Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 2/8 p. 4-8
  • Istrok—Ang Dahilan Nito

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Istrok—Ang Dahilan Nito
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Epekto Nito
  • Mga Problema sa Komunikasyon
  • Mga Pagbabago sa Damdamin at Personalidad
  • Biktima Rin ang mga Miyembro ng Pamilya
  • Pagharap sa mga Epekto Nito
    Gumising!—1998
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1998
  • Istrok!
    Gumising!—1998
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 2/8 p. 4-8

Istrok​—Ang Dahilan Nito

“ANG utak ang pinakadelikadong sangkap ng katawan,” ang sabi ng neurologong si Dr. Vladimir Hachinski, ng University of Western Ontario sa London, Canada. Sa 2 porsiyento lamang ng kabuuang timbang ng katawan, ang utak ay naglalaman ng mahigit na sampung bilyong selula ng nerbiyo, na laging nakikipagtalastasan upang mabuo ang bawat isip, kilos, at damdamin natin. Palibhasa’y dumedepende sa oksiheno at glucose para sa enerhiya, ang utak ay tumatanggap ng patuloy na panustos sa pamamagitan ng isang masalimuot na sistema ng mga arterya.

Gayunman, kapag ang anumang limitadong bahagi ng utak ay napagkaitan ng oksiheno kahit na sa loob ng ilang segundo, napipinsala ang maseselan na gawain ng neuron. Kung magpatuloy ito nang mahigit sa ilang minuto, napipinsala ang utak, yamang ang mga selula ng utak ay nagsisimulang mamatay gayundin ang mga gawaing kontrolado nito. Ang kalagayang ito’y tinatawag na ischemia, ang kawalan ng oksiheno pangunahin nang dahil sa pagbabara ng arterya. Higit pang pinsala ang nangyayari sa himaymay ng utak yamang ang kawalan ng oksiheno ay pinagmumulan ng nakamamatay na sunud-sunod na reaksiyon sa kimiko. Ang resulta ay istrok. Nangyayari rin ang istrok kapag pumutok ang mga ugat, anupat binabaha ng dugo ang utak, na bumabara naman sa nag-uugnay na mga daanan. Pinuputol nito ang kemikal at elektrikal na daloy tungo sa mga kalamnan at napipinsala ang himaymay ng utak.

Ang mga Epekto Nito

Ang bawat istrok ay naiiba, at maaaring maapektuhan ng istrok ang mga indibiduwal sa mga paraan na halos ay walang-takda. Bagaman walang isa man ang dumaranas ng lahat ng posibleng resulta ng isang istrok, ang mga epekto ay maaaring mula sa bahagya at hindi halos mapansin tungo sa grabe at halatang-halata. Ang bahagi ng utak na doon nangyayari ang istrok ay tumitiyak kung aling mga gawain ng katawan ang napinsala.

Ang karaniwang nararamdaman ay panghihina o paralisis ng mga kamay at paa. Karaniwan na, ito’y sa isang bahagi lamang ng katawan, ang panig na nasa kabilang bahagi ng utak na pinagmulan ng istrok. Sa gayon, ang pinsala sa kanang bahagi ng utak ay nagbubunga ng paralisis sa kaliwang bahagi, at ang pinsala naman sa kaliwang bahagi ng utak ay paralisis sa kanang bahagi ng katawan. Maaaring magagamit pa rin ng ilang indibiduwal ang kanilang mga kamay at paa, subalit natutuklasan nilang ang kanilang mga kalamnan ay nanginginig anupat parang nawawalan ng kontrol ang kanilang braso’t paa. Ang biktima ay parang isang baguhang skater na iniingatan ang kaniyang panimbang. Ganito ang sabi ni Dr. David Levine ng New York University Medical Center: “Naiwala nila ang uri ng pakiramdam na nagsasabi sa kanila kung kumikilos ba o hindi ang kanilang braso’t paa at kung nasaan ba ito.”

Mahigit sa 15 porsiyento ng mga nakaligtas ay dumaranas ng mga sumpong, na nagbubunga ng mga di-mapigil na mga pagkilos at, karaniwan na, mga panahon na nawawalan ng malay. At, karaniwan din ang pagkadama ng kirot at mga pagbabago sa pandamdam. Ganito ang sabi ng isang nakaligtas sa istrok na dumaranas ng patuloy na pamamanhid sa kaniyang mga kamay at paa: “May mga gabing nagigising ako dahil para akong kinukuryente kapag may nakasasagi sa aking mga binti.”

Maaaring kabilang sa resulta ng istrok ang dobleng paningin at mga problema sa paglunok. Kung napinsala ang mga sentro ng pandamdam sa bibig at lalamunan, higit pang hirap ang mararanasan ng mga biktima ng istrok, gaya ng paglalaway. Maaaring maapektuhan ang alinman sa limang pandamdam, anupat nagkakaproblema sa paningin, pandinig, pang-amoy, panlasa, at pandama.

Mga Problema sa Komunikasyon

Gunigunihin mo ang iyong sarili na sinusundan ng dalawang napakalaking estranghero sa isang madilim na kalye. Sa paglingon mo, nakita mo silang sumusugod sa iyo. Sinisikap mong sumigaw upang humingi ng tulong, subalit walang lumabas na tunog! Naiisip mo ba ang pagkasiphayong madarama mo sa gayong kalagayan? Ganiyan ang nararanasan ng maraming biktima ng istrok kapag biglang nawala ang kanilang kakayahang magsalita.

Ang kawalan ng kakayahan na masabi kung ano ang iyong iniisip, nadarama, inaasam-asam, at mga pinangangambahan​—anupat sa makasagisag na paraan ay napawalay ka sa mga kaibigan at pamilya​—ay isa sa pinakamapangwasak na resulta ng istrok. Ganito ito inilarawan ng isang nakaligtas sa istrok: “Tuwing sinisikap kong magsalita ay walang lumalabas. Napilitan akong manahimik na lamang at hindi ako makasunod sa bibigan o nasusulat na mga utos. Ang tunog ng mga salita . . . ay para bang ang mga tao sa paligid ko’y nagsasalita ng ibang wika. Hindi ako makaintindi ni makapagsalita.”

Gayunman, naunawaan ni Charles ang lahat ng sinasabi sa kaniya. Subalit kung tungkol naman sa pagsagot, ganito ang sulat niya: “Bubuuin ko ang mga salitang gusto kong sabihin, subalit ang mga ito’y nagkakabuhul-buhol at nagkakahalu-halo. Sa puntong iyon para bang ako’y napiit sa aking sarili.” Sa kaniyang aklat na Stroke: An Owner’s Manual, ganito ang paliwanag ni Arthur Josephs: “Mahigit na sandaang iba’t ibang kalamnan ang kinokontrol at pinag-uugnay kapag nagsasalita at ang bawat isa sa mga kalamnang ito sa katamtaman ay kontrolado ng mahigit na sandaang motor unit. . . . Isang kagila-gilalas na 140,000 neuromuscular event [ang] kinakailangan para sa bawat segundo ng pagsasalita. Kataka-taka ba na ang isang pinsala sa isang bahagi ng utak na kumokontrol sa mga kalamnang ito ay maaaring magbunga ng pagkabulol?”

Maraming nakalilitong pangyayari sa larangan ng pagsasalita ang dulot ng istrok. Halimbawa, ang isang tao na hindi makapagsalita ay maaaring makaawit. Ang isa naman ay maaaring pabiglang magsalita subalit hindi sa panahong gusto niyang magsalita o maaaring, sa kabilang banda, wala itong tigil sa pagsasalita. Ang iba naman ay inuulit-ulit ang mga salita o parirala o ginagamit ang mga salita nang di-angkop, na nagsasabing oo samantalang ang ibig niyang sabihin ay hindi at ang kabaligtaran nito. Alam ng ilan ang mga salitang gusto nilang gamitin, subalit hindi mautusan ng utak ang bibig, labi, at dila na sabihin ang mga ito. O maaari nilang maranasan ang pagkabulol dahil sa panghihina ng mga kalamnan. Maaari namang bigkasin ng ilan ang kanilang mga salita nang matunog na matunog.

Ang iba pang pinsala ng istrok ay maaaring ang pagkasira ng bahagi ng utak na kumokontrol sa tono ng damdamin. Ang resulta ay maaaring pananalitang walang kabuhay-buhay. O maaaring nahihirapan sa pag-unawa sa tono ng damdamin ng iba. Ang mga sagabal na ito sa komunikasyon at yaong mga inilarawan kanina ay maaaring magpalayo sa mga miyembro ng pamilya, gaya ng mag-asawa. Ganito ang sabi ni Georg: “Dahil sa apektado ng istrok ang mga ekspresyon ng mukha at ang mga kilos, oo ang buong pagkatao, bigla na lamang kaming hindi magkasundo na gaya nang dati. Parang hindi ito ang dati kong asawa, isa na kailangang makilala kong muli.”

Mga Pagbabago sa Damdamin at Personalidad

Ang di-angkop na mga sumpong, mga biglang pagluha o pagtawa, matinding galit, di-karaniwang mga damdamin ng paghihinala, at sobra-sobrang kalungkutan ay bahagi lamang ng nakalilitong mga problema sa damdamin at personalidad na kailangang pakitunguhan ng mga nakaligtas sa istrok at ng kani-kanilang pamilya.

Ganito ang sabi ng isang biktima ng istrok na nagngangalang Gilbert: “Kung minsan, nagiging emosyonal ako, tumatawa o umiiyak sa maliliit na bagay. Paminsan-minsan, kapag tumatawa ako, may magtatanong sa akin, ‘Bakit ka tumatawa?’ at talaga namang hindi ko masabi sa kanila.” Ito, pati na ang mga problema sa panimbang at bahagyang pag-ika, ang nag-udyok kay Gilbert na magsabi: “Para akong nasa ibang katawan, para akong ibang tao, hindi na gaya noong bago ako maistrok.”

Sa pamumuhay na may mga pinsalang bumabago sa isipan at katawan, iilang tao lamang kung mayroon man, ang hindi dumaranas ng matinding pagkabalisa ng damdamin. Si Hiroyuki, na dahil sa istrok ay hindi na makapagsalita nang maayos at bahagyang naparalisis, ay nagkokomento: “Hindi ako bumuti kahit sa paglipas ng panahon. Palibhasa’y natatalos ko na hindi ko na maipagpapatuloy pa ang aking trabaho na gaya nang dati, ako’y nasiraan ng loob. Sinisi ko ang mga bagay-bagay at mga tao at parang sasabog ang aking dibdib. Hindi ako nagpakalalaki.”

Ang takot at pagkabalisa ay karaniwan na sa mga biktima ng istrok. Ganito ang sabi ni Ellen: “Natatakot ako kapag namimigat ang aking ulo na maaaring babala ng susunod na istrok. Takot na takot ako kapag nagiging negatibo ang aking isip.” Ipinaliliwanag ni Ron ang pagkabalisang kinakaharap niya: “Kung minsan ay halos imposibleng makarating sa tamang konklusyon. Ang pagsusuri sa dalawa o tatlong maliliit na problema nang magkasabay ay nakasisiphayo sa akin. Napakadali kong makalimutan ang mga bagay-bagay anupat hindi ko maalaala ang isang pasiya na ginawa ko mga ilang minuto lamang ang nakaraan. Bunga nito, nakagagawa ako ng ilang malalaking pagkakamali, at ito’y kahihiyan sa akin at sa iba. Magiging ano na kaya ako pagkalipas ng ilang taon? Hindi ko na ba kayang makipag-usap nang matino o magmaneho ng kotse? Magiging pabigat ba ako sa aking asawang babae?”

Biktima Rin ang mga Miyembro ng Pamilya

Kung gayon, makikitang hindi lamang ang mga biktima ng istrok ang siyang nakikipagbuno sa mapangwasak na mga resulta. Gayundin ang kanilang mga pamilya. Sa ilang kaso ay kailangan nilang harapin ang matinding pagkabigla na makita ang isang dating mahusay magsalita at may kakayahang indibiduwal na biglang nanghina, na naging parang dumedependeng sanggol. Ang mga ugnayan ay maaaring masira yamang ang mga miyembro ng pamilya ay kailangang gumanap ng naiibang mga papel.

Ganito inilalahad ni Haruko ang kalunus-lunos na mga epekto: “Nalimutan na ng aking asawang lalaki ang halos lahat ng bagay na mahalaga. Agad na kinailangan naming bitiwan ang kompanyang pinangasiwaan niya at naiwala namin ang aming tahanan at mga ari-arian. Ang labis kong ikinalulungkot ay na hindi ko na malayang makakausap ang aking asawa o makababaling sa kaniya para humingi ng payo. Palibhasa’y nalilito kung araw ba o gabi, madalas na inaalis niya ang pansapin na lampin na kailangan sa gabi. Bagaman alam namin na darating ang panahon na magiging ganito ang kalagayan niya, hindi pa rin namin matanggap ang katotohanan ng kaniyang kalagayan. Lubusang nabaligtad ang aming kalagayan, dahil ngayon kaming mag-ina ang mga tagapag-alaga ng aking asawa.”

“Ang pag-aalaga sa isa na naistrok​—gaano mo man sila kamahal​—ay maaaring nakapapagod kung minsan,” sabi ni Elaine Fantle Shimberg sa Strokes: What Families Should Know. “Hindi naiibsan ang tensiyon at pananagutan.” Sa ilang kaso ang lubus-lubusang pangangalaga na ginagawa ng ilang miyembro ng pamilya ay maaaring makapinsala sa kalusugan, emosyon, at espirituwalidad ng tagapag-alaga. Ipinaliwanag ni Maria na ang istrok ng kaniyang ina ay nagkaroon ng matinding epekto sa kaniyang buhay: “Dinadalaw ko siya araw-araw at sinisikap kong patibayin siya sa espirituwal, nagbabasa at nananalangin akong kasama niya, at pinag-uukulan ko siya ng labis-labis na pagmamahal, yakap, at mga halik. Pag-uwi ko ng bahay, said na said na ang aking damdamin​—hanggang sa may mga araw na ako’y sumusuka na.”

Ang pinakamahirap na bagay na dapat harapin ng ilang tagapag-alaga ay ang pagbabago sa paggawi. Ganito ang sabi ng neurosikologo na si Dr. Ronald Calvanio sa Gumising!: “Kung may karamdaman ka na apektado ang masalimuot na ginagawa ng cerebral cortex​—alalaong baga, kung paano nag-iisip ang isang tao, kinokontrol ang kaniyang buhay, ang kaniyang emosyonal na mga reaksiyon​—pinakikitunguhan natin ang mismong pagkataong iyon, kaya sa ilang paraan ang lumitaw na mga sikolohikal na kapinsalaan ay talagang gumagawa ng malaking pagbabago sa buhay ng pamilya.” Ganito ang sabi ni Yoshiko: “Ang aking asawa ay waring lubusang nagbago pagkatapos ng kaniyang karamdaman, anupat biglang nagagalit sa maliliit na bagay. Talagang napakamiserable ko noong mga panahong iyon.”

Kadalasan, ang mga pagbabago sa personalidad ay hindi talos niyaong mga hindi kapamilya. Kaya naman, ang ilang tagapag-alaga ay nakadarama na sila’y pinabayaan at mag-isang nagsasabalikat ng kanilang mga pasanin. Ganito ang paliwanag ni Midori: “Ang aking asawang lalaki ay nagkaroon ng kapansanan sa isip at emosyon dahil sa istrok. Bagaman may malaking pangangailangan siya para sa pampatibay-loob, hindi niya sasabihin ito kaninuman at sinasarili ang pagdurusa. Kaya ako na ang bahalang makitungo sa kaniyang mga damdamin. Ako’y di-mapalagay at kung minsa’y natatakot pa nga habang inaabangan ko ang mga sumpong ng aking asawa.”

Paano naharap ng maraming nakaligtas sa istrok at ng kani-kanilang pamilya ang mga pagbabagong dala ng istrok sa kanilang buhay? Sa anu-anong paraan maaalalayan natin yaong mga pinahihirapan ng nakalulumpong mga epekto ng istrok? Ipaliliwanag ito ng ating susunod na artikulo.

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

Mga Babalang Tanda

• Biglang panghihina, pamamanhid, o paralisis ng mukha, bisig, o binti, lalo na sa isang panig ng katawan

• Biglang panlalabo o pagdidilim ng paningin, lalo na sa isang mata; nadodoble ang paningin

• Nahihirapang magsalita o umunawa kahit ng simpleng pangungusap

• Pagkaliyo o pagkawala ng panimbang o koordinasyon, lalo na kung kasabay ng iba pang sintomas

Mga Sintomas na Di-Gaanong Karaniwan

• Bigla, hindi maipaliwanag, at matinding sakit ng ulo​—kadalasang inilalarawan bilang “ang pinakamatindi sa lahat ng sakit ng ulo”

• Biglang pagkalula at lagnat​—naiiba sa karamdaman dahil sa isang virus sa bilis ng pagsalakay nito (mga minuto o oras lamang sa halip na ilang araw)

• Sandaling pagkawala ng malay o isang panahon ng paghina ng ulirat (hinihimatay, nalilito, mga kumbulsiyon, coma)

Huwag Ipagwalang-Bahala ang mga Sintomas

Si Dr. David Levine ay humihimok na kapag lumitaw ang mga sintomas, ang pasyente ay “magtungo agad hangga’t maaari sa emergency ward ng ospital. May katibayan na kung magagamot ang isang istrok sa unang ilang oras, mababawasan ang pinsala.”

Kung minsan ang mga sintomas ay maaaring lumitaw sa loob ng napakaikling yugto ng panahon at pagkatapos ay nawawala. Ang mga pangyayaring ito ay kilala bilang mga TIA, o transient ischemic attacks. Huwag ipagwalang-bahala ang mga ito, yamang maaaring ipinahihiwatig nito ang mga panganib ng malubhang istrok, at maaaring sundan ng talagang istrok. Magagamot ng isang doktor ang mga dahilan at makatutulong upang mabawasan ang panganib na maistrok.

Hinango mula sa mga tuntunin na inilaan ng National Stroke Association, Englewood, Colorado, E.U.A.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share