PUERO
[sa Heb., cha·tsirʹ; sa Ingles, leek].
Isa sa mga pagkaing ninasa ng haluang pulutong at ng mga Israelita habang sila ay nasa ilang. (Bil 11:4, 5) Ang salitang Hebreo na cha·tsirʹ, isinaling “mga puero” sa tekstong ito, ay posibleng nagmula rin sa salitang-ugat ng katulad na katulad na salitang Hebreo na isinaling “luntiang damo.” (Isa 40:7, 8) Ang pagkaing ito ay nakatalang kasama ng mga sibuyas at bawang, espesipikong mga pagkaing halaman na kahawig na kahawig ng mga puero, anupat nagpapahiwatig na isang partikular na gulay ang tinutukoy, sa halip na damo sa pangkalahatan. Gayundin, mula pa noong sinaunang mga panahon, ang mga puero ay lubhang popular sa Ehipto at karaniwan pa ring kinakain doon at sa Palestina.
Ang puero (Allium porrum) ay katulad na katulad ng sibuyas ngunit naiiba sa sibuyas dahil sa mas banayad na lasa nito, mga dahon na manipis, hugis-silinder, makatas at tulad-damo anupat may lapad na mga 2.5 sentimetro (1 pulgada). Ang tangkay ng bulaklak nito na sa dulo ay may malaking bungkos ng mga bulaklak ay maaaring tumaas nang mga 0.6 m (2 piye). Ang mga bulbo at mga dahon ng biennial (nabubuhay nang dalawang taon) na halamang ito ay iniluluto bilang gulay at ginagamit na pampalasa; kinakain din ito nang hilaw.