Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 9/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Artipisyal na mga Mata ng Insekto
  • Naaakit ang mga Killer Whale sa mga Kaparehang Iba ang Diyalekto
  • Pagsubaybay sa Great White Shark
  • Naaapektuhan ng Suliranin sa Ekonomiya ang mga Klinika
  • Pinakamabilis na Roller Coaster
  • Sakit sa Puso na Nauugnay sa Tabako sa India
  • Matataas na Gusali​—Malaki Pa Rin ang Pangangailangan
  • Ingay sa Paligid at mga Sakit sa Pandinig
  • Ingatan ang Iyong Pandinig!
    Gumising!—2002
  • Ang Kawawang Pating
    Gumising!—2007
  • Ang Great White Shark—Sinasalakay
    Gumising!—2000
  • Ingay—Ang Magagawa Mo Rito
    Gumising!—1997
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 9/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Artipisyal na mga Mata ng Insekto

“Ang robot na mga mata ng insekto na dinisenyo ng mga siyentipikong Australiano ay binili ng NASA para gamitin sa isang probe (kasangkapang nagpapadala ng impormasyon mula sa kalawakan) sa Mars,” ang ulat ng pahayagang The Australian. Ibinatay ng mga mananaliksik sa Australian National University ang disenyo ng artipisyal na sensor sa mga mata ng mga balang. Sinasabi ng ulat na “ang laboratoryo ng unibersidad para sa biorobotic vision ay gumugol ng maraming taon sa pagmamasid kung paano ginagamit ng mga balang, bubuyog at mga tutubi ang kanilang paningin upang kontrolin ang kanilang paglipad. Nabatid nila ang mga tuntunin na kumokontrol sa paglipad at gumawa sila ng mga algorithm (isang paraan ng paghanap ng solusyon sa problema) sa matematika upang matularan ang mga ito.” Nais ikabit ng NASA ang artipisyal na mata ng balang sa isang maliit na probe na “mabilis na lilipad patungo sa pinakaibabaw lamang ng mabatong kalupaan ng Mars nang hindi bumabagsak o bumabangga na tulad ng isang insekto.” Kung magtatagumpay ito, “susuriin [ng probe] ang mga suson ng bato sa pinakamataas na libis sa sistema solar​—ang Valles Marineris na may 4,000 kilometro [2,500 milya] ang haba at 7 kilometro [4 na milya] ang lalim, sa pagsisikap na maisiwalat ang heolohikal na kasaysayan ng pulang planeta.”

Naaakit ang mga Killer Whale sa mga Kaparehang Iba ang Diyalekto

“Paano naiiwasan ng mga killer whale, na gumugugol ng kanilang buong buhay kasama ang maliit na grupo ding iyon, na lahian ang isa’t isa?” ang tanong ng The Vancouver Sun sa Canada. “Batay sa pitong taóng pagsasaliksik sa gene at 340 sampol ng DNA mula sa mga killer whale sa B.C. [British Columbia] at Alaska, natuklasan ng nangungunang siyentipiko ng Vancouver Aquarium na si Lance Barrett-Lennard na ang mga babae ay nagpapalahi lamang sa mga lalaking mula sa ibang mga grupo,” ngunit hindi sa labas ng lokal na populasyon, o pangkat ng mga ito. “Walang ebidensiya ng insestong pagpaparami,” ang sabi ni Barrett-Lennard. “Halos lahat ng pagpaparami ay sa pagitan ng mga grupo na may lubhang naiibang diyalekto.” Idinagdag pa ng artikulo na “pinipili ng mga killer whale ang isang kapareha na mas malayo ang kaugnayan sa kanila hangga’t maaari, isang proseso na marahil ay salig sa pakikinig sa mga tinig, o diyalekto, ng ibang mga balyena at paghahanap sa mga lubhang naiiba sa kanila.”

Pagsubaybay sa Great White Shark

“Ang pinakamalaking maninilang isda, ang great white shark, ay sinubaybayan ng satelayt at natuklasang nandarayuhan nang libu-libong kilometro patawid sa laot ng karagatan,” ang sabi ng The Daily Telegraph sa London. Ang tuklas na ito, na inilathala sa magasing Nature, ang sumira sa naunang mga paniniwala tungkol sa mga great white shark. Bagaman masusumpungan sa buong daigdig, ang pating na ito ay inaakalang gumagala-gala sa mga baybaying-dagat, na naghahanap ng mga poka (seal) o mga sea lion at hindi kailanman lumalayo sa kaniyang sariling teritoryo. Gayunman, nang lagyan ng tanda kamakailan ng mga mananaliksik sa California ang apat na lalaki at dalawang babaing pating, natuklasan nila na ang isang pating ay naglakbay hanggang sa mga Isla ng Hawaii​—3,700 kilometro mula sa baybayin ng California​—na naglalakbay nang di-kukulangin sa 70 kilometro bawat araw. Isinisiwalat din ng pag-aaral na iyon na kung minsan ang mga great white shark, bagaman bihirang sumisid sa lalim na mahigit sa 30 metro malapit sa baybayin, ay sumisisid paminsan-minsan nang napakalalim sa laot ng karagatan.

Naaapektuhan ng Suliranin sa Ekonomiya ang mga Klinika

Ang mga suliranin sa ekonomiya na kaakibat ng biglang pagbagsak ng halaga ng salapi sa Argentina ay nagiging dahilan ng pagdagsa ng mga taga-Argentina sa mga ospital at klinika na may mga problema sa kalusugan na nauugnay sa kaigtingan, anupat hindi ito kayang matugunan ng mga pasilidad na ito, ang ulat ng diyaryong Clarín. Kabilang sa mga problema sa kalusugan ang “mga sakit ng ulo, alta presyon, ulser, gastritis, insomniya, at kaigtingan.” Ang ilang tao ay nahihimatay “nang walang mga kadahilanang neurolohikal,” ang sabi ng isang propesyonal sa medisina. Ang mga pagpapakonsulta dahil sa kaigtingan, depresyon, at takot ay tumaas nang 300 porsiyento sa loob lamang ng ilang araw sa isang klinika. Bukod sa pagtitiis sa siksikang mga silid-hintayan, ang mga doktor at nars ay kailangan ding makipagpunyagi sa mga pasyenteng galít dahil sa krisis sa pananalapi. Sinaktan pa nga ng ilang pasyente ang mga doktor at nars. Isang nars ang sinuntok sa ulo.

Pinakamabilis na Roller Coaster

“Ang pinakamabilis na roller coaster sa daigdig ay nagbukas sa parkeng panlibangan sa Fujikyu Highland,” ang ulat ng pahayagang IHT Asahi Shimbun sa Hapon. “Ang bilis na umaabot sa 172 kilometro bawat oras (106 milya bawat oras) sa loob ng wala pang dalawang segundo mula sa pagkakatigil ay hindi para sa mahihina ang puso. Iyon ay para bang pinasibad ka sakay ng isang rocket. Mararanasan ng mga sumasakay ang hatak ng grabidad na karaniwan nang nararanasan ng mga piloto ng mabibilis na eroplanong pandigma.” Si Heith Robertson, na direktor sa proyekto ng kompanyang gumawa ng roller coaster, ay nagsabi: “Ang isang eroplano, kapag inilunsad ay maaaring magkaroon ng puwersang 2.5 G [2.5 ulit sa puwersa ng grabidad]. Ang mga roller coaster na ito ay maaaring umabot ng 3.6 G.” Ang roller coaster ay “may mga gulong na katulad sa maliliit na eroplano” at pinaaandar ito ng tatlong compressor ng hangin na may 50,000 horsepower, na “maihahambing sa isang maliit na rocket.”

Sakit sa Puso na Nauugnay sa Tabako sa India

“Sinasabi ng nangungunang mga cardiologist [sa India] na tumataas ang insidente ng sakit sa arterya ng puso,” ang komento ng Mumbai Newsline. “Ayon kay Dr. Ashwin Mehta, direktor ng cardiology sa Jaslok Hospital, ang mga taga-India ay may henetikong tendensiya na magkaroon ng sakit sa puso.” Ang lalo nang ikinababahalang bagay ay mas maraming kabataan ang nakararanas ng “mga problema sa puso dahil sa higit na paninigarilyo.” Naniniwala si Dr. P. L. Tiwari, kinokonsultang cardiologist sa Bombay Hospital, na malibang gumawa ng malaking pagbabago, ang India balang araw ay mangunguna sa daigdig sa dami ng pasyente sa puso. Sa kalapit na Bangladesh, mahigit na 70 porsiyento ng mga lalaking edad 35 hanggang 49 ang naninigarilyo, ang sabi ng The Times of India, at “dumarami ang naninigarilyo habang bumababa ang suweldo.” Sa pangkalahatan, bawat naninigarilyo ay “gumugugol ng mahigit na doble sa halaga ng pinagsama-samang gastos ng isang tao sa pananamit, pabahay, kalusugan at edukasyon.” Tinatayang 10.5 milyon katao na kulang sa nutrisyon sa mahirap na bansang ito ay maaari sanang magkaroon ng sapat na pagkain kung ang salaping ginastos sa tabako ay inilaan sa pagkain.

Matataas na Gusali​—Malaki Pa Rin ang Pangangailangan

“Natauhan at natakot ang mga arkitekto at inhinyero dahil sa pagbagsak ng twin towers,” ang sabi ng U.S.News and World Report. “Sa kabila ng pansamantalang labis na pag-iingat, ang pangangailangan para sa pagkatataas na gusali ay hindi maglalaho.” Ang isang dahilan ay sapagkat kakaunti at napakamahal ng lupa sa ilang lugar. Karagdagan pa, nais ng mga lunsod na makapagmalaki. Ang pagkatataas na gusali ay itinatayo “upang mailagay sa mapa ang isang lugar, maging makabago at mga dahilang katulad ng mga ito,” ang sabi ni William Mitchell, ang dekano ng paaralan sa arkitektura at pagpaplano sa Massachusetts Institute of Technology. Gayunman, pinagtatalunan ng mga arkitekto kung paano nila gagawing mas ligtas ang mga gusali. Ang mga gusali ay maaaring patibayin laban sa pagsalakay sa pamamagitan ng mga pader at bintana na hindi tinatablan ng pagsabog, ngunit ang mga ito ay nakapagpapabigat at napakamahal. Sa Tsina, ang mga kodigo sa pagtatayo ay humihiling na magkaroon ng bukás na “refuge floor” sa bawat 15 palapag. Hinihiling ng mga kodigo sa pagtatayo sa ibang lugar ang isang elebeytor, na umaabot hanggang sa itaas, na dinisenyo para lamang sa mga bombero gayundin ang mga hagdan na may presyon para mapalabas ang usok. Ngayon pa lang ay inilalakip na ng mga disenyador ng Shanghai World Financial Center, na maaaring maging pinakamataas na gusali sa daigdig, ang karagdagang mga pag-iingat sa kanilang disenyo.

Ingay sa Paligid at mga Sakit sa Pandinig

“Isa sa bawat limang batang nag-aaral na at isa sa bawat tatlong adultong Polako ang may suliranin sa pandinig,” ang sabi ng lingguhang diyaryo na Polityka sa Poland. Isinisiwalat ng mga surbey na kalakip sa lubhang nakapipinsala ang ingay ng mga tao at sasakyan at malakas na kagamitang audio, video, at kasangkapang pambahay. Isang ulat sa kalagayan ng kapaligiran ang nagsabi na ang pagdami ng tao at sasakyan sa Warsaw ay nagpataas na sa antas ng ingay sa isa sa pangunahing mga lansangan nito nang hanggang 100 decibel. Ang sigaw ng mga batang naglalaro ay umaabot sa gayunding antas. Ang mga kasangkapang pampalakas ng tunog sa mga disco ay maaaring umabot sa antas ng ingay na hanggang 120 decibel, na mas mababa lamang nang kaunti sa 130 hanggang 140 decibel, ang antas na masakit na sa tainga. Ang malalakas na ingay na ito, ang sabi ng mga espesyalista, ay tuwirang nagdudulot ng mga sakit sa pandinig. Si Propesor Henryk Skarżyński, isang otolaryngologist sa Institute of Physiology and Pathology of Hearing, ay nagsabi: “Ang mga sakit sa pandinig ay nagiging dahilan ng malulubhang sakit sa lipunan. Ang mga taong apektado ng mga ito ay mas madaling mairita, nahihirapang matuto, [at] mas nahihirapang mag-aral ng banyagang mga wika.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share