SIBUYAS
[sa Heb., ba·tsalʹ].
Isang halamang biennial (nabubuhay nang dalawang taon), may bulbo at matapang ang lasa anupat ang mga dahon ay payat na parang tubo. Ang sibuyas (Allium cepa) ay isa sa mga pagkaing ninasa ng haluang pulutong at ng mga Israelita noong nasa ilang sila pagkatapos silang mapalaya mula sa Ehipto. (Bil 11:4, 5) Sa lupaing iyon kung saan nabihag ang Israel, ang mga sibuyas ay malawakang itinatanim. Binabanggit pa nga ng Griegong istoryador na si Herodotus (II, 125) ang isang inskripsiyon kung saan ang sibuyas ay nakatalang kasama ng mga pagkaing inilaan sa mga trabahador sa isang piramideng Ehipsiyo. Sa Ehipto, ang mga sibuyas, kadalasang itinatali nang bungkus-bungkos, ay inihandog sa mga bathala, bagaman hindi pinahintulutan ang mga saserdote na kainin ang mga iyon. Ang mga sibuyas ng Ehipto ay inilalarawang malambot, anupat mas madaling matunaw sa tiyan kaysa sa iba pang mga uri, at manamis-namis sa halip na matapang, o maaskad, ang lasa.