Mahihilig sa Mapanganib na Katuwaan—Bakit Sila Naaakit Bagaman Nakamamatay?
SA SINAUNANG arena ng Romano, sabik na sabik na ang tuwang-tuwang mga tao—50,000 katao. Tumitindi ang kanilang pananabik sa paglipas ng mga araw habang ibinabalita ng lumalaganap na anunsiyo na ang magaganap na mga palabas ay “kapana-panabik na hindi dapat palampasin.”
Bagaman ang mga palabas na madyik, pantomina, mga payaso, at komedya ay dinudumog pa rin sa lokal na mga teatro, kakaibang-kakaiba ang mga palabas sa arena. Dagling nalilimutan ang di-maginhawang matitigas na upuan at ang mga alalahanin dahil sa makapigil-hiningang mga palabas na mapapanood ng mga tao.
Pumapasok na ngayon ang mga mang-aawit na sinusundan ng pari na nakasutana. Pagkatapos ay karga naman ng mga tagapagdala ng insenso ang magkakasunod na imahen na lumalarawan sa mga diyos at diyosa, anupat itinataas ang mga ito upang makita ng lahat. Dahil dito, nagmimistulang may pagsang-ayon ng diyos ang mga palabas.
Pagpatay sa mga Hayop
Ngayon ang tampok na mga bahagi ng kapana-panabik na libangan ay magsisimula na. Una, ang mga avestruz at giraffe, na kakaunti pa lamang sa mga manonood ang nakakita na nito, ay pinakakawalan sa arena na walang matatakasan. Napakaraming bihasang mámamanà na may mga busog at pana ang pumapatay sa kaawa-awang mga hayop, hanggang sa kahuli-hulihang hayop, na labis namang ikinatutuwa ng mga manonood na mahihilig sa mapanganib na katuwaan.
Sumunod namang mapapanood ng naghihiyawang mga tao ang buhay at kamatayang sagupaan ng dalawang malalaking elepante na ang mga pangil ay nilagyan ng mahahaba at matutulis na bakal na pako. Masigabo ang palakpakan kapag bumagsak sa buhanginan na tigmak sa dugo ang napakalakas na hayop na halos naghihingalo na. Tinatakam lamang ng tagpong ito ang mga manonood para sa pinakatampok na palabas na ipakikita mga ilang minuto na lamang.
Ang Pinakatampok na Palabas
Tumitindig ang pulutong na mahilig sa mapanganib na katuwaan habang lumalabas sa arena ang mga gladyador, sa gitna ng napakarangyang palabas. Ang ilan ay nasasandatahan ng mga espada at kalasag at metal na mga helmet o mga punyal, at ang ilan naman ay hindi gaanong nasasandatahan at walang gaanong suot sa katawan. Manu-mano silang makipaglaban, malimit na may isa o pareho silang mamamatay habang nasisiyahan naman ang mga manonood. Ipinakikita ng rekord na sa isang palabas ay 5,000 hayop ang napatay sa loob ng 100 araw. Sa isa namang palabas 10,000 gladyador ang napaslang. Subalit humihiyaw pa ang mga tao dahil sa gusto pa nila.
Ang mga kriminal at mga bilanggo ng digmaan ang patuloy na pinagmumulan ng mga gladyador sa mga laro. Gayunman, sinabi ng isang pinagkunan ng impormasyon, “hindi sila dapat ipagkamali sa grupo ng bihasang mga gladyador na nakikipaglaban nang may mga sandata, na kumikita ng limpak-limpak na salapi, at hindi mga kriminal na nakatalagang maging mga gladyador habang-buhay.” Sa ilang lugar, nag-aaral ang mga gladyador sa pantanging mga eskuwela para maturuan ng manu-manong pakikipaglaban. Palibhasa’y lunod sa katuwaan, wiling-wili sila sa nakapangingilig na isport at nakamamatay na pang-akit nito. Ang matinding pagnanais na lumaban muli ang nangingibabaw na damdamin. “Ang isang lubos na matagumpay na gladyador lamang ang nakatatapos ng limampung laban sa kaniyang karera bago siya magretiro,” ang pagtatapos ng pinagkunan ng impormasyon.
Huwego-de-Toro
Sa panahon natin, ang daigdig ay pumasok na sa bagong milenyo. Subalit maliwanag na hindi gaanong humupa ang pagkahumaling ng maraming tao na nabighani sa peligrosong mga laro, lalo na yaong nakamamatay. Halimbawa, naging napakapopular na palabas ang huwego-de-toro sa Timog Amerika at Mexico sa loob ng maraming siglo. Laganap ito sa ngayon sa Latin Amerika, Portugal, at Espanya.
Iniulat na mayroong halos 200 arena sa Mexico at mahigit na 400 sa Espanya. Ang isang arena sa Mexico ay makapagpapaupo ng 50,000 katao. Marami sa mga arenang ito ay napupuno ng mga tao para makapanood kung paano sinusubok ng mga lalaki ang kanilang katapangan sa pagsagupa sa mga toro. Anumang karuwagan na ipakita ng torero ay kinaiinisan ng nangangantiyaw na pulutong.
Sa ngayon, ang mga babaing nakikipaglaban ay nagiging mga matador, anupat kumikita ng milyun-milyong dolyar dahil sa pagpatay sa mga toro. Isang babaing matador na kinapanayam sa telebisyon ang nagsabi na wala nang iba pang bagay na makapagbibigay ng kasiyahan sa kaniyang matinding pagnanais sa katuwaan na gaya ng naidudulot ng pagsagupa sa hayop sa isang arena, sa kabila na laging nakaumang ang panganib na masuwag sa kamatayan.
Pakikipaghabulan sa mga Toro
“Nasa apat na hilera ang mga tao sa restawran na Sixto sa Calle Estafeta sa Pamplona, at patuloy ang sobrang pagkakaingay,” ang sabi ng isang ulat. “Nag-uusap ang mga tao sa sari-saring wika—Basque, Castilian, Catalan at Ingles.” Maaga pa ay nagtitipon na ang mga tao para panoorin ang palabas. Ang mga toro na itinaan para makipaglaban ay itinatago sa mga kural na kalahating milya lamang ang layo sa arena.
Sa mga labanan sa umaga, ang mga pinto ng kural ay binubuksang mabuti, pinakakawalan ang anim na toro, at may isa pang nakareserba, na lalaban sa gabing iyon. Nakahilera sa lansangan ang mga gusali, at hinarangan ng mga barikada ang mga pasukán sa mga eskinita. Angkop na angkop ito para takbuhan ng mga toro patungo sa arena, na halos dalawang minuto lamang ang itatagal kung nasa ayos ang lahat.
Mga ilang taon na ang nakararaan, sinusuong ng mga kalalakihan ang panganib, anupat desididong subukin ang kanilang kakayahan sa pagdaig sa mga toro sa takbuhan. Ginagawa pa rin ito ng ilan taun-taon. Sa paglipas ng panahon, ito ay naging isang internasyonal na kompetisyon. Marami ang lubhang nasugatan ng mga toro, at ang iba naman ay sinuwag ng mga toro hanggang sa mamatay. “Kung inaakala mong madaraig mo sa takbuhan ang mga toro,” ang sabi ng isang mananakbo, “nagkakamali ka.” Sa loob ng 20 taon, ayon sa Red Cross sa Espanya, “sa katamtaman ay isa ang sugatang nasusuwag sa bawat araw.” Mga 20 hanggang 25 katao ang ginagamot din araw-araw dahil sa mga pinsala.
Bakit ganito na lamang ang pagkaakit nila bagaman nakamamatay ito? Ganito ang sagot ng isang mananakbo: “Sa mga sandaling kasama mo mismo ang mga toro, nakikipagsabayan sa kanila, naaamoy sila, naririnig mo ang mga yabag ng kanilang paa, at napagmamasdan ang pagtaas at pagbaba ng mga sungay nito na ilang pulgada lamang ang layo—iyan ang matinding katuwaan na nag-uudyok sa iyong tumakbo.” Ang mga mananakbo ay pinasisigla ng mga taong naghihiyawan sa tuwa. Mabibigo ba ang ilan kapag hindi nila nasaksihan ang isang nakamamatay na panunuwag o ang isang mananakbo na matinding inihahagis ng isang sumusugod na toro na 1,500 libra ang bigat? Magiging kaakit-akit din kaya para sa ilan ang pagdanak ng dugo na gaya ng pagkaakit ng mga tao noon sa mga arena sa Roma?
Nakikipaglaro sa Kamatayan
May mga tao na may masidhing pagnanais na makipaglaro sa kamatayan sa ibang paraan. May mga stuntman sa motorsiklo na nakikipagsapalaran sa kamatayan at malubhang pinsala sa pamamagitan ng pagtalon sa ibabaw ng 50 kotseng nakaparada na magkakatabi o sa maraming naglalakihang pampaseherong bus o sa isang malapad na bangin. Iniulat na isang stuntman ang nabalian ng 37 buto sa kaniyang katawan at nakoma sa loob ng 30 araw. Ang sabi niya: “Wala nang kuwenta sa akin ang baling buto o braso. . . . Labindalawang beses na akong inoperahan para ayusing muli ang dating nabaling mga buto sa akin. Iyon ay bubuksan ka at lalagyan ka ng plate o isang turnilyo. Sa palagay ko’y tatlumpu’t lima o apatnapung turnilyo na ang inilagay sa akin, para mapagdugtung-dugtong ang mga buto. Labas-masok ako sa ospital.” Minsan nang siya’y mapinsala sa isang pag-eensayo at hindi niya nagawang tumalon sa ibabaw ng maraming kotse, kinantiyawan siya ng mga tao para ipakita ang pagkainis nila.
Maraming mahihilig sa mapanganib na katuwaan ang sumasali sa di-pangkaraniwang mga isport, kasali na ang napakapanganib na mga stunt gaya ng pag-akyat sa gilid ng napakatataas na gusali sa lunsod nang walang kagamitang pangkaligtasan, pag-i-snowboard palusong sa dalisdis ng bundok na 6,000 metro ang taas, pagba-bungee jumping sa nagtataasang tore at mga tulay, pagtalon mula sa eroplano na nagpaparakaida habang nakatali sa likod ng isa pang tumatalon, o pag-akyat sa napakatatarik na talampas na nababalutan ng yelo na ang dala lamang ay isang pares ng maliliit na piko at palakol. “Inaasahan ko nang tatlo hanggang apat na kaibigan ko ang mamamatay sa loob ng isang taon,” ang hinagpis ng isang umaakyat sa mayelong talampas. Ilan lamang ito sa mga stunt na nakikipagsapalaran sa kamatayan na naging popular sa daigdig ng isport. “Iyon bang magmuntik-muntikan ka nang madisgrasya ang nakatutuwa sa di-pangkaraniwang mga isport,” ang sabi ng isang manunulat.
“Maging ang pinakadelikado sa lahat ng di-pangkaraniwan at mapanganib na mga isport ay nauuso nang husto,” ang sulat ng magasing U.S.News & World Report. “Ang sky surfing, kung saan ang ekspertong mga nagpaparakaida ay umiikut-ikot at tumitiwarik gaya ng ginagawa sa isang sirkus na nasa isang surfboard saka magpapatihulog sa taas na 4,000 metro, ay hindi pa uso noong 1990; ngayon ay naaakit na nito ang libu-libong nahihilig dito. At ang isang isport na kilala bilang BASE jumping (akronim para sa Buildings, Antennas, Spans, at Earth), na opisyal na itinatag noong 1980, ay nakabibighani na ngayon sa daan-daang tao, na nagpaparakaida—na kadalasan ay ilegal at sa gabi—mula sa permanenteng mga bagay gaya ng tore para sa radyo o mga tulay.” Napakarami nang tao ang namatay dahil sa isport na ito. “Hindi naman gaanong marami ang nasasaktan sa BASE jumping,” ang sabi ng isang bihasang tumatalon. “Alin sa mabuhay ka o mamatay.”
Libu-libo ang naaakit sa pag-akyat sa batuhan sa matatarik na gilid ng kabundukan na walang ibang pinagkakapitan kundi maliliit na hawakan sa daliri at suporta sa mga daliri sa paa. Maging ang mga komersiyal sa telebisyon at magasin na nag-aanunsiyo ng lahat ng bagay mula sa mga trak hanggang sa mga gamot sa sakit ng ulo ay nagpapakita ng mga umaakyat sa bundok na delikadong nakabitin sa matatarik na bangin na daan-daang talampakan ang taas, anupat nakatali lamang sa manipis na lubid. Iniulat na noong 1989, mga 50,000 katao sa Estados Unidos ang nangahas na sumali sa isport na ito; nito lamang nakalipas ay tinatayang kalahating milyon ang narahuyo sa nakamamatay na pang-akit nito. Dumarami pa ang naaakit sa buong daigdig.
Sa Estados Unidos, “dumarami ang ‘pangkaraniwang’ batang lalaki at babae na namamatay o nababalda dahil sa pagsali sa kakaiba, bago at mapanganib na mga laro,” ang ulat ng magasing Family Circle. Ang “car surfing”—pag-akyat sa bubong mula sa bintana ng humaharurot na kotse at pagtayo rito habang rumaragasa ang kotse—o pagtayo sa tuktok ng isang umaandar na elevator o sa ibabaw ng humahagibis na tren sa subway ay pumatay sa maraming kabataan.
Maging ang napakatayog na Bundok Everest ay hindi rin pinalampas na hindi naman ginagawa noon. Ang mga umaakyat na walang sapat na kasanayan ay magbabayad nang hanggang $65,000 para samahan paakyat sa tuktok at pababa. Sapol noong 1953, mahigit na 700 nagsiakyat ang nakarating sa taluktok ng bundok. Marami ang hindi na kailanman nakababa. Ang ilan sa mga bangkay ay naroroon pa rin. “Nakikipagkompetensiya ang mga umaakyat sa ngayon para makagawa ng rekord bilang siyang pinakabata, pinakamatanda, pinakamabilis sa pag-akyat sa Everest,” ang isinulat ng peryodista. “Di-tulad ng iba pang isport,” ang isinulat ng isa pa, “hinihiling sa mga sumasali sa pag-akyat sa bundok na handa silang mamatay.” Kailangan bang suungin ng isa ang kapahamakan para patunayan ang katapangan? “Ang katapangan ay hindi nangangahulugan ng paggawa ng hangal na mga bagay,” ang babala ng isang beteranong umaakyat sa bundok. Kabilang sa mga itinala niyang “hangal na mga bagay” ay ang “‘mapangahas na pamamasyal’ ng mga bagitong umaakyat sa taluktok ng Bundok Everest.”
At nagpapatuloy pa rin ang mga bagay na ito. Ang dami at uri ng mga gawaing nakikipagsapalaran sa kamatayan na nagiging pangkaraniwan sa buong mundo ay hindi malilimitahan gaya ng imahinasyon ng mga lumilikha ng bagong mga laro. Inihula ng isang sikologo na ang di-pangkaraniwang isport, kung saan pansamantalang nasa hukay ang isang paa ng isang sumasali, “ay magiging pangunahing panoorin at sasalihang isport sa ika-21 siglo.”
Bakit Nila Ginagawa Iyon?
Ikinakatuwiran ng maraming sumasali sa di-pangkaraniwang isport na ang kanilang paglahok sa napakapanganib na mga stunt ay pag-alpas lamang sa pagkabagot. Dahil sa naiinip sa rutin ng mga trabaho, umaalis ang ilan sa kanilang trabaho at nagtataguyod ng isang bagong karera sa daigdig ng di-pangkaraniwang isport. “Sinimulan kong gamitin na parang droga ang bungee jumping, para makalimutan ko ang aking mga problema at makapagpasimula sa buhay,” ang sabi ng isa. “Tatalon ako at saka ko sasabihin, ‘Problema? Anong problema?’” “Isa siyang beterano na tumalon na nang 456 na ulit, kasali na ang pagtalon sa El Capitan sa Yosemite, sa San Francisco Bay Bridge, at sa pinakamataas na cable car sa Pransiya,” ang iniulat ng isang magasin.
Ganito naman ang sabi ng isa pang mahilig sa mapanganib na isport: “Para bang huminto na ang agos ng panahon. Wala ka nang pakialam kung ano ang nangyayari sa mundo.” Ang isa pa ay nagsabi: “Hindi gagawin ng karamihan sa mga tao ang katuwaang ginagawa namin [na karamihan dito ay may malaking gantimpalang salapi] kahit na tutukan mo pa sila ng baril.” Ganito ang komento ng magasing Newsweek: “Lahat sila ay haling na haling na makaranas ng matindi subalit mapanganib na katuwaan.”
Masugid na nagsaliksik ang ilang sikologo tungkol sa pagkahilig sa mapanganib na katuwaan. Inuuri ng isang sikologo ang mga taong mahilig sa mapanganib na katuwaan na may T personality. ‘Ang T ay kumakatawan sa “thrills”—mahilig silang makipagsapalaran at maghanap ng katuwaan.’ Sinabi niya: “May mga taong nagnanais ng katatagan at katiwasayan sa buhay—sa mga alituntunin, sa mga tradisyon.” Ang Type T ay hindi nanghahawakan sa mga pamantayang ito. Gumagawa sila ng sarili nilang buhay.” Sinabi niya na natuklasan sa mga pag-aaral na ang type T na personalidad ay dalawang ulit na mas malamang na maaksidente sa haywey kaysa sa iba. “Ang mga aksidente ang pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga tin-edyer, madalas na dahil sa inilalagay nila sa panganib ang kanilang sarili para masapatan ang hilig sa katuwaan.”
Inaamin ng mga siyentipiko at mga sikologo na hindi likas para sa sinuman na sumali sa isport na labis na mapanganib at nakamamatay. Ang bagay na marami ang lubhang nanganib, napinsala na halos nabingit sa kamatayan, anupat magpapagaling lamang pala nang matagal sa mga ospital at rehabilitation center at pagkatapos ay magpapatuloy sa kanilang mapanganib na isport, ay nagpapahiwatig na may diperensiya sila sa isip. Subalit, malimit na matatalinong tao ang mga ito.
Hindi nakatitiyak ang mga eksperto kung ano ang umaakit sa mahihilig sa mapanganib na katuwaan para ipahamak ang kanilang buhay at katawan. Ang kasagutan, sabi nila, ay maaaring nasa utak. “Hindi mo pipigilan ang gayong mapanganib na pagkahilig sa katuwaan,” ang sabi nila, “subalit sisikapin mong hadlangan silang gawin ang nakamamatay na gawain. Hindi mo man sila mapigilan, nanaisin mong maiwasan nilang isapanganib ang buhay ng iba.”
Ang Kristiyanong Pangmalas
Itinuturing ng mga Kristiyano ang buhay bilang isang mahalagang regalo mula sa Diyos na Jehova. Kapag sadyang isinasapanganib ng isa ang kaniyang buhay sa pamamagitan ng walang-saysay na pakikipagsapalaran para lamang ipakita ang kaniyang mapangahas na katapangan—ang kaniyang pagiging macho—o para mapasaya ang mga tao o mabigyang-kasiyahan ang kaniyang pangangailangang maranasan ang silakbo ng matinding kaluguran, sa paano man, ipinakikita niya na hinahamak niya ang kamangha-manghang kaloob na buhay na ibinigay ng Diyos sa atin. Tiyak na si Jesus ay nagpakita ng masidhing paggalang sa kaniyang buhay at hindi niya ito isinapanganib nang walang dahilan. Hindi niya inilagay sa pagsubok ang Diyos.—Mateo 4:5-7.
Gayundin naman, ang mga Kristiyano ay may pananagutang magpakita ng paggalang sa buhay. “Minsan ay pumanhik ako sa matarik na batuhang dalisdis at hindi na ako makababa o makaabante pa,” ang isinulat ng isang Kristiyano. “Hanggang sa ngayon, kinikilabutan ako dahil sa muntik na akong mamatay. Napakalaking kahangalan nga kung nangyari iyon!”
‘Sa tinitirhan namin,’ sulat ng isang kabataang Kristiyano, ‘sumasali ang mga bata sa maraming mapanganib na isport na ito. Lagi nila akong niyayayang sumali sa kanila. Subalit, madalas kong mapanood sa mga balita ang napapaulat na mga taong namamatay o lubhang nasusugatan dahil sa gayunding inaakalang katuwaang isport na sinasabi sa akin ng mga kabataan. Nabatid ko na hindi isang katalinuhan para sa akin na isapanganib ko ang buhay na ibinigay sa akin ng Diyos na Jehova, para lamang sa panandaliang katuwaan.’ Nawa’y maging gayon din ang iyong pag-iisip at pagpapasiya.
[Picture Credit Line sa pahina 21]
© Reuters NewMedia Inc./CORBIS
[Picture Credit Line sa pahina 24]
Steve Vidler/SuperStock