Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 11/22 p. 9-10
  • Karunungan sa Buhay sa Isang Masalimuot na Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Karunungan sa Buhay sa Isang Masalimuot na Daigdig
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Karunungan Mula sa Pakikinig sa Diyos
  • Bakit Ito Kontrobersiyal?
    Gumising!—2002
  • Kababalaghan sa Medisina, Suliranin sa Etika
    Gumising!—2002
  • Kailan Nagsisimula ang Buhay ng Tao?
    Gumising!—1990
  • Ang mga Pagpipilian, ang mga Isyu
    Gumising!—2004
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 11/22 p. 9-10

Karunungan sa Buhay sa Isang Masalimuot na Daigdig

“Ang taong kinalulugdan ng Diyos ay pinagkalooban niya ng karunungan, kaalaman at kaligayahan.”​—ECLESIASTES 2:26, ANG BIBLIYA​—​BAGONG SALIN SA PILIPINO.

HINDI madaling gumawa ng matalino at makatuwirang pasiya hinggil sa etika sa isang daigdig na patuloy na nagiging masalimuot ang paraan ng paggamot at teknolohiya. Isaalang-alang ang ilan sa pinakabagong mga pagsulong na lumikha ng kontrobersiya. Maaari na ngayong ipalaglag ng mga babae ang sanggol na kanilang ipinagdadalang-tao nang wala sa panahon sa pamamagitan ng pag-inom ng tinatawag na “morning-after pill.” Natuklasan na ng mga siyentipiko ang mga diperensiya sa gene, anupat nagawa nilang baguhin ang henetikong kayarian ng mga halaman at hayop. Nag-uunahan ang mga laboratoryo sa pagkuha ng mga binhi ng tao dahil sa napakahalagang mga stem cell, na inaasahan ng maraming tao na pagmumulan ng pinakabagong paraan ng paggamot.

Ipinangangamba at ikinatatakot ng maraming tao ang gayong mga pagtatangkang baguhin ang kalikasan, lalo na ang bagay na ito ay nakalilito sa moral at etika. Ipinaaalaala ng mga kahihinatnang ito ang mga salita sa Bibliya: “Ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Oo, kung paanong kailangan ng mga anak ang patnubay ng mga magulang, kailangan ng lahat ng tao ang tulong ng ating makalangit na Ama upang makalakad nang may katalinuhan.​—Kawikaan 1:33.

Karunungan Mula sa Pakikinig sa Diyos

Nakikinig tayo sa Diyos sa pamamagitan ng pagbabasa at pagkakapit ng kaniyang nasusulat na Salita. Ang totoo, hindi naman espesipikong tinatalakay ng Bibliya ang lahat ng masasalimuot na usapin sa medisina at siyensiya na napapaharap sa atin ngayon. Subalit ang mga simulain nito, na namamalagi magpakailanman, ay makatutulong sa atin para makagawa ng makatuwirang mga konklusyon.​—1 Pedro 1:25.

Halimbawa, isaalang-alang ang pagtatalo hinggil sa mga human embryonic stem cell. Gaya ng naunawaan natin, kinukuha ang mga ito kapalit ng isang buháy na binhi ng tao. May kinalaman sa usapin sa etika na nalilikha nito, sinabi ni Francis Collins, patnugot ng National Human Genome Research Institute sa Estados Unidos: “Ito ay isang karaniwang halimbawa ng pagkakasalungatan ng dalawang napakahalagang prinsipyo. Ang isa ay tungkol sa kabanalan ng buhay ng tao at ang isa naman ay ang ating taimtim na pananagutan bilang mga tao na ibsan ang paghihirap at gamutin ang kalunus-lunos na mga sakit . . . Nadarama ng maraming tao, na sa palagay ko’y makatuwiran naman, na nilalabag ng uri ng pananaliksik na ito ang kabanalan ng buhay ng tao, sa pamamagitan ng pagbago sa mga selula na kinuha sa binhi ng tao.”

Tinutulungan tayo ng Bibliya hinggil sa masalimuot na usaping ito sa pamamagitan ng pagsisiwalat sa pangmalas ng Diyos hinggil sa di-pa-naisisilang na sanggol. Sa sinaunang Israel, kapag nasaktan ng isang tao ang babaing nagdadalang-tao at alinman sa siya o ang kaniyang ipinagdadalang-tao ay namatay bunga nito, itinuturing ng Diyos na mamamatay-tao ang taong may pananagutan dito. Kailangang magbayad ng “kaluluwa para sa kaluluwa” ang taong iyon.a (Exodo 21:22, 23) Kaya mahihinuha natin na ang lahat ng buhay ng tao ay banal para sa Maylalang, kasali na ang buhay ng di-pa-naisisilang na sanggol. Sa katunayan, nagsisimulang magmalasakit ang Diyos sa atin samantalang tayo ay nasa sinapupunan pa lamang, gaya ng isinisiwalat ng salmista: “Nakita ng iyong mga mata maging ang aking pagkabinhi, at sa iyong aklat ay nakatala ang lahat ng bahagi nito.”​—Awit 139:16.

Sa kabila ng malalaking pagsulong na nagawa ng mga tao, tinutulungan tayo ng Bibliya na magkaroon ng timbang at makatotohanang saloobin sa mga tao at sa kanilang mga tagumpay. Sinasabi nito: “Huwag mong ilagak ang pagtitiwala sa mga pangulo, sa kaninumang tao, na walang kakayahang magligtas. Ang hininga niya ay pumapanaw, siya’y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; at sa araw ring yaon ay mawawala ang kaniyang pag-iisip.” (Awit 146:3, 4, New English Bible) Para sa ilan, ang pananalitang ito ay pesimistiko. Subalit talaga nga bang gayon? Hindi kaya tuwirang pananalita lamang iyan tungkol sa totoong bagay? Gayon nga talaga, sapagkat hindi mapipigilan kahit mismo ng pinakamahusay na tao ang kaniyang pagtanda, pagkakasakit, at sa dakong huli ang pagkamatay​—lalo pa ang pigilang maranasan ng iba ang mga ito.

Gayunman, ang Maylalang ay walang limitasyon na tulad natin. Isa pa, taglay niya kapuwa ang “kakayahang magligtas” at ang pagnanais na gawin iyon. Sinabi ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Upang mabigyan tayo ng saligan para ‘manampalataya,’ pinagaling ni Jesus ang lahat ng maysakit at may kapansanan na lumapit sa kaniya nang siya’y nasa lupa. Aba, bumuhay pa nga siya ng patay!​—Lucas 7:21, 22.

Patiunang ipinakita ng mga ginawa ni Jesus ang malawakang pagpapagaling ng Diyos, na magsisimula kapag ang kaniyang Kaharian na ang lubusang susupil sa lupa. Ito ang hinihiling ng mga tao kapag kanilang ipinapanalangin ang karaniwang tinatawag na Panalangin ng Panginoon. Ang totoo, sa pamamagitan lamang ng Kaharian ng Diyos​—ang makalangit na gobyerno ng Diyos sa mga kamay ni Jesu-Kristo​—magaganap ang kalooban ng Diyos dito sa lupa.​—Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10.

Nalilipos ka ba ng pag-asa dahil sa mga pangakong ito ng Bibliya? At ibig mo bang gawin ang iyong buong makakaya upang mapalugdan ang Diyos ngayon sa pamamagitan ng pag-alam sa kaniyang pangmalas hinggil sa maraming mahihirap na usapin na napapaharap sa atin? Kung gayon nga, hinihimok ka namin na pakinggan at sundin ang Salita ng Diyos. Talagang iyon ay karunungan sa buhay​—oo, para sa walang-hanggang buhay.​—Juan 17:3; 2 Timoteo 3:16.

[Talababa]

a Ikinakatuwiran pa nga ng ilan na tumutukoy lamang ang batas na ito sa karahasang ginawa sa ina. Subalit iba naman ang ipinakikita ng orihinal na tekstong Hebreo. Sinasabi ng iginagalang na mga iskolar sa Bibliya na sina C. F. Keil at F. Delitzsch na ang pananalita sa tekstong Hebreo ay “maliwanag na imposibleng tumukoy sa mga salitang bumabanggit sa pinsalang ginawa lamang sa babae.”​—Tingnan ang The Watchtower, Agosto 1, 1977, pahina 478.

[Mga larawan sa pahina 10]

Nagbibigay ng patnubay ang Bibliya sa ngayon at isang tiyak na pag-asa para sa sakdal na kalusugan sa hinaharap

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share