Maaasahang Patnubay Para sa Kinabukasan
ANG pagiging di-mapagkakatiwalaan ba ng numerolohiya at ng iba pang anyo ng panghuhula ay nangangahulugang wala nang ibang paraan upang malaman natin ang ating kinabukasan? Hinding-hindi!
Hindi kayang sabihin ng mga numero ang kinabukasan ng sangkatauhan. Subalit nagagawa na ito ng “Diyos na buháy,” na naghahayag ng “wakas mula pa sa pasimula.” Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng kaniyang nasusulat na Salita, ang Bibliya. (1 Timoteo 4:10; Isaias 46:10) Ang salita rin ng Diyos na buháy, hindi ang mga pananalita ng mga numerologo, ang “may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso” at sa gayon ay makatutulong sa iyo na maunawaan kung ano ang nagpapakilos sa iyo at kung ano ang magbibigay sa iyo ng tunay na tagumpay.—Hebreo 4:12.
Ang ating Maylalang, na Awtor ng Bibliya, ang tanging tumpak na makapanghuhula hinggil sa hinaharap. Ang dahilan nito ay na ang Diyos ang makapangyarihan-sa-lahat at siya ay laging tapat sa kaniyang salita. “Sinalita ko nga iyon,” ang sabi ng Diyos na Jehova. “Gagawin ko rin naman [iyon].” (Isaias 46:11) Pagkatapos akayin ang mga Israelita sa Lupang Pangako, sinabi ni Josue nang may pagtitiwala: “Walang isa mang pangako ang nabigo sa lahat ng mabuting pangako na binitiwan ni Jehova sa sambahayan ng Israel; ang lahat ay nagkatotoo.”—Josue 21:45; 23:14.
Ang Bibliya ay naglalaman ng maraming hulang matutupad pa lamang. Kabilang sa mga ito ang hula hinggil sa panahong ang lupa ay lilinisin mula sa kabalakyutan at gagawing paraiso. (Awit 37:10, 11; Kawikaan 2:21, 22) Kaakit-akit ba para sa iyo ang kinabukasang iyon? Naniniwala ka bang ang ating Maylalang ay may karunungan at kapangyarihang magtuwid ng mga bagay-bagay sa planetang ito? Kung gayon, nanaisin mong isaalang-alang ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa kinabukasan ng lupa.a
Kung gayon, may-katalinuhang gamitin ang iyong panahon ngayon—hindi sa pamamagitan ng pagpupumilit na basahin ang iyong kinabukasan sa mga numero kundi sa pamamagitan ng pagsisikap na makamit ang tumpak na kaunawaan sa Bibliya at sa mga hula nito. Ang mga Saksi ni Jehova ay handang tumulong sa iyo na magkaroon ng higit na kaalaman hinggil sa kinabukasan gaya ng isinisiwalat sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.
[Talababa]
a Tingnan ang kabanata 1, 10, at 19 ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.