Capoeira—Sayaw, Isport, o Sining ng Pakikipaglaban?
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Brazil
“Ang balanse at lambot ng akrobatika, ang magagandang galaw at puwersa ng sayaw, ang bilis at talino ng labanan, at ang mga ritmo ng musika.”
SA GANIYANG paraan binigyang-katuturan ng isang manunulat ang diwa ng sining sa Brazil na tinatawag na capoeira. Ayon sa isa pang manunulat, ang capoeira ay “talagang itinatanghal [na] sa buong globo.”
Tinagurian ito ng koryograper at mananaliksik na si Edward Lunda na “naiibang pagsasama ng sayaw, sining ng pakikipaglaban, laro, at ritwal.” Inilarawan ito ng The New Encyclopædia Britannica bilang isang “katutubong sayaw.” Paano ito itinatanghal? Ang mga tagapagtanghal at tagapagmasid ay tumatayong paikot, habang nasa loob “ang dalawang lalaking magkaharap, at ginagaya ang mga pagsuntok at pag-ilag sa ‘labanan’ na sinasaliwan ng mga ritmo ng berimbau, o panghilis sa musika.”
Bagaman maraming debate tungkol sa pinagmulan ng capoeira, maraming mananaliksik ang naniniwalang nagmula ito sa mga sayaw at ritwal ng mga tribo sa Aprika. Lumilitaw na nakarating ito sa Brazil noong panahon ng bentahan ng alipin. Sa loob ng maraming dekada, ang sayaw ay itinatanghal ng mga alipin—sa kabila ng paniniil ng mga may-ari ng alipin sa kultura ng Aprika.
Nang alisin ang pang-aalipin sa Brazil noong 1888, “ang mga aliping kalalaya pa lamang,” ayon sa isang manunulat na taga-Brazil, “ay hindi nakasumpong ng kanilang dako sa umiiral na kaayusan sa lipunan at ekonomiya.” Bunga nito, maraming dating alipin ang sumama sa grupo ng mga kriminal. Naging isang anyo ng marahas na pakikipaglaban sa lansangan ang capoeira. Gamit ang mga kutsilyo at patpat, sinisindak ng mga grupong ito ang pamayanan.
Inaamin ng babasahing Planet Capoeira na ang anyo ng sayaw na ito na itinatanghal sa lansangan ay “marahas.” Nagpaliwanag ito: “Inalis ng mga nagtuturo nito ang lahat ng magagandang galaw na hindi gaanong nagagamit sa tunay na mga labanan. Halimbawa, mas mababa ang mga sipa, at nakapuntirya sa katawan sa halip na sa ulo. Ginagamit sa iba’t ibang paraan ang mga kamay upang lituhin ang kalaban o suntukin ang katawan o tusukin ng mga daliri ang mga mata. Walang tugtog, walang pasirku-sirko at walang akrobatika maliban sa mga magagamit sa pakikipaglaban.” Kung gayon, hindi nakapagtataka na ipinagbawal sa buong bansa ang capoeira noong 1890. Ang mga nahatulang capoeira ay maaaring makulong, mahagupit nang hindi lalampas sa 300 beses, at maipatapon pa nga.a
Noong dekada ng 1930, nagbukas ng akademya para sa pagtuturo ng sining na ito si Manuel dos Reis Machado, na kilala ng mga capoeira bilang Mestre Bimba. Mangyari pa, dahil ilegal pa ito, maingat siya upang hindi niya hayagang mabanggit na nagtuturo siya ng capoeira. Noong 1937, matapos makuha ang pahintulot ng presidente ng Brazil na si Getúlio Vargas, naging tunay na isport ng Brazil ang capoeira. Sa ngayon, tinatayang 2,500,000 Braziliano ang nagtatanghal ng capoeira, at itinuturo ito sa maraming pampublikong institusyon, gaya ng mga paaralan, unibersidad, at akademyang pangmilitar.
Katutubong Sayaw o Sining ng Pakikipaglaban?
Bagaman ang capoeira ay may mga galaw na tulad sa sayaw, itinuturing pa rin ito ng marami bilang sining ng pakikipaglaban. Kumbinsido si Augusto, na natuto ng capoeira kasama ng kaniyang ama, na “bagaman nasa anyo ito ng sayaw, pumupukaw ito ng karahasan at lumalabag sa mga simulain ng kapayapaan at pag-ibig.” Sinabi niya: “Madaling gamitin ang capoeira para manakit ng isang tao sa sandaling galit ka.” Kahit iwasan pa ng mga nagtatanghal nito na madaiti sa katawan ng ibang tao, ang isang galaw na wala sa tiyempo ay makapipinsala nang malubha.
Sa palagay rin ng marami, may matinding relihiyosong mga pahiwatig ang capoeira. Inilarawan ito ni Pedro Moraes Trindade, isang maestro sa capoeira mula sa Bahia State, Brazil, bilang “pagsasanib ng katawan at isip.” Idinagdag pa niya: “Kung ituturing na isport lamang ang capoeira, minamaliit mo ang kasaysayan at pilosopiya nito.” Ganito ang sabi ni Edmilson, na nagtanghal ng capoeira sa loob ng walong taon sa Niterói, Rio de Janeiro: “Ang ilang chulas [pambungad na mga awit] at ritwal na ginagamit sa capoeira ay maliwanag na nauugnay sa espiritismo.”
Dahil sa maingat na pagsusuri sa mga simulain ng Bibliya, huminto na sa pagtatanghal ng capoeira sina Edmilson at Augusto, na nabanggit sa itaas. Natanto nilang napakahalaga ng kanilang espirituwal at pisikal na kalusugan para isapanganib ito. Bagaman minsan nilang nagustuhan ang nakaaakit na ritmo at magagandang galaw ng capoeira, napag-isip-isip nilang hindi ito kaayon ng Bibliya, na nagtuturo sa mga tao na ‘huwag nang mag-aral pa ng pakikipagdigma.’—Isaias 2:4.
[Talababa]
a Ang salitang Portuges na capoeira ay tumutukoy kapuwa sa sining at sa taong nagtatanghal nito.
[Larawan sa pahina 23]
Itinatanghal ang “capoeira” na sinasaliwan ng ritmo ng “berimbau” at ng “atabaque,” ang tradisyonal na mga instrumento sa musika sa Brazil