Dapat Ka Bang Umasa sa mga Numero Ukol sa Patnubay?
ANG numerolohiya ba ay nakatutugon sa pamantayan ng siyensiya at katuwiran? Sa mga numero ba malalaman ang ating tadhana? Dapat ka bang magplano ng iyong kinabukasan salig sa mga resulta at hula ng numerolohiya?
Ang isang pagtutol na hindi mapagtagumpayan ng mga numerologo ay na ang iba’t ibang kultura ay gumagamit ng iba’t ibang kalendaryo. Halimbawa, paano kung ang isa ay naninirahan sa isang lugar na ang gamit ay kalendaryong Tsino? Isaalang-alang ang petsang binanggit sa ating panimulang artikulo—Setyembre 11, 2001. Ayon sa kalendaryong Tsino, iyon ay ang ika-24 na araw ng ika-7 buwan ng ika-18 taon ng ika-78 siklo. Ipahahayag naman ng kalendaryong Julian ang petsang iyon bilang Agosto 29, 2001. Ayon sa kalendaryong Muslim, ito ay 22 Jumada II 1422, samantalang sa kalendaryong Hebreo, ito ay 23 Elul 5761. Paano magkakaroon ng kahulugan ang mga numero ng isang petsa na ipinahahayag sa napakaraming paraan? Isa pang salik: Karaniwan nang may kani-kaniyang pagbaybay ang mga wika para sa mga pangalan. Halimbawa, ang mga letra sa pangalang Ingles na John ay katumbas ng numerong 2, ngunit ang mga letra sa Kastilang pagbaybay sa pangalan ding iyon—Juan—ay katumbas ng numerong 1.
Isang bagay ang kilalanin na maraming aspekto ng sansinukob ang maipaliliwanag sa pamamagitan ng mga pormula ng matematika. Ang mga pormulang ito ay maaaring subukan at ipakita. Ngunit ibang-iba naman na sabihing ang iyong pangalan ay patiunang nakatalaga upang maitugma sa petsa ng iyong kapanganakan at maiugnay sa ilang numero upang malaman ang iyong tadhana.
Maliwanag ang konklusyon: Ang maniwalang tumpak ang mga interpretasyon sa mga numero, gayong ang mga ito ay batay lamang sa mga salik na lubhang nagkakaiba-iba tulad ng kalendaryo at wika, ay talaga namang hindi makatuwiran.
“Ang Panahon at ang Di-inaasahang Pangyayari”
Ang ilan ay naging interesado sa numerolohiya dahil nais nilang malaman nang patiuna ang tungkol sa kanilang buhay. Gayunman, nililiwanag ng Bibliya na ang mga detalye ng buhay ng tao ay hindi maaaring malaman nang patiuna. Mababasa natin: “Ang takbuhan ay hindi sa matutulin, ni ang pagbabaka ay sa mga makapangyarihan, ni ang pagkain man ay sa marurunong, ni ang kayamanan man ay sa mga may-unawa, ni ang lingap man ay sa mga may kaalaman; sapagkat ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa kanilang lahat.” (Eclesiastes 9:11) Oo, maraming pangyayari ang nagaganap nang di-inaasahan. Ang gayong di-inaasahang mga kaganapan ay nagpapangyaring maging imposible na mahulaan ang kahihinatnan ng mga bagay-bagay salig sa petsa ng kapanganakan o katumbas na numero ng isang pangalan.
Isaalang-alang ang isa pang halimbawa: Sa pagpapasigla sa pagiging bukas-palad, sinasabi ng Bibliya: “Ihagis mo ang iyong tinapay sa ibabaw ng tubig, sapagkat pagkalipas ng maraming araw ay masusumpungan mo itong muli. Magbigay ka ng bahagi sa pito, o kahit sa walo, sapagkat hindi mo alam kung anong kapahamakan ang mangyayari sa lupa.” (Eclesiastes 11:1, 2) Maliban sa ilan, ang mga kalamidad ay mga bagay na talagang hindi kayang patiunang malaman ng mga tao. Kaya naman, sumulat ang propesor sa matematika na si Underwood Dudley hinggil sa mga numerologo: “Nabigo silang isaalang-alang ang tsansa. Maaaring mangyari ang nakagugulat na mga bagay anumang oras.”
Totoo na maaaring nagkakatotoo nga ang ilang hula ng mga numerologo. Ano ang dahilan nito? Sa ilang pangyayari, ang kinahinatnan ay maaaring nagkataon lamang. Gayundin kung minsan, ang mga pananalita ng mga numerologo ay may iba’t ibang kahulugan anupat maaari itong ikapit sa iba’t ibang kahihinatnan. Ngunit may isa pang mas maselan na bagay na dapat isaalang-alang.
Isa Bang Anyo ng Panghuhula?
Hindi lumilitaw ang salitang numerolohiya sa Bibliya. Ngunit binabanggit nito ang hinggil kay Haman, isang Amalekita na nagbalak na lumipol sa mga naninirahang Judio sa Persia noong ikalimang siglo B.C.E. Ganito ang sabi ng ulat: “Iniutos ni Haman na magpalabunutan (‘purim,’ ang tawag sa mga ito) upang malaman ang tamang araw at buwan upang maisakatuparan ang kaniyang balak. Ang ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan, ang buwan ng Adar, ang napili.”—Esther 3:7, Today’s English Version.
Noong sinaunang panahon, ang palabunutan ay isang lehitimong paraan upang lutasin ang isang pagtatalo.a (Kawikaan 18:18) Ngunit ang pagpapalabunutan ni Haman ay upang magsagawa ng panghuhula—isang bagay na hinahatulan ng Bibliya. Sinasabi sa Deuteronomio 18:10-12 na kinasusuklaman ng Diyos ang “sinumang nanghuhula, ang mahiko o ang sinumang naghahanap ng mga tanda o ang manggagaway, o ang isa na nanggagayuma sa iba sa pamamagitan ng engkanto o ang sinumang sumasangguni sa espiritista o ang manghuhula ng mga pangyayari . . . Ang lahat ng gumagawa ng mga bagay na ito ay karima-rimarim kay Jehova.”
Iniuugnay ng Bibliya ang panghuhula at mahiwagang kapangyarihan sa espiritismo. Maaaring maniobrahin ng mga balakyot na espiritu ang mga pangyayari upang umangkop sa kanilang layunin. Anuman ang maganap sa isang espesipikong pangyayari, isang bagay ang tiyak: Ang pagsasagawa ng espiritismo ay hinahatulan ng Diyos, at maaaring ang isa ay makontrol ng mga balakyot na espiritu dahil dito.—1 Samuel 15:23; Efeso 6:12.
Walang makasiyensiyang saligan ang numerolohiya, at hindi ito nakatutugon sa pamantayan ng katuwiran. Higit na mahalaga, yamang ito ay isang anyo ng panghuhula, ang numerolohiya ay salungat sa mga turo ng Bibliya. Dahil dito, ang numerolohiya ay hindi isang kapaki-pakinabang na paraan upang gabayan ang iyong buhay o planuhin ang iyong kinabukasan.
[Talababa]
a Kapag nagpapalabunutan, ang maliliit na bagay—tulad ng maliliit na bato o maliliit na piraso ng kahoy—ay inilalagay sa loob ng mga tupi ng isang damit o sa loob ng isang plorera. Pagkatapos ay inaalog ang mga ito. Ang nabunot ang siyang mapipili.
[Kahon sa pahina 6]
ANG IBA’T IBANG KALENDARYO AY NAGHAHARAP NG ISANG MALAKING HADLANG SA NUMEROLOHIYA
GREGORIAN Setyembre 11, 2001
TSINO Ika-24 na araw ng ika-7 buwan ng ika-18 taon ng
ika-78 siklo
JULIAN Agosto 29, 2001
MUSLIM 22 Jumada II 1422
HEBREO 23 Elul 5761
[Kahon/Mga larawan sa pahina 7]
MAAASAHAN BA ANG MGA “HOROSCOPE”?
“Kung minsan, ikaw ay masayahin, ngunit kung minsan naman, ikaw ay walang-kibo. Iniisip mong hindi matalino ang magbigay ng napakaraming impormasyon hinggil sa iyong sarili sa mga estranghero. Ikaw ay isang taong may sariling pag-iisip na humihiling ng patotoo bago mo lubusang paniwalaan ang isang bagay. Gusto mo ang pagkasari-sari ng buhay, at hindi ka nasisiyahan kapag pinagbabawalan ka ng mga alituntunin. Marami kang kakayahan, na hindi mo pa nagagamit nang lubusan. Palapintasin ka sa iyong gawa at mga abilidad.”
Waring ikaw nga ba ang inilalarawan nito? Kung gayon, baka binibigyan mo ng higit na kahulugan ang paglalarawan kaysa sa tunay na kahulugan nito. Kung sa bagay, ang karamihan sa mga pananalita sa itaas ay totoo sa karamihan sa mga tao. Kaya may tendensiya ang mga mambabasa na tanggapin ang mga pananalitang iyon na waring tumpak at ipagwalang-bahala naman ang hindi tumpak. Ayon sa aklat na Why Do Buses Come in Threes—The Hidden Mathematics of Everyday Life, “natuklasan ng mga mananaliksik na kapag inalis ang mga sagisag ng bituin sa horoscope, hindi makikilala ng mga tao kung aling parapo ang tumutukoy sa kanilang sagisag, ngunit kapag isinama ang mga sagisag, maniniwala silang tumpak na tumpak ang paglalarawan ng kanilang horoscope.”
[Kahon sa pahina 8]
MAKASAGISAG NA MGA NUMERO SA BIBLIYA
May ilang numerong ginagamit sa Bibliya na nagtataglay ng makasagisag na kahulugan, ngunit doon lamang sa konteksto ng Kasulatan kung saan ginagamit ang mga ito. Halimbawa, ang numerong kuwatro ay ginagamit upang magpahiwatig ng kabuuan o kalahatan. Ang ideyang ito ay ipinahihiwatig sa mga pananalitang gaya ng “apat na dulo ng lupa” at “apat na hangin ng langit.” (Isaias 11:12; Daniel 8:8) Kung minsan, ang numerong seis ay kumakatawan sa di-kasakdalan. Kapansin-pansin, ang numerong ibinigay ng aklat ng Apocalipsis sa makalupang pulitikal na organisasyon ni Satanas ay “bilang ng isang tao”—666. (Apocalipsis 13:18) Dito ang seis ay inulit nang tatlong beses, na nagdiriin sa di-kasakdalan ng makahayop na organisasyong ito. Kapag ang numerong siyete ay ginamit sa isang simbolikong paraan, kumakatawan ito sa pagiging kumpleto. (Levitico 4:6; Hebreo 9:24-26) Ang mga ito at iba pang makasagisag na numerong ginamit sa Kasulatan ay nagkakaroon ng kahulugan mula sa makahulang konteksto nito.
Bagaman ang Kasulatan ay nagbibigay ng isang antas ng pagpapahalaga sa ilang numero, hindi tayo pinasisigla ng Bibliya na iugnay ang mga letra ng ilang salita sa mga numero upang matuklasan ang mahihiwagang bagay.
[Larawan sa pahina 8]
Ginamit ni Haman ang panghuhula upang pumili ng petsa sa pagsasakatuparan ng kaniyang balak na manlipol ng lahi