Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 6/09 p. 5-7
  • Kailan Nagsisimula ang Buhay ng Tao?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kailan Nagsisimula ang Buhay ng Tao?
  • Gumising!—2009
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paglilihi​—Isang Himala
  • Isang Tao sa Loob ng Bahay-Bata?
  • Kailan Nagsisimula ang Buhay ng Tao?
    Gumising!—1990
  • Dinisenyo Upang Mabuhay Magpakailanman
    Gumising!—1995
  • Bahay-bata
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
Iba Pa
Gumising!—2009
g 6/09 p. 5-7

Kailan Nagsisimula ang Buhay ng Tao?

“ANG nanay ko ay 17 anyos at 7 1⁄2 buwang buntis nang magpasiya siyang sumailalim sa saline abortion,” ang paliwanag ni Gianna.a Sinabi pa niya: “Ako ang ipinalaglag niya. Pero nabuhay ako.”

Ito ang testimonyo ng 19-anyos na si Gianna noong 1996 sa harap ng isang komite ng gobyerno ng Estados Unidos na dumirinig sa kaso ng aborsiyon. Noong pito at kalahating buwan si Gianna sa bahay-bata ng kaniyang ina, buo na ang mga bahagi ng kaniyang katawan. Malamang na sasang-ayon kang isa na siyang tao, dahil patuloy siyang nabuhay sa labas ng bahay-bata.

Pero kumusta noong limang linggo pa lang si Gianna sa bahay-bata, na isang sentimetro pa lang ang laki? Totoo, hindi pa nabubuo nang husto ang mga bahagi ng kaniyang katawan, pero ang pundasyon ng kaniyang nervous system, pati na ang kaniyang utak, ay naroon na. Mayroon na siyang puso na tumitibok nang 80 beses sa loob ng isang minuto at nagbobomba ng dugo sa kaniyang mga ugat. Yamang isa nang tao si Gianna noong pito at kalahating buwan siya sa bahay-bata, hindi ba’t makatuwirang isipin na tao na rin siya noong limang linggo siya sa bahay-bata​—bagaman hindi pa nadedebelop nang husto?

Paglilihi​—Isang Himala

Nagsisimulang mabuo ang lahat ng bahagi ng embryo sa panahon ng paglilihi, kapag ang ovum, o selulang itlog, ng babae ay naging pertilisado dahil sa semilya ng lalaki. Sa tulong ng makabagong teknolohiya, nakikita ng mga siyentipiko ang kamangha-manghang mga pagbabagong nangyayari sa nukleo ng isang-selulang pertilisadong itlog na ito. Ang mga molekulang bumubuo sa DNA (deoxyribonucleic acid) ng ama at ina ay nagsasama para makabuo ng isang bagong buháy na nilalang.

Sinisimulan ng isang-selulang itlog na ito ang makahimalang proseso ng pagbuo ng isang tao. Ang takbo ng proyektong ito ng “pagbuo” ay idinidikta ng ating mga genes, na mga bahagi ng DNA. Ang mga ito ang kumokontrol sa halos lahat ng katangian natin. Ito ang nagdidikta kung ano ang ating magiging taas, hitsura, kulay ng mata at buhok, at ng libu-libong iba pang katangian.

Pagkatapos, habang nahahati-hati ang orihinal na selulang ito, ang kumpletong genetic “blueprint” ay nakokopya sa bawat bagong selula. At kataka-takang ang bawat isa sa mga ito ay nakaprograma na maging anumang uri ng selulang kinakailangan. Kasali rito ang tissue ng puso, mga selula ng utak, buto, balat, at maging ang tissue ng ating mga mata. Kaya maiintindihan natin kung bakit madalas tukuying “isang himala” ang panimulang programang nakapaloob sa orihinal na selula para makabuo ng isang walang-katulad na bagong indibiduwal.

“Sa isang selula pa lamang, buo na ang programa para sa paglaki at pagdebelop ng isang tao sa buong buhay niya,” ang ulat ni Dr. David Fu-Chi Mark, isang kilalang molecular biologist. Ganito ang konklusyon niya: “Walang kaduda-dudang ang bawat tao ay walang katulad mula pa sa simula ng kaniyang buhay​—mula pa sa panahon ng pertilisasyon.”

Isang Tao sa Loob ng Bahay-Bata?

Mula sa panahong ipaglihi sa loob ng bahay-bata, ang sanggol ay hindi lamang isang bahagi ng tissue ng ina, kundi ibang indibiduwal o tao. Itinuturing ito ng katawan ng ina na hindi bahagi ng kaniyang katawan. Kung hindi dahil sa espesyal na proteksiyon sa bahay-bata ng ina, agad itong ilalabas ng katawan. Ang bagong indibiduwal na ito​—na nakabukod sa ina sa pamamagitan ng pananggalang na panubigan​—ay isang tao na may sariling DNA.

Ikinakatuwiran ng ilan na kusang inilalaglag ng katawan ng babae ang maraming pertilisadong itlog dahil sa mga abnormalidad, kaya bakit hindi puwedeng ilaglag ng doktor ang nasa bahay-bata? Malaki ang pagkakaiba ng likas na pagkamatay at ng sadyang pagpatay. Sa isang bansa sa Timog Amerika, 71 sa bawat 1,000 bata ang namamatay bago pa man sila umabot ng isang taon. Pero dahil ba sa marami ang maagang namamatay, maaari nang pumatay ng bata na wala pang isang taóng gulang? Siyempre hindi!

Kapansin-pansin, inilalarawan ng Bibliya na isa nang buhay ang nasa loob ng bahay-bata. Ganito ang isinulat ng salmistang si David tungkol sa Diyos: “Nakita ng iyong mga mata maging ang aking pagkabinhi [embryo], at sa iyong aklat ay nakatala ang lahat ng bahagi nito.” (Awit 139:16) Hindi basta sinabi ni David na “isang pagkabinhi” kundi “ang AKING pagkabinhi,” kaya isinisiwalat ng sinabi niya na talagang nagsimula ang kaniyang buhay noong ipinaglilihi pa lamang siya, kahit hindi pa siya naisisilang. Sa ilalim ng patnubay ng Diyos, isiniwalat din ni David na sa panahon ng paglilihi, ang pagdebelop ng mga bahagi ng kaniyang katawan ay ayon sa isang plano, o detalyadong ‘nakatalang’ mga instruksiyon, na nagdidikta ng kaniyang magiging mga katangian.

Pansinin din na hindi sinasabi ng Bibliya na ang isang babae ay naglilihi ng isang piraso ng tissue. Sa halip, sinasabi nito: “Isang matipunong lalaki ang ipinaglihi!” (Job 3:3) Ipinakikita din nito na ayon sa Bibliya, ang isang sanggol ay isa nang tao mula pa sa paglilihi. Oo, sa panahon ng paglilihi nagsisimula ang buhay ng tao.

[Talababa]

a Sa saline abortion, may itinuturok na nakalalasong salt solution sa bahay-bata ng ina, na nalulunok ng sanggol, at kadalasan na, namamatay ang sanggol sa loob ng dalawang oras. Pagkalipas ng mga 24 na oras, hihilab ang tiyan ng ina at magsisilang ng patay o​—sa ilang kaso​—naghihingalong sanggol.

[Mga larawan sa pahina 6, 7]

Ang isang limang-linggong “embryo” ay hindi lang isang piraso ng “tissue”​—taglay na nito ang pundasyon ng lahat ng bahagi ng katawan ng isang tao

(aktuwal na laki)

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share