Istrok!
ANG istrok ang nangungunang dahilan ng kamatayan at pangmatagalang kapansanan sa industriyalisadong daigdig sa Kanluran. Ang mismong salitang “istrok” ay nagpapahiwatig ng biglang paglitaw ng “atake sa utak.” Sa isang sandali, maaaring mabuti ang pakiramdam mo, at biglang-bigla, mararamdaman mo na lamang na parang may tumamang kidlat sa iyo—maaaring kagyat at lubhang baguhin ng isang matinding istrok ang iyong buhay. Dahil sa malupit na pagbalda at paglumpo nito sa iyo, maaaring hindi ka makapagsalita, malubhang mapinsala ang iyong mga damdamin, mabago ang iyong personalidad at mga kakayahang kumilala, at magtulak sa iyo sa waring walang-katapusang pakikipagpunyagi upang makamit muli ang normal na buhay na dati ninyong naranasan ng iyong pamilya.
Kuning halimbawa si Ellen Morgan.a Noong Miyerkules, si Ellen ay isang malusog at aktibong 64-na-taóng-gulang. Noong Huwebes, samantalang namimili na kasama ng kaniyang asawa, biglang hindi makapagsalita si Ellen, at tumabingi ang kaniyang mukha. Nanghina ang katawan niya, at siya’y sumuray na parang lasing. Matindi ang istrok ni Ellen!
Pagkatapos ng istrok, lubhang napinsala si Ellen anupat hindi niya magawa kahit ang pinakasimpleng mga bagay, gaya ng pagpapaligo o pagbibihis sa sarili. Dahil sa hindi makasulat, makapag-knit, o makapanahi, pinahirapan siya ng mga pakikipagbaka sa di-mapigil na pagtangis at sobrang pagod. Sa buong panahong ito, ang pag-iisip ni Ellen ay hindi napinsala; gayunman, napapahiya siya kapag nadarama niyang marahil ay minamalas siya ng iba na parang tanga. Nang maglaon, ganito ang sabi ni Ellen: “Iilan ang nakababatid kung paano nakaaapekto sa damdamin at isipan ng isa ang tindi ng biglang pagbabagong ito. Nadama kong parang ito na ang wakas ng pag-iral ko bilang isang tao.”
Ano ang dahilan ng istrok? Ang lahat ba ng naistrok ay apektado sa katulad na paraan? Paano naharap ng mga nakaligtas ang karamdamang ito? Paano ito naharap ng mga pamilya ng mga nakaligtas sa istrok? Ano ang magagawa nating lahat upang maglaan ng suporta? Sinusuri ng Gumising! ang mga tanong na ito at ipinauunawa sa iyo ang buhay ng mga nakaligtas sa istrok at ng kani-kanilang pamilya na nakibahagi sa kanilang pagpupunyagi.
[Talababa]
a Ang ilang pangalan ay binago bilang konsiderasyon sa mga maysakit at sa kanilang pamilya.