Nadama Namin ang Tulong na Nagpapalakas Mula sa Diyos
AYON SA SALAYSAY NI ESTHER GAITÁN
“Kinidnap namin ang nanay mo. Huwag mong tatangkaing tumawag sa pulis. Basta hintayin mo ang tawag namin bukas nang umagang-umaga.”
ANG mas nakababata kong kapatid na babae ang nakatanggap ng tawag na ito hinggil sa aming nanay na si Esther, noong Martes nang nakaraang taon. Kauuwi lamang namin ng asawa kong si Alfredo mula sa pulong sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova nang malaman ko ang hinggil sa tawag na iyon. Pagdating namin sa bahay ng aking mga magulang sa Mexico City, naroroon na ang mga kamag-anak namin. Labis na namimighati ang nakababata kong kapatid na babae at lalaki, at nag-iiyakan naman ang mga kapatid na babae ni Inay.
May inaasikasong negosyo sa ibang lugar ang tatay ko at ang aking kuya. Pagkatapos ko silang makausap sa telepono, napagpasiyahan naming lahat na pinakamabuting ipaalam ito sa pulis. Sa maligalig na magdamag na iyon, humingi kami ng tulong sa panalangin. Damang-dama namin na binibigyan kami ng Diyos ng “lakas na higit sa karaniwan.”—2 Corinto 4:7.
Kinaumagahan, ako ang sumagot sa tawag ng mga kidnaper. Bagaman kabadung-kabado ako, nagawa kong makipag-usap nang mahinahon. Gustong makausap ng kidnaper ang tatay ko, pero sinabi ko sa kaniya na nasa ibang lugar siya. Sinabi ng lalaki na hihintayin nila si Itay bago pasimulan ang negosasyon. Binabalaan niya ako na papatayin nila ang nanay ko kung hindi kami magbibigay ng malaking halaga ng salapi.
Kinabukasan, ako muli ang sumagot sa telepono. Palibhasa’y mahinahon ang aking pagsasalita sa kabila ng kaniyang mga pagbabanta, nagtanong ang kidnaper: “Hindi mo ba alam kung gaano kalubha ang situwasyon?”
“Siyempre alam ko,” ang sagot ko. “Kinidnap ninyo ang nanay ko. Pero mga Saksi ni Jehova kami, at lubos kaming nagtitiwala na tutulungan kami ng aming Diyos. At inihahanda kami ng Bibliya na batahin ang mahihirap na panahong ito na kinabubuhayan natin.”
“Oo na. Oo na. Alam kong lahat ‘yan,” ang sagot niya. “Ganiyan din ang sinasabi ng nanay mo. Malaki ang tiwala niya sa kaniyang Diyos at sa inyo.” Kaya alam naming nananatiling matatag ang pananampalataya ni Inay, at nagpalakas ito sa amin.
Tulong Upang Makapagbata
Sa paglipas ng mga araw, tinawagan kami ng aming mga kapuwa Kristiyano at nagpadala sila ng mga kard at elektronikong mensahe. Dumalo pa rin kami sa aming mga pulong at nakibahagi sa pangangaral. Nakaaliw rin sa amin ang pagbabasa ng Bibliya at literatura sa Bibliya. Higit sa lahat, ang panalangin ay nagbigay sa amin ng “kapayapaan ng Diyos.”—Filipos 4:6, 7.
Ganito ang sinabi ng isang opisyal ng pulisya: “Sa loob ng siyam na taóng paninilbihan ko sa departamento, nakita ko ang kawalang-pag-asa ng maraming pamilya, subalit naiiba kayo. Panatag na panatag kayo. Natitiyak kong dahil ito sa Diyos na sinasamba ninyo.”
Ipinakita namin sa kaniya ang Disyembre 22, 1999, na isyu ng magasing Gumising!, na may seryeng itinampok sa pabalat na “Pagkidnap—Kung Bakit Isang Pangglobong Panganib,” na nirepaso namin. Binasa niya ito at humingi ng karagdagang mga kopya, anupat sinasabing gusto niyang makilala pa ang mga Saksi ni Jehova.
Sa wakas, pagkalipas ng 15 araw na negosasyon, pinakawalan nila ang aking nanay. Nasa mabuting kalagayan naman siya, bagaman ikinulong siyang mag-isa sa maliit na silid habang nakatanikala ang paa. Gayunman, magalang siyang pinakitunguhan at binigyan ng gamot na karaniwang iniinom niya para sa diyabetis at alta-presyon.
Inilarawan ni Inay kung paano siya matagumpay na nakapagtiis. “Sa umpisa,” ang pag-amin niya, “takot na takot ako; pero nanalangin ako kay Jehova, at hindi niya hinayaang mawalan ako ng pag-asa. Hinding-hindi ko nadamang nag-iisa ako sa maliit na silid na iyon. Nakita ko kung gaano katotoo si Jehova sa akin; hindi niya ako kailanman pinabayaan. Hiniling ko na tulungan niya akong ipamalas ang mga bunga ng espiritu—higit sa lahat, ang pagkamatiisin.
“Sa tulong ng Diyos, hindi ako kailanman umiyak o nataranta. Ginugol ko ang mga araw sa pag-alaala sa lahat ng teksto sa Bibliya na alam ko, at sa malakas na pag-awit ng ating mga awiting pang-Kaharian. Kung minsan, iniisip kong nasa Kristiyanong mga pulong ako, at ginuguniguni kong nagkokomento ako. Inilarawan ko rin sa isip ko ang pangangaral sa mga tao at pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya. Buhos na buhos ang isip ko sa mga bagay na ito anupat mabilis na lumipas ang oras.
“Nagkaroon pa nga ako ng pagkakataong makapagpatotoo sa mga kidnaper hinggil sa aking pananampalataya. Tuwing dadalhan ako ng pagkain ng isa sa kanila, pinangangaralan ko siya, kahit na nakapiring ako. Halimbawa, minsan ay sinabihan ko ang kidnaper na inihula sa Bibliya ang mahihirap na panahong kinabubuhayan natin at na nauunawaan kong mahigpit ang pangangailangan nila sa pera. Sinabi kong ang Diyos na Jehova ay may ganap na kapangyarihan subalit hindi niya ito kailanman inaabuso. Pagkatapos ay hiniling ko sa kanila na huwag nilang gamitin ang kanilang kapangyarihan upang saktan ako kundi sa halip ay pakitunguhan ako sa makataong paraan.
“Nakinig sa akin ang kidnaper at sinabihan akong huwag mag-alala at hindi nila ako sasaktan. Nagpapasalamat ako kay Jehova sa pagtulong sa akin sa gayong mahihirap na sandali, at mas determinado ako ngayon na magpatuloy sa paglilingkod sa kaniya bilang regular pioneer [buong-panahong ebanghelisador] hangga’t makakaya ko.”
Walang alinlangan, si Inay at kaming lahat ay lalong napalapít kay Jehova dahil sa pagsubok na ito. Hindi namin maapuhap ang tamang mga salita upang ipahayag ang aming pasasalamat na nakauwi na si Inay. Naaaliw kaming malaman na sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, hindi na iiral ang mga krimeng ito. Samantala, mapatutunayan ko at ng aking pamilya ang katotohanan ng mga salita ng salmista sa Bibliya: “Marami ang mga kapahamakan ng matuwid, ngunit mula sa lahat ng mga iyon ay inililigtas siya ni Jehova.”—Awit 34:19.