kunin ang damong-gamot ng kawalang-kamatayan. Sabihin pa, hindi na sila nakabalik, at ayon sa tradisyon, sa kanila nagmula ang populasyon ng mga pulo na naging bansang Hapon.

18. (a) Anong paniwalang Taoista ang nasa likod ng ‘mga pilduras ng kawalang-kamatayan’? (b) Ano pang ibang mahiwagang kaugalian ang iniluwal ng Taoismo?

18 Noong panahon ng dinastiyang Han (206 B.C.E.–​220 C.E.), sumapit sa bagong tugatog ang hiwaga ng Taoismo. Bagaman nagtataguyod ng Confucianismo bilang opisyal na turo ng Estado, si Emperador Wu Ti di-umano ay lubhang naakit sa ideyang Taoista hinggil sa pisikal na kawalang-kamatayan. Nahiligan niyang magtimpla ng mga ‘pilduras ng kawalang-kamatayan’ na gaya ng isang alkemista. Sa pangmalas ng Taoismo, umiiral ang buhay kapag nagsasama ang magkasalungat na puwersa ng yin at yang (babae at lalaki). Kaya sa paglalahok ng tingga (madilim, o yin) at asoge (maliwanag, o yang), ginaya ng mga alkemista ang kalikasan, at ang magiging produkto, sa akala nila, ay isang pilduras ng kawalang-kamatayan. Bumuo rin ang mga Taoista ng mga tulad-Yogang ehersisyo, pagpipigil ng hininga, pagdidiyeta, at seksuwal na mga kaugalian na inakala nilang magpapasigla sa katawan at magpapahaba ng buhay. Kalakip sa kanilang mga kasangkapan ay mga agimat na may-sa-tagabulag at mga anting-anting na hindi tinatablan ng patalim at nagpapangyaring makalakad sa ibabaw ng tubig o makalipad sa kalawakan. May mga mahiwagang tatak din sila, na karaniwa’y may sagisag na yin at yang, na ikinakabit sa mga gusali o pintuan upang magtaboy sa masasamang espiritu o mababangis na hayop.

19. Papaano naging organisado ang Taoismo?

19 Pagsapit ng ikalawang siglo C.E., ay naging organisado na ang Taoismo. Isang nagngangalang Chang Ling, o Chang Tao-ling, ang nagtatag ng lihim na samahan ng mga Taoista sa kanlurang Tsina at nagsagawa sila ng mahiwagang pagpapagaling at alkemya. Dahil sa ang bawat kaanib ay pinagbayad ng tiglilimang peck na bigas, ang kaniyang kilusan ay nakilala bilang Taoismo ng Limang-Peck-na-Bigas (wu-tou-mi tao).b Inangkin niya ang pagtanggap ng personal na kapahayagan mula kay Lao-tzu, kaya si Chang ang naging unang “panginoon ng kalangitan.” Sa wakas, nakabuo daw siya ng eliksir ng buhay at umakyat nang buháy sa langit, sakay ng isang tigre, mula sa Bundok Lung-hu (Bundok ng Dragon-at-Tigre) sa Lalawigan ng Kiangsi. Kay Chang Tao-ling nagsimula ang daandaang taon ng paghahalili ng “mga panginoon ng kalangitan,” na bawat isa di-umano ay pagkakatawang-tao ni Chang.

Pagharap sa Hamon ng Budhismo

20. Papaano sinikap ng Taoismo na salungatin ang impluwensiya ng Budhismo?

20 Pagsapit ng ikapitong siglo, noong panahon ng dinastiyang T’ang (618-907 C.E.), unti-unti nang pumapasok ang Budhismo sa relihiyosong buhay ng mga Intsik. Upang mahadlangan ito, nagpakilala ang Taoismo bilang isang relihiyon na nag-uugat sa Tsina. Si Lao-tzu ay ginawang diyos, at ang mga kasulatang Taoista ay itinuring na banal. Itinayo ang mga templo, monasteryo at tahanan ng mga madre, at itinatag din ang mga orden ng mga monghe at madre, bilang pagtulad sa Budhismo. Bukod dito, inilakip din ng Taoismo sa kaniyang pantheon ang maraming diyos, diyosa, engkantada at mga bayani ng mga alamat-Intsik, gaya ng Walong Imortal (Pa Hsien), ang diyos ng dapugan (Tsao Shen), mga diyos ng lungsod (Ch’eng Huang), at mga tagapagbantay ng pintuan (Men Shen). Ang bunga ay isang kombinasyon ng mga elementong Budhista, tradisyonal na mga pamahiin, espiritismo, at pagsamba sa ninuno.​—1 Corinto 8:5.

21. Nang maglaon, naging ano ang Taoismo, at papaano?

21 Sa paglipas ng panahon, ang Taoismo ay unti-unting humina hanggang sa maging isa na lamang sistema ng idolatriya at pamahiin. Bawat isa ay sumamba sa kanikaniyang paboritong diyos at diyosa sa lokal na mga templo, na nagsusumamo ukol sa proteksiyon laban sa masasama at ng tulong sa pagkakamit ng makalupang kapalaran. Inupahan ang mga pari upang magdaos ng mga libing; pumili ng angkop na mga dako para sa mga libingan, tahanan, at negosyo; makipagtalastasan sa mga patay; magpalayas ng masasamang espiritu at multo; magdiwang ng mga kapistahan; at gumanap ng napakarami pang iba’t-ibang rituwal. Kaya, ang dati’y isa lamang kaisipan ng mahiwagang pilosopiya ay naging isa nang relihiyon na lubhang nakapalibot sa mga espiritung di-namamatay, maapoy na impiyerno, at mga diyusdiyosan​—mga paniwalang kinadlo sa mabahong balon ng maling mga paniwala ng sinaunang Babilonya.

Isa Pang Tanyag na Paham ng Tsina

22. Anong kaisipan ang nangibabaw sa Tsina, at anong mga tanong ang dapat isaalang-alang?

22 Matapos taluntunin ang paglitaw, pagsulong, at pagguho ng Taoismo, dapat tandaan na isa lamang ito sa “isandaang kaisipan” na namukadkad sa Tsina noong panahon ng Pagdidigma ng mga Estado. Ang Confucianismo ay isa sa mga kaisipan na nang maglaon ay napatanyag, at ang totoo pa nga’y, nangibabaw. Subalit bakit napatanyag nang gayon na lamang ang Confucianismo? Sa lahat ng mga paham sa Tsina, tiyak na si Confucio ang pinakatanyag sa labas ng Tsina, pero sino ba talaga siya? At ano ang kaniyang itinuro?

23. Anong personal na mga detalye hinggil kay Confucio ang inilalaan ng “Makasaysayang mga Ulat”?

23 Babaling uli tayo sa Shih Chi (Makasaysayang mga Ulat) ni Ssu-ma Ch’ien hinggil kay Confucio. Di gaya ng napakaikling paglalarawan kay Lao-tzu, masusumpungan natin ang isang malawak na talambuhay ni Confucio. Narito ang ilang personal na detalye na sinipi mula sa salin ng iskolar na Intsik na si Lin-Yutang:

“Isinilang si Confucio sa bayan ng Tsou, sakop ng Ch’angping, sa lalawigan ng Lu. . . . [Ang kaniyang ina] ay nanalangin sa burol ng Nich’iu at ipinaglihi si Confucio bilang tugon sa panalangin, noong ikadalawampu’t-dalawang taon ni Duke Hsiang ng Lu (551 B.C.). Ang kaniyang ulo ay may kapunapunang bukol nang siya’y isilang, kaya tinawag siya na ‘Ch’iu’ (alalaong baga’y “burol”). Ang pangalan niya sa panitikan ay Chungni, at ang apelyido niya ay K’ung.”c

24. Ano ang naganap sa pasimula ng buhay ni Confucio?

24 Di nagtagal pagkasilang, ay namatay ang kaniyang ama, subalit bagaman dukha, sinikap ng kaniyang ina na papag-aralin siya. Ang bata ay naging lubhang interesado sa kasaysayan, tula, at musika. Ayon sa The Analects, isa sa Apat na Aklat ng Confucianismo, nagsunog siya ng kilay sa pag-aaral nang maging 15 anyos siya. Sa edad na 17, binigyan siya ng mababang puwesto sa pamahalaan sa kaniyang tinubuang lalawigan ng Lu.

25. Papaano nakaapekto kay Confucio ang kamatayan ng kaniyang ina? (Ihambing ang Eclesiastes 9:5, 6; Juan 11:33, 35.)

25 Umunlad ang kaniyang kabuhayan, kaya nag-asawa siya sa edad na 19 at nagkaanak ng lalaki nang sumunod na taon. Noong mga 20 anyos na siya ay namatay ang kaniyang ina. Labis niyang dinamdam ito. Palibhasa’y maselan sa pagsunod sa matatandang tradisyon, si Confucio ay nagretiro sa serbisyo sibil at 27 buwan na nagluksa sa puntod ng kaniyang ina, at naglaan sa mga Intsik ng uliran ng pagsamba sa ninuno.

Ang Gurong si Confucio

26. Anong propesyon ang sinimulan ni Confucio pagkamatay ng kaniyang ina?

26 Pagkaraan nito, iniwan niya ang kaniyang pamilya at naging naglalakbay na guro. Kalakip sa mga asignaturang itinuro niya ay ang musika, tula, panitikan, sibika, etika, at siyensiya, ayon sa nauunawaan nang panahong yaon. Tiyak na napatanyag siya, sapagkat umabot daw sa 3,000 ang kaniyang mga estudyante.

27. Ano ang nalalaman tungkol kay Confucio bilang guro? (Ihambing ang Mateo 6:26, 28; 9:16, 17; Lucas 12:54-57; Juan 4:35-38.)

27 Sa Silangan, Si Confucio ay iginagalang pangunahin na bilang isang bihasang guro. Sa katunayan ang lapida sa puntod niya sa Ch’ü-fou, Lalawigan ng Shantung, ay tumatawag lamang sa kaniya na “Matanda, Kabanalbanalang Guro.” Ang paraan niya ng pagtuturo ay inilarawan ng isang manunulat sa Kanluran: “Naglakad siya ‘kung saan-saan kasama niyaong mga tumanggap ng kaniyang mga paniwala hinggil sa buhay.’ Kung medyo malayo ang kanilang lalakbayin ay sumasakay siya sa kariton na hila ng isang baka. Dahil mabagal ang baka ay nakasusunod ang naglalakad niyang mga estudyante, at malamang na ang mga paksa na kaniyang ipinahayag ay yaong may kinalaman sa mga pangyayaring nasusumpungan sa daan.” Kapansinpansin na matagal pagkaraan nito, si Jesus, sa ganang sarili, ay gumamit din ng nakakahawig na paraan.

28. Ayon sa manunulat na Intsik na si Lin Yutang, bakit iginalang si Confucio bilang isang guro?

28 Tiyak na si Confucio ay iginalang ng mga taga-Silangan bilang isang guro sapagkat siya mismo ay isang mabuting estudyante, lalo na sa kasaysayan at etika. “Naakit ang mga tao kay Confucio, hindi lamang dahil sa siya ang pinakamatalino, kundi sapagkat siya ang may pinakamaraming natutuhan, ang tanging nakapagturo tungkol sa matatandang aklat at pagsasaliksik,” sabi ni Lin Yutang. Bilang pagdidiin sa pag-ibig na ito sa pag-aaral ay ibinigay ni Lin Yutang ang buod na dahilan kung bakit ang Confucianismo ay nangibabaw sa ibang kaisipan: “Ang mga guro ng Confucianismo ay tiyak na may maituturo at ang mga estudyante ay tiyak na may matututuhan, alalaong baga’y, yaong makasaysayan, samantalang ang iba ay napilitan na basta magpahayag na lamang ng sariling opinyon.”

“Langit ang Nakakaunawa sa Akin!”

29. (a) Ano ang tunay na ambisyon ni Confucio sa buhay? (b) Papaano niya sinikap na maabot ang kaniyang ambisyon, at ano ang resulta?

29 Sa kabila ng tagumpay niya bilang guro, hindi itinuring ni Confucio na pagtuturo lamang ang tanging gawain niya sa buhay. Alam niya na ang maligalig na daigdig noong kaarawan niya ay ililigtas ng kaniyang mga ideya sa etika at moral kung ikakapit lamang ito ng mga pinuno at kukunin siya at ang kaniyang mga estudyante sa serbisyo-sibil. Kaya, siya at isang maliit na grupo ng pinakamatapat na mga alagad ay umalis sa kanilang tinubuang lalawigan ng Lu at naglibot sa iba’t-ibang estado sa paghahanap ng isang pantas na pinuno na tatanggap sa kaniyang mga paniwala hinggil sa pamahalaan at lipunan. Ano ang naging resulta? Sinasabi ng Shih Chi: “Sa wakas ay nilisan niya ang Lu, pinabayaan siya sa Ch’i, ipinagtabuyan sa Sung at Wei, naghikahos sa pagitan ng Ch’en at Ts’ai.” Pagkaraan ng 14 na taon ng paglilimayon, nagbalik siya sa Lu, bigo subalit buo pa rin ang loob.

30. Anong mga kasulatan ang saligan ng Confucianismo?

30 Ang huling bahagi ng kaniyang buhay ay ginugol niya sa panitikan at pagtuturo. (Tingnan ang kahon, pahina 177.) Bagaman malamang na nalungkot dahil sa pagiging di-tanyag, sinabi niya: “Wala akong reklamo laban sa Langit. Hindi ako naghihinanakit sa tao. Itinataguyod ko ang aking pag-aaral dito sa lupa, at ako’y nakikipag-ugnay sa Langit sa itaas. Langit ang nakakaunawa sa akin!” Sa wakas, noong 479 B.C.E., namatay siya sa edad na 73.

Ang Buod ng mga Kaisipang Confuciano

31. Ano ang itinuro ni Confucio na paraan upang makamit ang sosyal na kaayusan?

31 Bagaman nanguna si Confucio bilang iskolar at guro, ang kaniyang impluwensiya ay hindi humangga sa mga marurunong. Sa katunayan, ang tunguhin ni Confucio ay hindi lamang ituro ang mga tuntunin ng paggawi o moral kundi isauli rin ang kapayapaan at kaayusan sa lipunan, na noo’y guhong-guho dahil sa palagiang pagdidigma ng mga hasendero. Upang maabot ang tunguhing ito, itinuro ni Confucio na ang bawat isa, mula sa emperador hanggang sa karaniwang tao, ay dapat matuto ng papel na gagampanan nito sa lipunan at mamuhay nang ayon doon.

32, 33. (a) Ano ang paniwalang Confuciano hinggil sa li? (b) Ayon kay Confucio, ano ang ibubunga ng pagtupad sa li?

32 Sa Confucianismo ang paniwalang ito ay kilala bilang li, alalaong baga’y ang pagiging-angkop, paggalang, ang kaayusan ng mga bagay-bagay, at kung palalawakin pa, ang rituwal, seremonya, at pagsamba. Ganito ang paliwanag ni Confucio bilang sagot sa tanong na, “Ano ang dakilang li na ito?”:

“Sa lahat ng bagay na umuugit sa buhay ng tao, ang li ang pinakadakila. Kung walang li, hindi natin alam kung papaano wastong sasambahin ang mga espiritu ng sansinukob; o kung papaano titiyakin ang wastong katayuan ng hari at mga ministro, ng pinuno at pinamumunuan, ng matatanda at nakababata; o kung papaano itatatag ang moral na ugnayan sa pagitan ng babae’t-lalaki, ng mga magulang at anak at ng magkakapatid; o kung papaano kikilalanin ang iba’t-ibang antas ng ugnayan sa pamilya. Napakataas ang pagtingin ng isang ginoo sa li.”

33 Kaya, li ang tuntunin ng paggawi na umuugit sa lahat ng sosyal na ugnayan ng isang tunay na maginoo (chün-tzu, kung minsan ay isinasalin na “nakatataas na tao). Kapag lahat ay nagsisikap gumawa nito, “lahat ay napapawasto sa pamilya, sa estado at sa daigdig,” sabi ni Confucio, at ito’y kapag tinupad ang Tao, o daan ng langit. Ngunit papaano dapat ipahayag ang li? Umaakay ito sa isa pang pangunahing paniwala ng Confucianismo​—ang jen (binibigkas na ren), pagiging-makatao o may pusong-makatao.

34. Ano ang paniwalang Confuciano hinggil sa jen, at papaano ito tumutulong sa pakikitungo sa mga sakit ng lipunan?

34 Kung idinidiin ng li ang pagsupil sa pamamagitan ng panlabas na mga tuntunin, ang jen ay tungkol naman sa kalikasan ng tao, o panloob na pagkatao. Ayon sa paniwalang Confuciano, na pantanging ipinahayag ng pangunahing alagad ni Confucio, si Mencio, ang kalikasan ng tao ay sadyang mabuti. Kaya ang lunas sa lahat ng karamdamang panlipunan ay nasasalalay sa pagpapasulong-sa-sarili, at nagsisimula ito sa edukasyon at kaalaman. Sinasabi ng pambungad na kabanata ng Ang Dakilang Pagkatuto:

“Kapag nakamit ang tunay na kaalaman, nagiging taimtim ang kalooban; kapag taimtim ang kalooban, naitutuwid ang puso . . . .; kapag matuwid ang puso, napapasulong ang personal na buhay; kapag sumulong ang personal na buhay, naisasaayos ang pamilya; kapag maayos ang pamilya, ang buhay ng bansa ay areglado; at kapag areglado ang buhay ng bansa, payapa ang mundo. Mula sa emperador hanggang sa karaniwang tao, dapat kilalanin ng lahat na ang pagpapasulong sa personal na buhay ang siyang ugat o saligan.”

35. (a) Ano ang buod ng mga simulain ng li at jen? (b) Papaano naaannaw ang lahat ng ito sa pangmalas ng mga Intsik sa buhay?

35 Kaya, ayon kay Confucio, ang pagsunod sa li ay tutulong sa tao na gumawi nang maayos sa bawat situwasyon, at ang paglinang sa jen ay tutulong sa pagiging-mabait sa lahat. Sa teoriya, ang bunga ay kapayapaan at pagkakasuwato sa lipunan. Sa maikli, ganito ang ulirang Confuciano, salig sa mga simulain ng li at jen:

“Kabaitan ng ama, paggalang ng anak

Kabutihang-asal ng kuya, kaamuan at paggalang ng nakababata

Matuwid na paggawi ng asawang-lalaki, pagsunod ng babae

Makataong konsiderasyon ng matatanda, pagpipitagan ng mga

nakababata

Kabaitan ng mga pinuno, katapatan ng mga ministro at sakop.”

Lahat ng ito ay tumutulong upang makita kung bakit karamihan ng Intsik, at maging ang ibang taga-Silangan, ay lubhang nagpapahalaga sa ugnayan ng pamilya, sa pagiging masipag, sa pag-aaral, at sa pagkilala at pagkilos ayon sa katayuan ng isa. Nakabuti man o nakasama, ang mga paniwalang ito ng Confucianismo ay naitanim nang malalim sa isipang Intsik sa maraming dantaon ng pagtuturo.

Ang Confucianismo’y Naging Kulto ng Estado

36. Papaano naging kulto ng Estado ang Confucianismo?

36 Sa paglitaw ng Confucianismo, ay nagwakas ang yugto ng “isandaang kaisipan”. Ang pormula na kailangang-kailangan nila sa pagpapatibay ng kapangyarihan ng trono ay natuklasan ng mga emperador ng dinastiyang Han sa Confucianong aral ng katapatan sa pinuno. Sa ilalim ni Emperador Wu Ti, na atin nang tinukoy kaugnay ng Taoismo, ang Confucianismo ay naitanghal bilang kulto ng Estado. Yaon lamang bihasa sa mga klasikang Confuciano ang napili upang maging mga opisyal ng Estado, at ang sinomang gustong pumasok sa serbisyo-sibil ay dapat makapasá sa mga pagsusulit na nasasalig sa mga klasikang Confuciano. Ang mga seremonya at rituwal ng Confucianismo ay naging relihiyon ng maharlikang sambahayan.

37. (a) Papaano naging relihiyon ang Confucianismo? (b) Bakit masasabi na ang Confucianismo ay higit kaysa pilosopiya lamang?

37 Malaki ang nagawa ng mga pagbabagong ito upang maitanghal si Confucio sa lipunang Intsik. Sinimulan ng mga emperador na Han ang tradisyon ng paghahandog ng mga hain sa puntod ni Confucio. Iginawad sa kaniya ang mga titulong pandangal. At noong 630 C.E., iniutos ni T’ai Tsung, emperador na T’ang, na isang templo ng Estado ang dapat itayo sa bawat lalawigan at nasasakupan ng imperyo, at doon ang mga hain ay dapat na palagiang ihandog kay Confucio. Maliwanag na si Confucio ay itinanghal na diyos, at ang Confucianismo ay naging isang relihiyon na walang pinag-iba sa Taoismo o Budhismo.​—Tingnan ang kahon, pahina 175.

Ang Pamana ng Karunungan ng Silangan

38. (a) Ano ang nangyari sa Taoismo at Confucianismo mula noong 1911? (b) Subalit ano pa rin ang totoo hinggil sa saligang mga paniwala ng mga relihiyong ito?

38 Pagkatapos mamuno ang mga dinastiya sa Tsina noong 1911, ang Confucianismo at Taoismo ay naging tudlaan ng matinding pagpuna, at pati na ng pag-uusig. Pinintasan ang Taoismo dahil sa salamangka at pamahiin nito. At ang Confucianismo ay pinaratangan ng pagiging-piyudalistiko, na nagtataguyod ng pang-aalipin upang mapanatiling sakop ang mga tao, lalo na ang mga babae. Sa kabila ng ganitong opisyal na pagtuligsa, ang saligang turo ng mga relihiyong ito ay napa-ugat na nang malalim sa isipang Intsik kung kaya malakas pa rin ang impluwensiya nito sa maraming tao.

39. Ano ang sinasabi ng isang balita hinggil sa mga relihiyosong pamahiin sa Tsina?

39 Halimbawa, sa ilalim ng ulong-balita na “Madalang na sa Beijing ang Relihiyosong mga Rituwal-Intsik Ngunit Lumalago sa mga Dakong Baybayin,” iniulat noong 1987 ng pahayagang Globe and Mail ng Canada na pagkaraan ng halos 40 taon ng pamamahala ng mga ateyista sa Tsina, ang mga rituwal ng paglilibing, paglilingkod sa templo, at pamahiin ay karaniwan pa rin sa lalawigan. Sabi nito, “Sa karamihan ng mga nayon ay may isang lalaking fengshui, isa sa mga matatanda na nakakaunawa sa puwersa ng hangin (feng) at ng tubig (shui) upang matiyak ang pinakaangkop na dakong paglalagyan ng puntod ng ninuno, ng isang bagong bahay o muwebles sa sala.”

40. Anong relihiyosong mga kaugalian ang makikita sa Taiwan?

40 Sa ibang dako, ang Taoismo at Confucianismo ay matatagpuan kung saan umiiral ang tradisyonal na kulturang Intsik. Sa Taiwan, isang lalaking nag-aangkin na inapo ni Chang Tao-Ling ay nagpupuno bilang “panginoon ng langit” na may kapangyarihang maghalal ng mga paring Taoista (Tao Shih). Ang tanyag na diyosang si Matsu, na tinaguriang “Banal na Ina sa Langit,” ay sinasamba bilang patron ng kapuluan at ng mga tripulante at mangingisda. Ang karaniwang mga tao naman ay abala sa paghahandog at paghahain sa mga espiritu ng ilog, bundok, at bituin; sa mga diyos na patron ng mga hanapbuhay; at sa mga diyos ng kalusugan, kapalaran, at kayamanan.d

41. Papaano itinataguyod ngayon ang Confucianismo bilang isang relihiyon?

41 Kumusta ang Confucianismo? Ang papel nito bilang relihiyon ay naging tulad na lamang ng isang pambansang sagisag. Sa Tsina sa Ch’ü-fou, dakong sinilangan ni Confucio, ang Templo ni Confucio at lupain ng kaniyang pamilya ay ginawa ng Estado na pasyalan ng mga turista. Doon, ayon sa magasing China Reconstructs, ay may mga “pagtatanghal ng rituwal ng pagsamba kay Confucio.” At sa Singapore, Taiwan, Hong Kong, at iba pang dako sa silangang Asya, ipinagdiriwang pa rin ang kaarawan ni Confucio.

42. Papaano nabibigo ang Taoismo at Confucianismo bilang patnubay sa paghahanap sa tunay na Diyos?

42 Sa Confucianismo at Taoismo, nakita natin na ang isang pamamaraang nasasalig sa karunungan at pangangatuwiran ng tao, gaano man ka-lohikal at taimtim, ay hindi talaga aakay sa tunay na Diyos. Bakit? Sapagkat nakakaligtaan nito ang isang mahalagang elemento, alalaong baga, ang kalooban at kahilingan ng isang personal na Diyos. Ang Confucianismo ay umaasa sa kalikasan ng tao bilang nagpapakilos na puwersa sa paggawa ng mabuti, at ang Taoismo ay umaasa sa kalikasan mismo. Subalit lihis ang pagtitiwalang ito sapagkat umaakay lamang ito sa pagsamba sa mga bagay na nilikha sa halip na sa Maylikha.​—Awit 62:9; 146:3, 4; Jeremias 17:5.

43. Papaano nakahadlang ang relihiyosong mga tradisyon ng mga Intsik sa paghahanap nila sa tunay na Diyos?

43 Sa kabilang dako, ang mga tradisyon ng pagsamba sa ninuno at diyosdiyosan, sa isang kosmikong kalangitan, sa mga espiritu sa kalikasan, at pati na ang mga seremonya at rituwal na kaugnay ng mga ito, ay nag-ugat na nang napakalalim sa isipang Intsik anupat ito’y itinuturing nang katotohanan. Madalas ay mahirap ipakipag-usap sa mga Intsik ang tungkol sa isang personal na Diyos o Maylikha sapagkat ito ay lubhang banyaga sa kaniya.​—Roma 1:20-25.

44. (a) Papaano tinutugon ng mga palaisip ang mga kababalaghan ng kalikasan? (b) Hinihimok tayo na gawin ang ano?

44 Hindi maikakaila na ang kalikasan ay lipos ng himala at karunungan at na ang tao ay nasasangkapan ng kamanghamanghang kakayahan ng isipan at budhi. Subalit gaya ng idiniin sa kabanata sa Budhismo, ang mga kababalaghang nasasaksihan sa kalikasan ay nag-udyok sa mga palaisip upang magpasiya na tiyak na ito’y may Disenyador o Maylikha. (Tingnan ang pahina 151-2.) Kaya, hindi ba makatuwiran na hanapin ang Maylikha? Ang totoo’y inaanyayahan tayo ng Maylikha na gawin ito: “Tumingala kayo at tingnan. Sino ang lumikha sa mga ito? Siya ang naglalabas sa kanilang hukbo ayon sa bilang, lahat ng tinatawag niya sa pangalan.” (Isaias 40:26) Sa paggawa nito, makikilala natin hindi lamang ang Maylikha, ang Diyos na Jehova, kundi pati na rin ang inilalaan niya sa hinaharap.

45. Ano pang relihiyong Silanganin ang susunod na isasaalang-alang?

45 Kaagapay ng Budhismo, Confucianismo, at Taoismo, na pawang gumanap ng mahalagang papel sa pagsamba ng mga tao sa Silangan, ay may isa pang relihiyon, pantangi sa mga Hapones​—ang Shinto. Papaano ito naiiba? Saan ito nagmula? Inakay ba nito ang tao sa tunay na Diyos? Isasaalang-alang ito sa susunod na kabanata.

[Mga talababa]

a Ganito ang salin ni Lin Yutang sa talatang ito: “Sa pakikiayon sa Tao, siya ay walang-hanggan, at ang buong buhay niya ay naiingatan mula sa kapinsalaan.”

b Ang isang peck ay katumbas ng 8.8 litro.

c Ang salitang “Confucio” ay isang pagpapakahulugan sa Latin ng Intsik na K’ung-fu-tzu, nangangahulugang “K’ung na Maestro.” Mga paring Jesuita na nasa-Tsina noong ika-16 na siglo ang kumatha ng pangalang Latin nang imungkahi nila sa papa sa Roma na si Confucio ay kanonisahin bilang “santo” ng Iglesiya Katolika Romana.

d Isang grupong Taoista sa Taiwan, ang T’ien Tao (Makalangit na Daan), ay kombinasyon di-umano ng limang pandaigdig na relihiyon​—Taoismo, Confucianismo, Budhismo, Kristiyanismo, at Islām.

[Kahon sa pahina 162]

Pagbigkas sa mga Salitang Intsik

Upang makasuwato ng mga katha ng mga iskolar, ang ginagamit sa aklat na ito ay ang pagpapakahulugan nina Wade-Giles sa mga salitang Intsik. Ang mga katumbas na tunog sa Tagalog ay itinatala sa ibaba:

ch ay binbigkas na j, gaya ng Tao Te Ching (dsing)

ch’ ch, gaya ng dinastiyang Ch’in (tsin)

hs sh, gaya ng Ta Hsüeh (siyu-eh), Ang Dakilang Pagkatuto

j r, gaya ng jen (ren), may pusong makatao

k g, gaya ng Budhistang diyosang Kuan-yin (guwan-yin)

k’ k, gaya ng K’ung-fu-tzu (kung-fu-tzu), o Confucio

t d, gaya ng Tao (daw), ang Daan

t’ t, gaya ng dinastiyang T’ang (tang)

[Kahon sa pahina 175]

Confucianismo​—Pilosopiya o Relihiyon?

Sapagkat kakaunti ang sinabi ni Confucio tungkol sa Diyos, kaya marami ang naniniwala na ang Confucianismo ay isa lamang pilosopiya at hindi isang relihiyon. Gayunman, ang kaniyang sinabi at ginawa ay nagpapakita na siya ay relihiyoso. Makikita ito sa dalawang paraan. Una, siya ay may mapitagang takot sa isang kataastaasang espirituwal na kosmikong kapangyarihan, na tinatawag ng mga Intsik na T’ien, o Langit, na sa paniwala niya ay pinagmumulan ng lahat ng kagalingan at kabutihang moral at na ang kalooban nito, nadama niya, ang nagpapatupad sa lahat ng bagay. Pangalawa, idiniin niya ang metikulosong pagsasagawa ng mga rituwal at seremonya na kaugnay ng pagsamba sa langit at sa espiritu ng mga yumaong ninuno.

Bagaman hindi itinaguyod ni Confucio ang mga paniwalang ito bilang relihiyon, para sa maraming saling-lahing Intsik ito na mismo ang relihiyon.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 177]

Apat na Aklat at Limang Klasika ng Confucianismo

Ang Apat na Aklat

1. Ang Dakilang Pagkatuto (Ta Hsüeh), saligan ng edukasyon ng isang maginoo, ang unang kasulatan na pinag-aaralan ng mga kabataang lalaki sa matandang Tsina

2. Ang Doktrina ng Kalagitnaan (Chung Yung), isang sanaysay sa pagsulong ng kalikasan ng tao sa pamamagitan ng pagiging katamtaman

3. Ang mga Analect (Lun Yü), isang kalipunan ng mga kasabihan ni Confucio, itinuturing na pangunahing pinagkukunan ng kaisipang Confuciano

4. Ang Aklat ni Mencio (Meng-tzu), mga sulat at kasabihan ng pinakadakilang alagad ni Confucio, si Meng-tzu, o Mencio

Ang Limang Klasika

1. Ang Aklat ng Tula (Shih Ching), 305 tula na naglalarawan sa araw-araw na buhay sa pasimula ng panahong Chou (1000-600 B.C.E.)

2. Ang Aklat ng Kasaysayan (Shu Ching), sumasaklaw sa 17 siglo ng kasaysayang Intsik pasimula sa dinastiyang Shang (1766-1122 B.C.E.)

3. Ang Aklat ng mga Pagbabago (I Ching), isang aklat ng panghuhula, salig sa pagpapakahulugan sa 64 posibleng kombinasyon ng anim na buo o putul-putol na guhit

4. Ang Aklat ng mga Seremonya (Li Chi), isang koleksiyon ng mga alituntunin sa mga seremonya at rituwal

5. Taunang Ulat ng Tagsibol at Taglagas (Ch’un Ch’iu), isang kasaysayan ng Lu na lalawigang sinilangan ni Confucio, sumasaklaw sa 721-478 B.C.E.

[Mga larawan]

Limang Klasika, sa itaas, at, kaliwa, isang bahagi ng Ang Dakilang Pagkatuto (isa sa Apat na Aklat), sinipi sa pahina 181

[Larawan sa pahina 163]

Tao, ‘ang daan na dapat lakaran ng isang tao’

[Larawan sa pahina 165]

Si Lao-tzu, pilosopo ng Taoismo, sakay ng isang buffalo

[Larawan sa pahina 166]

Taoistang templo ni Matsu, “Banal na Ina ng Langit,” sa Taiwan

[Larawan sa pahina 171]

Mauulap na kabundukan, tahimik na mga tubig, humahapay na mga puno, at nagpapahingang mga iskolar​—tanyag na mga tema sa mga larawang-tanawin ng mga Intsik​—nagpapaaninaw sa ulirang Taoista ng pamumuhay na kasuwato ng kalikasan

[Mga larawan sa pahina 173]

Kaliwa, sinaunang Taoistang ukit ng diyos ng Mahabang Buhay kasama ng Walong Imortal. Kanan, paring Taoista na may kumpletong gayak habang nangangasiwa sa libing

[Larawan sa pahina 179]

Si Confucio, pangunahing paham ng Tsina, iginagalang bilang guro ng moral at etika

[Larawan sa pahina 181]

Mga selebrasyong may lakip na tugtugan na nagtataguyod sa mga rituwal ng Confucianismo sa Sung Kyun Kwan, ika-14 na siglong sentro ng pag-aaral Confuciano sa Seoul, Korea

[Mga larawan sa pahina 182]

Siya ma’y Budhista, Taoista, o Confucianista, ang karaniwang Intsik ay, mula sa kaliwa, sumasamba sa mga ninuno sa kaniyang bahay, sumasamba sa diyos ng kayamanan, at naghahain sa templo sa mga araw ng kapistahan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share