Mula sa Nakamamatay na Misyon Tungo sa Pagtataguyod ng Kapayapaan
AYON SA SALAYSAY NI TOSHIAKI NIWA
Isang dating pilotong Hapones na sinanay sa “kamikaze” na pagsalakay sa barkong-pandigma ng Amerikano noong Digmaang Pandaigdig II ang nagkuwento ng kaniyang nadama habang naghihintay sa nakamamatay na misyon.
DAHIL sa masaklap na pagkatalo sa Digmaan ng Midway noong Hunyo 1942, nahinto ang pananakop ng Hapon sa Pasipiko. Mula noon, nagkasunud-sunod na ang pagkatalo ng Hapon sa pakikidigma sa Estados Unidos at sa mga kaalyado nito anupat nabawi nilang muli ang mga teritoryong nasakop ng Hapon.
Noong Setyembre 1943 ipinatalastas ng pamahalaang Hapones na sapilitan nang tatawagin ang mga estudyante sa unibersidad na nabigyan noon ng eksemsiyon sa paglilingkurang militar. Noong Disyembre, sa edad na 20, umanib ako sa hukbong-dagat mula sa kampus ng unibersidad. Pagkalipas ng isang buwan, ako’y naging isang estudyante sa abyasyon ng hukbong-dagat. Noong Disyembre 1944, sinanay akong magpalipad ng isang uri ng eroplanong pandigma na tinatawag na Zero.
Kamikaze Special Attack Corps
Unti-unti nang natatalo ang Hapon. Pagsapit ng Pebrero 1945, lalong tumindi ang pambobomba sa Hapon ng mga B-29 bomber. Kasabay nito, pinagtuunan naman ng mga naval task force ng Estados Unidos ang pangunahing bahagi ng Hapon, anupat ginawa itong target ng mga carrier-based bomber.
Ilang buwan bago nito, nagpasiya ang mga pinunong militar ng Hapon na magsagawa ng huling pakikidigma gamit ang mga taktika ng pagpapatiwakal. Bagaman nakikita na noon na matatalo ang Hapon sa digmaan, pinahaba ng pasiyang iyon ang digmaan at walang-pagsalang libu-libo pa ang mamamatay.
Diyan nagsimula ang Kamikaze Special Attack Force. Ipinangalan ito sa banal na hanging “kamikaze,” isang bagyo na ayon sa tradisyon ay siyang nagtaboy sa mga barko ng mga mananalakay na taga-Mongolia noong ika-13 siglo. Sa unang pagsalakay ng kamikaze, limang eroplanong pandigma na Zero ang kinabitan ng 250 kilong bomba para ibulusok sa target na barko bilang pagpapatiwakal.
Isang utos na mag-organisa ng isang pantanging iskuwadron na nakatalagang magpatiwakal ang ibinigay sa Yatabe Naval Flying Corps, na kinabibilangan ko. Kaming lahat ay tumanggap ng isang pormularyo upang sagutan kung magboboluntaryo kaming maging miyembro ng suicide attack corps.
Nadama ko na kailangan kong isakripisyo ang aking buhay alang-alang sa aking bansa. Pero kahit na ihandog ko ang aking buhay sa pamamagitan ng paglipad sa isang misyon ng pagpapatiwakal, posibleng mapabagsak muna ako bago ko tamaan ang target, anupat ikamatay ko ito nang walang kabuluhan. Matutuwa kaya ang aking ina kung wawakasan ko ang aking buhay nang hindi natutupad ang aking mga tungkulin sa aming pamilya? Hindi ko makumbinsi ang aking sarili na ang pagboboluntaryo para sa isang misyon ng pagpapatiwakal ang pinakamainam na paraan upang gamitin ang aking buhay. Pero, nagboluntaryo pa rin ako.
Noong Marso 1945, binuo ang unang grupo ng Yatabe Special Attack Corps. Bagaman 29 sa aking mga kasamahan ang napili, ako ay hindi. Pagkatapos tumanggap ng pantanging pagsasanay, sila ay nakaiskedyul nang lumipad sa Abril para sa nakamamatay na misyon mula sa baseng panghimpapawid ng Kanoya sa Kagoshima prefecture. Bago sila dalhin sa Kanoya, dinalaw ko ang aking mga kaibigan, para alamin ang kanilang nadarama ngayong haharapin na nila ang misyon ng pagpapatiwakal.
“Mamamatay kami,” ang mahinahong sinabi ng isa sa kanila, “pero huwag kang mag-aapura sa pagpapakamatay. Kapag may nakaligtas sa atin, masasabi niya sa iba kung gaano kahalaga ang kapayapaan at magsikap na tamuhin ito.”
Noong Abril 14, 1945, lumipad na ang aking mga kasamahan. Makalipas ang ilang oras, kaming lahat ay nakinig sa radyo upang alamin ang naging resulta. Sinabi ng tagapagbalita: “Bumulusok na ang Unang Showa Yunit ng Kamikaze Special Attack Force sa pangkat ng mga kaaway sa karagatan, sa silangan ng Kikai Shima. Namatay silang lahat sa digmaan.”
Ohka—Isang Taong Bomba
Makalipas ang dalawang buwan, inilipat ako sa Konoike Naval Flying Corps bilang miyembro ng Jinrai Special Attack Squadron nito. Ang Jinrai ay nangangahulugang “ang banal na kulog.” Ang iskuwadron ay binubuo ng mga eroplanong nakabase sa lupa (tinatawag na mga Attacker), na kaagapay ng mga eroplanong pandigma, at mga eroplanong dala ng carrier na nagbabagsak ng bomba.
Sa bawat “pinakaináng” eroplano—samakatuwid nga, ang dalawahang-makinang Attacker—nakabitin ang Ohka, na ang ibig sabihin ay “cherry blossom.” Isinasagisag nito ang mga kabataang piloto na handang magsakripisyo ng kanilang buhay. Ang Ohka ay isang pang-isahang glayder na may pakpak na limang metro ang haba, na tumitimbang nang 440 kilo. Nakakabit sa pinakanguso nito ang halos isang-toneladang bomba.
Habang papalapit ang pinakaináng eroplano sa target nito, sumasakay ang piloto sa Ohka, at saka tinatanggal ito mula sa pinakaináng eroplano. Matapos itong sumalimbay sa tulong ng tatlong raket, na tumatagal nang sampung segundo bawat isa, bumubulusok ito sa target. Angkop lamang na tawagin itong isang taong bomba. Minsang ito’y nailunsad na, wala nang balikan pa!
Sa panahon ng pagsasanay, ang piloto ng Ohka ay sumasakay sa isang eroplanong pandigma na Zero at bumubulusok sa target nito mula sa taas na mga 6,000 metro. Nakita ko ang pagkamatay ng ilang piloto sa mga pagsasanay na ito.
Bago ako napasama sa iskuwadron, nakalipad na ang unang grupo. Binubuo ito ng 18 Attacker na may mga Ohka, kaagapay ang 19 na eroplanong pandigma. Ang mga Attacker ay mabibigat at mababagal. Wala sa mga ito ang nakarating sa kanilang mga target. Ang lahat ng Attacker at mga kaagapay nito ay pinabagsak ng mga eroplanong pandigma ng Estados Unidos.
Palibhasa’y wala nang natirang kaagapay na mga eroplanong pandigma, nang maglaon ay kinailangang lumipad ang Jinrai Squadron sa kanilang mga misyon nang wala ang mga ito. Ang sumunod na mga lumipad ay hindi na kailanman nakabalik. Namatay silang lahat, anupat naglaho sa pook ng labanan sa Okinawa.
Mga Huling Araw ng Digmaan
Noong Agosto 1945, inilipat ako sa Otsu Naval Flying Corps. Ang base na pinagdalhan sa akin ay nasa paanan ng Hiei-zan malapit sa lunsod ng Kyoto. Yamang inaasahan ang pagdating ng mga hukbo ng Estados Unidos sa kontinente ng Hapon, isinaplano na ilunsad ang mga Ohka mula sa bundok upang salakayin ang mga barkong-pandigma ng Estados Unidos bilang pagpapatiwakal. Naglagay ng mga riles sa taluktok ng bundok para sa pagpapalipad ng eroplano.
Hinintay namin ang utos na lumipad na. Pero hindi na dumating ang utos na iyon. Matapos wasakin ng mga bomba atomika ang Hiroshima at Nagasaki noong Agosto 6 at 9, lubusan nang sumuko ang Hapon sa Estados Unidos at sa mga kaalyado nito noong Agosto 15. Natapos na rin sa wakas ang digmaan. Muntik na akong mamatay.
Sa pagtatapos ng Agosto, nagbalik ako sa sarili kong bayan sa Yokohama, subalit naging abo na ang aming bahay dahil sa pambobomba ng mga B-29 bomber. Lubusan nang nawalan ng pag-asa ang aming pamilya. Nilamon ng apoy ang aking kapatid na babae at pamangking lalaki. Gayunman, nagpasalamat kami dahil ligtas na nakauwi ang aking nakababatang kapatid na lalaki.
Sa gitna ng kagibaan at malubhang kakulangan sa pagkain, bumalik ako sa unibersidad para tapusin ang aking pag-aaral. Pagkalipas ng isang taóng pag-aaral, nagtapos ako at nakakuha ng trabaho. Noong 1953, pinakasalan ko si Michiko at nang maglaon ay naging ama ng dalawang anak na lalaki.
Ang Tunguhin Ko Ukol sa Kapayapaan
Noong 1974, si Michiko ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa isang Saksi ni Jehova. Di-nagtagal ay dumadalo na siya sa mga pulong at nakikibahagi na sa gawaing pangangaral. Tutol ako sa madalas niyang paglabas. Ipinaliwanag niya na ang ministeryong Kristiyano ay nagtataguyod ng tunay na kapayapaan at kaligayahan. Napag-isip-isip ko na kung totoo nga ito, hindi ko siya dapat pigilan. Sa halip, dapat akong makipagtulungan.
Nang mga panahong iyon, kumuha ako ng ilang kabataang Saksi upang magtrabaho bilang mga bantay sa gabi. Nang dumating ang mga kabataang Saksi, tinanong ko sila tungkol sa kanilang organisasyon at ministeryo. Nagulat ako nang matuklasan ko na, di-gaya ng ibang kabataang kaedad nila, nakasentro ang kanilang isip sa kanilang ginagawa at mapagsakripisyo sa sarili. Natutuhan nila sa Bibliya ang mga katangiang ito. Ipinaliwanag nila na ang mga Saksi sa buong mundo ay hindi nagtatangi ng lahi at matatag na sumusunod sa utos ng Bibliya na ibigin ang Diyos at ang kanilang kapuwa. (Mateo 22:36-40) Itinuturing nilang mga kapatid ang kanilang mga kasamahan, saanmang bansa.—Juan 13:35; 1 Pedro 2:17.
‘Idealismo lamang iyon,’ inisip ko. Yamang marami sa mga sekta ng Sangkakristiyanuhan ang nag-aaway-away, hindi ako makapaniwalang naiiba ang mga Saksi ni Jehova.
Ipinahayag ko sa kanila ang aking mga pag-aalinlangan. Mula sa Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova, ipinakita sa akin ng mga kabataang Saksi na ang mga Saksi sa Alemanya ay ibinilanggo, pinatay pa nga, dahil sa kanilang neutral na paninindigan noong rehimen ni Hitler. Nakumbinsi ako na ang mga Saksi ni Jehova ang tunay na mga Kristiyano.
Samantala, sinagisagan ng aking asawa ang kaniyang pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ng bautismo sa tubig noong Disyembre 1975. Inalok ako ng isang pag-aaral sa Bibliya nang okasyong iyon. Gayunman, nang mapag-isip-isip ko ang aking mga obligasyon sa pinansiyal, gaya ng pagpapaaral sa aking mga anak at pagbabayad sa aming bahay, hindi ako makasagot ng oo. Isinasaayos ng mga may-asawang lalaki sa kongregasyon ang kanilang sekular na mga trabaho upang magkaroon ng higit na libreng panahon. Inisip kong iyon din ang aasahan sa akin. Pero nang ipakita sa akin kung paano titimbangin ang Kristiyanong pamumuhay at ang sekular na trabaho, nagpasiya na rin akong makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova.
Ang Pasiyang Maglingkod sa Diyos ng Kapayapaan
Makalipas ang dalawang taóng pag-aaral, tinanong ako ng aking konduktor ng pag-aaral sa Bibliya kung sumagi na sa aking isipan ang pag-aalay ng aking buhay sa Diyos. Gayunman, ayaw ko pang gawin ang hakbanging iyon, at ito ay ikinabalisa ko.
Di-nagtagal, isang araw, nagmamadali akong nananaog noon sa hagdan sa pinagtatrabahuhan ko. Natalisod ako, nahulog, humampas ang likod ng ulo ko, at nawalan ng malay-tao. Nang ako’y matauhan, napakasakit ng ulo ko at dinala ako sa ospital sakay ng ambulansiya. Bagaman magang-maga ang likod ng ulo ko, wala namang basag o pagdurugo sa loob.
Laking pasasalamat ko kay Jehova at buháy ako! Mula noon, ipinasiya kong gamitin ang aking buhay sa paggawa ng kalooban ni Jehova, at inialay ko ang aking buhay sa kaniya. Noong Hulyo 1977, nabautismuhan ako sa edad na 53. Ang aking panganay na anak, si Yasuyuki, ay nag-aral din ng Bibliya at nabautismuhan pagkaraan ng mga dalawang taon.
Mga sampung taon pagkatapos ng aking bautismo, nagretiro ako sa aking trabaho. Sa loob ng mga taóng iyon, itinaguyod ko ang isang Kristiyanong landasin, na tinitimbangan ng aking sekular na trabaho. Sa kasalukuyan, nagkaroon ako ng pribilehiyong maglingkod bilang isang matanda sa Yokohama, na gumugugol ng maraming panahon sa ministeryong Kristiyano. Ang aking panganay na anak ay naglilingkod bilang isang matanda at buong-panahong ministro sa karatig na kongregasyon.
Yamang naligtasan ko ang special attack squadron at ang nakamamatay na misyon nito, nagpapasalamat ako na buháy ako at itinuturing kong isang karangalan ang makibahagi sa pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian.” (Mateo 24:14) Talagang kumbinsido ako na ang pinakamainam na paraan ng pamumuhay ay ang lumakad bilang isa na kabilang sa bayan ng Diyos. (Awit 144:15) Sa nalalapit na bagong sanlibutan, hindi na kailanman daranas ng digmaan ang mga tao, sapagkat “ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”—Isaias 2:4.
Kung loloobin ng Diyos, nais ko sanang makita ang mga kakilala kong namatay sa digmaan na bubuhaying muli. Nasasabik akong ipakipag-usap sa kanila ang tungkol sa mapayapang buhay na maaari nilang tamasahin sa paraisong lupa sa ilalim ng matuwid na pamamahala ng makalangit na Kaharian ng Diyos!—Mateo 6:9, 10; Gawa 24:15; 1 Timoteo 6:19.
[Larawan sa pahina 19]
Nang ako ay nasa lakas panghimpapawid ng hukbong-dagat
[Larawan sa pahina 18, 19]
“Ohka”—Isang taong bomba
[Credit Line]
© CORBIS
[Larawan sa pahina 20]
Mga kasamahan kong sundalo bago ang nakamamatay na misyon. Ako ay pangalawa mula sa kaliwa, ang tanging natitirang buháy
[Larawan sa pahina 21]
Kasama ang aking asawang si Michiko, at ang aking panganay na anak na si Yasuyuki
[Picture Credit Line sa pahina 18]
U.S. National Archives photo