Nanganganib na mga Manonood
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA FINLAND
PARA sa maraming bata, normal na bahagi na ng buhay ang mga pelikula, telebisyon, video, DVD, elektronikong laro at Internet. Sinasabi ng isang ulat na inilathala kamakailan ng Finnish Board of Film Classification na “ayon sa ilang pagtaya, ang oras na ginugugol ng mga bata at kabataan sa paggamit at panonood sa media ay 20 hanggang 30 ulit na mas malaki kaysa sa oras na ginugugol nila sa pakikisalamuha sa kanilang pamilya.”a Nakalulungkot, inihahantad nito ang mga bata sa maraming nakapipinsalang materyal.
Sa ilang lupain, sinisikap ng mga awtoridad na ipagsanggalang ang mga bata sa pamamagitan ng pagtatakda ng rating sa mga palabas at paglalagay ng limitasyon sa edad ng maaaring manood ng mga ito. Gayunman, ayon sa ulat, hindi laging nauunawaan ng mga bata at ng kanilang mga magulang ang mga rating, at madalas nilang sinasabi na hindi ito gaanong mahalaga. Bukod diyan, batid ng marami na ipinagwawalang-bahala ng maraming sinehan at ng mga nagpapaarkila ng video ang mga limitasyon sa edad ng mga manonood. Karagdagan pa, wala man lamang rating ang ilang programa at pelikula.
Ganito ang sinabi ng isa sa mga guro na sinurbey: “Lumilitaw na hindi laging marahas ang tingin ng mga estudyante sa kanilang napapanood kung wala namang ipinakikitang pagdanak ng dugo.” Maraming video at laro sa computer—at maging mga cartoon para sa mga bata—ang naglalaman ng materyal na posibleng makapinsala.
Sinasabi ng ulat na ang bawat sambahayan “ang may pangunahing pananagutan sa mga pelikula at programa sa telebisyon na pinanonood ng mga bata.” Nagtapos ito sa pamamagitan ng isang nakapupukaw-kaisipang tanong: “Tayo bang mga adulto ay may pagnanais, lakas ng loob, at mga pamamaraan upang ipagsanggalang ang ating mga anak sa nakapipinsalang mga epekto ng media?”
[Talababa]
a Ang ulat na “The Age Limits of Visual Programs and Child Protection” ay batay sa isang pag-aaral na kinabibilangan ng mga 340 estudyante sa paaralang elementarya kasama ang kanilang mga magulang at guro.