Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 7/22 p. 13-15
  • Paano Ko Gagawing Mas Kaakit-akit ang Aking Sarili?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ko Gagawing Mas Kaakit-akit ang Aking Sarili?
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kahangalan ng Pag-asam sa “Sakdal” na Katawan
  • Panloob na mga Katangian
  • Palakaibigan Laban sa Pakikipagligaw-Biro
  • Bakit Ayaw sa Akin ng mga Babae?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
  • Bakit Ayaw sa Akin ng mga Babae?
    Gumising!—2009
  • Bakit Napakahirap Kong Ihinto ang Pag-iisip sa Hindi Kasekso?
    Gumising!—1994
  • Magkaibigan Lang ba Kami—O Higit Pa Do’n?, Bahagi 2
    Gumising!—2012
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 7/22 p. 13-15

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Gagawing Mas Kaakit-akit ang Aking Sarili?

“Hindi madali o komportable na makipag-usap sa mga babae. Wala akong ideya kung ano ang iniisip nila, kung ano ang nadarama nila, o kung paano nila minamalas ang mga bagay-bagay.”​—Tyler.

ANONG mga katangian ang gustung-gusto ng mga babae sa mga lalaki? “Kumpiyansa,” sabi ng isang tin-edyer na nagngangalang Emily. Para naman kay Robyn, isa pang tin-edyer, nangunguna sa listahan niya ang pagiging mapagpatawa. At ano naman ang lubos na pinahahalagahan ng mga lalaki sa mga babae? Hindi kataka-taka, ipinakita ng isang surbey na ang kagandahan ang unang-una sa kanilang listahan. Ang pagkakaroon ng magkatulad na interes at mga pamantayan ay ikaanim sa talaan.

Ang mga artikulo at surbey na tumatalakay sa mga ugnayan ng mga lalaki at babae ay malimit na laman ng mga magasing pangkabataan. Maliwanag, maraming kabataan ang nag-iisip​—o marahil nag-aalala​—kung paano sila minamalas ng mga hindi nila kasekso. Baka kung minsan ay nag-aalala ka rin mismo tungkol diyan. Hindi naman dahil sa handa ka nang mag-asawa anumang oras. Hindi lamang ibig ninuman na maging di-kaakit-akit o di-kaayaaya! Sinabi ni Tyler: “Kapag ikaw ay isang tin-edyer, ibig mong maging kaakit-akit sa lahat. Gusto mong tanggapin ka ng iyong mga kaedad, lalaki at babae.” Gayundin, baka nadarama mo na balang araw ay maghahanap ka ng mahusay na mapapangasawa. Kapag dumating ang panahong iyon, natural lamang na ibig mong maakit ang taong iyon.

Gayunman, bilang isang Kristiyanong kabataan, baka wala ka pang gaanong karanasan sa pakikitungo sa di-kasekso. Nariyan pa ang panggigipit na maaaring madama mo mula sa iyong mga kaedad na maging kaakit-akit sa pisikal. Sa pagdagsa ng mga supermodel at mga maskuladong aktor na iyong nakikita sa TV at sa mga magasin, hindi nga kataka-taka na makadama ka ng kawalang-katatagan at kawalang-kakayahan! Kung gayon, ano ang kailangan upang maging kaakit-akit sa iba​—pati na sa mga di-kasekso​—​sa isang makatuwiran at positibong paraan?

Ang Kahangalan ng Pag-asam sa “Sakdal” na Katawan

Sinabi ng clinical psychologist na si William S. Pollack na dahil sa impluwensiya ng industriya sa libangan, maraming kabataan ang “gumugugol nang di-mabilang na oras sa pagdidiyeta, pagbabarbel, at pag-e-aerobics, anupat ginagawa ang lahat sa pagsisikap na mabago ang laki at hubog ng kanilang mga katawan.” Sumusuong pa nga ang ilan sa mapanganib na pagpapakalabis, gaya ng halos gutumin nila ang kanilang mga sarili, upang makamit ang “sakdal” na katawang iyan. Subalit ang Social Issues Research Centre ay nagsasabi: “Ang kasalukuyang huwaran ng kagandahan para sa mga babae na ipinakikita ng media ay natatamo ng wala pang 5% ng kababaihan​—at ang pinag-uusapan pa lamang diyan ay ang timbang at sukat. Kung ibig mo ang huwarang hubog ng katawan, mukha atb., malamang na mga 1% lamang ang nagtataglay niyan.”

Kaya naman ang payo ng Bibliya sa Roma 12:2 ay praktikal: “Huwag mong hayaang hubugin ka mismo ng sanlibutan.” (Phillips) Ngunit hindi ito nangangahulugan na dapat ka nang magpabaya sa iyong hitsura. Makatuwiran lamang na pangalagaan mo ang iyong katawan sa pamamagitan ng katamtamang pag-eehersisyo at balanseng pagkain. (Roma 12:1; 1 Timoteo 4:8) Ang wastong pamamahinga at pagtulog ay makatutulong din sa iyo na mapaganda ang iyong hitsura at pakiramdam. Gayundin naman, bigyang-pansin ang iyong kalinisan at personal na pag-aayos. Isang kabataang taga-Britanya na nagngangalang David ang nagsabi: “May isang babae na kaakit-akit, pero mayroon siyang masamang amoy sa katawan. Iniiwasan tuloy siya ng mga tao.” Kaya palaging maligo. Ang malinis na mga kamay, buhok, at mga kuko sa kamay ay makapagpapaganda sa iyong hitsura.

Bagaman hindi hinihimok ng Bibliya ang labis na pagbibigay ng pansin sa iyong isinusuot, pinapayuhan naman nito ang mga Kristiyano na ‘gayakan nila ang kanilang sarili ng maayos na pananamit, na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip.’ (1 Timoteo 2:9) Magsuot ng mga damit na magpapaganda sa iyong hitsura subalit hindi naman napakarangya o malaswa.a Ang makatuwirang pagbibigay ng atensiyon sa iyong hitsura ay makadaragdag sa pagtitiwala mo sa iyong sarili. Ganito ang sabi ng isang kabataang nagngangalang Paul: “Hindi man ikaw ang pinakamaganda o pinakaguwapo, may magagawa ka naman sa kung ano ang taglay mo.”

Panloob na mga Katangian

Bagaman nakatatawag ng atensiyon ang magandang mukha at katawan, sa dakong huli ang “kagandahan ay isang bula.” (Kawikaan 31:30, Byington) Ang magandang hitsura ay pansamantala lamang, at hindi nito mahahalinhan ang kaakit-akit na personal na mga katangian. (Kawikaan 11:22) Tandaan din na “ang tao ay tumitingin sa kung ano ang nakikita ng mga mata; ngunit kung tungkol kay Jehova, tumitingin siya sa kung ano ang nasa puso.” (1 Samuel 16:7) Kaya sa halip na ituon ang lahat ng iyong pansin sa iyong baywang o sa iyong mga masel, gayakan mo ang iyong sarili ng “lihim na pagkatao ng puso sa walang-kasiraang kasuutan ng tahimik at mahinahong espiritu, na malaki ang halaga sa paningin ng Diyos.” (1 Pedro 3:3, 4; Efeso 4:24) Totoo, maraming kabataan sa daigdig sa ngayon ang hindi gaanong nagpapahalaga sa kahanga-hangang mga katangian​—lalo pa sa espirituwal na mga katangian.b Subalit ang mga taong may makadiyos na mga pamantayan ay nagpapahalaga at naaakit sa mga ito!

Sa gayon, ang pinakamabuting paraan upang maging kaakit-akit sa mga Kristiyanong lalaki at babae na palaisip sa espirituwal ay ang pagiging palaisip mo mismo sa espirituwal. Linangin ang iyong espirituwalidad sa pamamagitan ng pananalangin, personal na pag-aaral ng Bibliya, at pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. (Awit 1:1-3) Gayunman, maaari mong pasulungin ang iba pang kapaki-pakinabang na mga kakayahan at mga katangian. Hindi mo kailangang makipag-date o makipagkasintahan upang malinang ang mga katangiang ito. Sa halip, magagawa mo ang mga ito sa iyong pang-araw-araw na pakikitungo sa iba.

Halimbawa, ikaw ba ay asiwa at nahihiya kapag may kasamang di-kasekso? Inamin ng isang kabataang nagngangalang Paul: “Kung minsan ay hindi ako komportable​—dahil sila’y mga babae, at hindi ko gaanong naiintindihan ang mga babae na di-gaya ng mga lalaki. At ayaw kong mapahiya.” Paano mo mapasusulong ang iyong kumpiyansa at kahinahunan para maging palagay ang loob sa iyo ng iba? Ang isang paraan ay ang samantalahin ang malawak na pagsasamahan sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Sa mga pulong ay magkaroon ng personal na interes sa iba​—hindi lamang sa mga di-kasekso na kaedad mo kundi gayundin naman sa mga bata, mga nasa hustong gulang, at matatanda na. (Filipos 2:4) Makatutulong sa iyo na mapasulong ang pagtitiwala sa sarili kung matututuhan mong mabuti na makitungo sa iba’t ibang mga tao.

Subalit maging maingat. Sinabi mismo ni Jesus: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mateo 19:19) Kung may tiwala ka sa sarili mo, malamang na hindi ka magiging padaskul-daskol at asiwa kapag kasama ng iba.c Gayunman, bagaman mahalaga na magkaroon ng isang antas ng paggalang sa sarili, huwag namang magpapakalabis. “Sinasabi ko sa bawat isa sa inyo,” ang sabi ni apostol Pablo, “na huwag mag-isip nang higit tungkol sa kaniyang sarili kaysa sa nararapat isipin.”​—Roma 12:3.

Pagtuunan din ng lubos na pansin ang iyong paggawi at mga kakayahang makitungo sa iba. Isang kabataang babae na taga-Britanya na nagngangalang Lydia ang nagsabi: “May kabataang lalaki sa aming paaralan na napakapopular sa napakaraming babae. Subalit kapag nakilala na nila siya, ayaw na nila sa kaniya dahil sa siya’y magaspang kumilos at hindi mataktika.” Naaakit ang mga tao sa isa na mabait at mataktikang makipag-usap at makonsiderasyon sa iba. (Efeso 4:29, 32; 5:3, 4) “Ang kaayaayang pag-uugali ay tulad ng isang pasaporte, nagpapangyaring maging malaya at madali ang paglapit sa mga tao,” ang sabi ni Dr. T. Berry Brazelton. Ang kagandahang-asal ay “mahalaga sa pagtatamo ng pagsang-ayon ng iba.”

Ang mga kinaugalian at mga tuntunin ng kabutihang-asal ay nagkakaiba-iba sa buong daigdig. Kaya baka gusto mong obserbahan kung paano pinakikitunguhan ng may-gulang na mga Kristiyanong lalaki at babae ang isa’t isa. Halimbawa, kaugalian ba sa inyong bansa na pagbuksan ng pinto ng isang lalaki ang isang babae? Kung gayon, ang pagpapakita ng ganitong paggalang ay magpapaganda sa iyong reputasyon bilang isang taong may dignidad at magalang.

Sa dakong huli, makatutulong din sa iyo na pasulungin ang pagiging mapagpatawa sa timbang na paraan. Sinasabi ng Bibliya na may “panahon ng pagtawa,” at malimit na mas madaling makipagkaibigan ang isang taong mapagpatawa.​—Eclesiastes 3:1, 4.

Palakaibigan Laban sa Pakikipagligaw-Biro

Isang nag-aangking “giya sa matagumpay na pakikipag-date” ang nagpayo na ang lihim upang maakit ang di-kasekso ay ang pakikipagligaw-biro. Sinabihan ang mga mambabasa na sanayin ang pagngiti at pagtingin nang malagkit at maging bihasa sa ‘pagbubukas ng usapan.’ Ang gayong payo ay salungat sa espiritu ng payo ni Pablo kay Timoteo na pakitunguhan ang mga di-kasekso “nang may buong kalinisan.”​—1 Timoteo 5:2.

Bagaman ang pakikipagligaw-biro ay maaaring magpasulong sa pagpapahalaga sa sarili, ito’y di-taimtim at di-tapat. Hindi mo kailangang makipagligaw-biro o magkunwang kimi upang maging kawili-wili ang inyong usapan. Ni kailangan mong magtanong ng nakahihiya o di-angkop na mga tanong upang malaman ang saloobin at iniisip ng hindi kasekso. Ipakipag-usap lamang ang tungkol sa mga bagay na ‘matuwid, malinis, at kaibig-ibig,’ at maipakikita mong sumusulong ka na nga sa pagiging isang lalaki o babae na may-gulang at palaisip sa espirituwal. (Filipos 4:8) Ang pagsunod mo sa makadiyos na mga simulain ay magpapangyari na maging kaakit-akit ka hindi lamang sa di-kasekso kundi pati na sa Diyos mismo.d​—Kawikaan 1:7-9.

[Mga talababa]

a Tingnan “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano ang Sekreto ng Pagpili ng Tamang Damit?” na lumabas sa aming isyu ng Oktubre 8, 1989.

b Ayon sa isang mananaliksik, ipinakikita ng mga pagsusuri na ang matatalinong kabataan ay malimit na tampulan ng panunukso dahil sa kanilang mga kakayahan. Nagkukunwa tuloy ang ilang kabataan na sila’y di-matalino.

c Ang kabanata 12 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova, ay may praktikal na mga mungkahi sa paglilinang ng paggalang sa sarili.

d Kung napakabata mo pa para mag-asawa, isang katalinuhan na makisama sa hindi kasekso sa mga grupo na iba’t iba ang edad. Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Kung Inaakala ng Aking mga Magulang na Napakabata Ko Pa Para Makipag-date?” na lumitaw sa Enero 22, 2001, isyu ng Gumising!

[Mga larawan sa pahina 15]

Sa halip na ituon ang pansin sa iyong hitsura, pagsikapang linangin ang espirituwal na mga katangian

[Larawan sa pahina 15]

Pag-aralang maging komportable sa harap ng iba’t ibang uri ng mga tao

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share