Isang Bolang Asin
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ZAMBIA
Ano ang sumasagi sa isip mo kapag naaalaala mo ang asin? Marahil tipak-tipak na asin (rock salt), asin-dagat, o pinong asin. Subalit narinig mo na ba ang asin-Cibwa, mula sa distrito ng Mpika sa Hilagang Probinsiya ng Zambia? Namumukod-tangi ang asin-Cibwa dahil galing ito sa damo!
Ang mga taganayon na nakatira malapit sa latian ng Cibwa ay nagsasagawa ng kakaibang proseso ng pag-iipon ng asin gamit ang matataas na damong tumutubo malapit sa Ilog Lwitikila. Ginagapas nila ang mga damo mula Agosto hanggang Oktubre, bago magsimula ang tag-ulan. Kapag umuulan na, hindi na naglalabas ng asin ang mga damo.
Matapos putulin at patuyuin ang mga damo, sinusunog ang mga ito upang alisin ang organikong mga sangkap. Gayunman, hindi nasusunog ang asin. Nasa abo pa rin ito. Inilalagay ang abo sa isang lalagyan, gaya ng upo, at unti-unting isinasalin ang tubig sa abo. Tinutunaw ng tubig ang asin at lumulusot ito sa maliliit na butas sa ilalim ng upo. Iniipon ang napakaalat na tubig na ito para sa susunod na hakbang—ang ebaporasyon.
Ginagawa ang ebaporasyon sa pamamagitan ng direktang pagpapainit upang matuyo ang tubig, isang prosesong tumatagal nang mga anim na oras. Para magawa ito, ibubuhos muna ang napakaalat na tubig sa palayok at pakukuluan ito sa apoy. Dinaragdagan ito nang dinaragdagan ng napakaalat na tubig habang natutuyo ito sa palayok. Unti-unting lumalapot ang solusyong ito ng asin hanggang sa mapuno ang palayok. Nagsisilbi na ngayong hulmahan ang palayok. Kapag inalis na ito sa apoy at binasag, maiiwan ang isang bolang asin.
Ilang henerasyon nang gumagawa ng asin-Cibwa ang mga taganayong ito. Walang nakaaalam kung sino ang nakatuklas ng prosesong ito. Gayunman, nakapagtataka nga na ang gayunding saligang siyensiya na ginagamit sa modernong pagpoproseso ng asin ay matagpuan sa liblib na bahaging ito ng kabukiran ng Zambia—na napakalayo sa kabihasnan.
[Larawan sa pahina 19]
Upo na pansala ng tubig
[Larawan sa pahina 19]
Natapos na produkto
[Larawan sa pahina 19]
Palayok