Pagmamasid sa Daigdig
“Cyberbullying”?
Kailangang-kailangan ng maraming kabataan ang mga cell phone at ang Internet para makipag-usap sa iba. “Maaaring sirain din naman ng mga ito ang kanilang kaugnayan sa iba,” ang sabi ng magasing Maclean’s sa Canada, yamang maaaring gamitin ng mga cyberbully (mga nanliligalig sa computer) ang E-mail, kagyat na pagpapadala ng mga mensahe, at pagte-text ng mensahe sa cell phone upang pahirapan ang kanilang mga biktima. “Sangkapat ng mga kabataang gumagamit ng Internet sa Canada ang nag-ulat na nakatanggap sila ng mensahe na nagsasabi ng masasamang bagay tungkol sa iba,” ang sabi ng Maclean’s. Dahil sa panliligalig na iyon gamit ang elektronikong mga kagamitan, napakilos ang mga pulis na maglabas ng mga paalaala na isang krimen ang nasusulat na mga bantang pagpatay. Pinapayuhan ng Maclean’s ang mga magulang na ipakipag-usap sa kanilang mga anak ang tungkol sa mga tao at mga site na pinupuntahan nila sa computer at ilagay ang mga computer sa isang lantad na lugar sa bahay kung saan madali nilang masusubaybayan ang binabasa at ipinadadalang mensahe ng kanilang mga anak. Binabalaan ng ulat ang mga bata na huwag na huwag sasagutin ang mensahe ng nanliligalig at huwag kailanman “ibibigay sa iba ang kanilang mga kodigo o password sa computer, kahit na sa kanilang matatalik na kaibigan,” upang hindi maipasa sa iba ang kanilang pribadong impormasyon.
Mas Maraming Kotse—Mas Maraming Problema
“Ang Tsina ay umuunlad mula sa pagiging bansa ng mga bisikleta tungo sa lipunan ng mga kotse,” ang sabi ng pahayagang China Daily. Sa kasalukuyan, may 20 sasakyan para sa bawat 1,000 katao sa Tsina, kung ihahambing sa pambuong-daigdig na katumbasang 120 sa 1,000. Ang bilang ng mga sasakyan sa Tsina ay hinuhulaang darami pa nang husto. Naniniwala si Chen Qingtai, kinatawang direktor ng Development Research Centre of the State Council, na bubuti ang buhay ng maraming tao kapag mas marami nang may sariling sasakyan. Subalit nakikini-kinita rin ni Chen ang mga problema: “Ang polusyon sa mga lunsod ay pangunahin nang manggagaling sa mga kotse, at hindi sa uling, kung hindi natin mabisang masasawata ang ibinubugang usok ng mga kotse.” Sa ilang lunsod sa Tsina, ang mga sasakyan ang siyang pinakamalakas magbuga ng carbon monoxide at nitrogen oxide. Gumagawa ng mga pagsisikap upang bawasan ang polusyon bago ang Palarong Olympic sa 2008 na gaganapin sa Beijing.
Pandaraya sa Kasal
Mahigit na 3,000 babae sa Timog Aprika ang nalinlang na “magpakasal,” ang ulat ng pahayagang Sowetan sa Johannesburg. Sa isang pandaraya, pumipirma ang mga babae sa inaakala nilang kontrata sa trabaho, subalit sa katunayan ay pumipirma pala sila sa isang sertipiko ng kasal. Nagiging permanenteng residente sa bansa ang banyagang “nobyo” dahil sa sertipiko. Maaaring matuklasan lamang ng “nobya” ang panlilinlang kapag nag-aaplay na siya upang papalitan ang nawawalang mga dokumento ng pagkakakilanlan at doo’y natutuklasan niyang iba na ang kaniyang apelyido o kapag inirerehistro niya ang totoong araw ng kaniyang kasal at nalalaman niyang siya pala ay nakalistang kasal na! Maaaring maging napakahirap ang pagpapawalang-bisa sa “kasal.” Gayunpaman, matagumpay na napakansela ng mga 2,000 babae ang kanilang di-sinasadyang pagpapakasal. Upang hadlangan ang pandaraya, hinihiling ng bagong batas na ang mga asawang banyaga ay maghintay ng limang taon bago mag-aplay para sa permanenteng paninirahan.
Pambihirang Tuklas sa Arkeolohiya
Natuklasan ng mga arkeologong nagsusuri sa mga kuwebang malapit sa Dagat na Patay ang alahas at iba pang bagay na pinaniniwalaang 2,500 taon na, mula sa yugto ng panahon nang magbalik ang mga Judio sa kanilang lupang tinubuan mula sa pagkabihag sa Babilonya. Natunton ng mga arkeologo mula sa Hebrew University sa Jerusalem at Bar Ilan University sa Ramat Gan ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng mga detektor ng metal. Ayon sa ulat ng Associated Press, kabilang sa mga natuklasang kayamanan ang maliit na bronseng salamin, isang palawit na pilak, gintong kuwintas at di-gaanong mamahaling batong abaloryo, isang medalyóng agata mula sa Babilonya, at isang pantatak na naglalarawan sa Babilonyong saserdote na yumuyukod sa buwan. “Pambihira ang tuklas na ito. Bibihirang makatuklas ang mga arkeologo ng napakaraming mahalagang bagay na nagmula sa partikular na panahong iyon,” ang sabi ni Tsvika Tsuk, ang punong arkeologo sa Israel Nature and National Parks Protection Authority.
Maaaring Maistrok ang mga Bata
“Di-bababa sa isang bata araw-araw ang naiistrok sa Canada,” ang ulat ng pahayagang Vancouver Sun. Sinasabi ng neurologong si Gabrielle deVeber, direktor ng Canadian Pediatric Ischemic Stroke Registry, na ang mga batang biktima ng istrok ay dapat gamutin agad, kung hindi, makararanas sila ng “mas malalang mga istrok at mas maraming pinsala sa sistema ng nerbiyo.” Ayon sa pahayagan, “ang mga paggagamot na nag-aalis ng namuong dugo ay dapat isagawa sa loob ng tatlong oras mula nang magsimula ang istrok.” Pero ang mga istrok sa mga bata ay “kadalasang maling nasusuri bilang mga sumpong o migraine.” Binabanggit ng pahayagan na “kabilang [sa mga sintomas na nagpapahiwatig ng istrok] ang pamamanhid o panghihina, lalo na sa isang panig ng katawan, pagkalito, pagkabulol, panlalabo ng paningin, pagkahilo at biglaang pagsumpong ng matinding sakit ng ulo.” Ang mga istrok sa mga bata ay maaaring sanhi ng ilang paggamot para sa sakit sa puso at kanser, at naniniwala ang ilang eksperto na maaari ring maging mga salik sa panganib ang “sobrang katabaan ng bata at mga pagkaing sagana sa taba.”
Kontaminadong Pagkain
Ayon sa isang pag-aaral ng organisasyong pangkapaligiran na Toxics Link, ang mga taga-Timog Asia ay kumakain ng mapanganib at nakalalasong mga kemikal na nakahalo sa kanilang regular na pagkain at inumin, ang ulat ng pahayagang The Hindu sa India. Nasumpungan ng pag-aaral ang ipinagbabawal na mga sangkap sa pangunahing mga pagkaing gaya ng karne, mga pampalasa, at langis. Nakapasok sa kapaligiran ang nagtatagal na organiko at nakalalasong mga kemikal gaya ng mga polychlorinated biphenyl (PCB) “marahil sa pamamagitan ng walang habas na pagtatapon ng lumang mga transpormer at kapasitor na inangkat bago ipinagbawal” ang mga PCB o sapagkat ang mga ito ay itinatapon kapag nasa baradero ang mga barko, ang sabi ng ulat. Natuklasan ng iba pang pag-aaral ang DDT sa mga gulay at dinaing na isda. Sa kabila ng internasyonal na mga kasunduang-bansa na nilayon upang kontrolin ang gayong mga panganib, ‘makikita sa gatas ng ina, mga sampol ng taba at sampol ng dugo ng tao ang mataas na kontaminasyon mula sa DDT, HCB, Aldrin, Dieldrin, [Dioxin], Furan at mga PCB,’ ang sabi ng ulat.
Mga Lipunang Lubhang Binago ng mga Baril
“Napakalaganap ng mabilis na pagdami ng mga sandata, lalo na ang maliliit na sandata, anupat ito ang dahilan ng kamatayan ng isang tao sa bawat minuto at ng mahigit na 500,000 pagpatay sa isang taon [sa buong daigdig],” ang sabi ng pahayagang The Independent ng London. “Noong 2001, 16 na bilyong yunit ng munisyong militar ang ginawa, sapat upang barilin nang dalawang beses ang lahat ng tao sa daigdig.” Halos walong milyong sandatang pumuputok ang ginagawa taun-taon, ang karamihan ay para gamitin ng mga sibilyan. Gaya ng binabanggit ng pag-aaral na isinagawa ng Amnesty International, Oxfam, at ng International Action Network on Small Arms, “ang mga lipunang dating mapapayapa, na nilulutas ang anumang di-pagkakasundo sa pamamagitan ng mga kamao o kutsilyo, ay binago ng mga baril.” Sa isang bansa, ginagamit bilang salapi ang mga ripleng pansalakay. Sa iba naman, isang guro na nagtuturo ng wikang Ingles sa isang may-edad nang babae ang binayaran ng mga granada. At sa isa pang bansa, “ang mga sanggol ay pinanganlang ‘Uzi’ at ‘AK,’ sunod sa paboritong riple ng kani-kanilang ama,” ang sabi ng pahayagan.