BAWANG
[sa Heb., shu·mimʹ (pangmaramihan)].
Isang may-bulbo at perennial (nabubuhay nang ilang taon) na halaman (Allium sativum), ang bulbo nito na matapang ang amoy at lasa ay binubuo ng hanggang 20 mas maliliit na bulbo, o mga butil. Ang tangkay ng bulaklak ng bawang, na may maliliit na bulbo at baog na mga bulaklak, ay umaabot kung minsan sa taas na 0.3 m (1 piye) o mahigit pa.
Lumilitaw na ang bawang ay malawakang itinatanim noon sa sinaunang Ehipto. Sa ilang ay ninasa ng haluang pulutong at ng mga Israelita ang bawang na dati nilang kinakain doon. (Bil 11:4, 5) Binabanggit ng Griegong istoryador na si Herodotus (II, 125) ang isang inskripsiyon kung saan nakatala ang bawang bilang isa sa mga pagkaing inilaan para sa mga trabahador sa isang piramide. Ang bawang ay malawakan pa ring ginagamit ng mga tumatahan sa mga lugar sa Mediteraneo. Sa Mishnah (Nedarim 3:10), tinukoy ng mga Judio ang kanilang sarili bilang mga kumakain ng bawang. Noon pa man ay ginagamit na ang bawang bilang gamot na pantulong sa panunaw, antibiyotiko, at panlaban sa hilab.