Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g04 11/22 p. 13-15
  • Patungo ba sa Roma ang Lahat ng Kalsada?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Patungo ba sa Roma ang Lahat ng Kalsada?
  • Gumising!—2004
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nakabalumbon ang Buong Imperyo ng Roma
  • Patungo ba sa Roma ang Lahat ng Kalsada?
  • Mga Lansangang Romano—Mga Bantayog ng Sinaunang Inhinyeriya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Mga Daan—Daluyan ng Sibilisasyon
    Gumising!—1998
  • Ang Ikaanim na Kapangyarihan ng Daigdig—Roma
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Lansangang-Bayan, Daan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—2004
g04 11/22 p. 13-15

Patungo ba sa Roma ang Lahat ng Kalsada?

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRIA

ANG mga kalsada ng malalayong lalawigan ng Imperyo ng Roma ay konektado sa kabisera nito. Pinagdurugtong ng mga ito ang magkabi-kabilang rehiyon ng napakalawak na imperyong ito. Higit sa lahat, dahil sa mga ito ay madaling nararating ng mga hukbong nagpapatupad ng awtoridad ng Roma ang halos bawat nasasakupan ng imperyo. Mula sa pangunahing mga kalsadang ito na pawang kongkreto, nagsanga ang marami pang pangalawahing mga kalsada na patungo sa mga lalawigan ng Roma. Ito ang dahilan kung bakit nagkaroon doon ng kasabihang, “Patungo sa Roma ang lahat ng kalsada.”

Mahigit sa 80,000 kilometro ng mga kalsada ang bumabagtas sa Imperyo ng Roma. Paano mapag-aaralan ng sinuman sa ngayon ang mga kalsadang ito at mauunawaan ang epekto ng mga ito sa sinaunang daigdig? Ang isang paraan ay suriin ang ika-13 siglong mapa na tinatawag na Peutinger Table.

Naniniwala ang mga istoryador na ang Peutinger Table ay isang kopya ng mapa na unang ginawa noong nagmamartsa pa ang mga hukbong Romano sa tanyag na mga kalsada. Noong 1508, nakuha ni Konrad Peutinger, ang klerk ng bayan ng Augsburg sa timugang Alemanya, ang sulat-kamay na kopyang ito at nang maglaon ay ipinangalan ito sa kaniya. Sa ngayon, ito ay nasa Pambansang Aklatan ng Austria sa Vienna at may pangalang Latin na Tabula Peutingeriana.

Nakabalumbon ang Buong Imperyo ng Roma

Sa makabagong mga silid-aralan, ang madalas na pinag-aaralan ng mga estudyante ay ang parisukat na mga mapa na nakasabit sa dingding. Subalit ang Peutinger Table ay isang balumbon na 34 na sentimetro ang lapad at mahigit na 6.75 metro ang haba kapag iniladlad. Ito ay dating binubuo ng 12 magkakahiwalay na pilyego ng pergamino na pinagdugtung-dugtong. Sa mga pilyegong iyon, 11 na lamang ang natitira ngayon. Ipinakikita ng mapang ito ang daigdig ng Imperyo ng Roma noong nasa tugatog ito ng kapangyarihan, mula sa Britanya hanggang sa India. Bagaman maaaring alam mo kung nasaan ang lugar na iyan sa makabagong mga mapa, baka malito ka kapag sinuri mo sa unang pagkakataon ang Peutinger Table. Bakit?

Iginuhit ang Peutinger Table, hindi para sa makabagong mga heograpo, kundi para sa sinaunang mga manlalakbay. Madaling gamitin ang nakabalumbon na mapa kapag naglalakbay. Ngunit upang mailagay ang kinakailangang mga detalye sa isang balumbon, pinaliit ng gumawa ng mapa ang mga sukat na sumasaklaw sa hilaga at timog ng imperyo at lubhang pinalaki naman ang sukat na sumasaklaw sa silangan at kanluran. Ang resulta ay isang mapa na wala sa proporsiyon ngunit madaling iladlad, konsultahin, irolyo, at dalhin. Madaling makita ng isang manlalakbay ang pinakamainam na daan patungo sa iba’t ibang lugar. Mas mahalaga iyan sa mga manlalakbay kaysa sa hugis ng Italya, sukat ng Dagat na Itim, o sa aktuwal na direksiyong patutunguhan nila.

Nilagyan ng iba’t ibang kulay ang iba’t ibang bahagi ng Peutinger Table. Ang mga kalsada ay ipinakikita bilang mga linyang kulay pula, ang mga bundok ay kulay-kape, at ang mga ilog naman ay kulay berde. Isinulat sa mapa ang mga pangalan ng daan-daang bayan at ang lokasyon ng mga ito ay minarkahan ng mga bahay, napapaderang mga looban, at mga tore. Waring ipinakikita ng mga sagisag na iyon kung anong mga pasilidad ang naroroon sa bawat lugar. Ipinakikita rin ng mapa ang mga distansiya sa pagitan ng mga bayan, istasyon, at mga pahingahang dako.

Nakasulat din sa Peutinger Table ang ilang lugar at pangyayari na binabanggit sa Bibliya. Dalawang paglalarawan sa wikang Latin ang nakasulat sa lokasyon ng Bundok Sinai. Isang kapsiyon ang nagsasabi: “Ang disyerto kung saan nagpalabuy-laboy sa loob ng 40 taon ang mga anak ni Israel na pinangunahan ni Moises.” (Josue 5:6) Ganito naman ang sabi ng isa pa: “Dito sa Bundok Sinai nila tinanggap ang Kautusan.”​—Levitico 27:34.

Ang Jerusalem ay minarkahan na may kasamang kapsiyon na naglalakip sa ibang pangalan ng lunsod, Aelia Capitolina​—hinango sa pangalan ni Publius Aelius Hadrianus, na lalong kilalá bilang Hadrian. Noong ikalawang siglo C.E., ipinangalan ng emperador na ito ng Roma ang lunsod sa kaniyang sarili. Makikita rin sa mapa ang terminong Latin para sa Bundok ng Olibo.​—Lucas 21:37.

Patungo ba sa Roma ang Lahat ng Kalsada?

Ang ilang kalsada ay patungo sa Aquileia, isang lunsod na matatagpuan sa hilagang-silangang Italya. Sa mapa, ang Aquileia ay may matitibay na pader at mga toreng bantayan. Yamang tanaw na tanaw ito mula sa mahahalagang sangandaan at may napakagandang daungan, ang Aquileia ay naging isa sa pinakamahalagang lunsod sa Imperyo ng Roma.

Tumatawid ang Via Egnatia sa Balkan Peninsula mula sa Baybayin ng Adriatico hanggang sa Constantinople, na kilalá ngayon bilang Istanbul. Ang marka ng lunsod na iyon sa Peutinger Table ay ang sagisag ng isang diyosa na nakaupo sa trono ngunit handang makipagdigma. May ilang kalsada na patungo sa Antioquia ng Sirya, na ngayon ay ang lunsod ng Antakya sa Turkey. Ikatlo ang Antioquia sa pinakamalaking lunsod sa Imperyo ng Roma, kasunod ng Roma at Alejandria. Ang sagisag naman nito sa mapa ay isang nakaupong diyosa na may sinag sa ulo.

Ipinakikita ng Peutinger Table na 12 kalsada ang patungo sa Roma. Isa na rito ang Via Appia, o Appian Way. Ipinahihiwatig ng aklat ng Mga Gawa na dumaan si apostol Pablo sa kalsadang ito noong unang paglalakbay niya patungo sa Roma. Habang naglalakbay si Pablo, isang grupo ng mga Kristiyano ang dumaan sa Via Appia mula sa Roma at nakipagtagpo sa kaniya sa Tatlong Taberna, na ipinakikita rin sa mapa.​—Gawa 28:15.

Anong sagisag ang ginamit ng Peutinger Table para kumatawan sa Roma? Inilalarawan nito ang lunsod bilang isang makapangyarihang emperatris na may mahabang damit na kulay purpura, at nakaupo sa trono. Ang globo at ang setro na hawak niya ay kumakatawan sa pamumuno nito sa daigdig na nakasentro sa kabiserang ito ng imperyo.

Tama bang sabihin na patungo nga sa Roma ang lahat ng kalsadang iyon? Oo, kung isasaalang-alang mo ang napakalawak na kawing ng dugtung-dugtong na mga kalsada na nagsasanga-sanga mula sa mga lansangang-bayan. Ipinakikita ng Peutinger Table kung paano pinalawak ng mga lansangang-bayan ng imperyo ang kapangyarihan ng Roma, na nakatulong upang makontrol nito ang mga lalawigan sa loob ng halos 500 taon. Sa ngayon, malilibot mo pa rin ang Imperyo ng Roma sa pamamagitan ng sinaunang mga kalsadang iyon​—samakatuwid nga, sa pamamagitan ng iyong imahinasyon at ng Peutinger Table bilang iyong giya.

[Mapa sa pahina 13-15]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Isang pambihirang mapa ng mga kalsada​—ang Peutinger Table

ESPANYA

MOROCCO

BRITANYA

PRANSIYA

ALEMANYA

AUSTRIA

Aquileia

Roma

Ipinakikita sa pahina 15 ang pinalaking larawan

ITALYA

APRIKA

GRESYA

Istanbul

EHIPTO

TURKEY

Bdk. Sinai

Jerusalem

SIRYA

Antakya

Dagat Caspian

IRAN

INDIA

[Mapa sa pahina 15]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Detalye ng Peutinger Table na ipinakikita ang Roma at ang palibot nito

Roma

Aquileia

Istanbul

Antakya

Jerusalem

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share