Mula sa Aming mga Mambabasa
Lindol Nabasa ko ang seryeng itinampok sa pabalat na “Mga Kuwento ng mga Nakaligtas sa Lindol.” (Marso 22, 2002) Sinipi ninyo roon ang isang pinagkunan ng impormasyon na nagsasabing “ang mga lindol na may 7.0 magnitude at mas malakas pa ay nananatiling ‘hindi nagbabago sa pangkalahatan’ sa buong ika-20 siglo.” Subalit ipinakikita ng 1999 World Almanac ang lubhang pagdami ng lindol noong dekada ng 1990.
F. A., Italya
Sagot ng “Gumising!”: Dahil sa walang pinapanigan sa usaping ito, binanggit lamang ng aming artikulo kung ano ang sinabi ng ilang eksperto sa lindol hinggil sa pangkalahatang lakas ng mga lindol sa ika-20 siglo. Binanggit ito dahil sa kahit naniniwala ang isa na ang dami ng lindol ay nananatiling “hindi nagbabago sa pangkalahatan,” ang hula ni Jesus na nakaulat sa Mateo kabanata 24 ay natutupad sa ating kapanahunan. Sinabi lamang ni Jesus na mangyayari ang “malalakas na lindol.”—Lucas 21:11.
Pagkalaglag ng Sanggol Nang makita ko ang artikulong “Namatay ang Aking Ipinagdadalang-tao” (Marso 22, 2002), nangilid ang luha sa aking mga mata, yamang naalaala ko ang aming namatay na anak na aking ipinagdadalang-tao. Agad akong nagpasalamat kay Jehova sa panalangin dahil sa paglalaan ng ganitong napakahalagang impormasyon at sa kaaliwang dulot nito. Lagi tayong makasusumpong ng kaaliwan sa bagay na sa bagong sanlibutan ng Diyos, hindi na ito kailanman mangyayari sa kaninuman.
J. S., Estados Unidos
Isinilang ko ang isang patay na sanggol noong ika-30 linggo ng aking pagdadalang-tao. Iyon ang pinakamapait na karanasan sa buhay ko. Napakalaking tulong nga at kaaliwan ng artikulong ito, yamang tinatalakay nito ang isang paksa na malimit na itinuturing na hindi dapat pinag-uusapan, at nagbibigay rin ito ng praktikal na payo.
K. W., Alemanya
Namatayan din ako ng sanggol na aking ipinagdadalang-tao. Kumilos ako na parang walang nangyari. Subalit walang bagay na makaaliw sa aking puso, at araw-araw kapag ako’y nag-iisa, umiiyak na lamang ako. Malamang na hindi mawawala ang kirot na ito hangga’t naririto ang sistemang ito. Subalit talagang natulungan ako ng artikulong ito.
I. M., Hapon
Tamang-tama ang sinabi ninyo na sa simula pa lamang ay nabubuklod na ang ina at ang anak. Hindi malirip ang labis na kalumbayan. Paglipas ng 19 na taon, umiiyak pa rin ako dahil sa namatay naming anak na aking ipinagdadalang-tao.
C. C., Britanya
Lagi akong nahihirapang makipag-usap sa mga taong nakaranas nito. Nang mabalitaan ko na isang kapatid na babae sa aming kongregasyon ang namatayan ng sanggol na kaniyang ipinagdadalang-tao, muli kong binasa ang artikulo at sumulat ako sa kaniya at sa magiging mga lolo’t lola, na ipinahahayag ang aking lubos na pakikiramay.
D. R., Alemanya
Isang kasagutan sa aking mga panalangin ang artikulong ito. Salamat sa pagkilala ninyo sa pamimighati at trauma na dinaranas ng isa kapag nakunan. Habang binabasa ko ang artikulo, nadama ko na para bang si Jehova mismo ang nakayapos sa akin at inaaliw ako.
C. P., Estados Unidos
Namatayan ng anak ang aking ina na nasa pagitan namin ng aking nakababatang kapatid na babae. Tiyak na labis-labis ang pagdurusa niya. Pagkatapos na mabasa ang kahong “Kung Paano Makatutulong ang Pamilya at mga Kaibigan,” sumulat ako agad sa kaniya.
M. Y., Hapon
Ilan ang mga Kontinente? Sa pahina 25 ng labas ng Pebrero 8, 2002, sinabi ninyo na ang Australia ang “pinakamaliit sa limang kontinente sa daigdig.” Ang talagang alam ko ay pito ang mga kontinente.
L. U., Canada
Sagot ng “Gumising!”: Totoong pito ang mga kontinente—Asia, Aprika, Hilagang Amerika, Timog Amerika, Antarctica, Europa, at Australia. Subalit, sinasabi ng ilan na ito ay anim dahil sa itinuturing nila na iisang kontinente lamang ang Europa at Asia (Eurasia). Hindi itinuturing ng iba ang Antarctica bilang isang kontinente.