Pagharap sa mga Epekto Nito
HABANG nakahiga sa isang kama sa ospital na may paralisadong mga paa’t kamay, tinanong ni Gilbert ang kaniyang doktor: “Magagamit ko pa ba kailanman ang aking kamay at ang aking paa?” Narinig ni Gilbert ang humahamong tugon: “Habang higit na pagsisikap ang gagawin mo, lalo mong magagamit muli ang mga ito, at mas mabilis mong magagawa ito.” Siya’y sumagot: “Nakahanda ako!” Ang physical therapy lakip na ang positibong pangmalas ay nakatulong sa kaniya, sa gulang na 65, mula sa isang silyang de gulong tungo sa isang walker, pagkatapos ay sa isang baston at balik sa trabaho.
“Karamihan ng mga rehabilitasyon pagkatapos ng istrok sa ngayon ay nagtataguyod sa ideya na kung napinsala ang isang bahagi ng utak, magagawa ng iba pang dako sa utak ang bahagi ng napinsalang himaymay nito. Ang isang layunin ng therapy ay upang ilabas kapuwa ang potensiyal ng di-sangkot na mga sentrong ito at pakilusin ito upang payagan ang utak na muling mag-organisa at makibagay,” sabi ng mga mananaliksik na sina Weiner, Lee, at Bell. Subalit, ang paggaling ay tinitiyak din ng iba pang salik, gaya ng dako at tindi ng istrok, ang panlahat na kalusugan ng indibiduwal, ang kalidad ng medikal na pangangalaga, at ang suporta ng iba.
Suporta ng Pamilya at mga Kaibigan
Si Erikka ay nagsasagawa ng mga ehersisyong panrehabilitasyon sa loob ng tatlong taon, anupat siya’y natututong lumakad at gamitin ang kaniyang kanang kamay upang makabawi sa kaniyang may kapansanang kaliwang kamay. Sinabi niya kung ano ang nakatulong sa kaniya na maharap ito: “Ang pinakamahalagang bagay ay na nanatiling tapat sa akin ang aking asawang lalaki at mga kaibigan. Ang malaman na mahal nila ako ay nagpalakas sa akin, at nang patibayin nila ako na huwag sumuko, ito’y nagpasigla sa akin.”
Ang mga miyembro ng pamilya ay nagiging mga kasama sa proseso ng pagpapagaling ng kanilang mga mahal sa buhay. Kailangan nilang magtanong sa mga doktor at subaybayan ang mga therapy na maaaring kailangang ipagpatuloy sa bahay upang hindi masayang ang mga pagsulong na nagawa na. Ang pagtitiis, kabaitan, pang-unawa, at pagmamahal na ipinakita ng mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan ay nagbibigay ng isang tiwasay na kapaligiran upang matuto muling magsalita, bumasa, at iba pang kasanayan sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Habang sinisikap na pagtimbangin ang pamimilit at pagpapamihasa, si John ay nagpagal sa pagtulong sa ehersisyo at therapy ng kaniyang asawang si Ellen. Inilalarawan niya ang mga pagsisikap ng kaniyang pamilya: “Hindi namin hinahayaang malugmok si Ellen sa pagkaawa sa sarili. Kung minsan kami’y nagiging istrikto sa pagsasabi ng kaniyang gagawin, subalit lagi naming sinusubaybayan ang kaniyang mga limitasyon at tumutulong. Mas sensitibo siya, kaya sinisikap kong huwag siyang matensiyon.”
Habang natututong magsalitang muli si Ellen sa tulong ng isang speech therapist, tinulungan siya ni John. “Ang paggawa ng mga bagay-bagay nang magkasama ay isang pampatibay-loob, kaya binabasa namin nang malakas ang Bibliya sa isa’t isa, na nakatulong upang sumulong ang kaniyang pagsasalita. Gayundin, dahan-dahan muna, kami’y nakibahagi sa ministeryo, yamang kami’y mga Saksi ni Jehova. Sa ganitong paraan ay naibabahagi ni Ellen sa iba ang pag-asang taglay namin sa hinaharap. Ito mismo ang therapy ni Ellen.” Sa pagtatapos ng tatlong taon, malaki ang naging pagsulong ni Ellen.
Ang pampatibay-loob at lakas na maibabahagi ng mga kaibigan ay hindi dapat maliitin, yamang ito’y may napakalaking epekto sa paggaling ng isang nakaligtas sa istrok. Ang babasahing pangmedisina na Stroke ay nag-ulat na ang mas mataas na “mga antas ng suportang panlipunan ay natuklasang nagiging dahilan ng mas mabilis na paggaling at mas maraming panlahatang pagsulong sa pagkilos, kahit sa mga pasyenteng mas malulubhang naistrok.”
Labis na pinahalagahan ni Bernie ang suportang ibinigay sa kaniya ng kaniyang mga kaibigan. Ipinagunita niya sa amin: “Ang mga pagdalaw ng mga kaibigan ay mahalaga sa paggaling. Ang madamaying tinig at pagmamalasakit ay nakapagpapasigla. Bagaman hindi kailangang pagtuunan ang kapansanan ng tao, ang pagpansin sa anumang pagsulong ay totoong nakapagpapatibay-loob.” Ano ang magagawa nating lahat upang suportahan yaong mga naistrok? “Magdala ng mga bulaklak,” ang mungkahi ni Bernie, “o magbahagi ng isang maka-Kasulatang kaisipan o karanasan. Malaki ang naitulong niyan sa akin.”
Natuklasan ng may-edad nang si Melva, na nakaligtas sa istrok, na nakatutulong kung isa sa kaniyang espirituwal na kapatid ay mananalanging kasama niya. Inirerekomenda rin ito ni Gilbert, na nagpapaliwanag: “Ipinakikita nito na ikaw ay talagang nagmamalasakit kapag ikaw ay nananalanging kasama ng isa.” Si Peter, na napinsala ang paningin dahil sa istrok, ay nagpapahalaga kapag inuunawa ng iba ang kaniyang mga limitasyon at naglalaan ng panahon upang magbasa sa kaniya.
Ang pagtulong sa isa sa pagpaparoo’t parito sa rehabilitasyon ay pagpapakita rin ng pag-ibig. Mahalaga rin na tiyaking ang tahanan ng biktima ng istrok ay isang ligtas na dako. Ang pagkahulog ay laging isang banta kapag problema ang panimbang. Halimbawa, pinahalagahan ni Gilbert ang maibiging tulong ng mga kaibigan na, bukod sa ibang bagay, naglagay ng barang hawakan sa kaniyang banyo bilang pag-iingat.
Matutong Magbigay ng Suporta
Ang mga sumpong at ang matinding tendensiyang umiyak ay maaaring nakahihiya para sa biktima ng istrok, at nakatataranta rin sa mga nakakakita na maaaring hindi alam kung ano ang gagawin. Gayunman, palibhasa’y natututo ng pagsuporta, nasasagip ng mga kaibigan ang isang biktima ng istrok sa maaaring mangyaring pagbukod nito ng kaniyang sarili. Karaniwan na, dumadalang ang pag-iyak. Subalit kapag lumuha na, manatiling mahinahon at samahan ang taong iyon, na sinasabi ang mga bagay na gusto mong marinig kung ikaw ang nasa kaniyang kalagayan.
Higit sa lahat, paunlarin ang makadiyos na pag-ibig para sa kanila na dahil sa kapansanan ay nabago ang dati mong alam na personalidad nila noon. Batid nila ang iyong nadarama, at apektado naman nito ang kanilang pagtugon sa iyo. Ganito ang komento ni Erikka: “Maaaring hindi na ako kailanman maging gaya nang dati. Subalit walang dapat na umasa niyan mula sa isang biktima ng istrok. Dapat na matutuhang ibigin ng mga kamag-anak at mga kaibigan ang anumang pagbabago sa kaniyang pagkatao. Kung maingat nilang susuriin ang kaniyang personalidad, matutuklasan nila na ang pinakakaakit-akit na mga katangian noon ay naroroon pa rin.”
Nababawasan ang paggalang sa sarili kapag ang isa ay hindi makapagsalita o maunawaan. Sa pagsisikap na makipag-usap sa kanila, maaaring patunayan ng mga kaibigan ang kahalagahan niyaong napinsala ang pananalita. Ganito ang sabi ni Takashi: “Ang naiisip ko at nadarama sa puso ay hindi nagbago. Subalit, waring iniiwasan ako ng mga tao dahil sa hindi nila magawang makipag-usap sa akin sa normal na paraan. Mahirap para sa akin na lumapit sa mga tao, subalit kapag may lumapit upang makipag-usap sa akin, ito’y malaking pampatibay-loob sa akin at talagang nagpapaligaya sa akin!”
Ang sumusunod ay ilang alituntunin na makatutulong sa ating lahat na suportahan at patibaying-loob yaong mga may kapansanan sa pagsasalita.
Hindi apektado ng karamihan ng istrok ang pag-iisip. Karamihan ng mga taong nakaligtas sa isang istrok ay nananatiling alisto ang isip, bagaman ang kanilang pananalita ay maaaring mahirap maunawaan. Kailanman ay huwag silang hamakin o magsalita sa kanila na parang bata. Pakitunguhan sila nang may dignidad.
Matiyagang makinig. Kailangan nila ng panahon upang maayos na muli ang isang kaisipan o tapusin ang isang salita, parirala, o pangungusap. Tandaan, ang pinakamagiliw na tagapakinig ay hindi nagmamadaling makinig.
Huwag magkunwang naunawaan kung hindi naman. May kabaitang aminin: “Ikinalulungkot ko. Hindi ko maintindihan. Ulitin natin mamaya.”
Magsalita nang mabagal at malinaw sa isang normal na tono ng boses.
Gumamit ng maiikling pangungusap at ng pamilyar na mga salita.
Gumamit ng mga tanong na sasagutin ng oo o hindi, at himukin mo ang pagsagot. Isaisip na maaaring hindi nila nauunawaan ang iyong mga salita.
Panatilihing hindi maingay ang kapaligiran.
Pagharap, Taglay ang Maibiging Suporta ni Jehova
Bagaman mahalagang malaman ang dahilan ng iyong istrok, yamang pinangyayari ka nitong kumilos at bawasan ang iyong panganib na maistrok, mahalaga rin na masupil ang kaagapay na takot. Ganito ang sabi ni Ellen: “Ang mga salita ng Diyos sa Isaias 41:10 ay lalo nang nakaaliw sa akin. Doon ay sinasabi niya: ‘Huwag kang matakot, sapagkat ako’y sumasaiyo. Huwag kang tumitig sa palibut-libot, sapagkat ako ang iyong Diyos. Palalakasin kita. Talagang tutulungan kita. Aking talagang aalalayan ka ng aking kanang kamay ng katuwiran.’ Si Jehova ay naging totoong-totoo sa akin, anupat ako’y hindi natatakot.”
Tinutulungan din ng Bibliya si Anand na harapin ang siphayong nadarama niya: “Binibigyan ako nito ng sukdulang suporta, yamang palagi ako nitong pinasisigla at pinananariwa.” Ang problema ni Hiroyuki ay kung paano makikinabang mula sa mga Kasulatan, yamang hindi siya makapagtuon ng isip. Sabi niya: “Natuklasan ko ang kaaliwan sa pakikinig sa mga aklat ng Bibliya sa mga audiocassette.”
Si apostol Pablo ay nagsabi: “Kapag ako ay mahina, sa gayon ay makapangyarihan ako.” (2 Corinto 12:10) Ang espiritu ni Jehova ang tumulong kay Pablo na magawa ang hindi niya magawa sa ganang kaniyang sarili. Yaong mga nakaligtas sa istrok ay makaaasa rin kay Jehova para sa espirituwal na lakas. Ganito ang paliwanag ni Erikka: “Kapag tayo’y malakas at nagagawa ang lahat ng bagay sa ating sariling lakas, maaaring hindi natin binibigyan ng maraming pagkakataon si Jehova na tulungan tayo. Subalit pinangyari ng aking kapansanan na palakasin ko ang aking kaugnayan sa kaniya sa totoong natatanging paraan.”
Nakasusumpong ng Suporta ang mga Tagapag-alaga
Ang mga tagapag-alaga ay nangangailangan ng suporta sa kanilang napakahalagang papel. Saan sila maaaring bumaling para sa suporta? Ang isang dako ay sa loob ng pamilya. Ang bawat miyembro ay kailangang makibahagi sa pasanin ng pag-aalaga. Ganito ang sabi ni Yoshiko kung paanong ang kaniyang mga anak na lalaki ay nagbigay sa kaniya ng emosyonal na tulong: “Pinakikinggan nila ang aking mga problema na parang ang mga ito’y kanilang problema.” Kailangang kunin ng mga miyembro ng pamilya ang lahat ng makukuhang impormasyon upang matutuhan kung paano pangangalagaan ang isang biktima ng istrok at kung paano rin pakikitunguhan ang mga pagbabago sa personalidad ng kanilang mga mahal sa buhay.
Sino pa ang maaaring sumuporta sa mga tagapag-alaga? Si David at ang kaniyang pamilya ay humingi ng tulong para kay Victor sa kanilang espirituwal na pamilya sa loob ng kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova: “Tumugon sila sa aming pangangailangan. Sa paghahali-halili, kung minsan sila’y nagpupunta at natutulog sa amin upang bantayan si Victor sa buong magdamag para sa amin.”
Kailangang madama ng bawat tagapag-alaga ang mainit na pag-ibig at suporta ng kaniyang espirituwal na pamilya. Subalit maaaring nahihirapan ang ilan na humingi ng tulong. Ganito ang paliwanag ni Haruko: “Ako’y madalas na sabihan: ‘Kung anuman ang kailangan mo, huwag kang mag-atubiling ipaalam sa amin.’ Subalit dahil sa alam ko kung gaano kaabala ang lahat, atubili akong humingi ng tulong. Labis akong magpapasalamat kung ang mga tao ay mag-aalok ng tulong sa espesipikong mga paraan: ‘Matutulungan kita sa paglilinis. Anong araw ang pinakamabuti sa iyo?’ ‘Puwede kitang ipamili, ayos lang ba kung pumunta ako sa inyo ngayon?’”
Ang maybahay ni Kenji ay naistrok; subalit, nailalaan niya ang pangangalaga na kailangan nito. Natuklasan niya na sa pamamagitan ng panalangin ay naihahagis niya kay Jehova ang kaniyang mga pasanin. Nang maglaon, hindi na makapagsalita ang kaniyang asawa, at dahil diyan, si Kenji ay nawalan ng isang kasama na makakausap. Subalit binabasa niya ang Bibliya araw-araw. Sabi niya: “Ipinaaalaala nito sa akin ang magiliw na pagmamalasakit ni Jehova sa mga bagbag ang espiritu, at ito ang nakahadlang sa akin upang manlumo at malumbay.”
Makatutulong ang pagkaumaasa sa espiritu ni Jehova kapag waring nadaraig tayo ng ating mga damdamin. Ganito ang sabi ni Yoshiko, na kinakaharap ang pagbabago sa personalidad at mga silakbo ng galit ng kaniyang asawang lalaki pagkatapos nitong maistrok: “Kung minsan parang gusto kong sumigaw. Sa mga panahong iyon ay lagi akong nananalangin kay Jehova, at pinapayapa ako ng kaniyang espiritu.” Bilang pagpapahalaga sa katapatan ni Jehova sa kaniya, hindi niya hinahayaang may humadlang sa kaniyang Kristiyanong paraan ng pamumuhay. Regular siyang dumadalo sa mga pulong Kristiyano, nakikibahagi sa ministeryo, at nagsasagawa ng personal na pag-aaral sa Bibliya. “Sa paggawa ng aking bahagi,” sabi ni Yoshiko, “alam kong hindi ako kailanman pababayaan ni Jehova.”
Kapag sumisingit ang pagkabalisa, si Jehova ay laging naririyan upang makinig. Si Midori, na ang asawang lalaki ay nakaligtas sa istrok, ay nagkakaroon ng kaaliwan sa bagay na, sa makasagisag na paraan, inilalagay ni Jehova ang lahat ng luha na iniluha niya sa kaniyang “botelyang balat.” (Awit 56:8) Naalaala niya ang mga salita ni Jesus: “Huwag kayong mabalisa kailanman tungkol sa susunod na araw.” Aniya: “Buo na ang pasiya ko na maging matiisin hanggang sa dumating ang bagong sanlibutan.”—Mateo 6:31-34.
Pagharap sa Matitinding Limitasyon
Totoo na sa kanilang rehabilitasyon ay nararanasan ng ilan ang kapansin-pansing paggaling, subalit ang iba ay hindi gaanong nagtagumpay na maibalik ang dating kakayahan bago naistrok. Ano ang makatutulong sa mga huling banggit na maharap ang hamon na matanggap ang kanilang mga limitasyon, gaano man katindi at katagal ang mga ito?
Ganito ang sagot ni Bernie, na hindi gaanong makakilos dahil sa istrok: “Ang kagalakan ng aking pag-asa na buhay na walang hanggan sa darating na isang paraisong lupa at ang panalangin sa aking makalangit na Ama, si Jehova, ay nakatulong sa akin na tanggapin ang aking mga limitasyon nang may kahinahunan.”
Ang pag-asang ito ang tumulong kay Erikka at sa kaniyang asawa, si Georg, na tanggapin ang kaniyang mga limitasyon at masiyahan pa rin sa buhay. Ganito ang paliwanag ni Georg: “Taglay namin ang pangako ng Diyos tungkol sa lubusang paggaling balang araw. Kaya hindi namin pinagtutuunan ng pansin ang kapansanan. Mangyari pa, ginagawa pa rin namin ang lahat para sa kalusugan ni Erikka. Subalit makakasanayan mo na rin ang di-ganap na mga koordinasyon ng mga kalamnan at magtuon ng pansin sa mas positibong mga bagay.”—Isaias 33:24; 35:5, 6; Apocalipsis 21:4.
Sa mga kalagayan na doon ang paggaling ay napakalimitado, ang suporta ng pamilya at mga kaibigan ay lalo nang mahalaga. Matutulungan nila ang biktima na magbata hanggang sa dumating ang panahon ng Diyos upang lunasan ang lahat ng mga suliranin sa kalusugan.
Sa pagkaalam na may dakilang hinaharap para sa mga biktima ng istrok at sa kani-kanilang pamilya kapag isasauli na ang kalusugan ay nagpapangyari sa kanila na harapin ang buhay sa bawat araw. Kaya may pagtitiyagang mahihintay nila ang ginhawa mula sa lahat ng paghihirap, sa bagong sanlibutan ng Diyos na malapit nang dumating. (Jeremias 29:11; 2 Pedro 3:13) Samantala, lahat ng babaling kay Jehova ay makapagtitiwala na kahit na sa ngayon ay tutulungan at susuportahan niya sila sa pagharap sa nakalulumpong mga epekto ng istrok.—Awit 33:22; 55:22.
[Blurb sa pahina 12]
Makatutulong ang pamilya at mga kaibigan na makayanan ito ng biktima hanggang sa dumating ang panahon ng Diyos na malunasan ang lahat ng karamdaman
[Kahon/Larawan sa pahina 10]
Pag-iwas sa Istrok
“ANG pinakamabuting paraan upang maharap ang istrok ay ang pagsikapang iwasan ito,” ang sabi ni Dr. David Levine. At ang numero unong salik na nauugnay sa karamihan ng istrok ay ang alta presyon.
Para sa maraming tao, ang alta presyon ay makokontrol sa pamamagitan ng pagkaing sagana sa potassium at mababa sa asin, saturated fat, at kolesterol. Mahalaga rin na bawasan ang pag-inom ng mga inuming may alkohol. Ang isang regular na programa ng ehersisyo na angkop sa edad at antas ng kalusugan ng isa ay makatutulong upang magbawas ng timbang, na makababawas naman sa presyon ng dugo. Maaaring kailanganing uminom ng gamot—sa ilalim ng pangangasiwa ng isang doktor, yamang napakaraming makukuhang gamot.
Pinakikitid ng karamdaman sa malaking ugat na carotid ang pangunahing ruta ng panustos na dugo patungo sa utak at siyang pangunahing dahilan ng istrok. Depende sa antas ng bara, maaaring kailanganin ang pag-aalis sa bara sa mga arterya sa pamamagitan ng operasyon na kilala bilang carotid endarterectomy. Ipinakikita ng pag-aaral na ang mga taong kinakikitaan ng mga sintomas at napakakipot na ng mga arterya ay nakinabang sa operasyon pati na sa pag-inom ng gamot. Gayunman, maaaring magkaroon ng mga problemang nauugnay sa operasyon, kaya dapat itong isaalang-alang nang maingat.
Nadaragdagan ng sakit sa puso ang panganib na maistrok. Ang atrial fibrillation (iregular na tibok ng puso), na nagpapangyaring mamuo ang dugo at magtungo sa utak, ay magagamot sa pamamagitan ng mga anticoagulant (humahadlang sa pamumuo ng dugo). Ang iba pang problema sa puso ay maaaring mangailangan ng operasyon at paggagamot upang bawasan ang panganib na maistrok. Ang diyabetis ang dahilan ng maraming istrok, kaya ang pagkontrol dito ay nakatutulong upang maiwasan ang istrok.
Ang mga transient ischemic attack, mga TIA, ay malinaw na mga babala na maaaring mangyari ang istrok. Tiyakin na ang mga ito’y hindi ipinagwawalang-bahala. Magtungo sa iyong manggagamot, at harapin ang pinagmumulan nito, yamang maraming ulit na pinararami ng mga TIA ang panganib ng istrok.
Ang malusog at katamtamang istilo ng buhay ay may malaking magagawa upang maiwasan ang istrok. Ang timbang na pagkain at regular na ehersisyo gayundin ang hindi gaanong pag-inom ng inuming may alkohol at ang hindi paninigarilyo ay makatutulong upang panatilihing malusog ang mga arterya at maaari pa ngang makagawa ng mabubuting pagbabago sa napinsala nang mga arterya. Ayon sa iba’t ibang pag-aaral, ang pagdaragdag ng kinakaing sariwang prutas at gulay at mga butil ay nakatulong upang bawasan ang panganib na maistrok.