Mula sa Aming mga Mambabasa
Istrok Ang serye na “Pagharap sa Istrok” (Pebrero 8, 1998) ay isang sagot sa aking panalangin. Kaming mag-asawa ay dumadalo noon sa isang Kristiyanong kombensiyon mga ilang taon na ang nakalipas nang siya ay maistrok. Habang sinisikap niyang sumulat nang maikling nota para sa akin, dumulas ang kaniyang kamay sa papel; ang buong kanang bahagi ng kaniyang katawan ay naapektuhan. Hindi ko mailarawan ang napakalaking nagawa sa akin ng artikulo. Kahanga-hangang malaman na hindi kami kinalilimutan ni Jehova.
F. S. H., Estados Unidos
Mga ilang oras lamang bago ko matanggap ang magasing ito, nahihirapan akong ipaliwanag sa aking asawa ang aking nadarama, subalit hindi ko magawang ipahayag ang gusto kong sabihin dahil sa aking istrok. Tatlong beses ko nang nabasa ang magasing ito. Nabasa na rin ito ng aking asawa.
R. Z., Italya
Ang aking ama, na isang tapat na lingkod ni Jehova sa loob ng maraming taon, ay namatay dahil sa istrok noong nakaraang taon. Tinulungan ako ng artikulo na maunawaan ang kaniyang ikinikilos bago siya mamatay. Ang mga paliwanag tungkol sa mga pagbabago ng emosyon, at kung bakit nahihirapang makipag-usap ang isang naistrok, ay tumulong sa akin na lalong maunawaan ang dinanas ng aking ama.
V. C., Estados Unidos
Ako ay naistrok noong nakaraang taon at patuloy pa rin akong nakikipagpunyagi sa panghihina ng kaliwang bahagi ng aking katawan. Papawiin ng artikulong ito ang ilang misteryo at takot na may kinalaman sa istrok. Hindi totoo na matatanda lamang ang naiistrok. Ako ay 47 taong gulang lamang nang maistrok.
A. A., Inglatera
Malaki ang naitulong sa akin ng artikulo upang maunawaan ang aking anak na si Lucia, na nagkaroon ng malubhang pinsala sa ulo dahil sa isang aksidente sa kotse nang dadalawang buwan pa lamang siya. Hindi niya maipahayag ang kaniyang nadarama. Subalit tinulungan ako ng artikulo na maunawaan kung bakit.
N. K., Slovakia
Ako ay isang rehistradong nars na lisensiyado sa rehabilitasyon at marami nang karanasan sa pag-aalaga sa mga naistrok. Ang lubos na pinahalagahan ko sa artikulong ito ay ang talagang may-empatiyang paglalarawan sa dinaranas na hirap ng mga pamilya ng mga naistrok.
L. C., Estados Unidos
Ang aking ina ay dumanas ng transient ischemic attack. Kung titingnan sa pisikal, halos magaling na magaling na siya. Subalit malubha ang naging epekto nito sa kaniyang isipan. Dati siyang matatag at may tiwala sa sarili, subalit ngayon siya’y naging lubhang mahina. Salamat sa pagtatampok ninyo sa epekto sa isipan ng sakit na ito.
R. C., Italya
Ang aking ina ay dalawang beses na naistrok dalawang taon na ang nakararaan. Ang unang istrok ay naging sanhi ng pagkawala ng kaniyang memorya, at ang ikalawa naman ay pumaralisa sa kanang bahagi ng kaniyang katawan. Kung minsan ay nauubos ang pasensiya ko sa kaniya at nakapagsasalita ako ng nakapagpapalungkot sa kaniya. Pinasigla ako ng inyong artikulo upang maging higit na maunawain.
R. T. S., Brazil
Pagkasari-sari ng mga Kristiyano Taimtim akong nagpapasalamat dahil sa artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Ipinahihintulot ba ng Pagkakaisang Kristiyano ang Pagkakasari-sari?” (Pebrero 8, 1998) Habang lalo kong nakikilala si Jehova, nagiging mas maligaya ako na mapabilang sa kaniyang organisasyon, kung saan masisiyahan tayo sa napakaraming iba’t ibang personalidad.
I. P., Slovenia
Ako po ay 15 taong gulang at regular na nagbabasa ng Gumising! Higit na pinahalagahan ko ang artikulong ito. Ang isang bahagi ay tumalakay sa Paraiso at kung ano ang magiging kalagayan doon. Matagal ko nang pinag-iisipan kung ano ang magiging kalagayan ng mga sakdal na tao at kung magiging pare-pareho ang ating anyo at kaisipan. Nauunawaan ko na ngayon na magkakaroon ng pagkasari-sari kapuwa sa mga tao at mga hayop.
J. C., Estados Unidos