Maraming Natutuhan—Ngunit Kakaunting Pagbabago
“Sa kabila ng mga tagumpay sa siyensiya kamakailan, wala gaanong ipinagbago ang mga tao sa nakalipas na dalawang libong taon; at dahil dito ay dapat pa rin tayong magsikap na matuto mula sa kasaysayan.”—Kenneth Clark, Civilisation—A Personal View.
TUNAY na may ilang katangi-tanging pagsulong sa siyensiya sa nakalipas na mga siglo. Sinasabi ng magasing Time na ang mga ito ay “nakapagbigay sa milyun-milyon sa atin ng pinakamataas na pamantayan ng pamumuhay sa kasaysayan.” Ang ilan sa pinakamalalaking pagsulong na ito ay naganap sa larangan ng medisina. Noong Edad Medya, ang “medisina ay makaluma at hindi kasiya-siya,” ang sabi ng istoryador na si Zoé Oldenbourg. “Ang isang doktor ay maaaring makapatay kung paanong maaari siyang makapagpagaling.”
Hindi Laging Nais Matuto
Hindi laging nais matuto ng mga tao. Halimbawa, noong huling mga taon ng ika-19 na siglo ay ipinagwalang-bahala ng maraming doktor ang matibay na ebidensiya na nahahawa nila mismo ng sakit sa paanuman ang kanilang mga pasyente. Kaya nagpatuloy sila sa mapanganib na mga kinaugalian at tumangging maghugas ng kanilang mga kamay bago lumipat sa iba’t ibang pasyente.
Magkagayunman, patuloy na sumulong ang siyensiya at teknolohiya. Makatuwiran kung gayon na dapat ay natuto na sana ang mga tao mula sa nakalipas na mga karanasan kung paano gagawing mas maligaya at mas ligtas na dako ang daigdig. Ngunit hindi gayon ang nangyari.
Isaalang-alang ang Europa noong ika-17 siglo. Ang yugtong iyon ay inilarawan bilang panahon ng kaliwanagan at pangangatuwiran. Ngunit nananatili pa rin ang katotohanan na “sa kabila ng pagdagsa ng mga henyo sa sining at siyensiya,” ang sabi ni Kenneth Clark, “mayroon pa ring nagaganap na walang-saysay na mga pagpapahirap at makahayop na mga digmaan na di-mapantayan ang kalupitan.”
Sa ating panahon ay may pag-aatubili pa ring matuto mula sa nakalipas para maiwasan sana ang mga pagkakamali noon. Bilang resulta, ang atin mismong pag-iral sa planetang ito ay lumilitaw na nanganganib. Nanghinuha ang manunulat na si Joseph Needham na ang kalagayan ay naging napakapanganib na anupat ‘ang tanging magagawa natin ngayon ay umasa at manalangin na huwag magpasapit ang mga hibang ng mga puwersang makalilipol sa lahat ng buhay sa lupa.’
Bakit kaya sa kabila ng lahat ng dunong at kaalaman ng tao, nakasadlak pa rin tayo sa isang daigdig na lipos ng karahasan at kalupitan? Magbabago pa kaya ito? Isasaalang-alang ng susunod na dalawang artikulo ang mga tanong na ito.
[Picture Credit Lines sa pahina 3]
PABALAT: mga kanyon ng WWI: U.S. National Archives photo; mga biktima ng Holocaust noong WWII: Robert A. Schmuhl, courtesy of USHMM Photo Archives
Pahina 2 at 3: B-17 na eroplanong pambomba: USAF photo; babae: Instituto Municipal de Historia, Barcelona; mga lumikas: UN PHOTO 186797/J. Isaac; 23 kilotoneladang pagsabog: U.S. Department of Energy photograph