Ang Pangmalas ng Bibliya
Kailan Nagsisimula ang Buhay ng Tao?
ANG Setyembre 21, 1989, ay isang pambihirang araw para sa Fifth Judicial District ng Estado ng Tennessee, E.U.A. Noong araw na iyon ibinigay ng kuhumang pansirkito ang isang opinyon tungkol sa pagtatalo sa kung sino ang mangangalaga sa pitong pinagyelong mga binhi (embryo) ng tao. Ang hukuman ay kailangang magpasiya kung sino sa nagdiborsiyong mga magulang ang may karapatan sa pangangalaga. Gayunman, dapat munang lutasin ang isa pang usapin: Ang mga binhi ba ay dapat ituring na pag-aari o mga tao?
Si Propesor Jerome Lejeune ng Paris, bantog sa daigdig na dalubhasa sa genetiks, ay tumestigo sa harap ng hukuman na ang bawat tao ay may natatanging pasimula, na nangyayari sa sandali ng paglilihi at na “kapagdakang siya’y maipaglihi, ang isang tao ay tao.” Sa ibang salita, pasimula sa tatlong-selulang yugto (zygote), ang mga binhi ay, gaya ng sabi niya sa hukuman, “mumunting mga tao”!—Amin ang italiko.
Nang tanungin kung siya’y tumitestigo na ang zygote ay dapat tratuhin na may katulad na mga karapatan na gaya ng isang adulto, si Dr. Lejeune ay sumagot: “Hindi ko sasagutin iyan sapagkat wala ako sa katayuan na alamin iyan. Ang sinasabi ko sa inyo, siya ay isang tao, at pagkatapos isang Hukom ang makapagsasabi kung baga ang taong ito ay may katulad na mga karapatan na gaya ng iba. . . . Ngunit bilang isang dalubhasa sa genetiks tinatanong ninyo ako kung ang taong ito ay isang tao, at sasabihin ko sa inyo na sapagkat siya’y tao at sa pagiging tao, siya ay isang tao.”
Pangunahin nang dahil sa di-matututulang patotoo ni Dr. Lejeune, ang tatlo sa kapansin-pansing konklusyon ng hukuman ay:
◻ “Mula sa pertilisasyon, ang mga selula ng isang binhi ng tao ay magkakaiba, pambihira at natatangi sa sukdulang antas ng pagkakaiba.”
◻ “Ang mga binhi ng tao ay hindi pag-aari.”
◻ “Ang buhay ng tao ay nagsisimula sa paglilihi.”
Sumasang-ayon ba ito sa kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pasimula ng buhay ng tao?
Ang Buhay ay Nagsisimula sa Paglilihi
Ang Diyos na Jehova “ang bukal ng buhay” at “sa pamamagitan niya tayo’y nabubuhay at kumikilos at umiiral.” (Awit 36:9; Gawa 17:28) Kailan sabi ng Maylikha nagsisimula ang buhay? Minamalas niya ang buhay ng isang bata na mahalaga kahit na sa napakaagang yugto kasunod ng paglilihi. Mahigit na 3,000 taon bago ang nabanggit na pasiya ng hukuman, kinasihan niya si David, ang kaniyang propeta, na sumulat:
“Iyo akong tinakpan sa bahay-bata ng aking ina. Pupurihin kita sapagkat kagila-gilalas ang pagkagawa sa akin sa kakila-kilabot na paraan. Kamangha-mangha ang iyong mga gawa, gaya ng nalalamang mabuti ng aking kaluluwa. Ang mga buto ko ay hindi nakubli sa iyo nang ako’y gawin sa lihim [sa loob ng bahay-bata], nang ako’y habiin [patungkol sa mga ugat at arterya, na ibinuburda sa katawan na tulad ng may kulay na mga hibla ng sinulid] sa mga pinakamababang bahagi ng lupa [makatang paglalarawan ng kadiliman sa loob ng bahay-bata]. Nakita ng iyong mga mata pati nang ako’y binhing sumisibol pa lamang, at sa iyong aklat ay pawang napasulat ang lahat ng bahagi.”—Awit 139:13-16.
Mula sa sandali ng paglilihi, ang lumalaking buhay ay sumusunod sa isang eksaktong padron na para bang sumusunod sa mga tagubilin na nakalagay sa isang aklat, isang napakalaking aklat. “Ang dami ng impormasyon na nasa loob ng zygote,” sabi ni Dr. Lejeune, “kung iisa-isahin at ilalagay sa isang computer ay magsasabi sa computer kung paano tatantiyahin ang susunod na mangyayari, ang daming ito ng impormasyon ay gayon na lamang kalaki anupa’t walang makasusukat nito.”
Ang Buhay ng Hindi Pa Isinisilang ay Mahalaga
Kaya, ang di pa isinisilang na sanggol na lumalaki sa loob ng bahay-bata ay higit pa sa isang kimpal lamang ng mga himaymay. Napakahalaga nito, at sa kadahilanang ito, sinabi ng Diyos na ang isang tao’y papananagutin sa pinsala sa isang di pa isinisilang na sanggol. Ang kaniyang batas sa Exodo 21:22, 23 ay nagbababala: “At kung may mag-away at makasakit ng isang babaing buntis na anupa’t makunan at gayunma’y walang aksidenteng nakamamatay na sumunod, ay tunay na pagbabayarin siya ayon sa iatang sa kaniya ng asawa ng babae; at siya’y magbabayad ng ayon sa ipasiya ng mga hukom. Datapuwat kung may anumang aksidenteng nakamamatay na sumunod, magbabayad ka nga ng buhay kung buhay.”
Isinasalin ng ilang Bibliya ang mga talatang nabanggit sa paraan na ang pansin ay itinutuon sa kung ano ang mangyari sa babae. Gayunman, ang orihinal na tekstong Hebreo ay itinutuon ang pansin sa isang aksidenteng nakamamatay alin sa ina o sa bata.a Kaya nga, ang sinadyang paglalaglag upang maiwasan lamang ang pagsilang ng isang inaayawang sanggol ay sadyang pagpatay.
Maaaring ikatuwiran ng ilan na ang isang binhi ng tao ay hindi isang buhay ng tao sapagkat hindi ito maaaring bumuhay sa sarili sa labas ng bahay-bata. Ito’y isang hungkag na pangangatuwiran. Walang nag-aalinlangan na ang isang bagong silang na sanggol—mga ilang minuto lamang pagkasilang—ay isang tao. Gayunman, kung ang batang iyon ay hubo’t hubad na ilalagay sa labas sa parang, gaano katagal kaya mabubuhay ang bata? Ito’y lubos na walang kaya at, gaya ng binhi o ipinagbubuntis na sanggol, ay walang kakayahang buhayin ang sarili. Ang bagong silang na sanggol ay nangangailangan ng tirahan, init, at pagkain—ang sustento, tulong, at saklolo na maibibigay lamang ng isang adulto, gaya ng isang ina.
Samakatuwid, ang nabanggit na pasiya ng hukuman ay sumasang-ayon sa pangmalas ng Bibliya na ang buhay ng tao ay nagsisimula sa paglilihi. Ang buhay ng di pa isinisilang ay hindi maliit na bagay na basta sadyang inaalis na para bang isang bagay na nakasasagabal. Ang buhay ng tao ay sagrado hindi lamang paglabas nito sa bahay-bata kundi samantalang ito ay nasa loob ng bahay-bata.
[Talababa]
a Ang pangngalang “aksidenteng nakamamatay” (Hebreo, ’a·sohnʹ) ay walang espisipikong kaugnayan sa “isang babaing nagdadalang-tao”; kaya, ang mortal na aksidente ay hindi natatakdaan sa babae kundi wasto ring kasama ang “kaniyang mga anak” sa bahay-bata.
[Picture Credit Line sa pahina 26]
Windsor Castle, Royal Library. © 1970 Her Majesty The Queen