Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 3/22 p. 30
  • Mula sa Aming mga Mambabasa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mula sa Aming mga Mambabasa
  • Gumising!—2005
  • Kaparehong Materyal
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2004
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—2005
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—2005
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—2005
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 3/22 p. 30

Mula sa Aming mga Mambabasa

Kalungkutan Naudyukan akong sumulat sa inyo matapos kong mabasa ang seryeng “Mag-isa Ngunit Hindi Malungkot.” (Hunyo 8, 2004) Nang una kong makita ang seryeng ito, hindi ako gaanong nagkainteres. Pero nang simulan kong basahin ito, natanto ko na may tendensiya pala akong hindi ipahayag ang aking damdamin sa iba. Ang mga mungkahing ibinigay roon ang mismong kailangan ko.

A. V., Estados Unidos

Nahihirapan ako kapag sumusumpong ang aking sakit at depresyon, at palagi akong tulog dahil sa epekto ng aking mga gamot. Kaya madalas, para bang nakabukod ako at malungkot. Ipinaunawa sa akin ng mga artikulong ito na kahit na nalulungkot tayo, hindi tayo nag-iisa!

J. C., Estados Unidos

Ako po ay 14 na taóng gulang, at nadama ko noon na gusto kong tanggapin ako ng aking mga kaklase. Akala ko’y mga kaibigan ko sila. Pero nang mapansin nilang naiiba ako dahil sa pagiging Kristiyano, nalaman kong iiwan nila ako kung hindi ako magbabago at tutulad sa kanila. Alam ko na ngayon na masusumpungan ang tunay na mga kaibigan​—bata at matanda​—sa Kristiyanong kongregasyon.

N. C., Espanya

Tinulungan ako ng seryeng ito na maunawaan kung bakit masyado akong nalulungkot kapag naglalakbay ang aking asawa dahil sa negosyo at naiiwan akong mag-isa. Ang payo ninyo na isiping normal lamang ang kalungkutan at makipag-usap sa isang may-gulang na kaibigan ay nakatulong nang malaki sa akin.

J. H., Czech Republic

Malapit na akong lumipat sa isang lugar na may higit na pangangailangan para sa mga ebanghelisador. Maligaya ang aking ina sa gagawin ko, pero nalulungkot din siya paminsan-minsan. Noon mismong pinag-iisipan ko kung ano ang aking magagawa, saka naman inilathala ang mga artikulong ito. Pinaplano ko ngayong regular na makipag-ugnayan sa aking ina, anupat ibabahagi ko sa kaniya ang kagalakang mararanasan ko sa ministeryo.

N. K., Hapon

Tore ng London Tamang-tama ang pagdating ng artikulong “Ang Tore ng London​—Makasaysayang Monumento ng Maligalig na Kahapon.” (Hunyo 8, 2004) Kararating pa lamang ng aming guro at ilang kamag-aral buhat sa paglalakbay sa London. Dahil sa artikulong ito, naguniguni ko kung paano maglakbay sa London​—nang walang anumang gastos!

P. L., Alemanya

Kabalisahan Kamakailan, pagod na pagod ako dahil sa mga kabalisahan. Lalo akong nalulungkot kapag naiisip kong kawalan ng pananampalataya ang sanhi ng nararanasan ko. Tuwang-tuwa ako nang mabasa ko ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Nagpapahiwatig ba ng Kawalan ng Pananampalataya ang Kabalisahan?” (Hunyo 8, 2004) Lagi akong pinatitibay-loob ni Jehova kapag nababalisa ako.

Y. I., Hapon

Demograpiya Sa artikulong “Demograpiya, ang Bibliya, at ang Kinabukasan,” sinasabi ninyo na lumabas ang Israel mula sa Ehipto pagkalipas ng 215 taon. (Mayo 8, 2004) Subalit sinasabi sa Exodo 12:40, 41 na ito’y 430 taon.

R. C., Estados Unidos

Sagot ng “Gumising!”: Sinasabi sa Exodo 12:40: “Ang pananahanan ng mga anak ni Israel, na nanahanan sa Ehipto, ay apat na raan at tatlumpung taon.” Pansinin na “ang pananahanan ng mga anak ni Israel” ay hindi limitado sa panahong ginugol ng mga Judio sa Ehipto; sa halip, lumilitaw na saklaw nito ang buong yugto na nagpasimula nang pumasok si Abraham sa lupain ng Canaan. Ipinakita ni apostol Pablo na ang yugtong ito na 430 taon ay nagsimula nang pagtibayin ang Abrahamikong tipan. (Galacia 3:16, 17) Nangyari ito nang pumasok si Abraham sa Canaan noong 1943 B.C.E. Ipinakikita ng kronolohiya ng Bibliya na ito’y 215 taon bago lumipat ang mga Judio sa Ehipto. Kaya ang natitirang 215 taon ang aktuwal na ginugol ng mga Judio sa ‘pananahanan sa Ehipto.’​—Tingnan ang artikulong “Chronology,” sa Tomo 1 ng “Insight on the Scriptures,” na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share