Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 11/8 p. 14-17
  • Ang Tulay ng Higante

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Tulay ng Higante
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Tulay Para sa mga Higante!
  • Iba Pang Pagkalalaking Namuong mga Bato
  • Ang Kabilang Dulo ng Tulay
  • Paano Nabuo ang mga Ito?
  • ‘Ano ang Maipagmamalaki ng Arkitekto?’
  • Kapag Nagbalik ang Isang Isla
    Gumising!—1992
  • Ang Minamahal na Higanteng Tsubibo ng Vienna
    Gumising!—2001
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2005
  • Mitilene
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 11/8 p. 14-17

Ang Tulay ng Higante

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA IRELAND

AYON sa isang alamat sa Ireland, gustong makipaglaban ng higanteng taga-Ireland na nagngangalang Finn MacCool sa isa pang higanteng taga-Scotland na nagngangalang Benandonner. Pero may problema. Walang gayon kalaking bangka na makapaglululan sa sinuman sa kanila patawid sa kabilang ibayo ng dagat! Ayon sa alamat, nilutas ni Finn MacCool ang problemang ito sa pamamagitan ng pagtatayo ng tulay gamit ang pagkalalaking batong haligi.

Tinanggap ni Benandonner ang hamon na makipaglaban at tinawid niya ang tulay patungong Ireland. Mas malaki at mas malakas siya kaysa kay Finn MacCool. Nang makita ito ng maybahay ni Finn MacCool, may-katusuhan niyang binihisan ang kaniyang asawang higante ng damit na pansanggol. Nang dumating si Benandonner sa bahay ni Finn MacCool at makita ang “sanggol,” natakot siya, anupat inisip na kung ito ang sanggol, ayaw na niyang makipagharap pa sa ama nito! Tumakas siya pabalik sa Scotland! Upang masigurong hindi makasusunod si Finn MacCool, sinira niya ang kalsadang nadaraanan niya habang tumatakbo. Ang natitira na lamang ngayon sa Ireland ay ang mga batong bumubuo sa Giant’s Causeway (Tulay ng Higante).

Sa nakalipas na mahigit tatlong daang taon, milyun-milyong namamasyal dito ang kinukuwentuhan ng nakakatawang alamat na ito kapag ipinaliliwanag kung paano nabuo ang Giant’s Causeway. Ano ba ang tumpak na paliwanag, at bakit gayon na lamang kaespesyal ang atraksiyong ito? Ipinasiya naming pasyalan ito mismo.

Tulay Para sa mga Higante!

Masusumpungan ang Giant’s Causeway sa hilagang baybayin ng Ireland mga 100 kilometro sa hilagang-kanluran ng Belfast. Pagdating namin doon, naglakad at naglibot-libot kami sa baybayin na malapit lamang sa tanggapan ng mga panauhin. Tumambad sa amin ang kagila-gilalas na tanawin​—libu-libong malalaking batong haligi na umaabot nang hanggang anim na metro ang taas. Tinataya ng ilan na mga 40,000 ang bilang ng mga ito. Pero hindi ang dami ng mga haliging ito ang nakatawag ng aming pansin. Ang napansin namin ay ang halos iisang sukat at disenyo ng mga ito. Bawat isa nito ay 38 hanggang 51 sentimetro ang lapad, waring patag ang pinakaibabaw, at ang lahat ay tila may anim na gilid. Lubhang magkakatulad ang hitsura ng mga ito anupat kung titingnan buhat sa itaas, ang pinakaibabaw nito ay magkakalapat na parang bahay-pukyutan. Nang maglaon, nalaman namin na humigit-kumulang sangkapat ng kabuuang bilang ng mga haligi ay may limang gilid at ang ilan din naman ay may apat, pito, walo, o siyam na gilid pa nga.

May tatlong seksiyon ang Giant’s Causeway. Ang pinakamalaking seksiyon, ang Grand Causeway, ay nagsisimula sa baybayin sa paanan ng mga dalisdis. Ang bahaging malapit sa dalisdis ay mukhang di-pantay-pantay na mga tuntungang-bato, na ang ilan ay umaabot ng anim na metro ang taas. Ang bahaging malapit sa dagat ay mukha talagang daanan ng mga higante dahil ang pinakaibabaw ng mga haligi na kahawig ng bahay-pukyutan ay halos magkakapantay na. Ang tulay, na 20 hanggang 30 metro ang lapad, ay mistulang lansangan na nalalatagan ng malalapad na bato. Nang kumati ang tubig, nakapaglakad-lakad kami nang ilang daang metro sa batong lansangang ito, na waring patungo sa Scotland, hanggang sa bahaging natatabunan na ng mga alon.

Ang dalawa pang seksiyon, ang Middle Causeway at ang Little Causeway, ay katabi ng Grand Causeway. Ang dalawang ito ay mas mukhang bunton ng mga bato sa halip na lansangan. Patag ang ibabaw ng mga batong ito, kaya ang sinumang namamasyal na malakas ang loob ay madaling makasasampa mula sa isang bunton patungo sa kabila. Kailangang pakaingat ang isa sa pagsampa, sapagkat napansin namin na basâ at napakadulas ng mga haliging malapit sa tubig!

Iba Pang Pagkalalaking Namuong mga Bato

Nagpatuloy kami sa paglalakad sa kahabaan ng humigit-kumulang 6.5-kilometrong baybayin na kilala bilang Causeway Headlands, at natanaw namin ang libu-libo pang haligi na makikita sa gilid ng dalisdis. Sa paglipas ng maraming taon, pinanganlan ng mga tao ang ilan sa namuong mga bato. Dalawa sa mga ito ay isinunod sa pangalan ng mga instrumentong pangmusika. Ang isa sa mga ito, ang Organ, ay binigyan ng gayong pangalan dahil nahahawig sa mga pipa ng pagkalaki-laking organo ang mahahabang haligi nito na may pare-parehong hugis. Ang isa pa, ang Giant’s Harp (Alpa ng Higante), ay may napakalalaking pakurbang mga haligi na umaabot sa dalampasigan.

Ang salitang higante ay idinugtong sa iba pang pangalan ng malalaking namuong bato. Halimbawa, nariyan ang Giant’s Loom (Habihan ng Higante), Giant’s Coffin (Kabaong ng Higante), at Giant’s Cannons (Mga Kanyon ng Higante), gayundin ang Giant’s Eyes (Mga Mata ng Higante). Mayroon pa ngang tinatawag na Giant’s Boot (Bota ng Higante)! Sa gawi pa roon ng baybayin malayo sa Giant’s Causeway, nakita namin ang batong hugis-bota. Mga dalawang metro ang taas nito. Tinataya ng ilang tagaroon na ang maalamat na higanteng nagsuot diumano ng bota na iyon ay di-kukulangin sa 16 na metro ang taas.

Isa pang hanay ng namuong mga bato, ang Chimney Tops (Mga Tuktok ng Tsiminea), ang nagpapaalaala sa kaugnayan ng kilalang Armada ng mga Kastila at ng Giant’s Causeway. Ang Chimney Tops, na napahiwalay sa pangunahing dalisdis dahil sa erosyon at iba’t ibang lagay ng panahon, ay binubuo ng ilang patayong haligi na nakaungos mula sa dagat at abot-tanaw sa baybayin ng Causeway. Hindi kataka-taka na napagkakamalan ito ng mga magdaragat sa laot bilang mga tuktok ng tsiminea ng malaking kastilyo. Nang natatalo na ang Armada ng mga Kastila noong 1588, umurong mula sa labanan ang isang barkong pandigma nito, ang Girona, at lumilitaw na pinaputukan nito ang mga haligi, palibhasa’y napagkamalan itong kastilyo ng mga kaaway.

Ang Kabilang Dulo ng Tulay

Ang Giant’s Causeway ay ipinapalagay na itinayo upang pagdugtungin ang Ireland at Scotland. Kung gayon, nasaan ang kabilang dulo nito? Nasumpungan ang nahahawig na mga haliging basalto sa Staffa Island, isang napakaliit na isla na walang nakatira at malapit sa kanluraning baybayin ng Scotland, na 130 kilometro mula sa hilagang-silangan ng Ireland. (Ang pangalang Staffa ay nangangahulugang “Haliging Isla.”) Si Benandonner, ang higanteng taga-Scotland na tumakas kay Finn MacCool, ay pinanganlan ding Fingal, at ang pangunahing atraksiyon sa Staffa Island​—ang malaking kuweba sa dagat na nabuo sa loob ng mga basaltong haligi na ito at may habang mga 80 metro​—ay tinawag na Fingal’s Cave (Kuweba ni Fingal), na isinunod sa kaniyang pangalan. Ang mga hampas ng alon sa kuwebang ito ang nagbigay ng inspirasyon sa Alemang kompositor na si Felix Mendelssohn upang kathain ang piyesa sa musika na “Hebrides,” na tinatawag ding “Fingal’s Cave,” noong 1832.

Paano Nabuo ang mga Ito?

Yamang hindi gawa ng nagtutunggaling mga higante ang magkakahugis na haliging ito, paano nabuo ang mga ito? Nabatid namin na nakasalalay ang sagot sa pag-unawa kung paano nabubuo ang ilang uri ng bato.

Siksik sa batong-apog ang kailaliman ng lupa sa Hilagang Ireland. Matagal nang panahon ang nakalilipas, dahil sa aktibidad ng bulkan sa kailaliman ng lupa, ang lusaw na mga bato, na mahigit 1,000 digri Celsius, ay naitulak paitaas sa mga bitak ng mga batong-apog patungo sa ibabaw ng lupa. Lumamig at tumigas ito nang mahantad sa hangin. Subalit bakit hindi ito basta na lamang tumigas at naging pagkalaki-laking kimpal na hindi pare-pareho ang hugis?

Yamang maraming kemikal na elemento ang lusaw na mga bato, o magma, maaari itong maging iba’t ibang uri ng bato. Ang uri ng batong napakabilis na namuo sa Giant’s Causeway ay basalto. Lumiliit ang magma na ito habang unti-unting lumalamig, at dahil sa kemikal na komposisyon nito, nagkaroon ng eksagonal na mga bitak ang ibabaw nito. Habang patuloy na lumalamig ang magma, unti-unti itong nabibitak pababa, at bilang resulta ay lumitaw ang pagkarami-raming hugis-lapis na haliging basalto.

‘Ano ang Maipagmamalaki ng Arkitekto?’

Hindi lamang sa Ireland o Scotland makakakita ng ganitong mga haligi. Gayunman, sa maraming ibang bahagi ng daigdig, hindi gayon kadaling puntahan ang mga gaya nito. Bihirang makasumpong ng napakaraming eksagonal na haligi na buo pa at nasa lugar na madaling pasyalan ng mga tao.

Sa pagtatapos ng ika-18 siglo, nabighani nang husto si Sir Joseph Banks sa pambihirang kagandahan ng mangilan-ngilang haligi na natuklasan niya sa Staffa Island anupat sinabi niya: “Walang sinabi rito ang mga katedral o palasyong itinayo ng tao! . . . Ano ngayon ang maipagmamalaki ng mga arkitekto?”

Napahanga rin kami nang pasyalan namin ang Giant’s Causeway, isa sa kamangha-manghang mga gawa sa kalikasan na masusumpungan sa Ireland. Naglakad-lakad kami sa paligid ng likas na arkitekturang ito at nagbulay-bulay hinggil sa kapangyarihan at malikhaing kakayahan ng Dakilang Maylalang at Arkitekto, ang Diyos na Jehova.

[Larawan sa pahina 15]

Isang Likas na Penomeno​—Eksagonal ang marami sa mga batong haligi

[Credit Line]

Courtesy NITB

[Larawan sa pahina 16, 17]

Anim na kilometro ang lawak ng basaltong mga haligi sa baybayin

[Larawan sa pahina 17]

Ang Giant’s Boot, na mga dalawang metro ang taas

[Larawan sa pahina 17]

Nahahawig sa mga pipa ng pagkalaki-laking organo ang mga haliging ito na 12 metro ang taas

[Picture Credit Lines sa pahina 16]

Pinakaitaas sa kaliwa: Courtesy NITB; ilalim: © Peter Adams/Index Stock Imagery

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share