“Naaalaala Pa Namin . . . ang Bawang!”
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Dominican Republic
KAPAG malayo ka sa iyong bahay at walang laman ang iyong sikmura, anong pagkain ang gusto mong kainin? Baka maalaala mo ang sariwang prutas at gulay sa iyong tinubuang lupain, o baka maisip mo ang malasang nilagang karne o sinabawang isda na luto ng nanay mo. Pero matatakam ka ba sa bawang?
Mga 3,500 taon na ang nakalilipas, habang naglalakbay ang bayan ng Israel sa ilang ng Sinai, sinabi nila: “Naaalaala pa namin ang isda na kinakain namin noon sa Ehipto nang walang bayad, ang mga pipino at ang mga pakwan at ang mga puero at ang mga sibuyas at ang bawang!” (Bilang 11:5) Oo, hinanap-hanap nila ang bawang. Gustung-gusto ng mga Judio ang bawang anupat ayon sa tradisyon, tinawag nila ang kanilang sarili na mga taong mahilig kumain ng bawang.
Paano nagustuhan ng mga Israelita ang bawang? Sa loob ng 215 taon ng matagal na paninirahan sa Ehipto, laging may bawang ang kanilang pagkain. Ipinahihiwatig ng arkeolohikal na mga ebidensiya na matagal pa bago dumating si Jacob at ang kaniyang pamilya, nagtatanim na ng bawang ang mga Ehipsiyo. Iniulat ng Griegong istoryador na si Herodotus na ang mga awtoridad sa Ehipto ay bumibili ng pagkarami-raming sibuyas, labanos, at bawang upang pakanin ang kanilang mga aliping nagtatayo ng piramide. Ang pagkaing ito na maraming bawang ay tila nagpapalakas at nagpapatibay ng katawan ng mga manggagawa. Nang ilibing ng mga Ehipsiyo si Paraon Tutankhamen, nag-iwan sila ng maraming mahahalagang bagay sa loob ng kaniyang libingan, kasali na ang bawang. Mangyari pa, hindi na magagamit ng mga patay ang bawang, pero kapaki-pakinabang ito sa mga buháy.
Mabisang Gamot
Matagal nang ginagamit ng mga doktor ang bawang sa paggamot ng mga pasyente. Maraming siglo na ang nakalilipas, inirekomenda ito ng mga manggagamot na Griego na sina Hippocrates at Dioscorides para sa mga sakit sa sistema ng panunaw, ketong, kanser, sugat, impeksiyon, at sakit sa puso. Noong ika-19 na siglo, ang bawang ay pinag-aralan ng kimikong Pranses na si Louis Pasteur at inilarawan niya ang mga katangian nitong pumapatay ng baktirya. Sa Aprika noong ika-20 siglo, ang bawang ay ginamit ni Albert Schweitzer, tanyag na misyonero at doktor, para gamutin ang disintirya na dulot ng amoeba at iba pang sakit. Nang maubusan ng modernong mga gamot ang mga doktor ng militar sa Russia noong Digmaang Pandaigdig II, bawang ang ipinanggamot nila sa nasugatang mga sundalo. Kaya nakilala ang bawang bilang penisilin ng Russia. Nitong kamakailan, pinag-aralan ng mga siyentipiko kung paano nakatutulong ang bawang sa sistema ng sirkulasyon ng dugo.
Sa ganitong paraan bukod-tangi ang sustansiya at kakayahang gumamot ng bawang, at talagang naiiba ang amoy at lasa nito. Saan unang itinanim ang bawang? Naniniwala ang ilang botaniko na nagmula ito sa gitnang Asia, at itinanim na rin nang maglaon sa buong mundo. Tingnan natin ang isang magandang lugar sa Kanlurang Hemisperyo kung saan tanyag ang bawang.
Pagtatanim ng Bawang sa Constanza
May katamtamang klima ang Libis ng Constanza, sa Dominican Republic. Yamang napalilibutan ng kabundukan, ang libis ay may matabang lupa at saganang ulan. Magandang lugar na pagtamnan ng bawang ang Constanza.
Tuwing Setyembre o Oktubre, ang mga magsasaka sa Constanza ay naghahawan at nag-aararo ng kanilang mga bukid, at gumagawa ng malalalim na tudling sa pagitan ng mga pilapil na mga isang metro ang lapad. Sa bawat pilapil na ito, nagbubungkal sila ng tatlo o apat na mas mabababaw na tudling kung saan nila itatanim ang bawang. Samantala, pinaghihiwa-hiwalay ng mga manggagawa ang magkakadikit na mga butil ng bawang. Pagkatapos ibabad sa tubig ang mga butil sa loob ng 30 minuto, itinatanim ito ng mga manggagawa sa mga tudling na inihanda para tamnan. Tumutubo ang bawang tuwing panahon ng banayad na taglamig sa Dominican Republic.
Tuwing Marso o Abril, nagsisimula ang pag-aani. Binubunot ng mga manggagawa ang mga magulang na halamang bawang at hinahayaan ang mga itong nakalatag sa bukid sa loob ng lima o anim na araw. Saka nila kinukuha ang bawang, tinatanggal ang mga ugat at usbong, at inilalagay ang malilinis na ulo ng bawang sa mga lalagyang walang takip na tinatawag na mga criba. Iniiwan nilang maghapong nakabilad sa araw ang mga criba para matuyo ang inaning bawang. Pagkatapos, maaari na itong ipagbili.
Kaunting Bawang, Matapang na Amoy
Kapag umupo ka upang kumain ng malasang nilaga o ensalada, maaamoy mo kaagad kung may bawang ito. Pero bakit kaya walang amoy ang bawang kapag hindi pa ito nababalatan? Ang bawang ay may matatapang na kemikal na naghahalo lamang kapag nasugatan, nahiwa, o nadikdik na ang butil nito. Kapag tinadtad mo ang butil ng bawang, humahalo ang enzyme na alliinase sa substansiyang tinatawag na alliin. Kaagad nagkakaroon ng reaksiyon, na naglalabas ng allicin, ang pinagmumulan ng amoy at lasa ng bawang.
Kapag kumagat ka ng isang piraso ng sariwang bawang, parang pumuputok ang allicin sa iyong bibig. Magustuhan mo man ito o hindi, di-magtatagal at mag-aamoy bawang ka. May magagawa ka ba para bawasan ang amoy ng bawang sa iyong hininga? Maaari mong subukang ngumuya ng parsli o kaunting clove—hindi ng isa pang butil ng bawang kundi ng pampalasang kilala bilang clove—para madaig ang amoy ng bawang.
Subalit tandaan na ang amoy ng bawang sa iyong hininga ay pangunahin nang nagmumula sa iyong mga baga. Kapag kumakain ka ng bawang, dinadala ito ng iyong sistema ng panunaw sa iyong daluyan ng dugo, na naghahatid naman nito sa iyong mga baga. Kapag huminga ka, lumalabas ang matapang na amoy nito sa iyong hininga. Kaya hindi matatanggal ng mouthwash o parsli ang amoy ng bawang sa hininga. May mabisang solusyon ba sa problemang ito? Wala talaga. Pero kung kumakain ng bawang ang lahat ng nakapaligid sa iyo, baka wala nang makapansin nito!
Sa maraming lupain, halos walang pagkain na walang bawang. At kahit sa mga lugar kung saan paunti-unti lamang ang paggamit ng bawang, maraming tao na mahilig kumain ng bawang ang naniniwala na mas marami pa rin itong pakinabang kaysa disbentaha.
[Larawan sa pahina 23]
Pinatutuyong inani na bawang
[Larawan sa pahina 23]
Libis ng Constanza
[Larawan sa pahina 23]
Bakit kaya umaamoy lamang ang bawang kapag dinidikdik na ito?